Chapter 15 - Chapter 9

NAMAMANGHA pa rin si Aurora habang bumibiyahe sila sa bangkang de katig na patungo sa Isla Juventus. Direkta na sa isla Juventus at siya, si Tiya Manuela, Doc Tagle at Alvaro. Nasa loob siya ng habong ng bangka at kasama niyang kumakain ng agahang tinapay at kape ang iba para sa agahan . Madaling-araw sila umalis ng pantalan papuntang Juventus. Sabi niya ay siya ang sosorpresa kay Alvaro pero siya ang nasorpresa.

"Aba! Asensado tayo, Doc Tagle. Akala ko bagong pantalon at kamiseta lang ang mayroon kayo. Pati pala itong bangka solo din natin. Malaki ata ang donasyon sa inyo."

"Regalo lang ito sa akin ni Alvaro. Maliit na bagay. At itong bangka, mas makakabuti sa kanya kung mas maalwan siyang makakabiyahe at direkta na tayong makakarating sa isla. Hindi na tayo makikisiksik sa ibang pasahero at hindi na rin kailangang dumaong pa sa Isla Azul para hintayin na makababa ang mga pasahero."

"Pero mahal po ang pamasahe." Ang alam niya ay nasa sampung libo ang renta ng isang bangka. Hindi iyon birong halaga.

"Sabi ni Alvaro, wala daw halagang pera basta matiyak niyang maayos at mabilis tayong makakarating sa isla," paliwanag ni Tiya Manuela. "Saka baka nga mura lang ito sa tulad niyang galing sa Maynila. Mahal ang mga bilihin doon."

"Yayain mo na ngang kumain dito si Alvaro. Sabihin mo din sa kanya na pumasok na sa habong dahil uulan na," utos ni Doc Tagle.

Pinuntahan niya si Alvaro sa bungad ng bangka. Nakaupo ito habang magka-krus ang mga paa. Marahan siyang lumapit at nang pagmasdan niya ay nakapikit ito habang panatag ang paghinga. Doon na yata ito nakatulog.

Magaan niyang niyugyog ang balikat nito. "Alvaro, gising!"

Nanatili itong nakapikit pero nagsalita. "Hindi ako natutulog. I am meditating."

"Meditating?"

"Ine-enjoy ko ang pakiramdam ng hangin sa balat ko, pinapakinggan ang huni ng mga ibon at ang alon ng dagat. I am one with the nature."

Hindi niya alam kung para saan ang meditation na ginagawa nito. Hindi ba parang nakakainip yata iyon? "Kumain ka muna. Hindi ka pa kasi nag-aagahan."

Dumilat ito at ngumiti sa kanya. "Huwag mo akong alalahanin. Di pa ako gutom."

Sumalampa siya sa tabi nito. "Ano ang meditation?"

"Parte ito ng isang klase ng ehersisyo."

Ikiniling niya ang ulo. "Ehersisyo? Nakaupo ka lang diyan habang natutulog? Kailan pa naging ehersisyo iyon?"

"Hindi lang katawan ang inee-ehersisyo kundi pati ang isipan. Alam mo ba na kapag na-stress ang isang tao sa sobrang pag-iisip ay pwede kang magkasakit? Maganda ito para sa mga taong maraming inaalala sa buhay. Pwede din itong maging spiritual dahil may mga relihiyon na nagpa-practice nito. Gusto mo bang subukan?" alok nito.

Dapat ay sabihin niya na nakakainip iyon. Dapat ay sabihin niya na kailangan na nilang pumasok sa loob ng tarapal dahil may paparating na ulan.

Nakalimutan niya ang lahat ng iyon at sinabing, "Sige."

Tumayo ito. "Ipag-krus mo ang binti mo at dapat ay tuwid ang likod mo," anang binata at bahagyang binatak ang likod niya. "Ilagay mo ang kamay sa ibabaw ng hita mo." Nang matiyak na ayos na ang posisyon niya ay umupo ito sa tabi niya. "Ipikit mo na ang mata mo at alisin mo anumang gumugulo sa isipan mo. Wala kang ibang iisipin. Pakinggan mo lang ang boses ko at sundin ang lahat ng sasabihin ko."

Pumikit si Aurora at pinakinggan ang ipinag-uutos ng binata. Iba pala ang epekto ng binata sa kanya kahit na nakapikit siya at hindi ito nakikita. Parang hinahaplos ng malalim na boses nito ang balat niya. Isang mainit na di nakikitang mainit na kamay na sumasabay sa lamig ng hangin. Pumapasok sa sistema niya sa bawat paghinga niya.

Bahagya niyang binuksan ang mata at sinilip ang binata. Guwapo talaga ito. Ano kaya ang nasa ilalim ng balbas nito? Nakapikit pa rin ito habang humihinga ng malalim. Bumibilis ang tibok ng puso niya. Hindi nakakasawang pagmasdan ang mukha nito. Kahit siguro maghapon at magdamag niya itong titigan ay hindi pa rin siya magsasawa.

"Aurora," untag nito sa kanya.

"Hmmmm..."

"Nararamdaman mo ba na parang lumulutang ka?"

"Oo." Habang nakatitig siya at nasa tabi nito ay parang umaangat sa ere ang pakiramdam niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang nangyayari sa kanya. Pero parang may kumikiliti sa puso niya. Isang bagay na di niya basta-basta nararamdaman.

"Nakikita mo ba ang liwanag?"

"Oo." Parang nagliliwanag ang paligid niya dahil sa kaguwapuhan nito. Maganda din ang tingin niya sa buhay habang nakatitig sa mukha nito. Napakasarap talagang pagmasdan ng biyaya ng Diyos.

"Naaamoy mo ba ang mabangong mga bulaklak sa flower field?"

"Anong bulaklak?" bigla niyang naitanong. Bahagya niya itong sininghot. Di naman ito amoy bulaklak. Ang preskong bango ng sabon nitong pampaligo ang naamoy niya.

"Hindi ba sabi ko isipin mo nandoon ka?" Kumunot ang noo ng binata. "Nakikinig ka ba sa akin?"

"O-Oo naman," maagap niyang sabi at dali-daling pumikit. Baka mamaya ay bigla itong dumilat at mahuli pa siya nito na nakatitig dito. "May nakita lang kasi akong paru-paro kaya hinabol ko. Nawala sa isip ko ang mga bulaklak."

Hindi niya alam kung may kwenta ang palusot niya. Pero di naman niya pwedeng aminin na nawala ang atensiyon niya sa meditation nito dahil abala siya sa pagtitig sa kuwapuhan nito. Magpapakain na lang siya sa pating kaysa aminin iyon.

"Sige. Pwede nating sundan ang paru-paro kung gusto mo. Hinabol mo ang paru-paro habang nararamdaman ang init ng araw sa balat mo."

Tumingala ang dalaga at dinama ang init ng araw. Pero sa halip sinag ng araw ay malamig na hangin ang dumapo sa balat niya. Maya maya pa ay naramdaman na niya ang patak ng tubig sa kanyang balat. Dumilat siya nang malaki na ang sumunod na patak na tumama sa kanya at nagsunud-sunod iyon.

"Umuulan na!" singhap ni Aurora at tumayo. Nakalimutan niyang sabihin kay Alvaro kanina na dapat na silang pumasok sa loob dahil umuulan.

Inalalayan din niyang tumayo ang binata. Sa loob ng isang segundo ay lumakas ang ulan at mabibigat ang mga patak sa balat niya.

Hangos namang lumabas si Doc Tagle at si Isagani para alalayan na pumasok si Alvaro sa habong. "Aurora, sinabi ko naman sa iyo kanina pa na papasukin si Alvaro sa loob dahil paparating na ang ulan. Alam mo na bawal mabasa ang sugat niya," sermon ni Doc Tagle nang makapasok na sila sa loob ng habong.

Inabutan siya ni Tiya Manuela ng tuwalya. "Ano bang iniisip mong bata ka? Kapag nabasa ang sugat ni Alvaro, mas matatagalan gumaling."

Nilingon niya si Alvaro na tinulungang maghubad ng T-shirt ni Isagani at tiningnan ang sugat nito. Na-guilty siya dahil inuna niya ang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng binata. Ano bang nangyari sa kanya? Di naman siya ganito dati. Lagi siyang sumusunod sa sabihin sa kanya at ginagawa ang tama.

Ngumiti lang si Alvaro kay Tiya Manuela. "Huwag na po kayong magalit kay Aurora. Wala naman pong problema sa sugat ko. Hindi ba, Isagani?"

"Uhmmm... Medyo nabasa..."

Tumawa si Alvaro. "Okay lang ako. Ano palang agahan? Gutom na ako." Saka kumuha ang lalaki ng malinis na sando mula sa bag nito at isinuot. Abala naman ang iba sa pagkuha ng makakain ng lalaki at nawala na ang atensiyon sa kapalpakan niya.

At kumindat si Alvaro sa kanya na parang nagsasabi na ito ang bahala sa kanya. Nag-iinit ang mukhang umiwas ng tingin si Aurora at sinapo ang dibdib. Mabilis na naman ang tibok ng puo niya habang parang baliw na nakangiti.

Pakiramdam niya ay ibang tao siya dahil kay Alvaro. At gusto niya ang pakiramdam na ito kahit di niya maipaliwanag.