Chapter 49 - Chapter 43

MALAMIG ang mga kamay ni Aurora habang hinihintay ang pagsisimula ng pulong. Si Omar daw ang nagpatawag. Hindi niya alam kung para saan iyon. Basta ang alam niya sa gabing iyon ay kailangan niyang ibigay ang sagot dito kung papayag siyang magpanggap na nobya nito.

Iba ang iniisip niya sa huling gabi niya kasama si Alvaro. May plano na siya kung paano tatakasan ang tatay niya. Magkukwentuhan lang sila sa talampas habang nagbibilang ng bituin at hihintayin ang pagsikat ng araw. Hindi niya alam kung mangyayari pa iyan.

Masaya lang na nakikipagkwentuhan si Alvaro sa ibang mga kasama nila. Sa maikling panahon nito ay marami itong naging kaibigan doon. Paano nito nagagawang maging komportable samantalang aalis na ito bukas at iiwan siya nito sa mga kamay ni Omar? Ano ba ang plano nito?

Tumayo si Omar sa harap ng lahat. "Gusto kong magpauna na humingi ng paumanhin sa inyo. Pupunta ako ng Tacloban bukas."

"Ang layo no'n. Gaano katagal kang mawawala?" tanong ni Ma'am Mercy.

"H-Hindi ko po alam. Baka sa fiesta na ako makabalik. Dumating ang dati kong kaklase galing Tacloban na magtatayo ng pagawaan ng sabon. Isang kamag-anak niya ang pahinante ng bangka na dumating kanina. Gusto daw niya akong makita dahil gusto niyang umangkat ng kopra sa akin. Maganda pa ang presyo. Makakatulong ito sa ating lahat."

"Paano ang dula natin? Ikaw ang bida doon," tanong ni Aurora. Alam niya na malaking bagay kung may kukuha ng kopra niya sa magandang presyo pero malapit na ang pista. Ngayon pa nga lang ay nagagahol na sila sa pag-eensayo. "Hindi pwedeng dumating ka na lang sa mismong pista. Madami ka pang di kabisado. Madami pang maaring maging pagbabago. Hindi mo mahahabol lahat iyon."

"Palitan na lang ninyo ako," kaswal na sabi ng lalaki na parang ganoon lang kadali na kumuha ng kapalit nito.

"Sino naman ang ipapalit natin na nakakaalam agad ng script? Wala nang oras," sabi ni Ma'am Mercy na natataranta na.

Itinaas ni Aurora ang kamay. "Si Alvaro po kabisado ang script." Tumutok ang atensiyon sa kanya ng lahat. Parang nagtatanong ang mga ito kung paano nangyari iyon. "Siya ang tumutulong sa akin kapag kailangan kong i-ensayo ang mga eksena ko. Kaya niya iyan." Di lang niya sinabi na mas magaling pa itong umarte kay Omar at mas bagay na prinsipe.

"Pero aalis na si Alvaro bukas," malungkot na sabi ni Bebang.

Tumayo si Alvaro. "Hindi muna ako aalis."

"Alvaro..." usal niya at tiningala ito. Tama ba ang sinabi nito? Hindi muna ito aalis?

Inikot ni Alvaro ang tingin sa lahat. "Kung kailangan ninyo ako dito, hindi ako aalis. Hindi ko kayo maaring iwan ngayong kailangan ninyo ang tulong ko."

"Hindi ka na aalis!" tili niya at niyakap ang binata. "Ikaw na ang prinsipe ko."

Hindi makapaniwala si Aurora na maaring magkatotoo ito. Tinangay ng hangin ang lahat ng lungkot at pangamba niya.

"Masyado ka naman yatang masaya," pansin ni Celso sa kanya.

"Hindi na yata nakakahinga si Alvaro sa yakap mo," sabi naman ni Yolly.

Saka lang niya napansin na nakatutok ang lahat ng mata sa kanila ni Alvaro. Pasimple siyang kumalas sa pagkakayakap sa binata. "Natural lang na magsaya ako. Siyempre madami na tayong pinaghirapan sa pagtatanghal na ito. Malaking problema kung aalis si Alvaro. Tuluyan na tayong mawawalan ng prinsipe," depensa agad niya habang naluluha.

"Payakap din ako," tili ni Bebang at niyakap ang lalaki.

"Ako rin," sabi ni Inez at nakiyakap.

"Salamat dahil hindi ka umalis para sa akin," kinikilig na sabi ni Inez. "Alam ko na hindi mo rin ako matitiis, mahal ko."

"Di siya umalis para sa akin," kontra naman ni Bebang. "Huwag kang ambisyosa. Buti nga pinayakap pa kita sa kanya."

Nakangiti na lang si Aurora habang pinapanood ang mga ito. Hindi siya nakadama ng selos. Alam niyang di umalis si Alvaro para sa kanya. Sapat na iyon.

Napansin niya na naglalakad na palayo si Omar. "Omar," tawag niya sa lalaki.

"Ano pang kailangan mo?" paangil nitong tanong sa kanya.

Pinagsalikop niya ang palad. Natatakot siya pero kailangan niya itong harapin. "Hindi... Hindi ko kayang magpanggap na nobya mo. Hindi kita mahal. Si Alvaro ang gusto ko."

"Ang totoo, wala na akong pakialam sa inyo. Bahala kayo sa buhay ninyo. Basta tigilan lang ninyo akong dalawa. Layuan ninyo ako! Gusto ko ng tahimik na buhay."

Nahigit niya ang hininga. Sa palagay niya ay may ginawa si Alvaro para lumayo si Omar. Hindi naman ganoon kasama si Omar sa kanya dati. May pinagsamahan naman sila kahit na paano. At alam niyang naghihirap ang kalooban nito dahil hindi na ito ang mahal ng taong gusto nito. Ni hindi nito masabi sa lahat ang tunay nitong pagkatao. "Pwede naman tayong maging magkaibigan. Kung may masasabihan ka ng sekreto o ng nararamdaman, pwede namang..."

"Magkukunwari kang kaibigan, aalamin mo ang sekreto ko para gamitin din laban sa akin? Huwag na. Magpakasaya na lang kayo lalo ka na. Hindi rin naman kayo magtatagal. Aalis din siya. Hindi siya mananatili dito habambuhay. Hindi ka rin naman magiging masaya sa huli. At ako ang tatawa kapag nangyari iyon." At naglakad ito palayo.

Humangos si Alvaro sa tabi niya. "Aurora, anong sinabi niya? May sinabi ba siyang di maganda? Pinagbantaan ka?"

Tipid siyang ngumiti. "Wala. Gusto lang daw niya na layuan ko siya. Masaya ako dahil hindi ka umalis. May ginawa ka ba para magbago ang isip ni Omar?"

"Huwag mo nang intindihin iyon. Ang mahalaga hindi ako aalis." Inilahad nito ang palad sa kanya. "Halika na, prinsesa ko."

Masaya niyang ginagap ang kamay nito. Tama. Hindi na mahalaga si Omar. Tinupad ni Alvaro ang pangako na gagawin nito ang lahat para protektahan siya. At higit sa lahat ay magtatagal pa ito sa tabi niya. Posible kaya na manatili na lang ito sa tabi niya habambuhay?