Chapter 39 - Chapter 33

Hinaplos nito ang likod ng palad niya. "Hindi ko iisipin iyon tungkol sa iyo. Bakit mo naman ikakahiya ang nararamdaman mo kung nagpapakatotoo ka lang sa sarili mo? I am glad that you like kissing me. I feel the same about you."

"Gusto mo rin ako?" tanong niya.

"Oo. Kailangan ko lang pigilan ang sarili ko kanina dahil hindi ko alam kung tama ang ginagawa ko. Ayokong isipin mo na nagte-take advantage ako. But now, I am glad to know how you really feel about me. I am not letting you go. Hindi na rin ako papayag na may makalapit sa iyong iba, lalo na si Omar."

"Pero sinabi mo rin na kailangan nating lumayo sa isa't isa," paalala niya dito.

Bumuga ito ng hangin. "It obviously failed. I can't stay away from you. You have a strong pull over me. Pero kung ayaw mo na magkalapit ulit tayo, sabihin mo lang sa akin at di na ako lalapit sa iyo kahit na kailan."

"Ayoko." Sinapo ni Aurora ang sariling didbib, nangangamba siya na sumabog ang puso niya sa sakit kapag lumayo na naman ito sa kanya. "Nang umiwas ka sa akin, parang wala ako sa sarili ko. Kapag nakikita kitang masaya habang kasama ang iba, nakakalimutan ko pati ang linya ko. Wala akong nararamdaman kundi sakit."

"Ibig sabihin kasalanan ko kung bakit nagalit sa iyo si Omar kanina?"

Ipinilig niya ang ulo. "Kasalanan ko. Hindi ko alam kung paano tuturuan ang sarili ko na magpanggap na wala kang halaga sa akin. Hindi ako katulad mo na kayang umakto na parang balewala lang ako."

"Hindi kita pupuntahan dito kung ganoon ako kagaling na magpanggap. Iyon ang pinakamahirap na pagpapanggap na ginawa ko sa buong buhay ko. It is torture to stay away from you," anito sa boses na puno ng paghihirap. "Pero kailangan kong irespeto ang gusto ng tatay mo para sa sarili mong kapakanan."

Ginagap niya ang kamay nito. "Alvaro, hindi ko alam kung ano ang tawag sa nararamdaman ko para sa iyo. Lagi kitang hinahanap. Kapag nakita kita, tumatalon ang puso ko. Kapag ngumiti ka sa akin, sobrang saya ko na. At kapag naman umiiwas ka sa akin, parang pinipiga ang puso ko hanggang halos mahirapan akong huminga. Minsan lang dumating ang tulad mo sa buhay ko ang katulad mo at alam ko na importante ito sa akin. Hindi ko na ulit mararamdaman ito."

Idinikit nito ang labi sa ibabaw ng ulo niya. "This is dangerous, Aurora. Marami ang hindi matutuwa lalo na si Manoy Gener."

"Alam ko at wala akong pakialam."

Mula pagkabata ay masunurin na siyang anak. Di siya gumagawa ng kahit na ano na maaring magpasama sa loob ng ama. Pero nang makilala niya si Alvaro, saka niya nakita kung ano ang wala sa buhay niya. Napasaya siya ng binata sa sarili nitong paraan na di kayang ibigay ng ibang tao. Oras na para matuto siyang magdesisyon sa sarili niya. Walang ibang magdedesisyon sa kaligayahan niya kundi siya lang.

"But you deserve better than this. Hindi pansamantalang relasyon o pansamantalang boyfriend ang kailangan mo. Tama ang tatay mo. Aalis din ako. Kailangan mo ng isang lalaki na maasahan mo sa lahat ng oras at makakasama mo habambuhay," argumento naman ng binata.

Nagprotesta ang puso niya. "Kung aalis ka man sa isang araw, gusto ko pa rin na makasama ka habang nandito ka. Mas gusto na ang ilang sandali na kasama ka kaysa palampasin ang pagkakataong ito at magiging miserable lang naman ako. Alam kong kahibangan ang nararamdaman ko pero matanda na ako, Alvaro. Alam ko na ang ginagawa ko." Mawala man si Alvaro ay may maiiwan naman itong masayang alaala.

"What am I going to do to you, woman?" angil nito.

Ibinuka niya ang bisig. "Yakapin mo ako?" aniyang may imbing ngiti sa labi.

Mataman muna siya nitong tinitigan bago siya hinila palapit dito. Niyakap siya nito nang mahigpit at pumikit siya habang ninanamnam ang init ng yakap nito. Hindi rin siya nito kayang pakawalan. Dahil kahit anong paglaban ang gawin nila, mahirap labanan ang itinitibok ng puso. Wala silang ipinagkaiba sa mga bidang sina Joviana at Artus sa kwento ng Alamat ng Juventus. Nagwagi din ang nararamdaman nila kahit na mapanganib. Kahit na maari rin silang masaktan sa huli. Kahit na mawawala rin sila sa isa't isa.

Yumakap siya sa leeg nito at tumingala dito nang may nanunuksong ngiti sa labi. "Mukhang kailangan ko pa ng leksyon sa tamang paghalik. Marami ka pa yatang dapat na ituro sa akin. Marami pa akong hindi nalalaman."

"Akala ko ba ayaw mo nang magpahalik kay Omar?" Dumilim ang mukha nito. "Kakausapin ko talaga si Ma'am Mercy tungkol diyan. Baka masaktan ko pa si Omar kapag hinalikan ka niya kahit pa sabihing umaarte lang kayo."

"Hindi naman para kay Omar. Para ito sa iyo."

Tumingkayad si Aurora at idinikit ang labi sa labi ni Alvaro. Nang ibuka nito ang labi at pinalalim ang halik, alam niyang kailangan niyang sulitin ang nalalabing sandali na magkasama sila.