Matamis na ngumiti si Aurora. "Hindi na ako galit."
Paano naman siya magagalit kung nagpapakahirap ito para sa kanya habang nakaladlad sa harap niya ang magandang katawan nito? Mahirap din makaramdam ng kahit anong negatibo basta nariyan si Alvaro. Nakakaganda ito ng araw.
"Kinikilig na iyan," tukso ni Kenzo.
Pasimple niyang tinampal ang braso ng pinsan. "Pasalamat ka masaya ako ngayon kundi gulpi ka sa akin," banta niya habang nakangiti kay Alvaro.
"Aba! Madami yata ang saging na iyan. Bakit dito idinala?" tanong ng ama niyang si Manoy Gener nang ipasok ang isang buwig na saging sa bahay nila Aurora.
"Nagpapaluto po si Kuya Alvaro kay Ate Aurora," sabi agad ni Kenzo.
"Ano naman ang alam ni Aurora sa pagluluto? Maglaga lang ng saging ang alam niya," anang si Manoy Gener at bahagyang natawa habang ibinababa ni Alvaro ang saging sa kusina.
"Iyon nga po ang gusto ko. Masarap po kasi ang nilagang saging niya," nakangiting sabi ni Alvaro at pinunasan ang pawis sa dibdib katawan nito.
"Kahit naman sino kayang gawin iyon. Kahit pa ikaw," tatawa-tawang sabi ni Manoy Gener. "Kung gusto mo ipatawag natin si Soling para ipaggawa ka nilupak na saging."
Nawala ang saya sa dibdib ni Aurora sa suhestiyon ng amang si Gener. Kaligayahan na niya na ipagluto si Alvaro. Kung magpapaluto pa ang binata sa iba, paano na siya? Parang nawalan na naman siya ng silbi. Ang masakit lanag kasi ay mismong ama pa niya ang napapamukha kay Alvaro na di masarap ang luto niya.
"S-Salamat po. Pero gusto ko po talaga ang luto ni Aurora kahit araw-araw pa akong kumain ng nilagang hilaw na saba," nakangiti namang sagot ni Alvaro.
Pareho silang natigagal ng ama dito. Hindi niya iyon inaasahan. Iba na gusto nito ang luto niya pero iba na pangatawanan nito sa tatay niya na iyon ang paborito nito at tanggihan ang ibang mas masarap na luto
"Nagmamagandang-loob lang naman ako dahil maraming masasarap na lutuin dito sa isla namin. Magsabi ka lang para may matikman kang iba," anang ama niya at iwinaksi ang kamay. "Ikaw ang bahala. Ikaw naman ang kakain."
"Maraming salamat sa iyo," anang si Aurora kay Alvaro nang ihatid ito sa labas ng bahay. Medyo mabigat pa ang dibdib niya dahil sa sinabi ng ama pero pinilit niyang maging masaya sa harap ni Alvaro.
"Wala iyon. Saging lang naman iyon."
"Hindi. Hindi naman tungkol sa saging." Huminga siya ng malalim habang pinigilan na mapaiyak. "Kasi pinahahalagahan mo ang luto ko. W-Wala kasing may gusto ng luto ko dito. Dahil sa iyo, parang magaling na akong chef."
Sinapo ni Alvaro ang isang pisngi niya. "Pinaghirapan mo iyon. Dapat lang naman na pahalagahan ko. And I enjoyed eating it. Paborito ko na talaga ang nilagang hilaw na saba na may kondensada. O kung may iba ka pang alam iluto diyan, gusto ko rin matikman."
"Salamat." May sasabihin pa sana siya nang mapatitig siya sa labi nito. Pwede kaya niya itong halikan bilang pasasalamat? Mabilis na halik lang naman sa labi. Walang malisya. Normal lang naman ang paghalik sa labi sa siyudad ayon sa kaibigan niyang si Crisanta. Wala naman sigurong masama. "Alvaro..."
Tumingkayad siya at akmang ilalapit ang mukha sa mukha nito nang biglang may nalaglag na mga dahon at mga alikabok sa ulunan nila.
Dali-dali siyang tinakluban ni Alvaro para hindi siya tamaan. "Ano ba iyon?" inuubo niyang tanong.
Pinagpag ni Alvaro ang dumi sa ulo niya. "Dahan-dahan naman. May tao dito," angil ng binata.
"Pasensiya na. Di ko alam na may tao pala diyan," anang si Omar na nakangisi sa bubong habang may hawak na walis tingting. Akala mo ay hindi ito nakaperhuwisyo. Pakiramdam niya ay sinadya nito iyon.
"Omar, anong ginagawa mo diyan?" bulalas ng dalaga.
"Nagprisinta siya na maglinis ng bubong natin para daw di ka na mahirapan. Saka para din payagan kita na dumalo sa pulong ng dulaan ninyo mamaya," sabi ni Manoy Gener.
Nilingon ng dalaga ang ama at namutla nang makita ito na nakatayo sa pinto ng bahay. "Amay..."
Bakit di niya naramdaman na nandoon lang ito? Nagpasalamat na lang talaga siya dahil hindi niya hinalikan si Alvaro kung hindi ay mapapalo siya ng tungkod ng tatay niya.
"Mabait talaga ang batang si Omar. Mabuti pa maglinis na kayo ng katawan. Baka madumihan pa ang sugat mo," anang si Manoy Gener sa kay Alvaro.
Mabigat ang katawan ni Aurora na sumunod sa ama. Mistulang kontrabida ito at si Omar sa pelikula. Panira ng maliligayang sandali.
Matapos maligo ay lumabas ulit siya ng bahay. Kausap ng ama niya ang tiyahin niya at pati na rin si Alvaro na mukhang nakaligo na at mabangong tingnan. "Amay, babalik lang po ako sa bukal. Iniwan ko ang iniigiban ko doon."
"Isama mo si Omar," suhestiyon ng ama.
"Hindi na po. Naglilinis na ng bubong 'yung tao. Kaya ko naman po ang mag-igib."
"Ako na po ang sasama kay Aurora," prisinta ni Alvaro.
"Magbubuhat ka na naman. Nagbuhat ka na nga ng saging kanina," sabi niya dito. Kahit na kinikilig siya na gusto siya nitong samahan, ayaw naman niya itong mapagod. Mas mahalaga pa rin ang kalusugan nito.
"Sanay naman akong magbuhat."
"Kargador ka rin ba? Kasama sa maraming trabaho mo?" tanong niya sa binata nag naglalakad na sila patungo sa bukal.
"Hindi. Sa gym."
"Sa gym ka nagbubuhat? Ah! Tagaturo ka sa gym. May nobyong ganyan ang kaibigan kong si Crisanta. Gym instructor daw ang tawag doon," sabi ni Aurora. Ipinagmalaki kasi ng kaibigan niyang si Crisanta ang muscles ng nobyo nito.
Nagkibit-balikat ito. "Parang ganoon na nga."
"Kaya pala maganda ang katawan mo," bulong niya.