Chapter 12 - Chapter 6

Nagising si Ethan sa tunog ng hampas ng alon sa dagat at halakhakan ng mga bata sa di kalayuan. Sa ulunan niya ay nililipad ng hangin ang puting kurtina at ang bubong ay gawa sa pawid. Nang ibaling niya ang ulo ay naroon ang altar at may mga kandila. Di siya pamilyar sa lugar na iyon.

Bumangon siya at naramdaman niya na may masakit sa bandang tiyan niya. Nang yukuin niya ang sarili ay nakita niya na wala siyang suot na polo shirt at nakabenda ang tiyan niya. Saka bumalik sa alaala niya ang lahat. Nasaksak siya dahil sa paghabol sa isang magnanakaw at idinala siya sa isang witch doctor. Pinainom siya ng berdeng likido dahilan para mawalan siya ng malay. Akala niya ay di na siya didilat pa. But he was alive, right? Humihinga pa rin siya maliban sa saksak sa kanya at nananakit ang buong katawan niya dahil sa matagal na paghiga sa papag. Oras na para malaman kung nasaan siya ngayon at ano ang nangyari sa babaeng tinulungan niya.

Dahan-dahan siyang bumaba ng papag at lumabas ng kuwarto. "Tao po! Tao po!"

Sinalubong siya ni Aurora na nakasuot ng bulaklaking duster na pa-balloon ang manggas. Nakatirintas ang mahaba nitong buhok. May hawak itong libro sa isang kamay. "O! Gising ka na pala. Huwag ka munang magkikilos dahil masama pa sa iyo."

Inakbayan siya nito at inalalayan papasok sa kuwarto. He was six-foot tall. He towered over her. Sa tantiya niya ay nasa 5'4" lang ito. She was petite yet strong. At malamang ay nakuha nito iyon sa manual work at hindi sa pagdyi-gym, yoga o zumba. Nalanghap niya ang buhok nito na parang gata. Now that was yummy. Ayaw niyang bumalik na naman sa madilim niyang silid. He didn't want this woman out of her sight.

"Pwede bang dito na lang ako sa labas umupo? Masakit na kasi ang katawan ko kahihiga. Parang matagal kasi akong nakatulog." Tiningnan niya ang relong pambisig. "Alas tres na pala." Ang tanda niya ay dumating siya sa Calbayog bandang alas onse ng hapon.

"Oo. Mula kahapon ka pa kasi ng tanghali natutulog."

Nanigas ang buong katawan niya. "What? I was unconscious for more than a day?"

"Mukhang kailangan ng katawan mo ng pahinga. Huwag kang mag-alala. Pinunasan ka naman at nilinis din ang sugat mo."

"Nino? Ikaw?"

Umiling ito at dali-dali nitong iniwas ang tingin sa kanya. "Hindi. Sila Isagani ang nagbihis sa iyo at si Doc Tagle. Baka mamaya isipin mo pa pinagsamantalahan kita habang tulog ka." Bigla nitong natutop ang bibig. "H-Hindi ko dapat sinabi iyon. Wala akong ganoong intensiyon. Huwag mo rin sanang isipin na sinasabi ko ito kung kani-kaninong lalaki. Ngayon lang ako nakakita..." Mariing nagdikit ang labi nito. "Wala akong nakita."

Di mapigilan ni Ethan na humalakhak. She was adorable. Habang ang ibang babae ay hayagang nagsasabi na interesado ang mga ito sa kanya, ito naman ay mas gustong itago ang interes sa kanya. But her body betrayed her. She could feel her body shaking. Kinakabahan ito sa kanya at apektado ito sa paglalapit nila.

Umungol siya nang maramdaman niya ang pagkirot ng sugat niya. "Ahhh!" igik niya.

"May sugat ka na nga, pinagtatawanan mo pa ako. Ayan tuloy nasaktan ka."

"Well, you are cute."

"Cute?" usal ng babae at nakita niya ang pamumula ng pisngi nito. "Gutom ka na siguro. Ipag-iinit lang kita ng pagkain. Sana ayos lang sa iyo ang gulay. Iyon lang kasi ang meron at may sugat ka pa kaya bawal ang malansa."

"Salamat." He was famished. Kahit ano ay kakainin niya. "Uhmmm... I think I need to use the restroom first."

"Ah! Banyo," sabi nito. "Dito tayo." At inalalayan siya nito palabas ng bahay. Doon ay may maliit na banyo na gawa sa pawid at kawayan. May katabing poso iyon. Parang isang dipa lang ang banyo na may inidoro at drum ng tubig. Payak na payak iyon pero mukhang malinis. Iniwan siya ni Aurora sa labas ng bagyo at nagsalin ng tubig sa timba mula sa drum. "Sabihin mo lang sa akin baka kailangan ng tulong ko. Walang malisya."

Saka niya naisip kung gaano siya kahina. And he was at this woman's mercy. Hindi niya alam kung ngingiti dito o sisimangutan ito. "Huwag mong sasabihin iyan sa lalaki. Di mo ba naisip na pwede kong samantalahin ang kabaitan mo?" She looked naive and trusting.

"Ano naman ang magagawa mo sa akin? Ikaw itong may sugat. Baka isang hampas ko lang ng tabo sa sugat mo, taob ka na sa akin," matapang na sabi nito. "Sa isla namin, kinatatakutan ako. Waray-waray ito." At kinabog pa niya ng nakakuyom na kamao ang dibdib.

"Basta mag-iingat ka. Maraming masasamang tao sa mundo. Hindi sa lahat ng pagkakataon may katulad ko na magliligtas sa iyo."

SAKA lang napakawalan ni Aurora ang pinipigilang hininga nang maisara ng lalaki ang pinto ng banyo na gawa sa yero at napasandal sa kawayan na tumutukod sa bubong na sawali ng kubo ni Doc Tagle. Hindi niya alam kung paano niya natalagan na alalayan si Pogi nang di tumitiklop ang tuhod niya.

Naalala niya kung paanong lumuwa ang mga mata kaibigan niyang si Crisanta sa mga artistang kinababaliwan nito. O kaya ay sa mga taga-isla na "crush" nito kapag pumaparada nang walang pang-itaas na damit. Di niya maintindihan kung anong nakita nito sa mga lalaking iyon. Parang pare-pareho naman sa paningin niya. Pero sinabi sa kanya ng kaibigan na dadating daw ang lalaki na magpapahina ng tuhod niya at pupukaw sa pagkababae niya. Ang bubuhay sa kanyang dugo.

Mariing pumikit ang dala at ikinatang ang ulo sa kawayan. "Ito na nga siguro iyon. Siya na nga siguro ang lalaking iyon."

Pero bakit dito niya kailangang maramdaman iyon? Hindi naman niya ito kilala. Matapos ito ay hindi na rin sila magkikita. Babalik na siya sa Isla Juventus kung saan walang sinumang lalaki doon ang kayang magpakabog sa dibdibd niya, magpautal sa kanya o magpakilig sa kanya.

Niyakap ni Aurora ang sarili. Siguro ay humanga ako dahil makisig siyang makipaglaban at ipinagtanggol niya ako. Siguro gusto ko rin siya dahil maganda ang katawan niya. Nakakakilig din pakinggan ang boses niya. At sa halip na magyabang at sabihing may gusto siya dito, sinabihan pa niya akong mag-ingat sa kanya. Parang lumulutang siya habang nakangiti. Ganito pala ang kiligin. Parang nakalutang ako.

"Kahit paano normal na ako. Di tulad dati na tinatawag ako ni Crisanta na abnormal dahil wala akong lalaking nagugustuhan," sabi niya sa sarili habang nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang nagdadaang puting ulap. "Ganito siguro ang crush."

Biglang bumukas ang pinto ng banyo at lumabas ang binata. "May kausap ka ba?"