Chapter 47 - Chapter 41

"HINDI ba pwedeng ibalik na lang ang eksena sa labanan ng espada? Kaartehan lang ang babaguhin na iyan," reklamo ni Omar kay Ethan habang sinisipa-sipa ang buhangin. Nagpunta sila sa bahagi ng dalampasigan na di matao. He suggested new stunts for the fight scene and the Grade A asshole was complaining because he couldn't get the stunt right. Dahil dito ay nagprisinta siyang turuan ito nang one-on-one.

"Isa sa pinakatampok na eksena sa dulang ito ang labanan sa espada nina Artus at ng pakakasalan ni Joviana na si Silvestre. Labanan nito para sa pag-ibig, para makuha niya ang babaeng mahal niya. Sa palagay mo ba ganoon lang kadaling nakukuha ang pag-ibig? Pinaghihirapan iyon," pagbibigay-diin ni Alvaro.

Kinailangan niya ng lahat ng galing niya sa pag-arte para huwag bangasan ang mukha ng lalaki sa harapan niya. Noong una ay ipinagtatanggol pa niya ito dahil hindi naman siya nanghuhusga sa mga miyembro ng LGBT community. Ang di lang niya matanggap ay malamang ginigipit ng lalaki si Aurora at gustong pagpanggapin na nobya nito. Hindi niya magawang makisimpatya sa sitwasyon nito.

"Bakit hindi na lang i-silhouette tulad ng kissing scene namin ni Rora?" tanong nito.

Pagak siyang tumawa. "Come on. Isang makisig na lalaki si Artus. Dapat ipakita iyon sa mga tao. Hindi dapat dinadaya ang magandang action scene."

Nanatiling maasim ang mukha nito. "Hindi ko alam kung bakit kailangan ka pa nilang sundin? Ano ka ba dito? May konti ka lang alam sa teatro at paghawak ng espada, akala mo kung sino ka na."

"Mas mabuti na ang may konting alam kaysa wala." This guy had no idea. Nag-training siya ng fencing at wu shu. Alam niya kung paano humawak ng espada. Nakagawa siya ng dalawang blockbuster Asian action-fantasy film kung saan magaling siyang swordsman. Sa lamya ng galaw ni Omar kanina, kaya niya itong pulbusin. "Ayusin na lang natin ang posture mo sa labanan kung gusto mong matapos na tayo agad. Ayaw mo namang magmukhang katawa-tawa sa play ninyo, di ba?"

"Ikaw lang naman ang gumagawa ng paraan para magmukha akong katawa-tawa pero ang totoo di ka naman ganoon kagaling. Aalis ka na nga lang bukas, gusto mo pa ring magmagaling."

"You talk too much, Omar. Simulan na natin ang pag-eensayo. Sinasayang mo ang oras," aniya at itinukod ang espada niya sa buhangin. "Ulitin mo ang stunt mo."

Inangat nito ang espadang kahoy. "Yaaaa!" sigaw nito at bigla na lang siyang sinugod kahit na hindi naman ang eksena. Nahigit ni Ethan ang hininga at dali-daling binuhat ang espada niya sa buhangin para ipansalag iyon sa atake. Ngumisi sa kanya si Omar. "Bakit hindi na lang tayo maglaban? Kapag natalo kita, di ka na babalik sa islang ito pag-alis mo."

"Anong sabi mo?" angil niya.

"At mapupunta din sa akin si Aurora."

Itinulak niya ang espada nito kaya napaurong ito. Muli itong sumugod sa kanya pero mabagal ito. Inalalayan lang niya ang pagsalag at pag-iwas. Gusto niyang maramdaman nito na wala itong kalaban-laban sa kanya. Parang nakikipaglaban lang ito sa hangin. Hindi din tama ang paghawak nito sa espada maging ang tindig nito. Papilantik niyang tinapik ang espada nito at tumilapon sa buhangin.

"Hindi ganyan lang kababa ang tingin ko kay Aurora. Siya ang magdedesisyon kung sino ang gusto niya. At hindi ikaw ang gusto niya," mariin niyan sabi.

Sumigaw ito at sinugod siya. Itinulak siya nito sa buhangin at kinubabawan. Susuntukin siya nito pero ihinarang niya ang braso niya sa mukha. Hindi iyon inaasahan ni Ethan. Sunud-sunod ang atake nito sa kanya. "Akin lang si Aurora. At bago ka pa umalis sa islang ito, papapangitin muna kita." saka ito nagpakawala ng halakhak.

Nagawa niyang makakita ng butas dito at isang upper cut ang pinakawalan niya. Nakita niya na nahilo ito kaya naman itinulak niya at ito na ang napahiga sa buhangin. Kinuha niya ang espada niyang nakalapag sa buhangin at ikinalang sa leeg nito. "Makinig kang mabuti. Hindi mo gagalawin si Aurora. Hindi siya magiging sa iyo kahit na kailan dahil hindi mo naman siya nirerespeto at lalong hindi mo siya mahal. Alam namin ni Aurora kung sino ang totoong mahal mo."

"Anong..."

A sinister smile curved his lips. "Ano kaya ang sasabihin ng mga tao kapag nakita nila kung paano mong ipagsigawan na si Bert ang mahal mo?"

Tinakasan ng kulay ang mukha nito habang nanginginig ang mga labi. "S-Sinundan mo ako. Humahanap ka ng kasiraan ko."

Naggiyagis ang ngipin niya. "Huwag mong ipasa sa akin ang kalokohan mo. Nagkataon lang na doon kami dumaan ni Aurora."

"A-Alam na ni Aurora... N-nakita niya lahat?" nanginginig nitong tanong at napalunok.

"Oo. Kaya hindi mo na siya maloloko kung anong klaseng tao ka talaga!"

Pumitlag si Omar na parang sinampal niya ito. Hindi madali ang pinagdadaanan nito. Maraming miyembro ng LGBT community ang takot na magpakatotoo dahil salot ang tingin ng iba dito. Alam naman niya na katakot-takot na diskriminasyon ang mararanasan nito kung malalaman ng lahat ang tunay nitong pagkatao. Hindi lang naman ang pagkatao nito ang isyu sa kanya. Ito ang lalaking nanggigipit kay Aurora para pagtakpan ang pagkatao nito. Iyon ang hindi niya matatanggap.

Nanlisik ang mga mata ni Omar pagkuwan. "Wala kang kayang patunayan. Wala kayong mapapatunayan. Hindi ninyo ako matatakot ni Aurora dahil wala kayong ebidensiya. Sa palagay ninyo, sino ang mas paniniwalaan ng mga tao - ang isang dayo at isang mahinang babae o ako na anak ng kapitan at tinitingala ng mga tao dito? Sige. Saktan mo ako at nang lalong hindi na kayo magkasama pa ni Aurora. Gawin mo!" At saka ito humalakhak nang malakas. Animo'y nanalo na ito kahit na hindi pa naman tapos ang laban.

Gustong-gusto na talaga niyang bigyan ito ng isang matinding sapak pero alam niya na di na iyon kailangan dahil may mas matindi siyang sandata dito. "Malas mo lang dahil may ebidensiya ako. Nasa cellphone ko ngayon ang video ninyo ni Bert kahapon."

"V-Video?" anang si Omar at unti-unting nawala ang saya sa mukha.

"Nakuhanan ko ang pag-uusap ninyo kahapon sa dawagan. Kung paano mo siniraan ang girlfiend ni Bert na si Lupita. Kung paanong siyang ang mahal mo at gagamitin mo lang si Aurora para mapaniwala ang tatay mo na totoo kang lalaki."

"Nasaan ang cellphone mo? Nasaan ang ebidensiya? Gusto kong makita."

"Sabihin natin na nasa ligtas na lugar iyon sa ngayon." Kung tutuusin ay halos boses lang ng mga ito ang nasagap ng video. Sa pagkatulala kasi ni Aurora ay nakatutok lang sa mga tanim na gabi at sa paanan nito ang cellphone niya dahil siguro nakuha nina Bert at Omar ang atensiyon nito. Subalit sapat na iyon para mapatunayan nila ang relasyon ng dalawa.

Nangilid ang luha nito, magkahalo ang galit at sakit sa mga mata nito habang pinagmamasdan siya. "Wala kang alam sa buhay ko. Wala kang alam kung gaano kahirap magtago ng totoong nararamdaman sa mapanghusgang islang ito. Ginagawa ko lang ito bilang isang mabuting anak."

"Hindi kita hinuhusgahan. Inuunawa kita. Malaya kang mahalin kung sino ang gusto mo."

"Na-Nauunawaan mo ako?" hindi makapaniwalang usal nito.

Tumango siya. "Oo. Dahil karapatan mo na magpakatotoo nang walang takot. Pero kung mas gusto mong sundin ang ama mo dahil gusto niya na magkaroon ka ng normal na pamilya, di ako makakapayag na gipitin mo si Aurora para sa pansarili mong interes. Ako ang makakalaban mo," banta niya dito.

Umangat ang gilid ng labi nito. "Ano naman ang magagawa mo? Aalis ka na bukas. Baka nga hindi ka na bumalik. Mas mabibigyan ko ng tiyak na kinabukasan si Aurora. Wala ka nang magagawa para sa kanya. Ako ang nandito para sa kanya."

Hinigit niya ang kuwelyo nito at umangat ang ulo nito sa buhangin. "Hindi ako aalis. Ikaw ang aalis."