Chapter 61 - Chapter 61

Dahil sa bagong kakayahan na natuklasan ni Elysia ay mas mapapadali pa ang paghahanap niya kay Mariella. Kilala niya ang aura ni Mariella at iyon ang gagamitin niya upang malaman kung nasaan ito. Saka na niya iisipin ang pakikipag-ugnayan sa kaniyang kapatid dahil mas mahalaga pa rin na makita nila at mailigtas si Mariella sa kapahamakan.

Sumapit na ulit ang gabi at tahimik nang nakatayo si Elysia sa mataas na tore na nasa sentro ng palasyo. Doon ay mas nakikita niya sa bawat anggulo ang kabuuan ng kaharian at ng buong gusali ng mismong palasyo. Dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata habang si Lira naman ay nakabantay lamang sa kaniya. Hinayaan niyang lumipad ang kaniyang kamalayan sa paligid at pakiramdaman ang bawat galaw ng mga tao at nilalang na nasa loob ng palasyo.

Ilang sandali pa ay napamulagat ng mata si Elysia, mabilis siyang tumakbo patungo sa bintana at napatitig sa isang tore na nasisipat niya sa di kalayuan. 

"Kung gano'n tama ang unang hinala ko? Nariyan ka nga Mariella. Konting tiis na lang, makukuha ka na namin." Tahimik na saad ni Elysia sa kaniyang sarili. Naninigkit ang mga mata niya at napatago pa siya nang masipat ng mata niya ang naglalakad na pinsan ni Mariella. Tila wala ito sa kaniyang sarili at animo'y isang manika na naglalakad lamang. Patungo ito sa tore at may bitbit na basket.

Nagkibit-balikat na lamang siya at tinahak na ang pasilyo patungo sa kaniyang silid. Nang marating niya ang silid ay agad na rin siyang nagpahinga para magkaroon siya ng sapat na lakas bukas.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nasa bulwagan na siya, masaya silang nag-uusap ni Vladimir, kasama si Mariella at Morvan.

"Ama, bakit hindi na lang si Selena ang isama mo?" Tanong ni Mariella.

"Itong batang 'to talaga, sino ba ang anak ko sa inyo ni Selena? Huwag ka nang magreklamo, dati-rati'y sabik na sabik kang sumama sa akin kahit saan man kita ayain, bakit parang nagbago yata?" makahulugang tanong ni Morvan at agad na ngumiti si Mariella.

Naging magiliw na ito sa pagsagot sa Duke at pumayag na rin ito na sumama rito. Tanghali nang magdesisyon ang pamilya ni Duke Morvan na lisanin ang palasyo. Lulan sila ng karwahe na siyang maghahatiud sa kanila patungo sa bayan ng Transilva kung saan naman nila pinlanong magliwaliw pansamantala.

Nakamasid naman si Elysia at Vladimir sa karwahe habang papalayo ito sa palasyo. Nang hindi na nila makita ang mga ito ay agad naman silang kumilos.

"Nasa lumang tore si Mariella? Napakalapit lang nito, paanong hindi ko siya naaamoy o kahit ng mga kawal kong bampira?" Nagtatakang tanong ni Vladimir.

"Malawak ang kaalaman ng kalaban sa mga bampira Haring Vlad, kaya malamang may inihanda silang panligaw sa inyong mga pang-amoy." sagot ni Lira na noo'y nakasunod lang din sa kanila. Tahimik na napaisip si Vladimir at napabuntong-hininga naman si Elysia bago tinapik ang balik ng binata.

"Malalamn din natin kung sino ang impostor sa oras na makausap natin si Mariella." wika ni Elysia at tumango naman si Vladimir bilang pagsang-ayon.

Pagdating nila sa harapan ng lumang tore na nakatirik sa bandang likuran ng palasyo ay agad nilang napansin ang mga kakaibang bulaklak na tumutubo roon. Naglalabas iyon ng mabangong halimuyak na nakakahalina sa una ngunit kapag naamoy mo ng matagal ay nawawala ang iyong inhibisyon na makapag-isip ng tama. Agad na nagtakip ng ilong si Vladimir at ganoon na rin si Elysia at Lira.

"Mukhang alam ko na kung bakit wala kaming naaamoy, Alastair, ipasunog mo ang mga halamang ito sa bakuran ko." Malakas na wika ni Vladimir, Animo'y isang kulog ang boses ni Vladimir habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa mga bulaklak. Walang ano-ano'y lumitaw sa kanilang tabi si Alastair, sampo ng kaniyang mga bampirang kawal. 

Bago sila pumasok ay kitang-kita pa ni Elysia ang pagtupok ng mga ito sa mga bulaklak na malayang tumutubo sa lupa na pagmamay-ari ni Vladimir. Umalingasaw ang nakasusulasok na amoy na nagmumula rito, kabaligtaran ng kaninang mabango nitong halimuyak.

Nang tuluyan na silang makapasok ay nawala na rin ang amoy ng natutupok na mga bulaklak. Tuloy-tuloy silang naglakad patungo sa pinakapuso ng tore. Lumang-luma na ang gusaling iyon at halatang hindi na ito napapasok ng kahit sino. Punong-puno ng mga agiw at alikabok ang sahig, maging ang mga kisame at dingding. Nagsilbi na rin iyong tambakan ng mga bagay na hindi na nagagamit sa palasyo.

Bagaman wala silang naaamoy na kakaiba, kapansin-pansin talaga ang pagkaluma ng lugar.

"Matagal ko nang ipinasara ang lugar na ito at wala nang nangangahas pumasok sa lugar na ito. Narito ang mga gamit ni Theresa, ang mga alaalang naiwan niya na pilit ko nang ibinaon sa limot. Ilang dekada na rin ang nakalipas simula nang isarado ito. Hindi ko lubos akalain na magkakaroon pa ng pagkakataong mapasok ko ito." Seryosong wika ni Vladimir. Ngumiti naman si Elysia, ikinubli niya sa matamis na ngiti ang kakatampot na pait na nararamdaman niya. Hindi pamilyar sa kaniya ang emosyong iyon kaya mas minabuti na muna niya itong itago at ituon na lamang ang atensyon sa kanilang misyon.

Maayos at walang kahirap-hirap nilang narating ang puso ng tore at sa banda roon ay may mga sensyales na ng mga yabag na naiiwan sa makapal na alikabok.

Napahinto sila sa malaking pinto na may hugis dragon na tarangkahan. Napatitig doon si Vladimir at naningkit ang mata.

"Naaamoy ko si Mariella rito." Wika ni Vladimir at napansin ni Elysia ang pagdilim ng aura ng binata. Hinawakan niya ang kamay nito at pinisil iyon. Napalingon naman sa kaniya si Vladimir at tipid na ngumiti.

"Dito sa silid na ito, ito ang silid ni Theresa. Nilapastangan nila ang alaala ni Theresa, hindi ko sila mapapatawad." Galit na galit na wika ni Vladimir. Kinilabutan naman si Elysia nang makita ang pagdidilim ng mukha nito.

asx,

Marahas na binuksan ni Vladimir ang pinto at bumungad sa kanila ang mga nagkalat na gamit sa loob. Nagkalat ang mga libro, lumang damit at mga lumang gamit sa loob na lalong nagpatindi ng galit ni Vladimir.

Sa kanilang pagpasok ay nakita ni Elysia ang kabuuan ng silid. Tila nakikinita niya ang dati nitong ganda, ang maayos na higaan ang naglalakihang mga estante na puno ng mga samo't-saring mga aklat. Ang magarang sofa kung saan nakaupo si Theresa habang nagbabasa. Ang kulay gintong kurtina na nililipad ng banayad na hangin.

Ang makulay na pangitaing iyon ay agad napalitan ng malungkot at madilim na kasalukuyang sitwasyon ng lugar. Inilibot niya ang kaniyang paningin at napatda ang kaniyang mga mata sa isang malaking kahon. Pamilyar sa kaniya ang kahon dahil kahawig iyon ng kahong minsan na ring pinagtaguan sa kaniya noong nakuha rin siya ng kalaban nila.

Mabilis niyang nilapitan iyon at nakita niya ang malaking kadena na nakapulupot doon.

"Vlad, kailangan ko ang tulong mo rito." Tawag niya sa binata. Mabilis namang lumapit sa kaniya si Vladimir at marahan siyang pinalayo nito bago marahas na pinutol ang kadena gamit ang kaniyang matatalas na kuko.

Sa isang iglap ay naputol ang kadena at kusang bumukas ang kahon. Doon nila nabungaran ang nakagapos na si Mariella na noo'y tahimik lang na umiiyak.

"Mariella? Sa wakas, nakita ka na namin." Masayang bungad ni Elysia at mabilis na inalalayan ito palabas ng kahon. Malakas na napahagulgol si Mariella at yumakap kay Elysia. Tila ba hindi na nito alintana ang alitan nilang dalawa at mas nanaig na ang takot sa kabuuang sistema niya.

Hindi na sila nagtagal pa sa lugar na iyon, agaran na nilang dinala si Mariella sa pagamutan kung saan naman naroroon si Loreen at Luvan.

"Mabuti at nakita na si Mariella, nagamot ko na ang mga sugat niya at mukhang ginutom siya ng husto ng nilalang na kumuha sa kaniya. Nakitaan ko rin siya ng matinding panghihina na malimit makita sa mga tulad niyang bampira. Sa tingin ko ay may lasong ibinigay sa kaniya kung kaya hindi pa niya magawang magsalita ngayon." Paliwanag ni Loreen, nakatingin sila pareho kay Mariella na kasalukuyan nang nagpapahinga. May dalawang bampirang kawal din ang nakatayo sa magkabilang parte ng higaan nito na siyang itinalaga naman ni Vladimir na tagabantay ng dalaga.

"Loreen, ang toreng iyon, 'yon ba ang dating tahanan ni Theresa?" Hindi na naiwasang itanong ni Elysia. Hindi kasi mawaglit sa isip niya ang galit ni Vladimir nang makita ang sitwasyon ng silid na iyon.

"Oo, tama ka, Elysia. Dahil isang tao si Theresa ay pinili niyang bumukod, pinahintulutan naman ito ni Vladimir. Ni respeto namin ang desisyon niyang iyon dahil alam namin na hindi siya komportable na kasama ang mga bampira. Madalas ay nagkukulong lamang siya sa toreng iyon hanggang sa mahulog na rin ang loob niya kay Vladimir at tuluyan na rin niyang pinalaya ang sarili niya."

Natahimik naman si Elysia sa narinig. Ayon pa kay Loreen, ang toreng iyon ang nagsisilbing takbuhan ni Vladimir sa tuwing nagagalit siya o di kaya naman ay nais niyang magpahinga sa mga gawain niya bilang hari. Bagaman isinara iyon at pinabayaan nang mahabang panahon. Naroroon pa rin ang pagnanais ni Vladimir na pangalagaan ang naiwang alaala ni Theresa na minsan din niyang minahal.

Nakaramdam naman ng kaunting selos si Elysia ngunit natural lang din para sa binata ang ganoong reaksiyon. At may parte din sa puso niya ang natutuwa dahil nalaman niyang matindi magbigay ng pagpapahalaga ang binata sa mga taong minahal nito.