Chapter 65 - Chapter 65

Lumipas ang ilang minuto, isa-isa nang hinatak sa harap nila sina Alicia at mga kasama nito. Sapilitan silang pinaluhod sa harapan nila at kitang-kita ni Elysia ang masamang tingin ni Alicia sa kaniya. Hanggang ngayon ay tila wala pa rin takot ito, ni hindi niya ito nakitaan ng pagsisisi. 

Sadyang nabalot na nga ng galit at poot ang puso ni Alicia, wala na itong ibang hangad kun'di ang makapaghiganti at makamit ang ninanais nitong karangyaan.

Napapiling lang si Elysia at malungkot na tumingin rito. 

"Nakakaawa ang naging buhay mo Alicia, hanggang ngayon, kahit sa ganitong sitwasyon ay wala pa rin akong nakikitang pagsisisi sa iyo. Sadyang nilamon ka na ng kadiliman," wika ni Elysia at lalong tumalim ang tingin nito sa kaniya.

"Kasalanan mo ang lahat, ako ang dapat na nasa kinalalagyan mo, inagaw mo ang dapat ay para sa akin!" sigaw ni Alicia at pilit itong nagwala subalit muli siyang pinaluhod ng kawal na may hawak sa kaniya at isinubsob sa lupa ang kaniyang mukha. Patuloy itong nagsisisigaw habang pumapalag, subalit wala siyang magawa dahil nakagapos ang buong katawan niya at higit na mas malakas sa kaniya ang kawal na nakaapak sa ulo niya.

"Ilang beses ko ba dapat sabihin sa'yo, wala akong inagaw . Kayo ang maraming kinuha sa akin. Ang bahay, ang mga ari-arian ng aking mga magulang, maging ang buhay ng aking mga magulang, lahat 'yon kinuha ninyo sa akin," saad ni Elysia, namumuo ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata ngunit pinigil niya itong pumatak. Hindi na siya iiyak pa dahil sa mga taong nananakit sa kaniya. Lahat ng iyon ay matagal ng nakalipas, tapos na, kaya wala ng dahilan upang iyakan niya ito. At isa pa, nakausap na niya ang kaniyang mga magulang at alam niyang may natitira pa siyang kamag-anak sa mundong iyon.

"Binigyan kita ng oras, Alicia. Ngunit ginamit mo ito sa mali. Patuloy mong pinaniniwalaan na tama ka at kami ang mali. Wala na akong magagawa riyan. Oras na para tanggapin mo ang nararapat na parusa para sa mga kasalanan mo." Wika ni Elysia at ikinumpas ang kaniyang mga kamay.

Agarang pinatayo ng mga kawal ang mga salarin, kasama na rin si Alicia at hinatak patungo sa siyam na putol na kahoy na nakapalibot sa isang tumpok ng mga kahoy.

"Handa ka na ba prinsesa? Sigurado ka bang kakayanin mo ang mga susunod na mangyayari?" Tanong ni Lira, nakalutang ito sa kaniyang tabi habang nakamasid sa kanilang harapan.

"Kailangan kong malagpasan ito Lira. Hindi ba't ikaw na rin ang nagsabi, kung nais kong makilala ng husto si Vlad kailangan kong tanggapin ang lahat-lahat sa kaniya, kahit ang mga brutal pa niyang pamamaraan sa pagpaparusa ng mga makasalanan." Wika ni Elysia. Bagaman iyon ang sinabi niya, hindi pa rin niya maiwasang manginig sa takot.

"Sigurado kang ayos ka lang Ely?" Mayamaya ay tanong naman ni Vladimir. Hinawakan nito ang kamay ng dalaga at naramdaman ng binata ang panlalamig nito.

"Ely, hindi mo kailangang manood, ayokong matakot ka sa makikita mo mamaya." Bulong ni Vladimir at napangiti naman si Elysia.

"Ayos lang ako Vlad, kailangan kong gawin ito. Nais kong gawin ito kahit pa natatakot ako." Tugon si Elysia at napabuntong-hininga na lamang si Vladimir at hindi na nagpumilit pa. Pinisil-pisil na lamang niya ang kamay ng dalaga para bigyan ito ng lakas ng loob.

Ilang sandali pa ay nagsimula na ang seremonyas. Siyam na malalaking lalaki ang pumasok at tumayo sa likuran ng mga salarin habang ang siyam na kawal naman ay itinatali ang kanilang mga kamay sa nakausling bakal na nasa gilid ng mga kahoy. Puwersahan isinalang naman ng mga kawal ang mga ulo ng salarin, nakasubsob ang ulo ng mga ito sa magaspang na kahoy habang ikinukulong ito ng malaking bakal upang hindi sila makapiglas.

Umaalingawngaw ang sigawan at iyak ng mga ito ngunit tila bingi ang mga kawal at wala itong ginawa kun'di ang tapusin kung ano lang ang nakaatang na gagawin nila.

Nang matapos ang paghahanda ay tumayo naman si Alastair sa harap nila at nagbitaw na ng huling hatol para sa mga ito. Matapos ang mahabang litanya ni Alaistair at gumalaw naman ang malalaking lalaki at inilabas ng mga ito ang dambuhalan itak na nakasukbit sa kanilang mga likod. Halos kasing laki ito ng katawan ng isang kambing. Kumikislap rin ang talim ng kanilang itak na animo'y nagbibigay mg kakaibang kilabot sa kaniya.

Nang itaas na ng mga ito ang itak sa ere ay nahigit ni Elysia ang kaniyang hininga. Ang mga mata niya ay nakadikit sa nagwawalang si Alicia. Bumalik sa alaala niya ang mga sandaling nakagapos ito kasama ng kaniyang ina at kapatid sa poste at paunti-unting nawawalan ng buhay. Kung doon pa lamang sana ay nagpaubaya na siya kay kamat*yan, sana'y hindi na niya dinaranas ito.

"Kung naging mabuti ka sana Alicia, hindi ka aabot sa ganitong katapusan." Pabulong na wika ni Elysia. Kagat-labi niyang pinagmasdan ang mabilis na pagbaba ng itak sa leed ni Alicia hanggang sa walang kahirap-hirap na naputol ito. Lumapit naman ang mga kawal ay inalis ang bakal sa ulo ng mga salarin at maayos na ipinatong ang pug*t na ulo sa kahoy paharap sa magkakapataong na kahoy bago ito sinilaban.

Mabilis na kumalat ang apoy at naging mas maliwanag pa sa kinaroroonan nila. Isa-isang itinapon ng mga kawal ang katawan ng mga salarin sa apoy. Habang ang mga ulo naman nila ay dilat na nakatingin habang unti-unting tinutupok ng apoy ang kanilang mga katawan.

Napapangiwi na lamang si Elysia habang napapahugot ng malalim na hininga.

"Nakakalungkot lang na sa ganito natapoa ang buhay ni Alicia. Maraming pagkakataon para magbago siya, kung hindi na sana siya bumalik at mas minabuti niyang mabuhay ng malayo sa gulo, hindi sana niya dadanasin ang ganito." Nakatulalang wika ni Elysia.

Tinapik naman ni Vladimir ang kaniyang kamay at hinaplos ang kaniyang pisngi.

"Ito ang buhay na pinili niya Ely, wala kang kasalanan at hindi mo kailangang malungkot para sa kaniya. Sadyang ganito ang buhay. Nakatadhana siyang mamat*y sa itak ng mga mamumugot kaya iyon ang nangyari." Wika naman ni Vladimir.

Napaiyak naman si Mariella nang matapos na ang seremonyas. Humagulgol pa ito at nagwika na wala na ang taong naging sanhi ng paghihirap niya.

Kalaunan ay nilisan na nila ang lugar at nagpahinga. Kasalukuyang nakaupo si Elysia sa higaan at nakatanaw sa madilim na kalangitan sa labas ng kaniyang bintana.

"Ano'ng mangyayari sa mga ulo nila, Vlad?" Tanong ni Elysia nang makapasok na sa silid ang binata.

"Dinala na sila sa hangganan ng Nordovia upang doon ibalandra. Magiging babala sila sa magnanais na muling pasukin ang ating kaharian. At nais ko ring ipaabot sa kapatid ko na hindi tayo magpapatalo sa kaniya." Sagot naman ni Vladimir at tumango naman si Elysia.

Nang gabing iyon ay nakatulog si Elysia na iniisip ang mga nangyari. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagkakahimbing ay nariyang bumabalik sa balintataw niya ang pagpug*ot ng ulo ni Alicia. Madaling araw na nang tuluyan siyang makatulog ng mahimbing, sa tulong na rin ng mahika ni Loreen.

Tanghali kinabukasan ay nagising si Elysia sa tawanan ng mga bata. Pagmulat ng kaniyang mga mata ay nakita niya ang mga ito na naglalaro sa sahig, sa tabi ng kaniyang higaan. Marahan siyang bumangon at napansin niyang wala na roon si Vladimir. Malamang ay nasa bulwagan na ito upang magtrabaho.

"Gising na si Mama Ely, Kuya Ruka, tawagin mo na si Papa Vlad." Si Miguel ang unang nakapansing nagising na siya.

Dali-dali namang lumabas ng silid si Ruka atsa pagbalik nito ay kasama na si Vladimir. Nangunot pa ang noo ni Elysia nang mabilis na lumapit sa kaniya si Vladimir.

"Bakit, may nangyari ba?" Tqnong ni Elysia habang nagtatakang napatitig kay Vladimir.

"Hindi maayos ang lagay mo kagabi, ilang beses kang binangungot at kung hindi pa dahil kay Loreen, hindi ka makakatulog nang mahimbing. Kamusta na ang pakiramdam mo?"

"Maayos na ang pakiramdam ko, sa tingin ko nakabawi naman ako ng tulog. Normal na reaksiyon lang iyon ng utak ko. Masasanay rin ako Vlad, huwag kang mag-alala." Tugon naman ni Elysia.

Napangiti naman si Vladimir nang mapansin nitong maayos na nga ang dalaga. Simula ng araw na iyon ay ibinaon na ni Elysia sa likod ng alaala niya ang nangyari kay Alicia at itinuon na lamang ang atensyon sa mga bagay na higit na mas mahalaga, tulad ng paghahanda sa nalalapit na koronasyon.