Chapter 56 - Chapter 56

Nang malapit na sila ay doon naulinigan ni Elysia ang mahihinang paghikbi ng isang babae. Marahan niyang itinulak ang pinto at saglit na tumahimik ang lugar. Marahil ay naalrma ito at mabilis na pinigilan ang kaniyang paghikbi.

"Alam kong nariyan ka, maaari ka nang lumabas. May mga itatanong lang ako." Mahinang tawag ni Elysia ngunit wala siyang narinig na tugon mula rito.

"Huwag kang matakot, kaaway ko lang ang amo mo pero hindi ako masamang tao." wika ulit niya ngunit wala pa ring tugon.

Marahas na napabuntong-hininga si Elysia at dumukwang sa ilalim ng mesa, doon niya nakita ang babaeng alalay ni Mariella na namumugto ang mga mata dahil sa pag-iyak. Noon lang din niya napagtanto na napakabata pa pala ng mukha nito at may kaunting pagkakahawig ito kay Mariella at kay Morvan.

"May problema ba? Bakit ka nagtatago rito at bakit ka umiiyak? Sinaktan ka ba ni Mariella?" Mahinahong tanong ni Elysia at umiling ang babae.

"Hindi ako sinasaktan ni Marie." sagot nito ngunit nangungunot ang noo ni Elysia dahil sa mga sugat ng babae na hindi pa tuluyang naghihilom.

"Hindi ka niya sinasaktan pero bakit ang dami mong sugat?" Tanong ni Elysia. Tila nagulat naman ang babae at agad na itinago ang mga sugat niyang papahilom pa lamang.

Matamang tinitigan ni Elysia ang babae hanggang sa muli itong mapahagulgol ng iyak. Ilang sandali pang tumagal ang pag-iyak ng babae at tahimik lang namang hinihimas ni Elysia ang kaniyang likod. Nang tuluyan na itong kumalma ay saka naman ito nagsalita.

"Prinsesa, tulungan mo kami. Pakiramdam ko, hindi na siya si Mariella. Hindi siya ang pinsan ko. Kahit kailan hindi niya ako napagbuhatan ng kamay, hindi niya ako sinasaktan kahit malaki pa ang kasalanan ko, pero nitong nakaraan, kahit maliit na pagkakamali ay nagagalit siya." Wika ng babae. Sa sagot niyang iyon ay doon niya napatunayan ang hula niya. Hindi lang ito basta-basta alalay ni Mariella. 

Maayos na pinaupo ni Elysia ang babaeng nagpakilala bilang Selena bago ito kinausap. Habang nagsasalita ay hinahagilap niya sa mga mata nito ang katotohanan sa bawat salitang binibitawan ng babae. Hindi siya maaaring magsalita na may alam siya dahil hindi siya sigurado sa pakay nito. Posible kasing ginagamit lang ito ng impostor upang hulihin siya.

"Paano mo naman nasabing, hindi siya ang pinsan mo?" tanong ni Elysia.

"Hindi ako sigurado, pero malakas ang pakiramdam ko." sagot naman ni Selena.

"Hayaan mo, at kakausapin ko si Vlad. Hindi ako maaaring magdesisyon dahil wala pa akong kapangyarihan dito," kaila niya at tinapik na ang balikat ni Selena. Nang maging maayos na ito ay nagpaalam na si Elysia at bumalik na sa kaniyang silid. Tahimik lang na nakasunod si Lira sa kaniya habang ang dalaga naman ay tila malalim ang iniisip.

"Ano'ng problema, prinsesa?" mayamaya pa ay tanong ni Lira. Papasok na sila sa silid at pagkasara ay agad na pinakawalan ni Elysia ang isang malalim na buntong hininga.

"Sinusubukan niya kung may alam na ako. Mukhang nakakatunog na ang kalaban. Mabuti na lamang at hindi agad ako nagsalita. nakita mo ba ang mga mata niya. Para siyang nasa ilalim ng isang mahika." mahinang wika ni Elysia.

"Oo, napansin ko rin. Pero kung sinusubukan niyang hulihin ka, ibig sabihin may alam na siya?" Wika ni Lira.

"Posible, kaya kailangan na nating mag-ingat. Lira, kaya mo bang mag-ikot na hindi nakikita nino man?" Tanong ni Elysia.

"Kaya ko, pero ano ba'ng plano mo, prinsesa?" Tanong ni Lira at doon na inisa-isa ni Elysia ang kaniyang plano. Nangingislap naman ang mata ni Lira habang nakikinig sa mga suhestiyon ng dalaga.

"Matalino ka talaga prinsesa. Huwag kang mag-alala kayang-kaya ko 'yan." Masiglang wika ni Lira at wala pang ilang segundo ay bigla naman itong naglaho sa paningin ni Elysia.

Nang masiguro na niyang wala na ang presensiya ni Lira sa paligid ay

Bumalik na siya sa kaniyang higaan. Mabuti na lamang at hindi niya naistorbo ang tulog ni Vladimir. Sa pagkakataong ito muli na niyang ipinikit ang kaniyang mga mata ay muli na siyang dinalaw ng antok.

Kinabukasan, dahil nagising siya nang wala sa oras kagabi ay tinanghali na siyang gumising. Pagkababa niya sa hapag ay tanging si Vladimir na lamang ang naroroon. Wala ang ama ni Mariella dahil sigurado nagkukulong pa rin ito sa kaniyang silid kasama ang anak niya.

"Mamayang hapon makikipagkita sa atin si Duke Morvan." Wika ni Vladimir at tumango lang siya bago nagsimulang lantakan ang nakahandang pagkain para sa kaniya.

"Kagabi, nakausap ko ang pinsan ni Mariella— si Selena. Ramdam kong nasa ilalim siya ng mahika ng kung sino. Mukhang natutunugan na nila na may alam na tayo." Mahinang bulong ni Elysia.

Tango at ngisi naman ang tinugon ni Vladimir bago tinapik ang mesa gamit ang kaniyang hintuturo.

"Malakas makiramdam ang kalaban. Nakakabilib dahil nakakaya niya tayong bulagin. Sa totoo lang, maging ako ay hirap hagilapin kung sino siya sa mga tao natin dito sa palasyo." Wika naman ni Vladimir.

Sumang-ayon naman si Elysia at itinuon ang pansin sa kaniyang kinakain. Matapos kumain ay bumisita naman siya sa Bayan nina Raion.

Masaya siyang sinalubong ng mga bata at mahigpit na yumakap sa kaniya. Napuno naman ang init ang buong sistema niya dahil sa nararamdaman niyang kasabikan sa mga ito. Ilang araw din niyang hindi na naaasikaso ang mga ito dahil sa pagiging abala niya sa ginagawa at noong nagkasakit siya.

Wala ring pagsidlan ang tuwa sa mga mukha ng mga bata habang nakikipaglaro siya sa mga ito. Matapos ang ilang oras niyang pakikipaglaro sa mga ito ay naging seryoso naman siya nang harapin niya ang magkakapatid na Raion, Raya at Kael.

"Nakakatunog na ang kalaban. Raya, kamusta ang pinapalakad ko sa'yo?" Tanong ni Elysia at may kung anong liham ulit na inabot si Raya sa kaniya.

"Sampong bayan na ang nagpabatid ng kanilang suporta sa inyo prinsesa. Wala silang pagdadalawang-isip na nagpakita ng suporta. May mga bayan pa akong hindi naaabot subalit ang rinig ko ay buo rin ang suporta nila sa inyo ni Haring Vladimir." Saad ni Raya at napatango naman si Elysia.

Iyon lang naman ang nais niyang malaman. Kung buo ba ang suporta ng mga nasasakupan ni Vladimir sa desisyon nitong kunin siya bilang isang reyna. Tao lamang siya at nauunawaan niya kung may mga partidong tututol sa kanila.

"Mabuti naman, iyon lang naman ang mahalaga. Hindi ako makakagalaw kung wala ang suporta nila. Sa oras na maging alanganin ang lahat, nariyan sila para suportahan si Vlad." Wika ni Elysia.

Napapailing na lamang si Kael sa kaniyang naririnig at nang makita ito ni Elysia ay agad naman tumaas ang kilay niya rito. Nag-usap pa sila tungkol sa kanilang magiging plano at sa pinagawa niya kay Lira. Dahil may mga nakabantay ng mga mata sa kaniya sa palasyo ay hindi na siya makakagalaw ng lantaran. Ang kailangan na lamang niyang gawin ay lansihin ang kalaban habang abala naman si Lira sa pag-iikot sa mga parteng hindi pa niya napupuntahan.

Kinahapunan, pagbalik niya sa palasyo ay dumiretso naman siya sa bulwagan upang kitain si Vladimir at Duke Morvan.

Pagdating niya ay agaran na silang pumasok sa silid aklatan kung saan malaya silang makakapag-usap nang walang nakikinig.

Madilim ang mukha ni Duke Morvan nang masilayan ito ni Elysia. Halatang napakalaki ng problema nito at mukhang alam na niya ang kasagutan.

"Tama ang prinsesa mo Vlad, hindi si Mariella ang naririto, pero nasaan ang anak ko?" Emosyonal na tanong ni Morvan. Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala. Sadyang mali nga talaga ang pagkakakilala nila sa mga bampira. Hindi lahat sa kanila ay walang puso at hindi nakakaramdam ng emosyon ng mga mortal.

Buhay na patunay siya na nag mga bampira ay parang tao lang din. Madalas ay nagkakamali lang ang mga tao sa pag-unawa sa kanila dahil na rin sa takot.

"Hindi ko na dapat siya pinayagang pumunta rito. Alam ko namang wala siyang pag-asa, subalit mapilit siya. Hindi ko na dapat sinakyan ang kapritso ng batang 'yan." Buong pagsisising wika ni Morvan.

"Duke Morvan, dito sa palasyo nawala ang anak niyo at hindi ako papayag na hindi siya makita. Sa ngayon ay ginagawa na namin ang lahat upang matunton namin ang kinalalagyan ni Mariella nang hindi tayo natutunugan ng kalaban. Sa ngayon, habang narito kayo, mas mainam kung patuloy niyo siyang pakisamahan ng normal. Makakatulong sa amin ang paglansi niyo sa kaniya upang mas makagalaw kami ng maayos." Wika ni Vladimir at tumango naman si Morvan.

"Pasensiya ka na sa batang iyon Vlad, talagang matigas ang ulo niya. Katulad din siya ng kaniyang inang mapusok at hindi marunong mag-isip nang tama lalo't kapag emosyon na niya ang kaniyang pinairal." Umiiling na saad ng lalaki.

"Malakas si Mariella, Duke Morvan. Alam kung lung nasaan man siya ngayon ay patuloy siyang lumalaban. Huwag kayong mawalan ng pag-asa dahil naniniwala akong buhay pa siya. " Wika ni Elysia at napangiti naman si Morvan.

Nang tuluyan nang mahimasmasan si Morvan ay saglit pa silang nag-usap ni Vladimir bago ito tuluyang nagpaalam sa kanila. Gabi na nang lisanin nito ang bulwagan at siya rin namang pagpasok ni Loreen doon.

"Nakabalik ka na Loreen? Kamusta ang lakad mo?" Tanong ni Elysia. Halata sa babae ang pagod at may kakaibang naramdaman si Elysia sa awra nito na ikinabahala niya.