"ANAK, mababa na ang dagat. Alas kuwatro na. Pwede ka nang pang-ti-on. Iyon ang gusto ko ng ulamin ngayong gabi."
"Opo, Amay," ungol ni Aurora at pilit na bumangon. Medyo masakit pa ang ulo niya dahil sa pagkakabisa ng script kaya naman nakaidlip siya sa gitna ng pagbabasa.
Dati ay sabik na sabik siya kapag dumadating ang pista lalo na't lagi niyang ginagampanan ang bidang babae. Sa mga naroon kasi, siya ang maayos-ayos na umarte at mag-deliver ng linya. Siya din ang mas magaling kumabisa ng linya. Ngayon ay parang nangingilo siya kapag naiisip niya na si Omar ang magiging prinsipe niya. Kapag pa pumipikit siya ay si Alvaro ang nakikita niya.
Hindi na normal ang nararamdaman ko kay Alvaro. Hindi na normal na sa lahat na lang ng iniisip ko, lagi siyang nandoon. Pero anong magagawa ko? Kapag naiisip ko siya, gumagaan ang pakiramdam ko. Kung makikita ko lang sana siya ngayon. Kaninang umaga kasi ay niyaya ito ng grupo nila Inez na mamitas ng makopa sa bukid ng mga ito sa bundok.
Halos hilahin ni Aurora ang sarili patungo sa dagat. Tinatamad talaga siyang manguha ng pang-ti-on ngayon. Mainit pa rin kasi ang araw sa balat at masakit pa ang ulo niya. Mukha lang madaling tumuklap ng mga pang-ti-on sa batuhan pero di iyon madali. Di madaling makapuno ng isang tabo. Wala naman siyang magagawa dahil iyon ang paboritong ulam ng ama.
Pagdating sa dalampasigan ay napansin niya na may mga bata at kababaihan nang nanunuklap ng pang-ti-on. Lulugo-lugo siyang naglakad nang makarinig siya ng isang mataginting na halakhak ng isang lalaki. Kilala niya ang boses na iyon. Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang makita si Alvaro na nakasuot ng tinuping pantalon at puting sando habang kausap ang mga bata. May hawak din ito na tabo at saka umuklo sa may batuhan. Parang may tinutuklap ito.
Lumusong siya sa mababaw na tubig-dagat at nilapitan ito. "Alvaro, anong ginagawa mo dito?"
"Nangunguha ako ng seashells. Pang... pang.."
"Pang-ti-on," sabi niya nang makita ang laman ng tabo nito. "Ako rin. Nagpapaluto kasi sa akin si Amay. Iyan din ba ulam ninyo?"
"Hindi. Nangunguha talaga ako para sa iyo."
Umuklo siya sa batuhan at nilingon ito. "Bakit?"
"Gusto ko kasing ipagluto kayo ni Manoy Gener. Di pala madaling magbakbak ng seashells sa bato dahil laging nakayuko. Lagi ka daw nangunguha ng mga seashells dito."
"Ipagluluto mo kami? Marunong kang magluto?"
"Kahit paano marunong ako. Frustrated chef ako. Noong bata ako kung anu-anong ine-eksperimento ko. Gusto ko kasing pagsilbihan ang magulang ko dahil lagi silang nagtatrabaho," kwento nito at umuklo sa kabila ng bato para magtuklap ng pang-ti-on. Malambing pala ito sa magulang noong bata pa. Di malayo sa kanya.
"Nagustuhan ba nila ang luto mo?"
Malungkot itong ngumiti. "Hindi nila natitikman dahil ilang araw sila minsan na di umuuwi dahil sa trabaho. Pero gusto ng kapatid kong si Echo. Number one fan ko iyon. Chef sana ako kung hindi ako natigil sa pag-aaral."
"Ay! Sayang naman. Di mo na itinuloy?"
"Nawili sa trabaho. Wala akong ibang aasahan sa aming magkapatid nang mamatay ang mag magulang namin." Tipid na ngumiti ang binata. "Ayos lang. Mahalaga nasuportahan kaming magkapatid nang mga panahon na iyon."
Bumuntong-hininga si Aurora. "Masarap siguro na may kapatid. Hindi mo mararamdaman na mag-isa ka sa mga problema."
"Oo naman. Partners in crime kami. Kaya suportado ko rin siya sa lahat ng gusto niyang gawin." Tinanguan siya nito. "Maupo ka na sa beach. Ako na ng bahala dito."
"Gusto ko pa ring tumulong," giit niya at nakibakbak na rin ng pang-ti-on sa bato. Mas madali para sa kanya ang trabaho dahil nariyan si Alvaro. Masaya din siyang pakinggan ang kwento ng buhay nito. "Mabuti pa sabay-sabay na tayong kumain sa labas kasama sina Tiya Manuela at Kenzo. Masaya iyon."