Tumigil siya sa pagsisibak at uminom ng tubig. "Nanliligaw ba sa Ate Aurora mo ang Omar na iyon?" tanong niya kay Kenzo.
"Mukhang nanliligaw na. Ewan ko nga. Dati naman di niya pinapansin si Ate Aurora. Palibhasa boto sa kanya si Tiyo Gener kaya siguro iniisip niya di niya kailangang paghirapan si Ate Rora. Baka dahil may matindi na siyang karibal ngayon."
"Ibig sabihin kung uutusan si Aurora ng tatay niya, pakakasalan niya ang kahit na sinong gusto nito?" bulalas ng binata.
"Sa palagay ko. Uso naman iyon dito sa isla."
"B-But that is archaic. Moderno na ang panahon ngayon. Hindi na uso na ang mga anak ay pinipilit na ipakasal ng mga magulang sa di nila gusto."
Ngumisi si Kenzo. "Nakita mo naman itong isla namin napag-iwanan na ng panahon. Saka si Tiyo Gener naman, wala sa itsura ang sumunod sa uso. Masunurin naman si Ate Rora na anak. Wala siyang hindi gagawin para sa tatay niya. Kahit na masungit si Tiyo, mahal na mahal niya si Ate. Paano silang dalawa na lang sa mundo. Iniwan sila ni Tiya Mercy para pumunta sa siyudad at nag-asawa na ng iba noong sampung taon pa lang si Ate."
Ngayon ay naunawaan na niya kung bakit di makaalis si Aurora sa isla na iyon. Di lang dahil ayaw ng ama nito kundi ayaw din nitong iwan ang ama gaya sa pang-iiwan ng ina nito. Matinding ang pagkakakapit ng ugat nito sa isla.
"Ibig sabihin wala nang pag-asa ang ibang lalaki sa ate mo?" tanong ni Ethan at bumuntong-hininga.
Tinapik ng binatilyo ang balikat niya. "Kung ikaw, tiyak na may pag-asa. Sa palagay ko mas gusto ka niya kaysa kay Omar."
"Talaga?" tanong niya at gulat itong nilingon.
Yes! Ngayon lang siya natuwang marinig na may gusto sa kanya ang isang babae o may pag-asa siya. It was depressing and frustrating at first. Ngayon lang niya naranasan na di inaalay sa kanya ang mga bagay na gusto niya. Pakiramdam kasi niya ay tutol ang lahat sa kanila ni Aurora mula sa tatay nito na parang laging galit sa kanya hanggang sa kay Omar na alam naman niyang gusto ng ama ni Aurora.
Salamat kay Kenzo dahil nakatanaw siya ng pag-asa.
"Oo naman. Di mo siguro napapansin at baka di rin napapansin ni Ate Rora pero sa iyo lang siya totoong ngumingiti kapag nakikita at kausap ka niya."
"Lagi naman siyang nakangiti," sabi niya.
"Hindi naman umaabot sa mata ang ngiti niya sa mata kapag iba ang kaharap. Basta kumikislap ang mata niya pagdating sa iyo." Inakbayan siya ni Kenzo. "Kung gusto mo ituro ko pa sa iyo kung paano mo mauungusan 'yang si Omar."
"Bakit ginagawa mo ito?" nakakunot ang noong tanong ni Ethan.
Noong nakaraan lang ay alam niyang inis sa kanya si Kenzo at ang iba pang mga lalaki sa isla dahil nakukuha niya ang atensyon ng mga kababaihan doon. Sa pagkakataong ito, si Omar dapat ang kinakampihan nito dahil ito ang kilala nito, hindi ba?
"Dahil napapasaya mo ang pinsan ko. Saka tinulungan mo pa ako sa love letter ko kay Margaret. Kilig na kilig siya. Parang gusto na nga niya akong halikan."
"Walang anuman." Dahil sa love letter at mga pick up lines na itinuro niya dito ay nawala na ang pader sa pagitan nila ni Kenzo. Nabawi kasi nito ang atensiyon ng babaeng nililigawan nito. Pati ang ibang kalalakihan sa isla ay sinisimulan na rin siyang kaibiganin. "Ano nga palang kailangan kong gawin para maging okay ako Aurora?"
"Manguha ka ng pang-tion ka."
"Pang-ti-on?" tanong niya.
"Oo. Mga kabibe iyon na nakadikit sa batuhan at makikita mo kapag mababa ang tubig sa dagat. Parang tulya o tahong pero iisang shell lang. Iyon ang paborito ni Manoy Gener," sabi nito at inilahad ang palad sa dagat.
"Paborito pala niya at hindi ni Aurora. Paano naman makakatulong iyon?"
"Ang hina mo naman. Siyempre gusto ka na ni Ate Rora. E di ang ligawan mo naman 'yung tatay niya para magkaroon ka ng pag-asa. Kung gusto mo, manguha ka mamaya ng pang-ti-on at ialay mo kay Ate. Kung sinuswerte ka makakasabay mo pa si Ate Rora. Romantic iyon."
Ngumisi siya. "Kaya kong gawin iyon. Maraming salamat."
Ayos pala. Nakakakuha siya ng tip sa panliligaw sa batang probinsiyanong ito. Sanay siyang siya ang nililigawan ng mga babae. Kahit ang mga naging nobya niya noon ay siya ang hinabol ng mga ito. Wala naman kasi siyang oras na manligaw dahil bukod sa marami siyang trabaho ay nakasubaybay lagi ang mata ng publiko sa kanya.
Ngayon lang niya naranasan na manligaw. Sa babae na may istriktong tatay na ayaw sa kanya. Akala niya ay joke lang ang mga nababasa niyang tips sa panliligaw. Totoo pala iyon at pwede niyang mapakinabangan. Magdidikit lang siguro siya kay Kenzo at pwede siya nitong matulungan na lalong mapalapit kay Aurora. Basta ang misyon niya ngayon ay lumambot ang puso sa kanya ni Manoy Gener.
Siniko siya ni Kenzo. "Basta huwag mong kalilimutan ang mga pick up lines na sinasabi mo ha? Mukhang mabenta iyon sa mga kadalagahan."
"Walang problema. Ako ang bahala sa iyo. Madami pa akong baon na pick up lines at hugot lines."
"Saan mo nga pala napulot ang mga pick up at hugot lines na iyon?"
Ngumisi siya. "Sa mga dialogue sa pelikula ni Ethan Ravales."