Chapter 18 - Chapter 12

Nanigas ang dila ni Aurora. Hindi kasi niya alam kung paano ipapakilala sa amang si Manoy Gener ang binata. Kaibigan? Higit sa kaibigan?

"Ako po si Alvaro Baltazar. Kaibigan ko po si Aurora. Ikinagagalak ko po kayong makilala," nakangiting pagpapakilala ng binata at kinamayan ang ama niya.

"Dito po muna siya magbabakasyon dahil naghahanap po siya ng tahimik na lugar," paliwanag niya sa ama.

Dumilim ang mukha ni Manoy Gener. "May kaibigan kang lalaki? Kailan ka pa nakipagkaibigan sa lalaki? Nagdala ka ng estranghero dito sa isla? Alam mo ba kung gaano kadelikado iyon? Gaano mo ba siya kakilala?"

Napaurong si Aurora. Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag sa ama. Gaano nga ba niya kakilala si Alvaro? Ang alam lang niya ay iniligtas siya nito at ulila na ito sa mga magulang. Di niya alam kung saan mismo ito nagmula. At kapag sinabi niya iyon, tiyak na lalong di nito magugustuhan si Alvaro.

Kilala niya ang ama niya. Kapag di nito nagustuhan si Alvaro ay pwede nitong palanguyin pabalik ng Calbayog ang binata. Anong gagawin niya ngayon?

"Ako ang nag-imbita sa kanya. Sa bahay ko siya tutuloy," singit ni Tiya Manuela sa pag-uusap nila.

Ang tiyahin naman niya ang binalingan ng ama. "Isa ka pa. Malay mo ba kung anong klaseng tao ang pinatuloy mo. Paano kung pugante siya o kaya ay pinaghahanap siya ng batas? Hindi ba ninyo naisip iyon?"

Umalma na si Aurora dahil di siya pwedeng tumayo na lang sa isang tabi nang hindi naipagtatanggol si Alvaro. "Mabuti po siyang tao. Siya po ang humabol sa magnanakaw na humablot sa bag ko habang ang iba po ay walang pakialam sa akin."

Naalarma ang ama niya at hinawakan siya sa balikat. "Ano? Nanakawan ka?"

Kinagat niya ang labi saka niya napagtanto na siya mismo ang nagbilin sa iba na huwag iyong sabihin sa ama dahil tiyak na magagalit ito. "Uhmmm... Nahablot po bigla ang bag ko."

"Sinabi ko naman sa iyo na hindi ka dapat pumunta sa Calbayog. Delikado ang mga tao doon sa lungsod at may mga halang ang kaluluwa. Mabuti buhay ka pa."

"Salamat na lang at nandoon si Alvaro. Mabuti siyang bata," anang si Tiya Manuela at tumayo sa tabi ni Alvaro. "Bakasyunista siya. Naghahanap siyang tahimik na lugar."

"Madaming ibang tahimik na lugar sa Pilipinas," anang ama niya sa malamig na boses. Ni wala itong pakialam na si Alvaro ang nagligtas sa kanya.

"Nasaksak siya sa pagtatanggol sa anak mo kaya isinama na lang siya dito para magpagaling. Kaya magpasalamat ka sa kanya dahil nagsakripisyo siya para sa anak mo," pagtatanggol ni Tiya Manuela sa binata. "Hindi ka man lang ba magpapasalamat?"

Mataman munang tiningnan ng ama niya si Alvaro. Animo'y inaarok pa kung totoo ang magagandang sinabi nila ni Tiya Manuela tungkol dito. "Salamat," matabang na sabi ng ama niya. Bakas pa rin ang disgusto nito kay Alvaro. Hindi talaga madaling pasayahin ang ama.

"Mainit na naman yata ang ulo mo at pati sa bisita ay mainit ang pagtanggap mo. Paano ka naman gagaling niyan kung maiinitin ang ulo mo? Alam mo namang masama iyan sa kalusugan mo," saway ni Doc Tagle sa ama niya.

"Sino ba ang hindi iinit ang ulo? Itong anak ko hindi ako sinusunod. Ayan! Napahamak at nanakawan sa Calbayog. Hindi na nakikinig sa akin kaya tuloy napapahamak. Para naman sa kapakanan niya ang ginagawa ko," anang ama niyang si Manoy Gener at ikinumpas pa ang kamay.

"O! Uulit ka pa. Manuela, iuwi mo na si Alvaro para makapagpahinga. Isama mo si Isagani para sa sugat niya. Mag-usap tayo sa loob, Gener," anang si Doc Tagle at inalalayan ang ama niya papasok ng bahay. "Ininom mo ba ang tsaa na ibinilin kong inumin mo? Mahigpit ang sinabi ko sa sulat ko kay Soling na huwag kang lalampas o makakalimot sa pag-inom para guminhawa ang pakiramdam mo."

Nahihiya siyang humarap kay Alvaro. Baka nadismaya ito dahil sa kasungitan ng tatay niya at isipin nitong di ito tanggap sa isla. Di naman kasi maganda na ganoon ang pagsalubong dito sa unang araw nito sa Juventus.

Hinawakan niya ang braso ng binata. "Pasensiya na kay Amay. Ganoon talaga siya sa mga taong hindi niya kilala lalo na at bagong salta dito sa isla pero mabait iyon. Lalo na siguro pag nakilala ka niyang mabuti."

Nakakaunawang tumango si Alvaro. "Naiintindihan ko naman ang ama mo kung mag-alala siya sa iyo. Madami talagang masama at mapagsamantalang tao sa mundo. Nag-iisa ka niyang anak kaya dapat mag-ingat ka."

"Pero may mabubuting gaya mo na handang magligtas sa akin."

"Hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganoon. Kaya huwag kang masyadong kampante at makiking ka pa rin sa kay Manang Gener."

"Basta ikaw ang bayani ko. Salamat!" Bahala ang tatay niya sa opinyon nito. Mas kilala naman niya si Alvaro kaysa sa ama niya. Mas matagal silang nagkakilala.

"Aurora! Nasaan ka na ba, Aurora?" tawag ni Mang Gener mula sa loob ng bahay.

"Papasok na ako sa loob," sabi niya kay Alvaro at tinapik ang braso nito. "Magpahinga ka muna at kailangan pang tingnan ang sugat mo."

"Sige. I'll see you later?"

Tumango siya. Sinundan muna niya ito ng tingin habang inaalalayan ito ng anak ni Doc Tagle na si Isagani papunta sa bahay ng Tiya Manuela niya. Sabik na siya sa muli nilang pagkikita.