Chapter 23 - Chapter 17

PAKANTA-KANTA pa si Aurora habang nagpapakulo ng tubig sa de-gatong na pugon at namimili ng hilaw na saging na saba para ilaga. Iyon ang paborito niyang pagkain at paborito niyang iluto. Iyon ang miryenda nila ni Alvaro mamaya. Kaya naman gagawin niya ang lahat para gawin espesyal iyon.

"Ate Rora! Ate Rora!" tawag sa kanya ng pinsang si Kenzo.

"Nandito ako sa kusina sa labas," sagot naman niya.

Hangos itong pumunta sa kusina. "Ano ang miryenda mo?"

"Nilagang hilaw na saba."

Dismayadong sinipat-sipat ng binata ang mga sabang napili niya. "Ito lang ang iluluto mo?"

"Alam mo naman na iyan ang specialty ko. Lalagyan ko na lang ng gatas na kondensada. Sigurado ako na magugustuhan ito ni Alvaro dahil kakaiba ito at walang ganito sa Maynila," masigla niyang sabi at bumuga sa tubo para lalo lang magdingas ang apoy.

"Kung ikaw lang mag-isa, siguro ayos lang, Ate. Kaso madami ka nang kalaban kay Kuya Alvaro."

Nilingon iya ito. "Anong ibig mong sabihin?"

"Nagkanya-kanyang dala ng miryenda ang mga kababaihan sa bahay. Akala ko nga may cooking contest dahil talagang pinagbuti nila ang pagluluto. Lahat ng specialty nila dala nila sa bahay at inalay kay Kuya Alvaro."

Hangos siyang tumakbo sa pinto ng bahay at nakita niya ang mga kababaihan na nasa balkonahe ng bahay ng pinsan niya at kausap si Alvaro. Hindi na niya kailangan pang alamin kung anu-ano ang dalang pagkain ng mga ito para sa binata. Alam niya kung ano ang kalibre ng mga kababaihan sa baranggay nila. Malamang ay iniluto ng mga ito ang pambatong pagkain na inilalaban kapag may cooking contest sa pistahan sa kanila. At siya ang laging kulelat sa paligsahan. Kaya nga hanggang nilagang saging na saba lang siya.

Muli niyang naramdaman ang paulit-ulit na kahihiyan lalo na kapag napapagalitan siya ng ama tuwing natatalo siya sa paligsahan. Kailangan daw na magaling magluto ang isang babae para maging magaling na asawa. Kung ama nga niya ay di masaya sa luto niya, lalo naman si Alvaro.

Tumalikod siya nang ang numero uno sa paligsahan nang isang taon ay sinusubuan si Alvaro ng bukayo na may langka. Ayaw na niyang makita kung paanong masarapan ang binata sa luto ng ibang babae. "Sige. Hindi na lang ako magluluto ng miryenda," lulugo-lugo niyang usal. Parang hinigop na ang lakas at pagkasabik na nararamdaman niya kanina.

"Ate, pasensiya talaga. Gusto ko lang namang sabihin na baka may maisip ka pang ibang iluluto para ilaban."

Malungkot niyang tiningnan si Kenzo. "Alam mo naman na palaga-laga lang ang alam ko. Hindi naman ako magaling magluto. Wala akong panama sa mga iyan."

"Pero..."

"Iwan mo na lang ako," malungkot niyang usal. Lalo lang siyang nawalan ng kompiyansa sa sarili dahil sa nangyari.

Mabigat ang dibdib na humiga sa kahoy na upuan sa sala nila si Aurora nang makaalis ang pinsan. Pinilit niya ang sarili na matulog na lang. Nagsisimula na rin niyang makaramdam ng gutom dahil oras na ng miryenda. Itutulog na lang niya ito. Baka sakaling paggising niya ay wala na ang mga babaeng bisita ni Alvaro. Hindi na siguro nito maaalala pa ang usapan nila sa dami ng kababaihang kumukuha ng atensiyon nito.

Sa kasamaang-palad ay di naman siya makatulog. Narirnig pa rin niya ang halakhakan at ingay sa labas. Parang pinupukpok ang puso niya. Bakit ba siya nagkakaganito? Hindi naman niya kailangang maramdaman ito. Ano ba si ALvaro sa buhay niya? Wala.

Ipinaramdam niya na espesyal ka kanina sa talampas. Pakiramdam mo gusto ka niyang halikan kanina. Akala mo tuloy gusto ka rin niya.

Akala lang niya iyon. Walang ibang ibig sabihin. Hindi naman niya pag-aari si Alvaro. Magiging ayos din siya paggising niya. Magiging ayos din siya.

Habang nag-aagaw ang antok niya ay nakarinig siya ng katok. "Aurora! Aurora, nandiyan ka ba? Aurora!"

Pumitlag ang puso niya at bigla siyang dumilat. Si Alvaro. Nandito si Alvaro at tinatawag siya. Muntik na siyang bumangon para pagbuksan ito ng pinto pero pinigilan niya ang sarili. Ano pang kailangan niya sa akin? Ngayon pa niya ako naalala. Doon na lang siya sa mga babae niya. Matutulog na lang ako.

O magpapanggap na tulog dahil di naman siya makatulog.

"Aurora! Aurora!" tawag muli nito sa kanya.

Kinuyom niya ang palad habang nakapikit siya ng mariin. Huwag kang bibigay. Hayaan mo siyang magtawag diyan. Maging malakas ka, Aurora. Huwag kang didilat. Huwag kang babangon. Kunyari wala kang pakialam. Na nakalimutan mo ang usapan ninyo kaya natulog ka na lang. Hindi siya ganoon kahalaga.

Tumigil si Alvaro sa pagkatok at pagtawag. Pigil niya ang hininga habang hinihintay ang susunod na pagtawag nito sa kanya. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Alam niyang sa susunod na tawagin nito ang pangalan niya ay mahihirapan na siyang labanan ang tukso. Babangon siya doon at bubuksan ang pinto. Kung aalis na lang ito, mas makakabuti iyon para sa kanya.

Subalit di na ito tumawag o kumatok. Narinig na lang ni Aurora ang papalayong yabag ng binata. Aalis na si Alvaro. Hindi maari ito.

Bumalikwas ng bangon ang dalaga at tinakbo ang pinto. Binuksan niya iyon at wala siyang pakialam kung gulo-gulo pa ang buhok niya. "Alvaro!" tawag niya sa papalayong binata. "Hinahanap mo ba ako?"