HINDI maalis-alis ni Aurora ang tingin sa guwapo niyang tagapagligtas. Mula nang makatulog ito ay di niya binitiwan halos ang kamay nito. Naiwan siya sa kubo ni Doc Tagle para bantayan ang lalaki at ang tiyahin naman niya ay bumalik sa pier para asikasuhin ang mga pinamili nila na ibabalik sa Isla Juventus.
Ngayong wala na ang salamin nito ay saka niya ito napagmasdang mabuti. Mahahaba ang pilik-mata nito na kitang-kita habang nakapikit. Mas mahaba pa yata sa pilik-mata ng manyika niya noong bata. Pangahan ang mukha nito at maganda ang labi.
Bumaba ang tingin niya sa matipuno nitong dibdib at tiyan na nababalutan ng benda. Di ba bago sa kanya ang makakita ng lalaking nakahubad dahil madalas na iyon sa isla nila na minsan ay walang kamiseta ang mga nagkokopra at nangingisda. Pero nakakatulala talaga ang pangangatawan ng lalaking ito. Parang isa itong mandirigma na nakahandang sumagip sa kanya sa oras ng pangangailangan. Parang si Superman o kaya si Batman.
"Aurora, magpahinga ka muna. Bahala na si Isagani na magbantay sa kanya," sabi ni Doc Tagle.
Tumuwid siya ng upo at umiling. "Hindi na po. Dito lang po ako." Gusto niya kapag nagising ang lalaki ay nasa tabi lang niya ito. Gusto niya ay siya ang una nitong makikita pagdilat ng mga mata nito.
"Pwede ka namang kumain sa tabi niya. Di naman siguro siya tatakas. Magagalit sa akin ang tatay mo kapag ikaw naman ang nagkasakit."
"Sige po," sabi niya at tahimik na kinain ang inihaw na isda na ihinanda para sa tanghalian. Saka niya naalalang kanina pa pala siya hindi kumakain. Huling laman ng sikmura niya ay ang buko pandan na palamig na ininom niya sa terminal. At ngayon ay alas tres na ng hapon.
"Hindi ganoon kalalim ang sugat niya kaya hindi na kailangang tahiin. Naampat na rin ang pagdurugo pero kailangan pa ring obserbahan kung magkakaroon ng impeksyon. Sa palagay ko naman ay walang dapat ipag-alala dahil maganda ang pangangatawan niya," paliwanag ni Doc Tagle.
"Salamat sa Diyos kung ganoon," napausal siya pero di pa rin mawala sa dibdib niya ang pangamba nang lingunin ang nahihimbing pa rin na lalaki. "Pero hindi pa rin po siya nagigising."
"Dahil iyan sa pinainom ko sa kanya kaya mahaba ang tulog niya. Kailangan niyang magpahinga para mas mabilis na gumaling ang sugat niya. Parang kumpletong pagkain na rin naman ang ipinainom ko sa kanya kaya kahit mahaba ang itulog niya," paliwanag ni Doc Tagle. Malayong kamag-anak nila ito. Ang pagkakaalam niya ay nag-aral ito ng pagkadoktor pero sa herbal na pamamaraan ito nanggagamot kaya wala daw masamang epekto di gaya ng mga nabibiling gamot sa botika. "Magdasal ka lang para mas mabilis na gumaling ang nobyo mo. May katigasan kasi ang ulo at gusto agad umalis kanina kahit di pa nagagamot. Akala niya ay biro-biro lang ang sugat niya. Aba'y Stateside pa ata at kuntodo Ingles. Saan mo ba napulot iyan? Di ka naman nalabas ng Juventus."
"Huh? Hindi ko po siya nobyo," maagap niyang tanggi. "Iniligtas lang po niya ako sa nagnakaw ng bag ko. Ang totoo po, siya po ang unang tumulong sa akin kanina habang ang ibang mga tao ay pinapanood lang po ako."
"Ganoon ba? Aba'y malagkit ang titigan ninyo kanina. Akala ko magnobyo na kayo at matagal nang magkakilala. Tapos kung makatitig ka ba sa katawan niya kanina. Ni hindi ka ata kumurap. Ayaw mo pang bitawan," nanunukso nitong sabi.
Nag-init ang pisngi niya at yumuko. "Huwag naman po ninyo akong tinutukso. Wala naman pong ibang ibig sabihin iyon. Baka nagdedeliryo lang po siya kanina dahil sa sakit."
"Naiintindihan ko naman. Maganda kang dalaga at walang ganyan kaguwapong lalaki doon sa Juventus. Aba'y pwede ngang mag-artista ang isang ito dahil makinis ang balat. Saan kaya siya galing?"
"Malamang sa Maynila galing ang isang iyan," sabi ng Tiya Manuela niya na kadarating lang. "Dadaan daw tayo mamaya sa presinto para magreklamo doon sa magnanakaw. Madami nang ibang nagrereklamo doon. Nabawi ko rin ang bag niya. Kadadating lang niya dito sa atin at may ticket siya ng bus mula Maynila."
At inabot sa kanya ng tiyahin ang knapsack ng binata. Sinilip lang niya ang bag at sumalubong agad sa kanya ang panlalaking amoy. Parang mamahalin ang amoy na iyon. Kahit na mukhang di naliligo, alam niyang iyon ang amoy ng lalaki.
Nakita niya na may ilang damit na laman iyon, wallet at ilan pang makabagong gamit. Pero di na niya magawa pang kalkalin pa dahil parang panghihimasok niya iyon sa pribadong buhay ng lalaki, kahit pa nga marami pa siyang gusto malaman tungkol dito.
"Laurethan Alvaro Baltazar ang pangalan nila. May numero diyan pero wala naman akong pantawag sa kamag-anak niya pero wala akong cellphone," sabi ni Tiya Manuela. "Ikaw ba may pantawag?"
"Wala akong load. Mas mabuti siguro kung siya na ang kumausap sa kamag-anak niya. Magigising din naman siya at hindi lalala ang kalagayan niya," paliwanag ni Doc Tagle.
"Aurora, kailangan na nating umalis. Babalik na ng Juventus. Naikarga na ang mga kargamento natin sa bangka. Ikaw na lang ang hinihintay," anang tiyahin.
"I-Iiwan po natin s-siya?" tanong niya at itinuro ang tagapagligtas niya. Hindi kasi niya alam kung ang itatawag dito ay Laurethan o Alvaro.
"Oo. Si Isagani na ang mag-aalaga sa kanya. Isasama naman natin si Doc Tagle sa isla," paliwanag ni Tiya Manuela.
Sinakmal ng pag-aalala si Aurora at mahigpit na hinawakan ang kamay ng lalaki. "Hindi ko po siya kayang iwan ngayon. Hindi pa po ako sigurado kung ligtas siya."
"Pero kailangang bumalik na tayo sa Juventus," malumanay na paliwanag sa kanya ng tiyahin.
Nagmamakaawa niyang tiningnan ang matandang babae. "Tiyang, hindi ko po kaya na iwan siya. Siya ang tumulong sa akin. Responsibilidad ko po na alagaan siya. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko po mababawi ang bag ko. Baka di tayo makakauwi ng Juventus. Magpapaiwan na lang po ako hanggang gumaling siya."
"Pero mag-aalala ang Kuya Gener. Mapapagalitan ako ng tatay mo."
Umiling pa rin siya at ihinilig ang ulo sa tabi ng lalaki. "Basta dito lang po ako hangga't di pa siya gumagaling. Siguro naman po m-maiintindihan ni Amay," giit niya.
"Hindi iyon papayag na magtagal ka dito. Alam mo naman na hirap na hirap siyang payagan na umalis ka ng Juventus. Pati ako mapapagalitan niya kapag iniwan ka niyang mag-isa. Di sanay ang Kuya Gener na malayo ka sa tabi niya."
"Dito lang po ako."
Hindi rin niya maintindihan kung bakit mas pinipili niya ang lalaking ito kaysa sa ama niya. Buong buhay niya ay wala siyang ginawa kundi sundin ang ama niya. Alam kasi niyang siya lang ang kaligayahan nito. Pero di kaya ng konsensiya niya iwan ang lalaking nanganganib ang buhay dahil sa kanya.
"Sige. Sasamahan na lang kita," anang si Tiya Manuela at bumuntong-hininga. "Pero babalik din tayo ng Isla Juventus kapag magaling na siya."
Nagningning ang mga mata ni Aurora at inangat ang ulo. "Talaga po, Tiyang?"
"Oo naman. Mas hindi mag-aalala si Kuya Gener kung kasama mo akong maiiwan dito. Magbibilin na lang ako na una nang iuwi ang mga kargamento natin at balikan na lang tayo matapos ang apat na araw. May biyahe naman sila papunta sa Isla Azul kaya pwede tayong mag-request ng special trip."
Impit na tumili si Aurora at niyakap ang tiyahin. "Maraming salamat po, Tiya. Salamat po dahil sinuportahan ninyo ako."
"Siyempre tama naman ang ginagawa mo."
"Mabuti pa sabay-sabay na tayong pumunta ng Juventus," anang si Doc Tagle. "Para na rin ako mismo ang makatiyak na ligtas itong pasyente natin. Dahil sa kanya, maniniwala ka na may mabubuti pa ring mga tao at tumutulong kahit na walang kapalit. Pero may hihingin akong kapalit sa iyo."
"Ano po iyon?"
"Ipagluto mo naman ako ng sabaw ng halamang dagat at halaan. Ikaw ang pinakamasarap na magluto no'n. Kahit ang asawa kong si Anselma nagtatampo na sa akin dahil sabi ko ay mas masarap kang magluto no'n samantalang nakuha naman daw niya ang recipe mo."
Lumapad ang ngiti ni Aurora. "Iyon lang po pala. Walang problema." nasasabik niyang binalikan ng tingin si Laurethan Alvaro Baltazar at ginagap ang kamay nito. "Narinig mo ba iyon? Magkakasama pa tayo. Mababantayan pa kita."