Lumingon ang binata at nakakunot ang noo siyang nilapitan. "Pasensiya na. Nagising yata kita."
Isinuklay niya ang daliri sa magulong buhok. "Ah! Hindi naman. Ayos lang. Ano palang kailangan mo?"
"Alas tres na kasi ng hapon. Akala ko sabay tayong magmimiryenda. N-Nangako ka kasi sa akin kaninang umaga na ipagluluto mo ako."
Nakagat ni Aurora ang labi. "Iyon ba?" Naalala pa pala nito. O baka naman akala nito ay masarap siyang magluto kaya umaasa ito.
"Kung hindi mo ako naipagluto dahil pagod ka, walang problema. Sabay na lang tayong kumain," anito at hinawakan ang kamay niya.
"Huwag na. Nakakahiya naman sa mga bisita mo. Saka nagmiryenda ka na siguro sa dami ng dala nila. Di mo na kailangan ang miryendang gawa ko kung sakali."
"Hindi pa ako kumakain."
"Pero masasarap ang mga luto nila," aniya at ngumuso sa mga babae na nagkakasayahan pa rin sa balkonahe.
"Tumikim lang ako. Hinihintay ko pa rin ang luto mo. Kaso tinulugan mo ako."
Nahigit niya ang hininga. Hinintay nito ang luto niya at mukhang umaasa pa rin ito na ipagluluto niya ito. Madidismaya lang ito kapag hinintay pa siya. "Uhmmm... Hindi naman kasi ako ganoon kasarap magluto. Ordinaryo lang ang luto ko kumpara sa luto nila."
"Paano mo naman nasabi iyan?"
"Sila kasi ang mga magagaling magluto at mga lumalaban sa cooking contest dito sa baranggay namin." Bumagsak ang balikat ng dalaga. "Ako ang laging talo. Kaya maiintindihan ko kung hindi mo gugustuhing matikman ang luto ko."
Hinawakan nito ang baba niya at inangat ang mukha niya. Mabait ang ngiti nito sa kanya. "Aurora, hindi naman ako judge sa cooking contest. Gusto kong matikman ang luto mo kasi iyon ang ipinangako mo sa akin. Wala akong pakialam kahit na pakainin mo pa ako ng damo o palapa ng niyog. Basta ipagluto mo ako at tuparin mo ang pangako mo. Okay?"
"Walang sisihan kapag hindi mo nagustuhan," paniniyak niya.
"Gusto ko pa ring matikman," giit nito.
Parang tinurukan ng pampasigla si Aurora. "Sandali lang. Mabilis lang naman magparingas at magpakulo ng tubig."
"Take your time. Hihintayin ko ang iluluto mo para sa akin."
Pumunta siya sa kusina para paringasin ang baga sa panggatong. Di pa iyon tuluyang namamatay. Hinihipan niya ang ningas para umapoy nang magsalita si Alvaro sa likuran niya. "Hindi ka ba nahihirapan? You see, may mga makabago nang gamit sa pagluluto."
Alam niya ang tinutukoy nito. May mga panluto na ginagamitan ng LPG. Ang huling balita nga niya ay may de-kuryente pa at nakakaluto kahit na walang apoy. Malayo sa makalumang pamamaraan nila sa isla.
"Ito na ang nakasanayan namin," katwiran ni Aurora at hinipan ulit ang tubo.
"Kailangan mo ng tulong?" nag-aalalang tanong ng binata.
"Kaya ko na ito," aniya at inangat ang isang kamay. Nang sumiklab ang apoy ay ngumisi siya dito. "Kita mo na. Kaya ko naman ito."
Sa wakas ay inahon niya ang saging at ihinain dito. "Uhmmm... Nilagang hilaw na saging na saba."
"Hilaw na saging na saba? Di ko alam na pwede palang kainin iyon."
"Iyan ang karaniwang kinakain ng mga tao dito tuwing agahan kapag wala na kaming kanin o tinapay. Minsan kasi nauubusan dito sa isla. Nilalagyan iyan ng asukal pero mas espesyal para sa akin kapag may gatas."
Matapos lagyan ng konsensada ng saging na saba ay ihinahin niya iyon sa binata. Kinakabahan si Aurora habang pinapanood ito sa pagkain. "Masarap. Parang ginataang gabi. Kakaiba pala itong saging na saba kapag hilaw."
"Ayos lang ba ang lasa?" kinakabahang tanong ni Aurora at pinagsalikop ang kamay.
"Oo naman. This is a new discovery. Hindi ko alam na ganito pala ang lasa ng hilaw na saging na saba. You should eat yours. Baka ubusan kita."
Di pa rin siya makapaniwala sa naririnig."N-Nagustuhan mo ang luto ko? Hindi naman iyan kakaiba o espesyal."
"Stop saying that. Nagustuhan ko. Wala akong pakialam kahit na hindi ito mananalo sa cooking contest. Panalo ito para sa akin," anito at itinaas ang hinlalaki.
"Paano ang niluto ng ibang mga babae sa iyo?" paalala niya. Hamak mas masarap ang luto ng mga iyon kaysa sa kanya.
"I am sure, maa-appreciate iyon ng iba. Basta gusto kong kainin ang luto mo. At masaya ako dahil ipinagluto mo pa rin ako kahit na dapat nagpapahinga ka na."
"Salamat, Alvaro. Ngayon ko lang kasi narinig iyan," aniya at sumibi. Parang gusto niyang yakapin ito at umiyak sa balikat nito. Ngayon lang may nagpahalaga sa niluto niya. Mas madalas kasi ay nilalait siya kahit ng sariling ama.
"Handa akong kainin ang lahat ng iluluto mo para sa akin," sabi ng binata at siya naman ang ipinagbalat ng saging saka nilagyan iyon ng kondensada.
"Alvaro, huwag mong sabihin iyan. Baka mawili ako."
"Is that a bad thing?"
"Hindi naman. Kaya lang..." Ayaw niyang masanay na lagi itong nandiyan para sa kanya. Ayaw niyang masanay sa mga papuri nito. Ayaw niyang masanay sa espesyal na pagtrato nito sa kanya. Dahil baka aalis din ito sa huli. "...Wala lang."
Ayaw niyang isipin na aalis din ito agad. Gusto niya na maging masaya ito sa isla. Gusto niyang maging masaya ito kapag magkasama sila. Baka sakali na mas magtagal pa ito sa Juventus kasama siya.
"May gagawin ka ba bukas?" tanong niya sa binata.
"Wala pa naman. Pero nagyayaya silang pumunta sa ibang mas maliliit na sila."
"May pulong kasi kami bukas para sa pagtatanghal ng dula sa pista. Baka gusto mong sumama."
"A theater play?"
Tumango siya. "Kasi taon-taon may dula kami sa pista." Pero siguro ay di nito gusto ang ganoong palabas. Iba nga namann iyon sa sine na ipinapalabas sa mga sinehan. Baka mabaduyan ito. "Pero kung may iba kang pupuntahan..."
"Hindi. Tumanggi na ako. Sabi ni Doc Tagle, huwag muna akong masyadong maglalayo dito. Ingatan ko pa rin daw mabasa ang sugat ko. Baka mamaya mabasa ng tubig-dagat. Kaya mas gusto ko na sumama na lang sa meeting ninyo sa play. Baka may maitulong pa ako."
"Salamat."
"Alam mo naman na hindi kita basta-basta matatanggihan, Aurora. Basta ikaw."
Isang kiming ngiti ang gumuhit sa labi ng dalaga. Pakiramdam niya ay unti-unti nang nahhuli ni Alvaro ang puso niya.