Chapter 17 - Chapter 11

"NANDITO na tayo sa wakas," deklara ni Aurora habang palapit sila nang palapit sa Isla Juventus. "Ayos ka lang ba diyan?"

"I am having sea-legs but I am fine. Gusto ko nang tumapak sa lupa," anang si Alvaro at inunat-unat ang paa para mawala ang pagkapagal. Nakakangawit din naman dahil di sila gaanong nakakagalaw sa bangka.

Nakatayo sila sa harap ng bangka at palapit na sila nang palapit sa berdeng isla. Alas tres pasado na noon at naantala ang paglalakbay nila dahil sa malakas na ulan. Pero di na mahalaga kahit gaano pa kalayo ang biyahe. Makakauwi na sila sa wakas at nasasabik na siyang maipagmalaki sa binata ang isla.

"Magpapasensiya ka na sa bahay namin, Alvaro," anang si Tiya Manuela at hinawakan ang balikat nito. "Simple lang iyon at wala rin kaming mga restaurant dito. Pero makisalo ka na lang sa amin."

"Alam ko naman po iyon. Ako nga po ang nahihiya dahil makikituloy lang po ako. Di rin naman po ako maselan. At kung may maitutulong po ako, sabihin lang ninyo sa akin," mapagpakumbabang sabi ni Alvaro.

"Bisita ka namin kaya kami ang mag-aalaga sa iyo," anang tiyahin niya. "Maliit na bagay lang iyon kumpara sa nagawa mo sa pamangkin ko. Basta gusto ko na maging masaya ka habang nagbabakasyon sa amin at makapagpagaling ka."

Nang dumaong ang bangka nila sa pantalan ay naghangusan na ang mga tao sa dalampasigan. Mula mga nagkukwentuhang mga kababaihan, mga binatilyong nagba-basketball sa plaza pati ang mga batang naglalaro sa buhanginan sa halip na natutulog. Pinagkulumpunan sila ng mga ito nang bumaba sila ng bangka.

"Aba! Nawili ka ata sa Calbayog, Rora. Akala namin di ka na uuwi," pabirong sabi ng kababata niyang si Koring na may nakasalalay pang sanggol na anak sa balakang nito.

"Hindi ko naman pwedeng iwan si Tatay. May nangyari lang di inaasahan habang nasa Calbayog ako," paliwanag niya at inabutan ng brownies ang anak nito.

"Aba! At nag-uwi ka pa ng guwapo. Pasalubong mo ba iyan sa akin, Rora?" tanong ng matandang dalagang si Talya.

"Nanang Talya, sa akin po iyan pasalubong ni Ate Rora," anang kapitbahay nilang si Torya na disisiyete anyos pa lang pero nakalimang boyfriend na.

"Mas matanda ako sa iyo. Akin siya," sabi naman ng kapatid nitong si Yolly na disiotso na. "Hi! Ako si Yolanda. Tawagin mo na lang akong Yolly."

At sumunod na ang ibang babae na gusto ring makipagkilala sa binata. Sino ba namang babae ang hindi magkaka-interes kay Alvaro? Alam niya na guwapo ito pero di naman niya inaasahan na dudumugin ito ng mga babae doon.

"Nobyo mo ba siya, Ate Rora?" tanong ng dalagang si Inez na patingin-tingin lang. "Paano na si Omar?"

Biglang lumingon sa kanya si Alvaro na nakakunot ang noo. Narinig ba nito ang tungkol kay Omar? "Mamaya na tayo magkwentuhan, ha?" Ayaw niyang pag-usapan si Omar ngayon. Di naman niya nobyo ang lalaki. Bakit kailangan pang isama sa usapan? Tumikhim siya at tumayo sa tabi ni Alvaro. "Salamat sa pagsalubong sa amin pero kailangan na naming magpahinga. Nakakapagod kasi ang biyahe. Saka mainit dito."

Nang maglakad sila papunta sa direksyon ng bahay niya na nasa ilalim ng lilim ng mga puno ng niyog ay saka lang nakahinga ng maluwag si Aurora. Mabuti naman at di na sila sinundan pa ng mga babae na interesado kay Alvaro. "Pasensiya ka na dahil bigla kang dinumog. Madalang kasi na may bagong mukha dito sa Isla Juventus."

"I don't really mind," anang binata at nagkibit-balikat. "Sanay na akong pinagkakaguluhan ng mga tao."

"Huh! Bakit ka naman nila pagkakaguluhan? Sikat ka ba? Artista ka ba?"

Natigilan ito at maang siyang tiningnan. Pagkuwan ay umiling ito. "H-Hindi. Promodiser ako minsan. N-Nag-aalok ako ng free taste ng mga pagkain sa matataong lugar. Alam mo naman kapag may libre, pagkakaguluhan ka ng mga tao."

"Nakakatuwa naman ang trabaho mo. Namimigay ka sa mga tao. Ang bait mo naman."

Humalakhak ang binata. "Hindi sa akin galing iyon. Paraan iyon para ipakilala ang mga produkto ng kompanya. Tagabigay lang ako. Hindi ako ganoon mabait. Oo nga pala, sino pala si Omar?"

"Si Omar?" Narinig pala nito ang sinabi ni Inez. "Ano siya... Wala iyon. Kababata ko lang na inirereto sa akin. Gusto mo bang uminom? Magpapakuha ako ng buko para makainom ka ng sabaw."

"Aurora!" tawag sa kanya ng amang si Manoy Gener na nakatayo sa balkonahe ng bahay nila. Nakatungkod ito na salalayan nito sa paglalakad.

"Amay, mano po," aniya at nagmano sa ama. "Inaalagaan po ba kayong mabuti ni Manay Soling habang wala ako?"

"Huwag mo na nga akong paalagaan sa babaeng iyon. Tingnan mo nga itong bahay natin, puro mga bulaklak. Alam mo naman na ayoko ng mga bulaklak. Kanta pa ng kanta. Di naman ganoon kaganda ang boses niya," reklamo ng ama na bakas ang iritasyon sa mukha.

Si Manay Soling ang kababata ng ama niya na wala pa ring asawa hanggang ngayon. Ang alam niya ay may gusto ito sa ama niya at nabigo nang mag-asawa ito. Si Manay Soling ang isa sa mga unang dumamay sa ama niya nang mabalitaan ang pagsama ng nanay niya sa ibang babae.

"Amay, sana po kasi sinasagot na ninyo si Manay Soling. Para naman mas maaliwalas ang bahay natin," tukso niya dito. Kapag kasi silang mag-ama ay tiyak na magagalit lang ito sa kanya buong maghapon hangga't di niya nasusunod ang gusto nito. Kaysa magtalo pa sila, pinipili niyang sundin na lang ito.

May limang taon na rin mula nang basta na lang itong tumumba at di nakalakad. Sa tulong ng paghihilot at panggagamot ni Doc Tagle ay nakapaglakad itong muli. Di na nga lang gaya ng dati dahil kailangan na nito ng tungkod. Mula noon ay halos nakadepende na ito sa kanya at ayaw nitong mawala siya sa tabi nito. Mabuti nga at nandiyan si Manay Soling na nagtitiyagang umalalay sa kanya sa pag-aalaga sa ama. Tatay lang talaga niya ang matigas.

"Kung anu-ano ang sinabi mong bata ka. Ano ba ang nangyari at hindi ka agad nakauwi? Nag-alala ako sa iyo." Hinagod nito ng tingin si Alvaro mula ulo hanggang paa na parang inuuri. "At sino ang kasama mo?"