Chapter 50 - Chapter 44

HUMIHIMIG si Aurora habang ipinaghahain ng agahan ang ama niya. Maaga siyang gumising at ipinagluto ito ng daing na isda at pritong saba bilang agahan. "Hindi ka ba magpapaalam sa kaibigan mong taga-Maynila? Alam ko na nagtatampo ka sa akin dahil pinalayo ko siya sa iyo. Pero sana isipin mo na para sa sarili mo rin itong kabutihan. Nandiyan naman si Omar na totoong mananatili dito sa isla."

Pilit siyang ngumiti. "Kain lang ng kain ng saging, Tay. Wala po munang karne dahil tiyak na karne po ang babanatan ninyo sa pista kahit bawal sa inyo."

Nagtataka siyang pinagmasdan ng ama. Di siguro nito maunawaan kung bakit masaya siya samantalang paalis na si Alvaro. Hindi lang niya masabi dito na di naman matutuloy umalis ang binata. Ayaw niyang sa kanya manggaling. Basta masaya siya sa umagang iyon.

"Tao po!"

"Si Alvaro!" usal niya at dali-daling pumunta sa pinto.

"Magandang umaga," bati niya ng binata sa kanya.

Gusto sana niyang sabihin na guwapo ito kahit magulo pa ang buhok at medyo pawisan dahil marahil sa pagtulong sa gawaing-bahay nang magsalita ang ama niya sa likuran. "Alvaro, sabayan mo na kaming kumain ng anak ko."

"Talaga po?"

"Oo naman. Tutal ay paalis na ang bangka maya-maya. Alam ko na hahanap-hanapin mo ang buhay dito sa isla. Eksakto dahil agahan namin ngayon ang nilagang hilaw na saba. Ikuha mo ng plato pati na rin kapeng bigas itong si Alvaro," anang si Manang Gener na gaya niya ay maganda din ang mood. Siguro dahil ang akala nito ay mawawalan na ito ng problema kay Alvaro. Gasino nga ba namang pakitaan nito nang maganda ang binata bago umalis?

Nagkatinginan sila ni Alvaro at nakangiwi itong ngumiti. "Maraming salamat po dito. Nakakahiya naman po..."

"Wala iyon. Siguro sabik na sabik ka nang umalis ngayon at bumalik sa Maynila."

Konti lang ang kinain ni Alvaro habang kwento naman ng kwento ang ama niya tungkol sa mangyayari sa pista. Animo'y iniinggit nito ang binata sa mga bagay na di na nito mararanasan.

"Amay, kailangan ko pong mag-igib dahil ubos na po ang tubig natin na pang-inom," putol niya sa pagkukwento ng ama.

"Sasamahan na kita na mag-igib sa bukal," prisinta ni Alvaro.

"Hindi na kailangan. Maghanda ka na dahil baka sunduin ka na ng bangka. Maabala ka pa kung tutulungan mo ang anak ko. Ayaw nila nang pinaghihintay ng matagal. Baka maiwan ka pa," pagtataboy dito ng ama niya. "Kaya na iyan ni Aurora."

"Huwag po kayong mag-alala. Hindi na po ako tutuloy lumuwas ng Calbayog," sa wakas ay sabi ng binata.

Nangmulagat si Manoy Gener, nawala na ang pagiging maamo ng mukha nito. "A-Anong sabi mo? HIndi ka na matutuloy umalis? A-Akala ko nagkalinawan na tayo na aalis ka na..."

"Amay, kasi po hindi na po makakasama si Omar sa dula namin. Ngayon po ang alis niya papuntang Tacloban. May kaibigan daw po siyang bibili ng mga kopra dito," kwento ni Aurora. "Makikipag-negosasyon daw po siya. Sayang naman po kung palalampasin. Mabuti na lang po halos kabisado ni Alvaro ang script. Kaya po nagmagandang-loob muna siya na huwag munang umalis dito hanggang matapos ang pista. Ang bait po niya, di ba?"

"Mababait din kasi ang mga tagadito at mabuti ang pagtanggap sa akin. Hindi ko po kayang umalis kung may ganitong problema. Sabihin lang po ninyo kung may maitutulong pa po ako sa inyo," malumanay na sabi ni Alvaro.

Huminga ng malalim si Manoy Gener. Mukhang wala itong magagawa sa kay Alvaro ngayon. "P-Pagbutihan mo na lang. Hindi biro ang papel na iniwan ni Omar." Wala na ring nagawa ang ama niya nang magkasama sila ni Alvaro na kumuha ng tubig sa bukal.

"Sa palagay mo ba ayos lang sa tatay mo na manatili ako dito?" tanong ni Alvaro at ni lingon ang bahay nila.

"Wala naman siyang magagawa. Malay mo naman malapit ka na niyang magustuhan. Masaya talaga ako na si Omar ang umalis at hindi ikaw."

"Ako rin. Masaya ako na nandito pa rin ako kasama mo."

Related Books

Popular novel hashtag