"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Omar habang nakatingin kay Ethan.
"Ikaw ang aalis dito sa isla bukas. Ako ang maiiwan dito para makasama ko pa nang mas matagal si Aurora. Bahala ka kung saan ka pupunta. Pero lumayo ka muna at bumalik ka isang araw bago ang pista siguro. O mas matagal kung gusto mo," aniya at nagkibit-balikat. "Kapag ginawa mo iyon, hindi ko sasabihin ang tungkol sa sekreto mo. Kung hindi ka manggugulo at didistansiya ka kay Aurora, wala tayong magiging problema." Tinapik niya nang magaan ang pisngi nito. "Your secret is safe with me."
"Paano ang dula? Hindi ko iyon maaring basta na lag iwan. Inaasahan na ako ng mga tao. At tiyak na magtataka si Amay. Hindi ako maaring basta na lang umalis."
"Ako ang bahala doon. Makakahanap sila ng papalit sa iyo. At tungkol naman kay Mang Robredo, siguro naman magagawan mo iyon ng paraan. Kapag may gusto, may paraan. Iyon ay kung ayaw mong mabulgar ang sekreto mo," paalala niya dito. "I just want you away from Aurora. Are we clear?"
Tumango ito at nakita niya ang pagkatalo sa mga mata nito. Ayaw ni Ethan na gawin ito sa kay Omar. Sapat na ang hirap nito na hindi nito masabi sa iba ang pagkatao nito at hindi nito maipaglaban ang lalaking mahal nito. Pero mas mahalaga sa kanya si Aurora. Hindi niya ito hahayaang matali sa isang kasinungalingan. So what if a part of him felt like a villain right now?
"Alvaro! Omar! Anong ginagawa ninyo?" tanong ni Marlon at hangos na lumapit sa kanila. "Nag-aaway ba kayong dalawa?"
"Nagkatuwaan lang po kami sa pag-eensayo. Seryoso kasi siya sa role niya," sagot ni Ethan at umalis sa pagkakakubabaw kay Omar.
"O-Oo. Marami pa kasi akong gustong matutunan k-kay Alvaro," sabi ni Omar na alanganin ang ngiti. "Madami kasi siyang magagandang suhestiyon. M-Magpapahinga lang ako."
"Sana naman makuha na niya ang itinuro mo sa kanya," bulong ni Marlon habang naglalakad sila pabalik sa multi-purpose hall.
"O! Pareho kayong may sugat. Tinotoo yata ninyo ang ensayo," sabi ni Inez nang masalubong sila.
"Ganoon kapag tunay na lalaki," sabi Omar at pinalaki ang boses. Pabiro pa siya nitong sinuntok sa braso saka tumawa. Mukhang magaling itong artista kaysa sa inaakala niya.
Akmang gagantihan din niya ito kahit kunyari ay pabiro pero nilapitan siya ni Aurora. "Alvaro, may sugat ka. Gamutin natin." At hinila agad siya nito palayo. Siya ang maraming sugat dahil hindi naman siya naging pisikal kay Omar kanina. Puro depensa lang siya.
"Malayo sa bituka," angal niya at nakasimangot na sumunod dito.
"Paano kita papayagang umalis? Ganyan lang di mo maalagaan ang sarili mo. Alam mo naman kapag nasasaktan ka, nasasaktan din ako," sermon nito sa kanya habang inilalabas ang alcohol sa first aid kit. Napansin niya na parang maluluha ito.
Parang may sumikmat sa puso niya. Inunat niya ang braso. "Don't get mad at me, Aurora. Alam mo naman na akong nakikita kang nasasaktan. Gamutin mo na ako."
Seryoso ang dalaga nang dampian ang sugat niya ng bulak na may alkohol. "Tiisin mo!" sabi nito at bahagyang hinatak ang braso niya. Hinipan nito ang sugat niya. "Okay na?"
Tumango siya. Emotion swelled inside his chest. He would rather be caught dead than show any sign of weakness. Pero heto siya at parang bata na hinayaan si Aurora na hipan ang sugat niya. And he liked it. He liked this woman taking care of him. At higit sa lahat, ipinagmamalaki niya na nakuha niya ang sugat na iyon dahil ipinaglaban niya ito. He was willing to do it again.
"Ano ba ang nangyari sa inyo ni Omar? Nag-away ba kayo?" tanong ng dalaga.
"Narinig mo ang sinabi niya. Nagkatuwaan lang kami," kaswal niyang sagot at tumingala habang pinapakiramdaman ang kurot ng alkohol sa laman niya.
"Sinabi mo ba sa kanya ang nalalaman natin tungkol sa kanila ni Bert?"
Nang ibalik niya ang tingin kay Aurora. May takot sa mga mata nito. "Wala kang dapat alalahanin doon. Titiyakin ko na hindi ka niya masasaktan o tatakutin pa kahit na kailan."
"Alvaro, hindi mo sinagot ang tanong ko. At paano mo nasabing hindi na ako tatakutin pa ni Omar kahit na kailan? Anong ginawa mo?"
"You don't have to know anything. Sa amin na lang iyon ni Omar."
"Hindi pwedeng sa inyo lang kung may kinalaman ito sa akin."
"Just trust me on this. Okay?" aniya at kinintalan ng halik ang likod ng palad nito. Kung anuman ang resulta ng pag-uusap nila ni Omar ay gusto na lang niyang isorpresa ang dalaga.