Chapter 42 - Chapter 36

"VIVEME sin miedo ahora que sea una vida o sea una hora. Víveme sin más vergüenza aunque esté todo el mundo en contra."

Pumalakpak si Alvaro matapos kantahin ni Aurora ang piyesang gagamitin niya sa dula. "Now that is perfect!"

Nanlalambot na umupo si Aurora sa tabi nito at inabot ang baso ng tubig na ibinibigay sa kanya ng binata. "May pagka-sadista ka rin, 'no? Hindi ka na nasiyahan na basta na lang akong paawitin ng Espanyol na kanta, hindi ka pa tumigil hangga't di ko nakakabisa. Nagkabuhol-buhol pa ang dila ko."

"Pero maganda naman ang kinalabasan," argumento nito. "Mas magiging makatotohanan din ang pagtatanghal mo na isa kang anak ng gobernador-heneral mula sa Espanya. Ganyan ang karaniwang ginagawa ng mga kababaihan sa pagtitipon noong panahon ng Kastila. If they are not singing, they play instruments like piano, harp or violin."

Umikot ang mga mata niya. Ang binata ang nagbigay ng suhestiyon na iyon sa awit. Tama naman ang binata. Kakailanganin niya iyon para maging makatotohanan. Isa pa, sino naman ang makakatanggi sa isang magandang kanta?

Binuksan nito ang cellphone nito at pinatugtog ang orihinal na piyesa ng kanta niya. Madaming iba't ibang kanta doon dahil mahilig ang binata sa iba't ibang mang-aawit mula sa ibang bansa. Ang rondalla naman ang tutugtog ng mga background songs nila sa pagtatanghal. Sabi ni Alvaro ay sinauna na ang ginagawa nila kung tutuusin pero natuwa din ito dahil sa ibang bansa ay malalaking orchestra pa daw ang ginagamit lalo na sa mga musical play.

"Gusto kong kantahin mo iyon dahil paborito kong kanta iyon," sabi nito habang hinahaplos ang buhok niya. "Gusto ko na kantahin mo para sa akin."

"Ano palang ibig sabihin ng kanta?" tanong niya at nilingon ito. Tila isang stanza lang naman ang kakantahin niya pero naiintriga siya kung anong ibig sabihin.

"Kung paanong mabuhay para sa pagmamahal ng taong mahal mo. Mabuhay nang walang takot kahit na isang oras lang o habambuhay. Mabuhay para sa taong mahal mo nang walang nararamdamang hiya kahit na tutol sa kanila ang buong mundo."

"Nakakaintindi ka ng Espanyol?" tanong niya. "Madami ka yatang alam. Saan ka ba nag-aral? Ang mga ordinaryong paaralan sa Pilipinas di naman nagtuturo ng ganyan."

"Halos lahat naman napag-aaralan na sa internet. Madali na rin sa kahit na sino na intindihin ang ibang lengguwahe. May translator din na kayang isalin ang salita mo sa ibang wika sa isang pitik lang ng kamay. Mabilis na din ang komunikasyon sa ibang tao kahit saan parte ng mundo. Lumiit na lang ang mundo dahil sa internet at teknolohiya."

Napanganga siya. "Ibang klase. Napag-iiwanan na talaga kami dito sa isla. Madami ka palang pwedeng magawa ngayon. Hindi ka ba naiinip na nandito ka at wala ang nakasanayan mo?"

"You mean the internet, the gadgets and all that circus? No." Inunanan nito ang mga kamay at tumingin sa langit. "Iba ang buhay sa lungsod. Masyadong magulo. Maligalig. Mabuti na may internet at gadgets dahil napapadali ang komunikasyon at ibang aspeto ng buhay. Pero mas madalas ay nagagamit ito sa di magandang paraan."

"Gaya ng?"

"Mas mabilis nang manira ng kapwa. O kaya sundan ang bawat kilos ng kapwa nila at bigyan ng ibang kahulugan. Mabilis na din ikalat iyon. Ang di rin maganda sa internet, wala nang panahon para totoong makasama ang mga taong importante sa iyo."

Kumunot ang noo niya. "Anong ibig mong sabihin?" Akala niya ay mas mapapabilis ang komunikasyon doon, ang pang-unawa at ang pagsasama-sama.

"Halimbawa magkasama tayo ngayon. Sige magsalita ka lang. Magkwento ka lang."

Nagtataka man ay sinunod niya ang binata. "Alam mo ba noong bata ako, paborito ko ang..." Inilabas nito ang cellphone at kinalikot iyon. Wala itong pakialam kahit na ikinukwento niya ang isang bahagi ng kabataan niya na nagpapasaya sa kanya at mahalaga sa kanya . Hinampas niya ang braso nito. "Hoy! Hindi mo ako pinapansin. Nakakainis ka na! Para lang akong tanga dito."

Humalakhak ang binata. "Ganyan. Ganyan mismo ang problema. O kaya maya't mayang kuhanan ng picture hanggang wala na silang pakialam kung anong totoong nangyayari sa paligid nila. Kung hindi man, parehong lulong sa gadgets kahit magkasama at doon pa sila nag-uusap sa internet kaysa sabihin nila nang direkta."

"Ngeee! Anong silbi na magkasama sila nang di naman sila nag-uusap nang harapan?" Parang napakaligalig ng mundong iyon. "Dito sa isla namin, kung may gusto kang sabihin sasadyain mo pa ang tao para makaharap mo. Masaya sana kung may cellphone din kami na ganyan pero hindi rin pala palaging maganda ang dulot niyan."

"Kaya mas gusto ko dito dahil pwede kong maibigay ang lahat ng oras at atensyon ko sa iyo." At kinudlitan nito ang dulo ng ilong niya.

Pero pansamantala lang dahil babalik ulit ito sa lungsod. Nandoon ang trabaho ng binata. Hindi pa rin sa Isla Juventus ang buhay nito. Pero posible ba na kalimutan na lang nito ang lungsod para manatili sa isla? Posible bang manatili ito doon dahil mas gusto siya nitong makasama?

"O! Malalim yata ang iniisip mo?" tanong nito at hinaplos ang pagitan ng kilay niya.

Huminga siya ng malalim. "Wala lang. May alam ka bang Waray na kanta?"

Umiling ito. "Pero gusto kong matutunan ang kanta ninyo ni Omar."

Nangilid ang luha sa mata ni Aurora at humilig sa dibdib ng binata habang itinuturo dito ang isang pang kanta sa dula. Gusto niyang ipaglaban ang nararamdaman dito. Gusto niyang magtagal pa ito. Subalit kung mananatili ito tiyak na maraming tututol sa kanila. Ni hindi niya masabing may relasyon sila nito dahil walang relasyon na pansamantala lang. Hindi niya maitanong kung saan ito pupunta matapos iyon o kung babalikan pa siya. Para hindi masyadong masakit, mas gusto na lang niyang huwag magtanong. Gaya nga ng sinabi ni Joviana sa kwento, ituturing niyang isang magandang panaginip lang ang lahat. Mabilis naman iyong nakuha ng binata.

"Wala ba akong reward?" tanong ng binata.

Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi. "Sana ikaw na lang ang prinsipe ko." Nang sa ganoon ay magtagal pa ito sa Isla Juventus kahit na hanggang matapos ang pista. O kahit lumampas pa doon. Huwag na sana itong umalis. Parang hindi niya kaya.

"Ayokong maging prinsipe ng lahat. Gusto kong maging prinsipe mo lang."

Kumunot ang noo niya nang may marinig na kumakaluskos. "Ano iyon?" tanong niya at bumangon para sipatin kung saan galing ang tunog.

"Baka may hayop lang na dumaan," sabi ng binata na di man lang nagambala.

Tumayo siya. Iba ang pakiramdam niya sa tunog na iyon. "Umuwi na tayo. Baka hinahanap na ako ni Amay."