Unti-unting pumipikit ang mata ni Aurora habang nakakatang ang ulo sa sasalayan ng tarapal. Parang ipinaghehele siya sa pagsasayaw ng bangka sa alon at ang alimpuyo ng hangin sa labas. Bumabayo ang malakas na ulan at napakasarap matulog. Maging ang mga kasamahan niya ay nakatulog na. Maaga kasing nagsigising ang mga ito para sa paglalayag nila para naman nais nang magpahinga.
Kumunot ang noo niya nang may marinig siyang kumaluskos at nakita niya si Alvaro na isinusuot ang lifevest nito. "Alvaro, anong ginagawa mo?" tanong niya.
"Nagsusuot ng lifevest," anito at huminga ng malalim. Kumuha ito ng isa pang lifevest at inabot sa kanya. "Dapat magsuot ka na rin ng sa iyo. Gisingin mo na rin ang iba."
Kinusot niya ang mga mata. "Anong problema?"
Muli itong humugot ng hininga. "It is not safe anymore. Dapat siguro sabihan na natin ang bangkero na ibalik tayo sa Calbayog o sa kung saang isla na pwede tayong may daungan."
"Alvaro, hindi niya kailangang gawin iyon. Normal lang naman ang mga ulan sa laot," aniya sa magaang boses.
"Normal?" anang binata sa mataas na boses. "This is not normal. This is a storm. Hindi mo ba nakikita kung gaano kalalaki ang mga alon? Wala na nga akong makita na ulan sa labas. If we won't do something, we will die here. Kung ayaw mong sabihin sa bangkero, ako ang kakausap sa kanya. We shouldn't have left the port in the first place. Hindi ba sila nagtse-check sa weather reports bago umalis? I don't want to die here in the middle of nowhere."
Tumingin siya sa labas. Oo, umuulan nga nang malakas at may kalakihan ang alon kumpara kapag di umuulan. Wala na nga halos makita dahil sa lakas ng ulan pero wala namang kakaiba doon. Wala ring dapat ipangamba.
Hinawakan niya ang balikat nito at pilit na pinaupo. "Alvaro, mahina pa iyan."
"Mahina? Kung mahina pa ito sa iyo, hihintayin mo bang tumaob tayo bago tayo may gawin? Bakit ayaw mong makinig sa akin?" anang binata sa boses na puno ng pagkasiphayo. "Hindi pwedeng mamatay tayo dito. I... I can't die here. Marami pa akong plano. I c-can't..."
Hinawakan niya ang kamay ng binata. Malamig iyon. Bakas din sa mga mata nito ang matinding takot. Iniisip nito na mamamatay sila doon? Dahil ba unang beses pa lang nitong nakasakay sa maliit na bangka at ngayon lang ito inabot ng ulan sa laot?
"Hindi ka mamamatay, Alvaro. Hindi tayo mamamatay dito. Malaki ang bangka natin at may katig. Hindi ito basta-basta tataob," aniya sa magaang boses.
"But my parents did. Lumubog ang yateng s-sinakyan nila at d-di na nakita ang katawan nila. At makabago pa ang yate nila na may state of the art weather radar," nanginginig nitong sabi at lumunok. "A-Ayokong ganoon din ang mangyari sa akin. May kapatid ako. Kapag nawala ako dito, mag-isa na lang siya sa mundo. I-I can't do that to him."
Nauunawaan na niya ngayon kung saan nanggagalingang takot ng binata. Mismong mga magulang nito ang nagbuwis ng buhay sa karagatan. At hindi iyon biro. Isang trahedya na hindi madaling malampasan kahit marahil lumipas na ang panahon.
Hindi ito ang unang beses na nangyari iyon. Nakita niya iyon sa mga mata ng mga batang naulila matapos kainin ng dagat ang mangingisdang mga ama. Dahil ang dagat ay nagbibigay ng biyaya at kumukuha din ng buhay. Walang panama ang mga taong katulad nila sa lakas nito. Pero alam niya na kailangang magpatuloy ang buhay. Walang mangyayari kung patuloy na mabubuhay sa takot.
Ginagap niya ang nanlalamig nitong kamay at hinipan. Saka niya inilapat ang palad sa pisngi nito at tiningnan ito nang direkta sa mga mata. "Alvaro, maraming mas malalakas na bagyo ang naranasan ko pero buhay pa rin ako, hindi ba? Wala kang dapat ikatakot dahil kasama mo ako. Walang masamang mangyayari sa iyo dahil di ko hahayaan iyon."
Di pa rin napawi ang takot sa mga mata nito. "P-Paano kung tumaob pa rin tayo at..."
"Hindi ko bibitawan ang kamay mo." Ngumiti siya. "Saka nagdasal tayo kanina bago tayo bumiyahe, hindi ba? Maniwala ka lang na ligtas tayo at walang mangyayaring masama."
"Sinusubukan kong isipin iyan pero nanginginig pa rin ang katawan ko. Nandoon pa rin ang takot. I want to overcome my fear but I can't. I don't know how."
"Pumikit ka at isipin mo na wala ka sa gitna ng malakas na unos. Nasa bukirin ka ng mga bulaklak at mainit ang sikat ng araw."
Nanlaki ang mata nito. "Tulad sa meditation kanina?"
"Tama. Katulad ng itinuro mo sa akin kanina." Hinaplos niya ang mata nito. "Samahan mo ako na amuyin ang mga bulaklak at makipaghabulan sa paru-paro." Nanatili itong nakapikit. "Ngayon huminga ka ng malalim. Anong naamo mo?"
"The flowers."
Maya maya pa ay nauwi na sa kwentuhan at hinabing istorya ang meditation nila. Kahit ano na lang para mailayo ang atensiyon nito sa umaalimpuyong sama ng panahon. Pumailanlang ang halakhak ni Alvaro at wala na ang takot sa boses nito. Parang kinikiliti ang puso niya dahil siya ang nagdulot ng sayang iyon.
"Parang wala nang ulan sa labas," sabi ni Alvaro pagkuwan.
Dumilat siya at nang tumingin siya sa labas ng tarapal ay nakita niyang tikatik na ang ulan. "Sabi ko naman sa iyo lilipas din ang ulan, di ba? Hindi naman tayo lumubog."
"Yeah. Silly me." Inilahad nito ang kamay sa kanya. "Gusto mo bang tingnan natin sa labas?"
Tumango siya at ginagap ang kamay nito. Nang lumabas sila ay sinalubong sila ng malamig na hamog. Payapa na ang alon at wala na rin ang lambong ng maitim na ulap na nagdadala ng ulan. Nakikita na nila ngayon ang mga islang nadadanan nila.
"Wow! Look at that," usal ni Alvaro at itinuro ang malaking isla na natatanaw nila. Sa ibabaw ng isla ay tumatagos sa itim na ulap ang sinag ng araw. "That is wonderful. I never thought that the view after the rain could be this beautiful."
"Parang ngayon ka lang nakakita ng ganyan. Siguro naman pareho lang ang itsura ng mga ulap kahit na saan. Umuulan din naman sa Maynila at sumisikat din pagkatapos."
"Wala lang akong oras na manood. Masyadong maraming kailangang gawin." Pinisil nito ang kamay niya. "Salamat nga pala sa pag-alalay sa akin kanina. H-hindi naman talaga ako matatakutin. Pero baka isipin mo na duwag ako at pagtawanan mo ako."
Nagsalubong ang kilay ng dalaga. "Bakit ko naman iisipin iyon? Hindi naman yata tama na pagtawanan ang kahinaan at takot ng ibang tao."
Malungkot itong ngumiti at tumingin sa kawalan. "Sa mundong pinagmulan ko, lagi silang naghahanap ng kahinaan ng ibang tao. Kung gusto mong mabuhay, hindi ka maaring magpakita ng kahit anong kahinaan. Kapag may nakita silang kahinaan mo, parang mga pating sila na nakaamoy ng dugo. Susugod sila at lalapain ka nila. Kaya mahirap din na magtiwala basta-basta."
"G-Ganoong klase ang mga taong nakilala mo? Ganoon sa Maynila?" di makapaniwala niyang usal.
Tumango ito. "Sa mundong pinagmulan ko, bawat isa ay may kanya-kanyang pangarap at interes. Mahigpit ang kompetisyon. Isang pagkakamali mo lang, napakadali para sa kanila na hilahin ka pababa."
"Nakakalungkot naman iyan," usal niya. Hindi niya maisip kung paanong mabubuhay sa ganoong klase ng mundo at kung paano tatagal doon ang kahit na sino. Marahil ay iyon din ang unang beses na nagpakita ang binata ng kahinaan.
Sa Isla Juventus kasi ay mababait ang mga tao. Kapag may nahihirapan, nagtutulong-tulong ang iba para gumaan ang problema. Hindi nila ginagamit ang kasiraan ng iba para makaangat sa iba.
"Alvaro, huwag kang mag-alala. Kasi pwede mong sabihin sa akin ang kahinaan mo. Hindi kita pagtatawanan. At kung may maitutulong ako para mawala ang mga bagay na kinatatakutan mo, gagawin ko basta magsabi ka lang sa akin."
"Oh! Thank you," usal nito at hinaplos ang pisngi niya. "I really appreciate it." Ibinaba nito ang kamay. "Pero hindi ba abala iyon?"
Umiling siya. "Maliit na bagay lang iyon. Iniligtas mo ang buhay ko kaya hayaan mo ako na tulungan ka."
Hindi lang isang masayang bakasyon ang gusto niyang maranasan ni Alvaro. Gusto rin niyang magkaroon ng mga taong mapagkakatiwalaan nito. At siya na ang mauuna doon.