"AURORA, kaninong luto ang nagustuhan ni Alvaro kahapon? 'Yung ginataang saging at kamote na may sago ang sa akin," tanong ni Torya at kinalabit siya habang nakapila siya sa igiban ng pang-inom na tubig.
Isang alanganing ngiti ang ibinigay ng dalaga sa kababatang si Pining. Sinundan siya nito hanggang sa bukal kung saan siya mag-iigib ng tubig sa bukal kung saan kumukuha ang taga-isla ng tubig na pang-inom. Maaga siyang gumising dahil gusto sana niyang samahang maglakad-lakad si Alvaro at pumunta sa talampas. Isinama daw ni Kenzo ang binata sa bukid para daw mamitas ng saging at iba pang prutas.
Parang lumulutang pa sa alapaap si Aurora habang inaalala ang masayang miryenda nila ni Alvaro kahapon. Habang ang mga babaeng ito naman ay namomoroblema kung sino ang nagwagi para sa binata.
"Siyempre 'yung akin ang nagustuhan ni Alvaro. Ako ang nanalo noong isang taon sa cooking contest ng panghimagas. Hindi niya matatanggihan ang sumang moron ko," pagmamalaki ni Bebang.
Pinanlakihan naman ito ng mata ni Inez. "Yung akin ang nagustuhan niya. Di ako sumali noong isang taon sa cooking contest kaya ikaw ang nanalo."
"Dalawang beses niyang tinikman 'yung akin. Sa inyo isang beses lang," nakapamaywang na wika ni Bebang.
"Paano naman ipinagduldulan mo sa bibig niya 'yung suman mo. Paanong hindi niya kakainin?"
Sumakit ang ulo ni Aurora sa bangayan ng mga ito. Parang gusto niyang ipamukha sa mga kababaryo na siya ang nagwagi. Ang nilagang hilaw na saging na saba na may gatas na kondensada niya ang umangat sa lahat. Pero siyempre di niya sasabihin iyon dahil sekreto na niya kung ano ang nagpaamo kay Alvaro. Isa pa, ayaw niyang kuyugin ng mga ito oras na malamang mas interesado ang binata sa luto niya. Ang mga ito na ang panalo sa cooking contest pero siya ang panalo kay Alvaro.
Naramdaman niyang may yumugyog sa balikat niya. "Rora! Rora, nakikinig ka ba?"
"Ha? Anong sabi mo?"
"Kung sino ang nagustuhan ni Alvaro na luto sa amin," nakangising tanong ni Torya.
Kinagat niya ang labi at nakita ang pag-asam sa mukha ng mga kababaihan doon. "Ah... Wala siyang nabanggit sa akin kasi. Pasensiya na."
Itinulak ni Torya ang balikat niya. "Parang hindi ka kaibigan. Sabihin mo na."
"Bakit hindi si Kenzo ang tanungin ninyo? Sila kasi ang magkasama lagi. Baka may nasabi si Alvaro sa kanya," suhestiyon niya.
"Inggit naman ang mga lalaki dito kay Alvaro. Ikaw na ang magtanong. Mukhang malapit naman kayo sa isa't isa. Sige na," pakiusap ni Inez. Nanatiling tikom ang bibig ni Aurora. Wala itong makukuhang sagot sa kanya.
"Tingin ko may alam si Rora. Ayaw lang niyang sabihin. Pinagpapawisan o!" panghuhuli ni Bebang.
Iniwas niya ang tingin. "Wala talaga akong alam."
"Namumutla ka. Mukha kang guilty," sabi naman ni Inez. "Kilala kita, Rora. Di ka magaling magtago ng sekreto. Ayaw mo rin nagsisinungaling. Umamin ka na."
Sinapo niya ang sikmura. Kailangang makaisip siya ng paraan para maiwasan ang panggigipit ng mga ito. "Masakit kasi ang tiyan ko. Uuwi muna ako sa bahay, ha? Magbabanyo lang. Pakipila muna ang balde ko. Babalikan ko mamaya."
At hinabol siya ng tawanan ng mga ito. Mas mabuti na iyon kaysa naman pilitin siya ng mga ito na sabihin ang totoo. Mas gusto niyang isekreto kung anuman ang mayroon sa kanila ni Alvaro. Gusto niya ang mga sandali na nagkakasabihan sila ng sekreto na hindi alam ng iba. Alam niyang espesyal sa kanya ang binata at espesyal din siya dito. Hindi niya hahayaang may ibang sumira doon, lalo na ang ama niya at ang mga babaeng ito.
"Ate Rora!" tawag sa kanya Kenzo. Nang lumingon siya ay ilang metro lang ang layo nito sa kanya at kasama nito si Alvaro na nakahubad-baro pa habang pasan sa balikat ang isag buwig na saging. Napanganga na lang siya nang muling mapagmasdan ang katawan nito. Ang magandang katawan nito na ibinabandera nito sa buong baranggay.
Hangos na lumapit ang dalaga. "Alvaro, hindi ka dapat nagbubuhat niyan. Sana si Kenzo na lang ang hinayaan mo. Ibaba mo iyan!" utos niya. Tinampal niya ang braso si Kenzo na ang dala lang ang tuwalyita nito na pampahid ng pawis. "Ano ka ba naman? Alam mo naman na may sugat pa si Alvaro. Tapos pagbubuhatin mo ng saging."
"Sabi niya kaya na niya. Saka tingnan mo naman ang braso ko, Ate. Mababali iyan kapag ako ang pinagbuhat mo ng isang buwig na saging."
"Good morning, Aurora," nakangiting bati ng binata. "Huwag ka nang magalit. Ako ang nagprisintang magbuhat."
"Paano ang sugat mo?"
"Hindi naman masakit. Papagaling na ako. Saka gusto kong ako ang magbuhat nito dahil kinuha talaga namin itong saging para sa iyo."
"Para sa akin?" naguguluhang tanong niya.
"Oo. Gusto ko na ipagluto mo ulit ako ng nilagang hilaw na saging na saba. Kaya huwag ka nang magalit, ha?" malambing na sabi ng binata at lumabas ang biloy sa pisngi nito.