Chapter 41 - Chapter 35

At pinatunayan naman ni Aurora na di lang niya basta kabisado ang linya niya kundi malaki ang iginaling niya sa pag-arte. Inspirado siya ngayon kaya walang hirap siya na pakawalan ang linya niya. Hindi na niya problema ang mga babaeng lumalapit sa binata.

Pasimple niyang sinusulyapan si Alvaro na nagpupukpok para sa gagamiting pansamantalang entablado kasama ang bang kalalakihan. Nahuhuli din niyang nakatingin ito sa kanya pero ibinabalik din agad niya ang atensiyon sa kay Omar na kaeksena niya. Mapapagalitan siya ni Alvaro kapag nagalit na naman si Omar sa kanya dahil lumilipad ang utak niya sa binata.

Ginagap ni Omar ang kamay ni Aurora at inilagay doon ang kutsilyong gawa sa kahoy. "Heto ang punyal. Itarak mo sa aking dibdib kung gusto mo talagang iwan ako. Aanhin ko pa ang buhay ko kung wala ka?"

Walang sinabi ang pag-arte nito sa pag-arte ni Alvaro pero wala naman siyang magagawa. Ito na ang pinakamagaling na arte na magagawa nito at hindi naman ito magpapaturo kay Alvaro. Kaya ang pag-arte na lang ng dalaga ang ginalingan niya.

Hinaplos niya ang pisngi nito. "Hindi ko kayang mawala ka. Pero anong gagawin natin? Hindi tayo maaring maging makasarili. Isa kang pinuno. Kailangan ka ng iyong nasasakupan. Ako na lang ang magsasakripisyo."

"Ang mahalaga ay tayong dalawa. Ayokong mawala ka sa akin."

Nataranta si Aurora nang dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Hindi pa pala nasasabi ni Alvaro kay Ma'am Mercy kung paano dadayain ang eksenang iyon para hindi siya tuluyang halikan ni Omar. Talaga bang hahalikan siya ni Omar? Hinihintay niyang sumigaw ng "cut" pero walang sinasabi ang direktor. Hindi ito maari. Ayaw niyang halikan siya ng iba. Si Alvaro lang ang may karapatan doon.

Anong gagawin niya? Itutulak ba niya sa mukha o sa dibdib si Omar para tumigil ito? O kaya ay tapakan na lang niya ang paa nito?

"Aray!" narinig niyang sigaw ni Alvaro.

"Diyos ko po! Nasaktan si Alvaro!" bulalas ni Inez.

"Napukpok siya ng martilyo!" sabi naman ni Bebang. "Alvaro koooo!"

"Si Alvaro," usal niya at itinulak palayo si Omar. Saka siya tumakbo sa direksyon ng binata na puno ng pag-aalala.

"Rora, sandali! Hindi pa tayo tapos," sigaw nina Omar at Ma'am Mercy.

Subalit hindi niya pinansin ang mga ito. Hinawi niya ang mga kababaihan na nakapaligid kay Alvaro na pinipilit na tingnan ang nasaktan sa binata.

"Ayos lang ako. I am okay," narinig niyang sabi ng binata.

"Alvaro, anong nangyari sa iyo? Saan masakit?" tanong ni Aurora at umuklo sa harap nito.

"Wala lang. Malayo sa bituka," anang binata na bakas ang sakit sa mnukha.

"Patingin." Hinawakan niya ang kamay nito at nakita niyang nagngingitim ang kuko ng hinlalaki nito. Parang namumuo ang dugo. "Hindi ka kasi nag-iingat."

"Ayoko lang na halikan ka ni Omar," bulong nito sa kanya. "Di ko siya kayang pukpukin ng martilyo, sarili ko naman ang napukpok ko."

Hinipan niya ang hinlalaki nito. "Hindi naman ako papayag na halikan niya ako."

"Aurora, malala ba ang pinsala sa kanya?" tanong ni Ma'am Mercy. May dala itong bag ng first aid kit.

"Hindi naman po, Ma'am," sagot niya at umiling.

"Kung hindi naman pala, hayaan mo na si Alvaro diyan. Kailangan pa natin mag-practice. May iba namang pwedeng gumamot sa kanya," anang si Omar na di maipinta ang mukha. "Akala mo naman naputulan na ng kamay kung maka-aray. Daig pa ang bata."

"Grabe ka namang magsalita, Omar. E sa nasaktan 'yung tao. Ikaw kaya ang pukpukin ko ng martilyo sa noo?" banta ni Bebang.

"Huwag mong pansinin si Omar na inggitero. Nandito kami para alagaan ka," malambing na wika ni Inez kay Alvaro. Gusto niyang tumutol. Gusto niyang siya ang mag-alaga sa binata. Ayaw niyang may ibang lumapit na babae dito.

"Magsilayo muna kayo kay Alvaro," sabi ni Marlon. "Marami pa tayong trabaho."

Tumango si Alvaro sa kanya. "Bumalik ka na sa pag-eensayo. Pero kailangan ko munang i-suggest kay Ma'am Mercy na..."

"Ako na ang magsasabi," putol agad niya sa sasabihin ng binata. "Basta tiyakin mo na daliri lang ang gagamutin sa iyo. Bawal humawak sa kung saan-saan ang ibang babae dahil baka kamay nila ang martilyuhin ko."

"Rawr! No need for that," anang binata. "I'm all yours."

Napilitan si Aurora na iwan si Alvaro. May tiwala naman siya sa binata. Sa mga babae lang na nakapaligid dito ang wala. Lumapit siya kay Ma'am Mercy. "Ma'am, tungkol nga pala sa eksena namin ni Omar, pwede bang tabingan na lang ng kumot at anino na lang ang makikita? Di naman namin kailangang halikan talaga ang isa't isa, di ba? May mga bata kasi na nanonood."

"O-Oo naman. Walang problema." Pinisil nito ang balikat. "Mas gumanda ang pag-arte mo ngayon. Mas ramdam ko ang emosyon. Ipagpatuloy mo iyan. Mukhang may malalim kang pinaghuhugutan."

"Turo po sa akin ni Alvaro."

Nakakaunawa itong tumango. "Ah! Kaya naman pala. May hugot kay Alvaro. Inspirado," anito at nilingon ang binata.

"Ma'am Mercy, hindi po si Alvaro ang inspirasyon ko."

"Oo na. Tinuruan ka lang niya. Kung anumang inspirasyon iyan, huwag mong bibitawan. Kailangan iyan ng isang magaling na artista."