Chapter 59 - Chapter 59

Sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata ay aga niyang nasilayan ang liwanag ng papalubog ng araw. Dahil nakabukas ang bintana ay pumapasok mula roon ang banayad na ihip ng hangin.

Marahang bumangon si Elysia at maiging pinakiramdaman ang sarili. Nawala na ang panghihinang nararamdaman niya kanina at napalitan iyon ng kakaibang sigla. Napakagaan ng pakiramdam niya, marahil dahil napahaba ang tulog niya.

Maya-maya pa ay biglang tumunog ang kaniyang tiyan, nagising naman si Lira na noo'y nakaidlip rin pala sa tabi niya.

"Prinsesa, handa na itong kuwentas mo, maaari mo na siyang suotin." saad ni Lira at maagap namang isinuot iyon ni Elysia. Bumaba na siya sa higaan at mabilis na tinungo ang kusina, kung saan natagpuan niya ang mga batang tulong-tulong na naghahanda ng kanilang magiging hapunan.

Napangiti siya at masayang binati ang mga ito. Tumulong na rin siya upang mas lalong mapadali ang kanilang gawain.

Matapos ang kanilang hapunan, ay inihatid na ni Elysia ang mga bata sa kuwarto nila at hinintay ang mga itong makatulog. Nang masiguro na niyang tulog na ang mga bata ay kinausap naman niya ang apat na bantay na siguruhing ligtas ang mga bata. Dalawa sa mga ito ang pumasok sa loob upang doon magbantay habang ang dalawa naman ay naiwan sa labas ng pintuan.

Nang makabalik na siya sa bulwagan ng trono ni Vladimir, naabutan niya itong nakaupo sa kaniyang trono at tahimik na pinagmamasdan ang baso na may lamang dugo. Kumikislap ang ginto nitong mata na nababahiran na ng pula, habang tila malalim itong nag-iisip.

"Tulog na ang mga bata, nag-iwan ako ng apat na bantay para sa kanila." bungad na wik ani Elysia, nakasunod naman sa likod niya ang lumilipad na si Lira.

"Halika nga dito." seryosong tawag sa kaniya ng binata. Mabilis naman siyang lumapit dito at tinanggap ang nakaabot nitong kamay. Marahan siyang hinatak ng binata at sinuri ang kaniyang kabuuan. Naniningkit pa ang mga mata nitong sinusuyod ang bawat parte ng kaniyang braso pataas sa kaniyang balikat.

"May problema ba Vlad?" naguguluhang tanong ni Elysia.

"Alam mo bang pinag-alala mo ako ng husto kanina? Natagpuan kita sa silid, walang malay at namumutla, hawak-hawak mo ang kuwentas, ang buong akala ko ay nalason ka o kung ano. Kung wala doon si Lira, baka nawala na rin ako sa sarili ko at kung ano pa ang nagawa ko." paliwanag ni Vladimir. Napakaseryoso ng mukha nito at hindi magwang ialis ni Elysia ang pagkakatitig niya rito.

"Patawad kong hindi muna kita nasabihan. Ayos lang naman ako at isa pa, wala naman nangyari sa akin, nandoon si Lira para bantayan ako." saad ni Elysia at tumango si Vladimir, ngunit ramdam pa rin ng dala ang pag-aalala nito. Napangiti si Elysia at niyakap ang ulo ng binata, hinaplos niya ito na tila bang nag-aalo ng isang bata.

"Sa susunod, kapag may gagawin ka, ipaalam mo muna sa akin, para hindi ako nag-aalala ng husto sa'yo. Paano kung magkamali pala ako, at may nagawa akong hindi kaaya-aya. Elysia, alam mo namang ikaw lang ang natatanging lakas at kahinaan ko. Hindi ko alam kung makakaya kong pigilan ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa'yo," mahabang litanya ni Vladimir at doon lang natahimik ang dalaga. 

Nakangiting hinaplos niya ang pisngi ng binata na ngayon ay kapantay lamang niya dahil nakaupo ito habang siya naman ay nakatayo. Maayos niyang napagmasdan ang mukha ni Vladimir at doon lang niya napatunayan na higit itong mas guwapo sa malapitan. Nakakabighani rin ang kulay ginto nitong mata ang tila nang-aakit naman ang matangos nitong ilong pababa sa mapupula nitong labi.

"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo Vlad, patawad kung pinag-alala kita ng sobra. Hindi na mauulit, pangako sa susunod, sasabihan na kita." Saad naman ni Elysia at ngumiti. Nakita ng dalaga kung paano kumislap ang mga mata ni Vladimir at akmang magsasalita pa ito nang makarinig sila ng sunod-sunod na katok sa pinto ng bulwagan. Agad na hinatak ni Vladimir si Elysia at pinaupo na ito sa tabi niya, nagulat pa ang dalaga dahil nakaupo na siya sa trono ng binata at iyon ang unang beses na nangyari iyon.

Pagbukas ng pinto ay pumasok naman mula sa labas si Mariella. Tiim-bagang itong nakatitig sa kanila habang tila hindi maipinta ang mukha nito.

"Vladimir, hanggang kailan mananatili rito si Ama, hindi ba dapat ay pinapabalik mo na siya sa Gerovia?" kunot-noong tanong ni Mariella.

"Wala akong karapatang manduhan si Duke Morvan, baka nakakalimutan mo? Ang pagpunta niya sa palasyo ay sarili niyang desisyon at hindi ko siya pinatawag para sa isang misyon. Kaya ang pagbabalik niya sa Gerovia ay magiging desisyon rin niya. Ama mo siya, bakit minamadali mo ang pag-alis niya. Dati-rati'y hindi ka naman ganiyan at magiliw ka lagi sa iyong ama?" saad ni Vladimri at napipilan naman ang dalaga. Tila natauhan ito at nahirapan nang makasagot sa kaniya.

Nangingiti naman si Elysia habang pinagmamasdan ang pagkautal ng babae sa harapan nila. Unti-unti na siyang nagkakamali sa kaniyang mga galaw, at darating ang araw na ito na mismo ang magbubunyag ng tunay nitong katauhan.

"Sa tingin ko ay kailangan mo ng pahinga Mariella, kahit isa kang bampira, marapat lang naman siguro na magpahinga ka. Ano ba ang pinagkakaabalahan mo at palagi kang ganiyan?" tanong ni Vladimir at napahalukipkip naman si Mariella.

"Wala ka rin naman pakiaalam sa akin, bakit ka nagtatanong. Magpapahinga na ako, hindi ko na kayo iistorbohin." natatarantang wika ni Mariella sabay talikod sa kanila. Mabilis na lumabas si Mariella at walang kaabog-abog nitong isinara pabalabag ang pinto. Nagkatinginan pa si Elysia at Vladimir at nagkangitian.

"Mukhang nagiging balakid na sa kaniya si Duke Morvan, hindi ba mapapahamak ang Duke sa kaniya?" tanong ni Elysia.

"Matagal nang nabubuhay ang Duke at hindi siya mapapahamak sa kamay ng impostor ni Mariella. Kung magkataon man, alam ng Duke kung paano niya ito malulusutan. At isa pa, nagtalaga na ako ng mga bampirang magbabantay ng palihim sa kaniya, kaya huwag ka nang mag-alala," wika naman ni Vladimir.

"Sabagay tama ka, siyanga pala, nabuo ko na ang kuwentas pero bukod sa paggaan ng pakiramdam ko kanina paggising ko ay wala naman akong naramdamang kakaiba. Sa tingin mo para saan kaya ang kuwentas na ito. Imposible naman wala itong silbi, hindi ba?" Nagtatakang wika ni Elysia. Napatingin naman si Vladimir sa kuwentas at napakunot-noo ito.

"Bakit hindi ka kuna magnilay kasama ang kuwentas mo Ely? Sa tingin ko kailangan mo lamang kilalanin ang nakatagong kapangyarihan ng kuwentas na iyan." Wika ni Vladimir na agad din sinang-ayunan ni Lira.

"Tama, tama si Haring Vladimir. Sapat na ang pahinga na ibinigay mo sa kaniya, oras na para gisingin mo ang gabay na natutulog sa kuwentas na iyan." Sabad naman ni Lira. Sa pagkakataong iyon ay napatingin naman si Elysia sa dalawa.

Matapos ang kanilang pag-uusap ay muli nang naglibot sa paligid ng palasyo si Lira habang si Vladimir naman at Elysia ay nagpahinga na sa kanilang silid.

Dahil sa sinabi ng binata at ni Lira ay hinayaan niyang magnilay ang kaniyang sarili habang nakaupo sa higaan. Samantalang ang binata naman ay nakamasid lamg sa dalaga.

Alam ni Vladimir ang hiwaga na nababalot sa kuwentas na iyon. Ramdam niya ang kakaiba nitong kapangyarihan na kahit nakakapagbigay ng nginig lahit sa katauhan niya bilang isang bampira.

Dahil sa isiping ito ay mas lalo niyang napatunayan ang hinala niya patungkol sa pagkatao ng dalaga. Hindi ordinaryo si Elysia, kung paano man siya napunta sa pamilya ng mga manunugis ng bampira ay hindi pa rin malinaw sa kaniya. Pero isa ang sigurado, hindi purong tao si Elysia. Isa ng patunay ang biglang pagsulpot ni Zuriel at Lira sa buhay ng dalaga.

Tahimik niyang pinagmamasdan si Elysia. Napakalaki na ng pinagbago nito buhat noong una niya itong kupkupin sa kaniyang palasyo. Bagaman alam niyang nakatadhana na ang magiging buhay nila, ay masasabik pa rin siyang maiharap ito sa dambana at pormal na maitala ang pangalan nito sa libro ng pagkilala.

Ibang-iba si Elysia, hindi siya ang tipikal na prinsesa na dapat protektahan. May sarili itong utak, sariling kakayahan at sariling mga desisyon na ikinatutuwa ni Vladimir. Alam niyang mapanganib at walang kasiguruhan ang magiging koronasyon ngunit umaasa siyang malalagpasan nila ito nang magkasama. Buo ang tiwala niya sa oras na iyon ay magiging handa na sila, buo ang pananalig niyang, si Elysia na ang magiging pangalawa at huling babaeng magiging reyna na.

Sa kaniyang pagmamasid sa dalaga, ay tahimik niyang ipinangako sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat mapangalagaan lang ang buhay ng dalaga hanggang sa matapos nila ang koronasyo. Hindi na siya papayag na magtagumpay muli si Vincent sa pagbawi ng buhay ng pinakamamahal niya.