Dali-dali niyang pinunasan ang luha. Magpapakita ba siya dito? Ayaw niyang makita siya nito na malungkot at umiiyak dahil dito. Luminga siya sa paligid. Wala naman siyang ibang mapagkukublihan dahil walang puno sa paligid. Kitang-kita siya.
Nanatili na lang siya sa kinauupuan hanggang makaakyat ang binata sa talampas at nilapitan siya. "Aurora, sabi na nga ba't nandito ka lang. Nag-aalala kami sa iyo. Ayos ka lang ba?"
"Oo. Ayos lang ako," aniya at huminga ng malalim. "Hindi mo naman ako kailangang hanapin. Nagkakabisa lang ako ng script."
Umuklo ito sa harap niya. "Umiiyak ka?"
Inangat nito ang kamay para hawakan siya pero iniwas niya ang mukha. Hindi niya kakayanin na maramdaman ang haplos nito. Baka maiyak lang siya. Miserable na nga ang kalooban niya dahil dito. "Hindi na. Ayos na ako."
"Omar is a bit cruel to you. Di ka niya dapat ipinahiya nang gano'n sa harap ng maraming tao."
"Kasalanan ko rin naman dahil di ko kabisado ang script ko. Dapat alam ko na iyon. Dapat di na ako nagkakamali." Kasalanan ko dahil iniisip kita. Masyado akong nagpadala sa emosyon ko.
"Lahat naman ng tao nagkakamali. Kahit naman mga professional actors sa theater nagkakamali at nakakalimot ng dialogue. Alam nga nila kung paano lumusot. Omar shouldn't be so hard on you," pang-aayo nito sa kanya.
Pilit siyang ngumiti. "Sanay na ako sa kanya. Kapag nakabisa ko na ang script ko, ayos na kami. Hindi na siya magagalit." Iwinagayway niya ang script. "M-Mahaba lang talaga ang dialogue ko sa parteng iyon kaya nalito ako."
"Gusto mo bang tulungan kita?" alok nito.
Naramdaman ni Aurora na natutunaw ang puso niya. Heto na naman siya. Pakikitaan na naman niya ako ng maganda. Mabait na naman sa akin. Tapos iiwasan na naman niya ako at ibang babae ang papansinin. Hindi ba masokista lang ako kapag hinayaan ko siya na malapalit na naman sa akin ngayon?
Huminga nang malalim ang dalaga. "Hindi na. Bumalik ka na doon. Baka kailangan ka nila," pagtataboy niya.
"Natutulungan ko nga ang iba sa script nila tapos hindi man lang kita matutulungan. Ano bang klaseng kaibigan ako kung hindi kita matutulungan?" tanong nito at ngumiti.
Kaibigan? Bakit kontra na ang puso niya sa salitang iyon? Dahil di na sila makakabalik pa sa dati. Dapat ay di na siya nagpapaapekto pa kay Alvaro. Ano ngayon kung sinundan siya nito? Wala nang nagbago dahil iiwas ulit ito sa kanya.
"Sa bahay na lang siguro ako magkakabisa. Uuwi na ako."
Tumayo siya at iniwan doon ang binata. Siguro naman ay makukuha na nito ang mensahe na iniiwasan na niya ito. Huwag na sana akong sundan pa. Utang na loob.
"Mahal kita. At handa akong lumaban para sa pagmamahalan natin. Sabihin mo sa akin na mahal mo rin ako. Na di mo hahayaan na gapiin nila tayo."
Natigilan sa paglalakad si Aurora at hinarap ang binata. Kabisado nito ang linya ni Prinsipe Artus? Maganda ang pagkaka-deliver nito sa dialogue ni Omar. Parang mas makatotohanan pa itong bidang lalaki kaysa sa kapareha niya. Parang nagmumula talaga sa isang lalaking nagmamahal at handang ipaglaban ang pag-ibig nito sa babaeng mahal nito. Nakatingin ito sa kanya na parang maiiyak, puno ng dalamhati ang magagandang mata. Isang lalaki na di kayang mawalay sa babaeng mahal nito.
Ito si Artus ngayon. Isang makisig na Artus. Ang Artus na nagpapabilis ng tibok ng puso niya. Ang Artus na gusto siya.
Hinahamon siya ni Alvaro na sabihin ang linya niya. Hinahamon siya nito na sagutin ito - bilang si Joviana, ang babaeng nagmamahal kay Artus.
Naglakad siya pabalik dito. "Subalit anong uri ng pagmamahal ba ang kailangang makasakit at magsakripisyo ng buhay ng iba?"
"Good. Ipakita mo na nasasaktan ka pero kailangan mong maging matatag para sa alam mong tama." Hinawakan nito ang balikat niya. "Pull back your shoulders. You are a daughter of a governor-general. You should have the grace and poise of a princess." Hinawakan nito ang baba niya. "Chin up. Tingnan mo ako sa mga mata at sabihin mo na mahal mo ako."