Chapter 37 - Chapter 31

"Alvaro..." mahina niyang ni Aurora habang maang na nakatitig dito.

Sasabihin kong mahal ko siya? Seryoso ba ito? Iniwas niya ang mata dito dahil naiilang siya. Nararamdaman niya ang panlalambot ng tuhod niya. Paano naman niya gagawin iyon nang di nauutal? Baka mamaya ay makahalata pa ito epekto nito sa kanya.

"Do it. Paano maniniwala ang mga tao na mahal mo ang karakter ni Artus kung hindi mo man lang siya kayang tingnan sa mata? Tingnan mo ako sa mata at isipin mo na ako ang lalaking mahal mo, Joviana."

Lumunok si Aurora at lumakas ang kabog ng dibdib. Kapag tiningnan ko siya sa mata, baka tuluyan na akong mawala sa sarili. Lalo kong di masasabi ang piyesa ko.

Mariing nagdikit ang labi niya at tinawag sa isipan ang diwata ng pag-ibig ni Joviana na namamahay daw sa islang iyon. Bigyan mo ako ng lakas.

Dahan-dahan niyang idinilat ang mga mata at inipon ang lakas ng loob para makatingin sa mga mata ni Alvaro. "Pakawalan mo ako at iisipin ko na magandang panaginip lang ang lahat ng ito. Babaunin ko ang lahat ng magagandang alaala nating dalawa. Magkaiba ang mundo natin."

"Habambuhay na bangungot ang daranasin ko kung mawawala ka sa akin. Hindi ko maaatim na ipapakasal ka ng ama mo sa iba. Patayin mo na lang ako ngayon kung gusto mong umalis." Kumuha ito ng patpat at inilagay sa kamay niya. "Heto ang punyal. Itarak mo sa aking dibdib kung gusto mo talagang iwan ako. Aanhin ko pa ang buhay ko kung wala ka?"

Inangat ni Aurora ang kamay at hinaplos ang pisngi nito. Noon ay nagagawa niyang sabihin ang linya niya nang umaarte lang. Ngayon ay alam na niya na nanggagaling ang sakit sa puso niya. Dahil masakit mawalan ng taong mahalaga sa iyo. Na malapit ito pero parang napakalayo sa kanya.

"Hindi ko kayang mawala ka. Pero anong gagawin natin? Hindi tayo maaring maging makasarili. Isa kang pinuno. Kailangan ka ng iyong nasasakupan."

"At hindi ko kayang mamuno kundi ko kayang protektahan ang babaeng mahal ko. Ginhihigugma ko ikaw. Ikaw lang."

At inilapit nito ang mukha sa kanya nang dahan-dahan. Ito na ang bahagi kung saan hahalikan ni Artus si Joviana. Hahalikan ako ni Alvaro. Tototohanin niya. Anong gagawin ko? Paano ba dapat humalik ang nagmamahalan?

Biglang napuno ng hangin ang baga ni Aurora nang lumayo ito sa kanya. "I guess that is enough. Alam mo naman pala ang linya mo. Sa susunod, huwag ka na lang magpapa-intimidate kay Omar. Ako na mismo ang makakalaban niya kapag ipinahiya ka na naman niya sa maraming tao," kaswal na sabi ng binata. Inilahad nito ang kamay niya nang di pa rin siya tuminag sa kinatatayuan. "Halika na?"

Hinawi niya ang kamay nito at tumayo nang tuwid sa harap nito. "Hindi pa tapos ang eksena."

Bakas ang pag-aalinlangan sa anyo ng binata. "Pero..."

"Hindi mo pa nakikita kung kaya kong gawin ang susunod," sabi niya na puno ng kompiyansa. Hindi alam ni Aurora kung saan galing ang lakas ng loob niya. Parang may sumapi sa kanya na diyosa ng pag-ibig o kung anuman iyon.

"Alam mo kung anong susunod na eksena."

Tumango siya. Hahalikan siya ng bidang lalaki. "Oo. Alam ko. At gusto kong ituloy mo," lakas-loob niyang sabi.

"Gusto mong halikan kita?" hindi makapaniwalang tanong nito.

"Hindi ko iyon alam gawin. At gusto ko na turuan mo ako," giit niya at hinawakan ang harap ng kamiseta ng binata. "Gusto kong magawa nang maayos ang papel ko."

Pakiramdam marahil nito ay desperada na siya. Wala na siyang pakialam. Basta ang alam ng dalaga ay di niya mapapalampas ang pagkakataong ito. Hindi si Alvaro ang prinsipe niya kundi si Omar. At hindi niya makita ang sarili na hinahalikan ang lalaking di niya gusto kahit pa sabihin na umaarte lang sila. Kung magkakaroon siya ng unang halik, gusto niya ay sa lalaking ayaw niyang makalimutan. Si Alvaro iyon.

Hindi na ulit siya magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Nais niya ng magandang alaala sa binata bago ito umalis ng Juventus. Kahit minsan gusto niyang maging ito ang prinsipe niya. Kahit isang halik lang.

Sinabunutan nito ang sarili. Hati marahil ang kalooban nito kung magpapaakit sa kanya o tatanggihan siya. "This is crazy, Aurora."

"Ikaw ang nanggaling sa teatro. Ikaw ang nagsabi na dapat sinsero ang mga artista sa ginagawa nila. Kailangan maging makatotohanan ako, di ba? Paano ko maipapakita ang pagmamahal ko kay Artus bilang si Joviana kung hindi naman ako marunong humalik?"

"Pwede namang dayain iyon. Di mo naman siya kailangang halikan nang totoo. Pwedeng i-silhouette na lang. Tatabingan kayo ng tela at gagawan na lang ng paraan sa anino ninyo para magmukhang hinahalikan ka," paliwanag nito.

"E di hindi rin pala makatotohanan."

"Auror, listen. You don't have to do anything as drastic as this to be a good actress." Hinawakan nito ang balikat niya. "Kakausapin ko si Ma'am Mercy tungkol dito. Wala kang dapat ipag-alala."