Chapter 33 - Chapter 27

"Amay!" saway ni Aurora sa ama.

"Kuya, kumain ka na muna," anang si Tiya Manuela. "Tikman mo rin ang isda at enselada. Makakalimutan mo iyang iniisip mo."

Subalit hindi iyon pinansin ni Manoy Gener. Nanatili pa rin ang mga mata ni kay Alvaro. "Hindi naman ako ipinanganak kahapon. Di rin ako bulag. Alam ko na interesado siya sa anak ko." Inilahad nito ang kamay. "Ginagawa mo ito para mahulog ang loob niya sa iyo. Pati ako gusto mo ring mapalapit sa iyo."

Mariing pumikit si Aurora. Wala talagang pinipiling lugar o panahon ang ama niya masabi lang nito ang gusto. Pasimple niyang sinilip si Alvaro na parang di alam ang sasabihin. Paano kung nagmamagandang-loob lang ito at wala namang ibang interes sa kanya?

"Ano ngayon kung interesado siya? Mabuti naman siyang tao. Dalaga at binata naman sila ni Aurora," anang si Tiya Manuela na gumitna na. "Matatanda na sila. Hayaan mo na ang mga bata sa gusto nila. Hindi pa man ay parang pinangungunahan na natin sila. Ipinagluto ka lang ni Alvaro, marami ka nang nasabi."

"Tapos ano? Kukunin niya ang loob ng anak pero aalis din siya matapos ang isang linggo o isang buwan? May iba siyang plano sa buhay. Panlibangan lang niya ang anak ko. Pinoprotektahan ko lang ang interes ng anak ko mula sa mapagsamantalang lalaki. Ganoon naman ang mga lalaki sa Maynila, hindi ba?" sabi ni Manoy Gener.

"Hindi po ako ganoong klaseng lalaki," tutol ni Alvaro. "Mataas po ang pagpapahalaga ko kay Aurora."

"Kung ganoon, ano ang gusto mong mangyari sa inyo ng anak ko?" angil ng ama niya na halos malukot ang mukha sa galit.

"Amay, nakikipagkaibigan lang po si Alvaro. Huwag po kung saan-saan pumupunta ang utak ninyo," paliwanag naman ni Aurora at humihingi ng paumanhin na tumingin kay Alvaro. "At tama po si Tiya Manuela. Kung anuman ang intensiyon sa akin ni Alvaro, matanda na ako para magdesisyon para sa sarili ko."

Binalingan siya ng ama. "Aurora, pinoprotektahan lang kita. Paano kung mapalapit ang loob ninyo sa isa't isa at magustuhan mo siya? Hindi mo naman siguro ako iiwan para sa kanya."

"Amay!" ungol ng dalaga at napapikit. Palayo na nang palayo ang usapan. "Ni hindi pa nga nanliligaw sa akin 'yung tao, kung anu-ano na ang sinasabi ninyo."

Nakakahiya talaga kay Alvaro ang nangyayaring ito. Baka akala nito ay kung anu-anong ipinapasok niya sa utak ng tatay niya at isipin nitong patay na patay siya dito. Na binibigyan niya ng malisya ang pagmamagandang-loob nito. Gusto na lang niyang lamunin siya ng dagat nang mga oras na iyon dahil sa kahihiyan.

Kay Alvaro naman bumaling si Manoy Gener. "Kung plano mong iwan ang anak ko sa huli at aalis ka rin ng islang ito, huwag ka nang makipaglapit sa kanya. Lumayo ka na lang sa kanya. Bumalik ka na lang sa pinanggalingan mo. Huwag mo na rin akong ipagluto o ipanguha ng pang-ti-on sa susunod. Titiisin ko na lang ang matabang o minsan ay sobrang alat na luto ng anak ko kaysa naman makita ko siyang nasasaktan sa huli."

Tumayo si Manoy Gener at bumalik sa bahay nila. Alumpihit si Aurora sa upuan. Di niya alam kung susundan ang ama o kakausapin si Alvaro. Sa huli ay nanatili na lang siya sa tabi ng binata. Kahit naman anong sabihin niya sa ama ay sarili lang nito ang pakikinggan nito. At mukhang buo na ang isip nito tungkol kay Alvaro.

"Huwag mo nang pansinin si Tiyo Gener. Tumatanda na iyon. Ganyan ang teleserye dito sa isla namin. Kain na lang tayo," sabi ni Kenzo na patuloy lang sa pagkain.

Tahimik pa rin si Alvaro nang silang dalawa na lang sa mesa para maglinis ng pinagkainan. Mabigat tuloy ang pakiramdam niya. Di niya alam kung anong tumatakbo sa isipan nito. "Pasensiya na sa sinabi ni Amay. Kung anu-ano kasi ang naiisip niya. Hindi lang naman siya sa iyo ganyan kundi pati sa iba rin. Nakakahiya talaga."

"Tama naman siya. Di naman tama na makipaglapit ako sa iyo..." sabi ni Alvaro.

"Ano ang masama sa pakikipagkaibigan?" tanong niya agad. Gusto niyang maging malinaw sa binata na magkaibigan pa rin sila. Walang kinalaman ang anumang sinabi ni Manoy Gener kanina.

Huminga ito ng malalim. "I like you, Aurora. Di lang bilang kaibigan. I want to get to know you better. I want to know what makes you happy. I want to hear you laugh. Gusto kong marinig ang mga bagay tungkol sa iyo na alam kong di mo sinasabi sa iba. I want to have a deeper relationship with you. Pero di iyon patas para sa iyo dahil aalis din ako."

"Alvaro..." Kung ganoon ay gusto nga siya nito. Kung gusto niya ito, ibig sabihin ay may tsansa pa sila dahil gusto rin naman niya ito. Hindi nito kailangang umalis.

"Oras na may dumating na bangka dito pabalik ng Calbayog, sasama na ako."

Biglang tumigil sa pagtibok ng puso ni Aurora. "S-Sa isang linggo na iyon. A-Aalis ka pa rin?" Hindi na niya masabi na gusto niya ito. Na di nito kailangang umalis. Nakikita niya sa mga mata nito na desidido na itong layuan siya.

"Mas makakabuti siguro kung iiwasan muna natin ang isa't isa. Mas magiging madali iyon para sa atin," anito at tipid na ngumiti.

Umiling ang dalaga. Parang hindi siya makahinga. Iiwasan niya si Alvaro? Hindi yata niya kaya. Mula nang makilala niya ito, ito na ang lagi niyang hinahanap-hanap. Parang mababaliw siya pag ilang oras niya itong di nakita. Buo na ang araw niya kapag ngumiti ito sa kanya. At gusto nito na mag-iwasan sila?

"Alvaro, di naman kailangang maging ganito. Baka naman pwede pang magbago ang isip mo. Hindi naman natin kailangang mag-iwasan."

Malungkot itong ngumiti. "Para din ito sa kabutihan mo, Aurora."

Parang nauupos na kandila na napaupo sa bangkito ang dalaga. Pakiramdam niya ay hinigit ni Alvaro ang puso niya mula sa dibdib niya. Sobrang sakit. Bakit kailangan pang mapalapit siya dito para lang iwan siya sa huli? Hindi pa man nagsisimula ang laban nila ay iniwan na siya nito. Sinukuan na lang siya basta.

Para sa kabutihan niya? Paanong naging mabuti sa kanya kung parang nawalan na siya ng dahilan para sumaya? Bakit kailangan pa niyang maramdaman ang pinakamasayang pakiramdam nang makilala si Alvaro tapos ay lalayo din ito sa kanya?

Kinuyom niya ang palad at pinagmasdan ang kadiliman ng gabi. Sana hindi na lang niya ito nakilala pa. Sana ay wala na lang siyang naramdaman para dito. Sana ay di na lang nito ipinaramdaman na espesyal siya kung mawawala din naman ito sa buhay niya.