Chapter 38 - Chapter 32

Umingos si Aurora at humalukipkip. Wala nga siguro siyang magagawa dahil ayaw siya nitong halikan. Tinanggihan na naman siya nito. Mas masakit nga lang ngayon dahil isinugal niya ang sarili niyang kahihiyan para sa halik nito.

"Akala ko pa mandin handa kang tulungan ako. Akala ko ikaw ang makakapagturo sa akin. Kay Omar na lang ako pupunta tutal siya naman ang kaeksena ko. Baka mas matuturuan niya akong humalik."

Wala siyang balak na magpaturong humalik kay Omar. Maisip nga lang niya iyon ay kinikilabutan na siya. Kung ayaw ni Alvaro sa kanya ay hindi niya ipipilit ang sarili. Didistansiya na talaga siya nang tuluyan. Huli na ito. Di na siya uulit ipahiya ang sarili niya.

"Fine. I will teach you."

Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ito. "Talaga? Ano ulit ang ituturo mo sa akin?"

Mariing nagdikit ang labi nito. "I will teach you how to kiss."

Nanatili siya sa kinatatayuan at inilagay ang kamay niya sa tagiliran. "Anong kailangan kong gawin?" Pigil niya ang ngiti kahit gusto niyang humagikgik dahil sa kilig.

"Relax." Hinawakan nito ang balikat niya at naramdaman niya na nanginginig ang kamay nito. Hindi niya binanggit dahil baka magbago pa ang isip nito sa kanya. "Close your eyes and just feel."

Inangat niya ang baba at hinintay ang pagdidikit ng labi nila. Nang unang dumampi ang labi nito sa kanya, parang may kumislap na liwanag sa paligid niya. Magaan lang ang damping iyon pero may kakaibang sensasyon siyang naramdaman na kumalat sa buong katawan niya. Isang ngiti ang sumilay sa labi niya nang madama niya ang pagsinghap ni Alvaro. Hindi lang siya ang naramdaman niyon kundi ito. At hindi siya papayag na matatapos lang sa simpleng dampi ang halik na iyon.

Wala siyang karanasan na humalik pero hinayaan niya ang naturalesa niya na lumutang. Magaan niyang kinagat ang pang-ibabang labi nito at narinig niya ang pag-ungol ng binata. Tama ba ang ginawa niya o hindi?

Sinapo nito ang pisngi niya na parang kinokontrol ang kilos niya. "Easy. Let's take it slow. Hindi ka naman nagmamadali, 'di ba?" usal nito sa ibabaw ng labi niya. "Now, I just want you to feel. Kung gusto mong tumigil, itulak mo lang ako o sabihin mo. I don't want you to do anything you are not comfortable with."

Tumango siya at ipinikit ang mata. Nang si Alvaro ang mangunang humalik sa kanya ay tuluyan nang tumigil sa paggana ang utak ni Aurora. Hinayaan niyang tangayin siya ni Alvaro sa alon ng sensasyon na di pa niya nararanasan noon.

Nang palalimin nito ang halik ay naramdaman niya ang panlalambot ng tuhod niya. Ngayon niya naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga naririnig niyang kwenuhan ng mga kakilala niya kapag hinalikan ang mga ito ng lalaking gusto ng mga ito.

Mabuti na lang at hinawakan nito ang baywang niya kundi ay baka bumigay na siya. Gayunpaman ay ayaw niyang bumitaw dito. Ayaw niyang matapos ang sandaling iyon. Yumakap siya sa leeg nito at nilaro ng daliri niya ang may kahabaan na nitong buhok. Kahit ano pang mangyari ay hindi siya nagsisisi dahil minsan lang niya itong mararanasan.

Napaungol siya bilang pagtutol nang maghiwalay ang labi nila. "May gusto ka pang malaman? May tanong ka ba tungkol sa lesson natin? May dapat ka bang sabihin na linya matapos ang halik na iyon?" habol ang hiningang tanong ni Alvaro. Idinikit nito ang noo sa noo niya at naramdaman niya na kinokontrol nito ang sarili. Na parang nagpipigil ito na halikan siyang muli.

Binasa ni Aurora ang labi at nalalasahan pa niya ang halik ng binata. "N- Nakalimutan ko na ang linya ko. Sa palagay ko di magandang ideya ang kissing scene na iyan kung tototohanin," usal ni Aurora habang naglalaro ang ngiti sa labi.

Naningkit ang mata nito. "Do you know that after that kiss, I won't allow you to kiss another man? Lalo na si Omar."

"Hindi ko rin naman gusto na magpahalik sa kanya."

"Pero sabi mo kanina sa kanya ka magpapaturo."

"Kundi ko gagawin iyon, baka maiyak lang ako dahil tinanggihan mo na naman ako. I-Ikaw lang naman ang gusto kong humalik sa akin." Natutop ng dalaga ang bibig. Nanlaki ang mata niya habang nakatitig kay Alvaro. Ibinuko na niya ang sariling sekreto. "Hindi ko alam kung bakit gusto ko na halikan mo ako. Nakakahiya!"

Tinakpan niya ang mukha. Gusto na lang niyang may malaking alon na dumating para tangayin siya at di na niya kailangang harapin ang kahihiyan na iyon.

Magaang tumawa si Alvaro at inalis ang palad sa mukha niya. "We are attracted with each other. It is natural. Wala kang kailangang ikahiya sa nararamdaman mo."

"P-Pero hindi iyon dapat sinasabi ng isang babae na matino sa lalaking gusto niya. B-Baka isipin mo na mababang klase ako ng babae." Saka na lang niya naisip kung ano ang kahihinatnan ng pag-aalok niya kay Alvaro na turuan niyang humalik.