Chapter 62 - Chapter 62

"Bakit para ka namang natalo sa sugal niyan, may problema ba, Elysia?" Tanong ni Loreen nangapansin nito ang pananahimik niya.

"Wala naman," tugon niya at napatingin kay Mariella. Habang hinihintay niyang magkamalay ito, isang kawal naman ang pumasok sa pagamutan at iniulat ang pagdating ng karwahe ni Duke Morvan.

"Nakabalik sila agad? Mukhang hindi pumayag ang impostor na magtagal sila sa labas. Mabuti na lamang at nahanap natin agad si Mariella." Umiiling na puna ni Loreen.

"Tama ka, sino kaya ang impostor na 'yon, mamayang gabi kami magtutuos, siguradong babalik siya roon kapag wala nang masyadong nag-iikot sa paligid." Wika ni Elysia at binalingan naman ang kawal.

"Ipaalam sa mga kawal na mamayang gabi na tayo kikilos. Maaga kayong magtago at wala na dapat nag-iikot paghpatak ng alas syete. Bigyan natin ng malayang oras ang impostor na makapunta sa tore. Nais kong malaman kung sino ba talaga ang nagtatago sa likod ng mukha ni Mariella. Pangahas din siya para babuyin ang alaalang iniwan ni Theresa." Wika ni Elysia. 

"Masusunod, Prinsesa." Tugon naman ng kawal bago naglaho sa kanilang harapan. Napapangiti naman si Loreen at tinapik ang balikat ni Elysia.

"Natutuwa ako at komportable ka nang mag-utos sa mga nasasakupan mo. Nakikinita ko na ang araw ng koronasyon, siguradong magdiriwang ang lahat sa pagluklok sa'yo sa trono." Masayang wika ni Loreen. Kiming napangiti naman si Elysia. 

Ilang sandali pa ay minabuti na niyang iwan muna si Mariella sa pangangalaga ni Loreen. Tinungo niya ang bulwagan at napangiti pa siya nang masalubong niya Si Duke Morvan at ang impostor. Magalang niyang binati ito at sabay na silang pumasok sa bulwagan ng palasyo.

"Bakit napaaga yata ang pagbabalik niyo?" Agap na tanong ni Vladimir. 

"Ito kasing si Mariella, masyadong nagmamadali, ewan ko ba kung ano ang mayro'n dito sa palasyo at tila ayaw niyang malayo rito." Natatawa pang wika ni Morvan. Makahulugan silang nagkatinginan habang tila hindi naman mapakali ang impostor ni Mariella sa tabi nila. Mayamaya pa ay nagwika na itong mauuna nang magpahinga na agad din naman nilang hinayaan.

Nang masiguro na nilang nasa malayo na ito ay pumasok naman sila sa silid aklatan at doon nag-usap.

"Talaga ba, nakuha niyo na ang anak ko? Salamat naman kung gano'n. Vladimir, maraming salamat at tinupad niyo ang pangako niyong ibabalik niyo ng buhay ang anak ko." Maluha-luhang wika ni Morvan.

"Duke Morvan, kasalanan din naman namin kung bakit napahamak si Mariella, kaya responsibilidad namin na iligtas siya sa kahit anong paraan." Tugon naman ni Vladimir.

"Nasa pagamutan na si Mariella at kasalukuyang ginagamot ni Auntie Loreen, saka niyo na siya dalawin kapag nailagay na namin sa ayos ang lahat. Hangga't malaya pang nakakagalaw ang impostor, nasa panganib pa rin si Mariella." Wika ni Elysia at tumango naman si Morvan.

Mamayang gabi, tatapusin na nila ito. Nakalatag na ang kanilang plano at hinihintay na lamang nila ang takdang oras upang isagawa ito.

Sa pagkakataong iyon, naiwan na sina Vladimir at Elysia sa silid-aklatan. Tahimik namang pinagmamasdan ng dalaga ang binata at tinatantiya nito kung maayos na ba ang modo nito o hindi pa. Nakakunot pa rin kasi ang noo nito at ang mga labi nito ay nakasimangot pa rin.

"Vlad, huwag ka nang masyadong malungkot o magalit, hayaan mo at paparusahan natin ang nilalang nalumapastangan ng mga alaala ni Theresa." mahinahong wika ni Elysia at napabaling naman ng tingin si Vladimir sa kaniya.

"Maayos ako at hindi galit. Ano ba ang iniisip mo?" tanong ni Vladimir at napakamot naman ng ulo si Elysia.

"Hindi ba? Bakit kanina noong nakita mo na hindi maayos ang kalagayan ng silid na iyon, parang babangon ang dem*nyo sa impy*rno?" Nakataas ang kilay na tanong ni Elysia sa binata.

Bahagya namang natawa si Vladimir at marahang ginulo ang buhok ng dalaga.

"Bakit parang nahihimigan kong nagseselos ang prinsesa?" nakangising tanong ni Vladimir at agad na pinamulahan ng pisngi si Elysia.

"Nagseselos? Bakit naman ako magseselos? At huwag mo ngang ibahin ang storya, sagutin mo na lang ang tanong ko, nakakainis ka naman eh," reklamo ni Elysia at natawa naman si Vladimir.

"Naiinis ako, pero hindi naman ako ganoon kagalit. Walang karapatan ang isang tagalabas na lapastanganin ang toreng iyon." Sagot ni Vladimir. Napatingin ito sa malayo at napangiti si Elysia.

Sadya ngang mabuti ang puso ni Vladimir. Minsan niyang minahal si Theresa at nanatili itong mahalaga sa kaniya kahit ilang dekada na ang lumipas. Ngayon pa lamang ay nasisiguro na niya na kahit ano man ang mangyari sa kaniya ay mananatili rin siya sa puso at alaala ng binata.

Sumapit na ang gabi at paisa-isa nang nagsipasok sa kani-kanilang silid ang mga bantay. Maging ang mga kawal ay maagang nagpahinga. Mula sa isang sulok ng palasyo, isang matangkad na babae ang nagkukubli at nakamasid. Naghihintay ng pagkakataon upang makalabas.

Nang masiguro na ng babae na wala nang dadaan ay siya namang paglabas niya sa kaniyang pinagkukublian. Tahimik ang gabi at kahit ang mga panggabing insekto ay hindi mo maririnig. Tanging ang yabag na ginagawa ng babae ang umaalingawngaw sa kadiliman ng gabi.

Huminto ang babae sa harap ng tore at hindi na niya napansin ang mga nasunog na bulaklak sa hardin. Tuloy-tuloy itong pumasok roon at tila aligaga.

Nang marating na nito ang tore ay agad siyang napabuntong hininga.

"Nakakainis na talaga, hanggang kailan ko ba gagawin ito? Hindi ako makalapit kay Elysia dahil sa dami ng nakabantay sa kaniya. Idagdag mo pa ang insektong laging sunod nang sunod sa kaniya. Nakakairita." Inis na wika nito habang binabaybay ang daan patungo sa silid.

Walang pakundangan nitong itinulak ang pinto ng silid ay naglikha iyon ng nakakapangilabot na tunog. Sa pagpasok niya sa silid ay unti-unti namang nagbago ang wangis ng babae. Mula sa matangkad at magandang mukha ni Mariella ay nagbago ito na labis na ikinabigla ni Elysia na noo'y nagkukubli lamang sa likod ng isang tokador 'di kalayuan sa kinatatayuan nito.

Hindi siya maaaring magkamali, napakatagal man ng mga buwan na lumipas ay kilalang-kilala pa rin niya ang mukha at ang tindig nito. Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig sa kaniyang natuklasan. Hindi niya inaasahan ito, wala sa hinagap niya na buhay pa rin ito, napakatagal na nitong nawawala at ang buong akala niya ay pat*y na ito.

Ni hindi pumasok sa kaniyang isipan ang posibilidad na buhay pa ito at siyang matagal nang nagkukubli doon sa palasyo. Tao lamang ito, paano niya nagawang lansihin amg mga kawal na purong bampira maging ang pang-amoy at pakiramdam ni Vladimir?

Napakaraming tanong ang ngayo'y gumugulo sa isipan ni Elysia. Pakiramdam niya ay bigla siyang nilamon ang pagtataka at naghuhumiyaw ng puso niya ng kalinawan para sa mga nangyayari.

"Alicia?!" Bulalas niya. Marahas na napalingon si Alicia sa kaniya at nanlalaki ang mga mata nitong napatingin sa kinatatayuan niya.

"Paano kang—"

"Paano ako nabuhay? Kailangan ko pa bang sagutin 'yan? Anong akala mo, ikaw lang ang may karapatang mabuhay bilang isang prinsesa? Kaya ko rin, mas maganda ako sa'yo at mas matalino. Hindi lang ikaw ang pinili dahil pinili rin ako." Taas-noong wika ni Alicia. Naglaho ang takot sa mukha nito at napalitan ng pagmamalaki.

"Paano mo nagagawa ito? Ano'ng ibig mong sabihin na pinili ka?" Nagtatakang tanong ni Elysia at humalakhak si Alicia.

"Hindi na ako tao, Elysia. Isa na akong bampira dahil pinili ako ni Vincent bilang prinsesa niya. Higit na mas malakas na ako ngayon sa'yo at wala ka nang magagawa kun'di ang lumuhod at magmakaawa sa harapan ko." Sigaw ni Alicia at tila kidlat itong naglaho sa kaniyang kinatatayuan. Sa isang iglap ay nasa harap na siya ni Elysia, nakaumang ang matatalas niyang kuko sa dibdib ni Elysia habang hawak-hawak naman ni Elysia ang kaniyang kamay upang mapigilan ang masama nitong balak.

Napakalakas ni Alicia at ramdam ni Elysia ang hirap upang mapigilan ito. Nakangisi naman sa kaniya ang pinsan habang namumula ang nanlilisik nitong mga mata. Kapansin-pansin ang mga ugat nitong nag-uumbukan sa gilid ng mga mata nito pataas sa kaniyang sentido.

"Nahihibang ka na Alicia, bakit mo hinayaan gawin kang vampira ni Vincent?" Sigaw ni Elysia at marahas na tinulak ahg babae. Napaatras ng ilang beses si Alicia bago nito nabawi ang kaniyang balanse.

"Nahihibang? Ginawa ko ito para ipaghiganti ang Nanay at ang kapatid ko na pinat*y niyo! Wala kang kasing sama Elysia, wala kang utang na loob," singhal ni Alicia.

"Utang na loob? Utang na loob ko pa ba na ipagkalulo ninyo ang aking pamilya? Utang na loob ko pa ba ang panggagamit at pang-aalipusta ninyo sa akin? Sa lahat ng kasamaang ginawa niyo sa akin, sa lahat ng pagpapahirap niyo sa buhay ko, saan banda ako nagkaroon ng utang na loob sa inyo? Ang bahay na tinitirhan niyo ay pamamahay ng namayapa kong magulang. Lahat ng damit, lahat ng gamit, amin lahat 'yon. Kayo ang walang utang na loob, kayo ang walang hiya. Ikaw, sampo ng mga kapamilya mo." Marahas na pinalis ni Elysia ang luhang namumuo sa kaniyang mga mata at masamang tinitigan ang kaharap.

Related Books

Popular novel hashtag