Chapter 19 - Chapter 13

HINDI maipinta ang mukha ni Aurora habang pinapanood si Alvaro na pinagkakaguluhan ng mga kababaihan sa labas ng kapilya kung saan katatapos lang ganapin ang pulong ng mga taga-isla. Ipinakilala ang binata kaninang pulong bilang bisita ng tiyahin niya at ibinida din nito kung paano siyang sinagip mula sa snatcher. Kaya naman dalaga, pati may nobyo at mga biyuda ay interesado dito.

"Ang galing mo siguro nang nakikipaglaban ka sa snatcher na iyon. Para ka sigurong action star. Mag-isa mo lang hinarap ang holdaper," anang si Nenet na pinapungay ang mata.

"Papisil naman sa braso mo," sabi naman ni Ponyang na walang pakialam kahit na nakamasid ang nobyo nito sa isang tabi. Pinisil pa rin nito ang braso ni Alvaro bago pa man makasagot ang binata at tumili. "Eeee! Ang tigas."

"Papisil din," sabi ni Nanay Talya at nakigaya na rin ang ibang mga kababaihan.

Walang nagawa si Aurora para sawayin ang mga ito dahil nasa tabi siya ng ama na abala pa rin sa pakikipagpulong kay Kapitan Robredo. Bago ang aksidente ay ang ama niya ang kapitan doon. Si Mang Robredo ang pumalit dito matapos ang aksidente. Bagamat iba na ang namumuno ay sa ama pa rin niya sumasangguni ang mga pinuno sa isla. Kahit nga ang mga desisyon sa iba't ibang trabaho at ari-arian ng mga tao doon ay sa ama din niya sumasangguni. At sa ganitong mga pulong ay kailangang manatili siya sa tabi ng ama dahil minsan ay hinihingan siya ng opinyon.

Pero sa pagkakataong ito ay kating-kati na ang paa niya at di mapigilang itapik habang pinagkakaguluhan ng mga babae si Alvaro. Gustong-gusto na niyang hilahin ang binata palayo sa mga babae.

"Aba! Umayos nga kayo," saway ng pinsan niyang si Kenzo sa mga kababaihan. "Nakakahiya sa bisita natin."

"Grabe naman kayong makapisil," sabi naman ng nobyo ni Ponyang na si Teban at hinila ang nobya palayo. "Parang di ninyo nakikita sa amin ang ganyan sa araw-araw."

"Oo nga," sang-ayon naman ng ibang mga kalalakihan

"Tse! Huwag ka ngang makigulo sa amin. Inggit lang kayo dahil di namin kayo pinagkakaguluhan," sabi ni Bebang.

"Ang layo nyo naman kay Alvaro," sabi ni Koring at inirapan ang mga lalaki. "Mahilig ka ba sa bata? Naku! Magugustuhan ka ng mga anak ko bilang tatay nila."

Nakasimangot na lumapit sa kanya ang pinsang si Kenzo. "Ate, ilayo mo na nga si Kuya Alvaro. Di na kami napapansin ng mga babae. Paano ako makakapanligaw nito kay Margaret kung di na niya ako tinitingnan mula nang dumating si Alvaro?"

"Huwag mo nga akong idamay diyan. Gusto mo bang mapagalitan ako ni Amay kapag nakialam ako?" bulong niya at pilit na ibinaling ang atensiyon sa pinag-uusapan ng ama niya at ng ibaang kalalakihan kahit ang totoo ay wala siyang naiintindihan.

"Hindi ka nagseselos?" tanong nito.

Iniwas niya ang tingin dito. "Puro ka kalokohan. Bantayan mo na lang si Alvaro doon."

Siya? Magseselos? Hindi siya nagseselos kahit na parang nangangati ang kamay niya na hilahin sa buhok isa-isa ang mga kababaihan na nakapaligid kay Alvaro. E siya nga ilang araw nang kasama ng binata di man lang nakapisil sa braso nito. Hanggang pangarap lang siya. Naunahan pa siya ng mga bruha. Pero ang ngitngit niya ay walang kinalaman sa selos.

"Kumusta ka, Aurora?" tanong sa kanya ni Omar nang makaalis na ang pinsang si Kenzo. Maamo ang mukha ng lalaki. Malamlam ang mga mata nito at katamtaman ang tangos ng ilong. May kahabaan ang alon-alon nitong buhok na konti na lang ay aabot na sa balikat. Nasa 5'8" ang tangkad nito.

Isa ito sa mga kagawad ng baranggay at ayon sa iba ay magiging magaling na kapitan kung hahalili ito sa ama. Matalino naman si Omar at pwedeng mag-aral sa lungsod pero pinili na lang nitong tumulong sa koprahan ng pamilya at maliit na sakahan ng mga ito sa bundok. Gusto ito ng ama niya dahil mas pinili nitong manatili sa isla nila at magsilbi sa pamilya. Dahil gusto ito ng ama niya para sa kanya, may pasimpleng babala na ang ama niya sa mga babaeng nagkaka-interes kay Omar para di ito lapitan.

"Ayos lang ako," aniya at tipid na ngumiti.

"Ligtas ka ba, ineng? Hindi ka ba nasaktan nang may magnakaw ng bag mo?" tanong sa kanya ng ama ni Omar na si Kapitan Robredo. Maliit itong lalaki na malapad ang pangangatawan. Taliwas sa anak nitong si Omar na may katangkaran pero payat.

"Hindi naman po," sagot ng dalaga.

"Nag-aalala kasi si Omar sa iyo. Kung nandoon sana ang anak ko, hindi ka mapapahamak," sabi ni Kapitan Robredo at inakbayan ang anak.

Isang tipid na ngiti ang gumuhit sa labi ni Aurora. Alam naman niya na si Kapitan Robredo lang ang may sabi niyon at hindi si Omar. Di naman kasi sila gaanong nag-uusap ng lalaki kapag magkasama sila. Minsan nga pakiramdam niya ay wala itong pakialam sa kanya. Napipilitan lang ito dahil inirereto sila ng mga ama nila sa isa't isa. At sa ganitong pagkakataon ay tatay nito ang parang nanliligaw sa kanya.

"Nandoon naman po si Alvaro. Siya po ang humabol sa magnanakaw at matapang na nakipagaban. Naibalik naman po sa akin ang bag ko at nakakulong na rin ang magnanakaw. Salamat po sa pag-alala," magiliw na sabi ng dalaga at napansin niya na parang naumid si Kapitan Robredo.