"W-Wala," tanggi ni Aurora at tumuwid ng tayo. Nakakahiya kung narinig iyon ng lalaki.
"Parang may kausap ka kasi. May sinasabi ka sa akin?"
Kuntodo iling si Aurora. Malay ba naman niyang malakas pala niyang nauusal ang nararamdaman niya. "Wala. Baka guni-guni mo lang iyon. Alam mo na, dala ng pagkakasaksak sa iyo."
Sinalat nito ang sariling noo. "Wala akong lagnat. And I am certainly not delirious."
"Gutom ka lang siguro dahil kahapon ka pa hindi kumakain." Inakbayan muli niya ito at inalalayan ito. "Kumain ka na para di kung anu-ano ang nariring mo kahit wala naman."
Hindi na ito kumontra at hinayaan siyang ipasok ito sa bahay. "Nasaan pala ang ibang tao dito?"
"Umalis sina Doc Tagle at Isagani. May pasyente silang inasikaso. Si Tiya Manuela naman ay pumunta sa presinto para sa kaso na na isinampa ng magnanakaw. Nakuhanan na kasi ako ng pahayag ng mga pulis kahapon." Ipinaghain niya ito ng pagkain sa kusina. Sinabawang gulay iyon. "Sana ayos lang ito sa iyo. Iyan lang kasi ang pwede sa iyo."
Humigop ito ng sabaw. "This is good." Tumikhim ito. "Masarap. Magaling ka palang magluto. Ang swerte siguro ng asawa mo."
"Wala. Wala akong asawa. Ni wala nga akong nobyo. Saka hindi naman ako ang nagluto niyan." Di naman kasi siya marunong magluto. Bigla siyang natauhan. Paano kung ito ito pala ang may asawa? Tumayo siya at kinuha ang bag nito. "Heto pala ang bag mo. Tingnan mo baka may nawala. Baka kailangan mong tawagan ang asawa mo."
"Wala akong asawa o girlfriend," sagot agad nito at ipinakita ang daliri nito. "See? No ring mark."
Awtomatiko siyang ngumiti. "Ahhhh... Mabuti naman."
"Na wala akong asawa o girlfriend?" tanong nito sa himig na nanunukso.
"Na walang asawa o girlfriend na mag-aalala sa iyo. Mula kahapon pa nakasara ang cellphone mo. Di namin mapangahasang pakialaman dahil baka mamaya may masira diyan at mahal pa ang bayaran namin. Uhmmm... May kailangan ka bang tawagan?"
Di agad ito kumibo pero pagkuwan ay sumagot. "Wala. Nasa abroad ang kapatid ko."
Tumango siya. "Kaya pala di matawagan nila Tiya ang numero sa ID mo. Di ko pa nga alam kung paano ka magagantihan dahil sa pagtulong mo sa akin."
"Wala naman akong hinihinging kapalit, Aurora."
Suminghap siya. "Alam mo ang pangalan ko?"
"Oo. Sinabi mo sa akin kahapon, di ba?"
Kinagat niya ang labi. "B-Baka kasi hindi mo na naalala."
"Sa palagay ko ikaw ang tipo na hindi madaling makalimutan kahit pa ng isang tulad ko na nasaksak." Nakita niya ang paglalim ng biloy sa pisngi nito nang ngumiti ito.
Ano ba ang laban niya sa isang tulad nito na parang alam ang lahat ng paraan upang palambutin ang isang babae? Wala siyang panama dito. Iba nga siguro ang mga lalaki sa Maynila kumpara sa mga taga-isla.
"Dito ka ba nakatira?" tanong nito.
"Hindi. Sa Isla Juventus ako nakatira. Susunduin ko lang si Doc Tagle dahil siya ang gagamot sa tatay ko."
Kumunot ang noo ng binata. "Where on Earth is that?"
"Anim hanggang walong oras mula dito kapag sumakay ka ng bangka. Depende kung wala nang ibang susunduin sa karatig-isla o walang sama ng panahon. Dapat babalik na kami sa isla kahapon. Hindi naman kita pwedeng iwan hangga't hindi ko natitiyak na ligtas ka. Kaya dito muna ako."
Ginagap nito ang kamay niya. "Maraming salamat, Aurora."
Tumuwid siya ng upo nang parang may mumunting kuryete na dumaloy sa kamay niya. Parang nakahawak siya ng igat o ahas-dagat. "Lau...rethan..." nausal niya ang pangalan nito.
Natigilan ito at nawala ang ngiti. Parang may nahagip siyang takot at pagdududa sa mga mata nito. "Kilala mo ako?"
"Oo. Nasa ID mo. Di ba ikaw si Laurethan Alvaro Baltazar?"
Marahan itong tumango at humalakhak. "O-Oo naman. Mas sanay lang ako tawag sa Alvaro. Hindi Laurethan."
"Alvaro." Nilaro niya sa dila ang pangalan nito. Bagay dito. Lalaking-lalaki at parang sopistikado. Binawi niya ang kamay mula dito at inilapit ang mangkok ng ulam. "Kumain ka lang para mabilis kang gumaling."
Bumigat ang dibdib ni Aurora nang masabi iyon. Ayon kay Doc Tagle, kung walang impeksiyon sa sugat ni Alvaro, maari na itong umalis sa loob ng isa o dalawang araw. Malakas daw ang pangangatawan ng lalaki kaya mabilis itong gagaling. Ibig sabihin ay hindi na niya makikita ang crush niya. Babalik na siya sa Isla Juventus at malayo na magsanga pa ulit ang landas nila.
"Aba! Gising na pala ang pasyente natin," sabi ng Tiya Manuela niya. Sinalubong niya ito at kinuha ang mga bitbit nito. "Inasikaso ka ba ng pamangkin ko?"
"Opo. Masarap po siyang magluto."
"Oo naman. Ako siyempre ang nagturo sa kanya," pagmamalaki ng tiyahin. "Ako si Tiya Manuela. Salamat sa pagtulong mo sa kanya."
"Wala pong anuman. Ka hit naman po sino ay gagawin iyon," mapagpakumbabang sabi ng binata.
"Hindi totoo iyan," kontra ni Aurora at kinuyom ang palad. "Noong humihingi ako ng tulong, pinanood lang ako ng mga tao. Ikaw lang ang may lakas ng loob na tulungan ako para pigilan ang magnanakaw na iyon. Nang matalo mo ang magnanakaw saka lang naman nila pinagtulung-tulungan. Ikaw ang tunay na bayani."
"Guwapo na, matulungin pa at matapang," humahangang sabi ni Tiya Manuela. "Huwag kang mag-alala dahil madami nang nagsasampa ng reklamo sa magnanakaw na iyon. Hindi na siya basta-basta makakalabas ng kulungan lalo na't may napatay na pala siya dati."
Tumiim ang anyo ni Alvaro. "Sana po hindi na siya lumabas pa ng kulungan."
"Mag-iingat ka na sa susunod. Ang pera ay napapalitan pero hindi ang buhay," bilin ng tiyahin niya.
"Kung mauulit po iyon, handa akong tulungan ulit si Aurora. Kahit masaksak po ulit ako," sabi ni Alvaro at sinulyapan siya. At kapag naulit iyon, hindi na niya ito paghihinalaan na magnanakaw. Baka ngitian na niya ito sa halip na simangutan.
"Saan ka nga pala tumutuloy dito?" tanong ni Tiya Manuela na pumutol sa mainit na pagtitinginan nila ng binata.
"Ang totoo po, bakasyunista po ako. Backpacker po. Nag-iikot po ako sa buong Pilipinas at nagpupunta po ako kung saan ako dalhin ng paa ko. Naghahanap pa lang po ako ng papasyalan nang makita ko po ang nangyari kay Aurora."
Pumalakpak si Tiya Manuela. "Eksakto! Tiyak na magugustuhan mo ang Isla Juventus. Tahimik ang isla namin. Malinis ang dagat, puti ang pinong buhangin at sariwa ang mga isda. Wala ring ganoong turista doon at mababait pa ang mga tao."
"Tiyang, masyado pong malayo ang isla natin. Anim hanggang walong oras ang biyahe. Wala pa tayong kuryente at signal ng cellphone. Baka mas gusto ni Alvaro sa lugar kung saan di gaanong malayo sa sibilisasyon, may kuryente at may signal ang cellphone. Tapos baka gusto niya may mga beerhouse."
"Beerhouse? Hindi ako pumupunta doon," tutol agad ng binata.
"E kasi ganoon ang dinadayo ng mga turista, sabi sa akin. Bukod sa alak, gusto nilang makakita ng babaeng nakahubad," dagdag pa niya. "Ayaw namin ng ganoon sa isla. Mga simple lang ang mga tao doon. Libangan ko na ang magbasa ng mga libro." Habang ang iba naman ay hilig ang tsismisan. "Baka di namin maibigay ang nakasanayan mo sa pinanggalingan mo."
"Your island is perfect," nagniningning ang mga mata na sabi ni Alvaro. "Gusto ko ng white sand beach na hindi crowded. Wala akong interes sa beerhouse o bar. Okay na okay lang sa akin na walang kuryente. Walang TV. Walang internet. No beeping of cellphone. That sounds like paradise to me."
Napanganga si Aurora. "Gusto mo sa isla namin?"
"Sumama ka na sa amin pag-uwi namin. Ako na ang bahala sa iyo. Ako lang naman at ang anak kong si Kenzo ang nakatira sa bahay. Wala kang ibang iintindihin. Iyon ay kung ayos lang sa iyo ang payak na pamumuhay," yaya ni Tiya Manuela dito.
Tumango ang lalaki. "Salamat po sa imbitasyon. Just one last question. Sino ang paborito ninyong artista?"
Nagsalubong ang kilay ni Aurora dahil parang wala naman kinalaman ang mga artista sa pagyaya dito sa isla. Pero sinagot na rin niya ang tanong. "Mahigit sampung taon na akong di nakakanood ng TV o pelikula. Wala naman kasing ganoon sa isla," paliwanag niya. Sa Isla Azul ay mahirap din ang signal ng telebisyon noong nag-aaral siya doon. Anim na oras lang ang kuryente at tuwing gabi kaya tumutok na lang siya sa pag-aaral. "Sine Eskwela lang naman po ang pinapanood ko noong bata ako."
"Ako naman solid Vilmanian," anang tiyahin niya. "Di na ako mahilig sa ibang artista. Wala naman akong kilala sa mga artista ngayon dahil walang mapapanood sa isla namin. Radyo lang ang gumagana."
"Bakit mo naitanong?" tanong ni Aurora.
Ipinilig ng binata ang ulo. "Ayoko lang kasing pag-usapan ang mga artista. Kailan nga pala tayo aalis?"