Chapter 60 - Chapter 60

Nakapikit si Elysia habang nakaupo sa higaan nila. Hawak niya ang kuwentas at taimtim na binabanggit sa kaniyang isip ang mga katagang itinuro sa kaniya ni Zuriel. Sa kaniyang pagninilay, ay nararamdaman niya ang bawat paghinga ni Vladimir na noo'y nasa malapit lang sa kaniya, dama niya ang hanging nagsasayaw sa kanilang kurtina. Maging ang mga huni ng panggabing ibon ay malinaw niyang naririnig.

Ilang minuto rin siyang nakaupo sa higaan, hanggang sa tila gumaan ang kanyang katawan. Sa kaniyang pagmulat ay natagpuan niya ang kaniyang sarili na nakatayo sa lupang nababalot ng maberdeng damo. Napakalawak ng lugar na iyon at wala siyang nakikita kun'di ang malawak na damuhan. Walang puno o kahit mga hayop man lang.

"Elysia?" tanong ng isang pamilyar na boses. Marahas siyang napalingon at halos mag-unahang bumagsak mula sa kaniyang mata ang matagal na niyang itinatagong luha. Nasa harapan niya ang isang nakangiting babae na sa pagkakatanda niya ay huli niyang nakita noong siya ay bata pa. Mahaba ang alon-alon nitong buhok na isinasayaw pa ng malakas na hangin doon. Nakangiti ang mga mata nito at nakataas naman ang dalawa nitong kamay na animo'y inaanyayahan siyang lumapit.

"Ma? Mama!" hindi makapaniwalang bulalas niya at patakbong niyakap ang babae. Inaasahan niyang maglalaho ito katulad ng mga panaginip niya noon pero hindi ito nangyari. Tuluyan na siyang napahagulgol nang maramdaman niya ang init ng katawan ng babae at mapatunayang totoo ito at hindi ilusyon lamang.

"Nananaginip ba ako? Totoo ka ba, Ma, ang tagal kong pinangarap na muli kang mayakap. Ang tagal kong umasa hanggang sa sumuko na lamang ako dahil alam kong wala na kayo at hindi na kailanman mabubuhay pa." umiiyak na wika ni Elysia.

Marahang pinalis naman ng babae ang luha sa magkabilang pisngi ng dalaga at sabik na hinalikan ito sa noo.

"Matagal akong naghintay na makapunta ka rito anak. Hindi ito panaginip, pero hindi rin ito tunay. Nasa loob ka ng isang portal kung saan nakakulong ang aming kaluluwa, ang kuwentas na hawak mo ang siyang susi patungo rito. Patawad kong maaga ka naming iniwan, napakalaki ng pagkukulang ko sa'yo. Sabik na sabik akong makita kang muli anak." Wika ng babae. 

Pinakatitigan ni Elysia ang mukha ng kaniyang ina. Ganito ang mukha na natatandaan niya, wala itong pinagbago, para bang hindi ito naapektuhan ng pagdaloy ng oras.

"Ako rin naman Ma, sabik na sabik ako sa inyo ni Papa. Tiniis ko ang lahat, dahil anak niyo ako, alam kong walang duwag at sumusuko sa dugo natin." sambit naman ni Elysia. Nang ngumiti ang babae ay muling napaluha si Elysia. Mahigpit na yakap ang muli niyang iginawad sa kaniyang ina habang ninanamnam ang sandaling iyon. Nang parehas na silang kalamado ay doon na nagpaliwanag ang ina ni Elysia.

"Naguguluhan ako Ma, tao naman ako 'di ba? Pero, bakit pakiramdam ko may kakaiba sa akin?" tanong ni Elysia. Marahas na bumuntong-hininga ang babae at ginagap ang mga kamay ni Elysia.

"Kaya kami narito para sabihin sa'yo ang lahat, hintayin lang natin ang papa mo para mas maunawaan mo ang lahat." malumanay nitong wika at napatango lang si Elysia. Walang pagdududa siyang nararamdaman dahil kilala niya ang presensiya ng kaniyang ina. Pananalita, kilos maging ang ngiti nito ay ang ina talaga niya nag nakikita niya. Ilang minuto rin silang naghintay hanggang sa namataan ni Elysia ang isang nilalang na lumilipad papalapit sa kanila.

"Papa?" bulalas ni Elysia. Paglapag nito sa lupa ay agad na nagtama ang kanilang mga mata.

Naitakip ni Elysia ang kamay sa kaniyang bibig nang makilala ang nilalang na iyon. Ang kaibahan lamang ay ang malalapad nitong pakpak na katulad ng kay Zuriel. Walang pagdadalawang isip na niyakap ng lalaking kararating lamang si Elysia. Magkahalong gulat at kasabikan naman ang namayani sa dibdib ni Elysia. Napuno ng katanungan ang puso niya at pabalik-balik na napatingin sa dalawa ang kaniyang mga mata.

"Kung nakikita mo, hindi tao ang papa mo anak. Isa siyang Alarion, mga nilalang na maihahalintulad mo sa mga anghel na siyang nagsisilbi sa nag-iisang Panginoon sa kaitaas-taasan. Hindi na kami nabibilang sa mga buhay, ngunit ang aming kaluluwa ay mananatili rito, kung saan abot-kamay mo lamang kami. Pero Elysia, ito na ang magiging una at huling makakapasok ka rito. Yan lang ang nakasaad sa kasunduan noong gawin ng papa mo ang ritwal na ito."

"Ibig sabihin hindi nga ako tao? Kaya ba nakakaya kong gamitin ang panang ibinigay ni Zuriel? Sino si Zuriel? Bakit niya ako kilala?" tanong ni Elysia.

"Si Zuriel, salamat naman at nagkita na kayo ni Zuriel. Kapatid mo si Zuriel, dalawa kayo ang anak namin, bata ka pa noon, kaya hindi ka pa maaaring isama sa kaharian ng Astradel. Kung gayon ay naibigay na rin sayo ni Zuriel ang relic na nararapat na sa iyo. Mabuti, mabuti. Elysia, sa pagsapit ng ikalabing walong taong kaarawan mo, magbubukas muli ang pintuan ng Astradel, sa oras na iyon malaya kang mamimili ng buhay na nais mo. Mananatli ka ba sa Astradel o mananatli ka sa kung saan ka man nakatira ngayon." Wika naman ng ama ni Elysia. 

Napanganga lamang siya habang isa-isang ibinubunyag ng kaniyang mga magulang ang lahat sa pagkatao niya. Kung bakit sila nasa lupa at kung bakit naging manunugis sila ng mga bampira doon. Ang ina ni Elysia ang orihinal na nanggaling sa angkan ng mga manunugis habang ang kaniyang ama naman ay isang Alarion. Isang taong gulang pa lamang siya nang magbukas ang pintuan ng Astradel para kay Zuriel, kinailangan nitong manatili roon kung kaya't wala siyang alam na may kapatid siya.

Patungkol naman sa kinamulatan niyang pamilya. Hindi totoong kamag-anak niya ang mga ito. Bagkus, ito ang mga taong naging sanhi ng kamatayan ng kaniyang mga magulang. Ang bahay na tinutuluyan nila ay ang mismong bahay nila na inukupa ng pamilyang nagpakilalang kamag-anak ni Elysia. Dahil wala namang nakakakilala sa kanila sa bayang iyon at wala ring patunay kung totoo ba o hindi, minabuti ng mga tao na hindi na lang mangialam. At doon na nga nagsimula ang pagpapahirap ng pamilyang iyon kay Elysia hanggang sa naglabing anim na taon siya.

Kalaunan ay pare-pareho silang natahimik, magkahawak kamay nilang pinagmasdan ang malawak na damuhan habang nakasandal naman si Elysia sa balikat ng kaniyang mga magulang.

"Pagbutihin mo Elysia, kung ano man ang maging desisyon mo sa buhay mo sa labas, alalahanin mong buo ang suporta namin sa'yo. Kapag kailangan mo ng tulong nariyan lang at nakabantay sa'yo ang Kuya Zuriel mo." Paalala ng kaniyang ama. Tumango si Elysia at yumakap sa kaniyang ama. 

Walang paglagyan ang kasiyahan ng dalaga dahil kahit sa huling pagkakatain ay nagawa niyang makasama ang mga magulang niya. Nagawa niyang magsumbong sa mga ito sa lahat ng pait at paghihirap na dinanas niya. Nagawa niyang magkuwento sa mga ito ng mga masasayang nangyari sa buhay niya. At nagawa rin niyang iapaalam sa mga ito at ipakilala ang lalaking tumulong sa kaniya at ang nalalapit na niyang kasal rito.

"Hindi man kami makadalo, nariyan naman ang kuya mo, ang mga lolo mo." wika ng lalaki at napangiwi naman si Elysia.

"Pa, paano 'yon, sa tuwing nagkikita si Vlad at Kuya Zuriel, pakiramdam ko magkakaroon ulit ng digmaan. Kaya niyo bang pagsabihan si Kuya, kahit sa panaginip lang. Huwag kamo niyang sungitan si Vlad." nakasimagot na reklamo ni Elysia at natawa naman ang dalawa.

Sinulit ni Elysia ang mga oras na kasama niya ang mga magulang niya at sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata ay sumungaw ang kaniyang mga luha dahil sa matinding kalungkutan. Pinahid niya ang mga ito at doon lang niya napagtanto na nakahiga na siya sa higaan at maliwanag na sa labas ng kaniyang bintana. Nakahiga pa rin sa tabi niya si Vladimir at walang ano-ano'y niyakap niya ang binata na ikinagulat naman ng huli.

"Ely, bakit?" tanong ni Vladimir at doon na humagulgol ng iyak si Elysia. Nang tumahan na siya ay saka naman niya idinetalye ang mga kaganapan habang wala siyang malay tao kagabi.

"Vlad, hindi ako tao, ang ibig kung sabihin, pareho tayo. Hindi ako purong tao. SI Zuriel, kapatid ko siya." bulalas ni Elysia at nagtaka naman ang dalaga nang wala siyang makitang pagkagulat sa mukha ng binata.

"Alam mo?" tanong pa niya.

"Hindi ko alam, pero may kutob ako. Minsan kapag nagagalit ka o di kaya naman ay natatalo ka ng emosyon mo, may nararamdaman akong malakas na puwersa sayo. Hindi normal iyon para sa isang tao kaya kinutuban ako," nakangiting tugon ni Vladimir at napakurap naman si Elysia rito.

"Ayos lang sa'yo?"

"Kung ako nga natanggap mo, sino ba naman ako para hindi ka tanggapin. Alalahanin mo, nakapako na sa lupa ang ating tadhana, wala ka ng kawala at ang tanging maghihiwalay lang sa atin ay ang kamat*yan, tandaan mo 'yan." sabi pa ng binata at napangiti naman si Elysia. Bumuntong hininga siya at hinawakan ang kuwentas bago seryosong nagwika kay Valdimir.

"Alam ko na paano natin makikita si Mariella, kikilos na tayo at kailangan kong kunin niyo ang atensiyon ng impostor na Mariella mamayang gabi hanggang bukas. Makakaya kaya ito ni Duke Morvan?" tanong ni Elysia at tumango naman si Vladimir.

"Huwag kang mag-alala, nakahanda na ang Duke at hudyat na lamang natin ang hinihintay niya." sagot naman ni Vlad na ikinatuwa naman ni Elysia.