Chapter 57 - Chapter 57

"Masamang balita." Sambit ni Loreen habang tila hinihingal pa.

Nabahala naman si Elysia nang biglang bumuway si Loreen sa pagkakatayo nito. Mabilis niya itong inalalayan at pinaupo sa malapit na upuan.

"Ano'ng masamang balita?" Tanong ni Elysia sa babae habang inaabutan ito ng tubig.

Mabilis na ininom iyon ni Loreen at bumuntong-hininga. Matapos ay napabaling ang tingin niya kay Elysia patungo kay Vladimir.

"Nakita ko ang tatlo sa mga Heneral ni Vincent, hinihikayat ang mga nasasakupan natin sa mga dulong bayan na umanib sa kanila. Kamuntikan na nila akong mahuli mabuti na lamang at dumating si Luvan. Pero malubhang nasugatan si Luvan at nasa pagamutan ngayon." Sagot ni Loreen. Napatayo naman si Vladimir at naglakad pabalik-balik sa kanilang harapan na tila nag-iisip.

"Vladimir, malapit na sila sa'yo at siguradong naghahanda na sila sa nalalapit na koronasyon. Balak nilang pabagsakin ang Nordovia sa araw na 'yon." Giit ni Loreen at nabigla naman si Elysia nang marinig ang pagtawag ni Loreen sa pangalan ni Vladimir. Madalas ay mahal na hari o di kaya naman ay kamahalan ang tawag niya rito. Pero ngayon, buong pangalan ni Vladimir ang tinawag niya.

"Paumanhin sa aking kapangahasan, pero oras na siguro para maliwanagan ang prinsesa mo. Hindi lang buhay niya ang nanganganib rito, kun'di maging ang buong kaharian. Vladimir, oras na para pakilusin mo kami, mapangahas na sila, mananahimik na lang ba tayo?" pagmamakaawa ni Loreen habang nakasubsob sa sahig ang mga ulo nito.

Napahinto naman si Vladimir at napatingin sa naguguluhang si Elysia. Bakas sa mga mata nito ang takot na unang beses na nasilayan ng dalaga.

"Vlad? May dapat pa ba akong malaman? Ano ang nangyayari?" Sunod-sunod na tanong ni Elysia. Lumapit namansi Vladimir sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit. Ramdam niya ang pagtibok ng puso nito.

Puso? Tumitibok?

Napatingala si Elysia sa binata at doon niya nakita ang malaginto nitong matang punong-puno ng kaba at takot.

"Tumitibok ang puso mo, hindi ba't— paano nangyari iyon kung isa kang bampira Vlad?" tanong ni Elysia, namumutawi ang pagkalito sa mukha niya.

"Bampira ako, pero anak ako ng hari sa isang mortal. Kalahati ng dugo ko ay isang tao, si Loreen, nakababatang kapatid siya ng aking ina, niyakap niya ang mundo ko upang magabayan ako hanggang sa mga oras na ito. Siya ang nagiging tagapag-alaga ng magiging reyna at misyon niya ang mapangalagaan ka hanggang sa sumapit na ang koronasyon," saad ni Vladimir na lalong nagpagulo sa isipan ni Elysia. BInalingan niya ng tingin si Loreen ngunit hindi niya makitaan ito ng pagbibiro. Seryoso lang itong nakatingin sa kanila.

"Elysia, oras na para maliwanagan ka, oo at naging immortal si Vladimir, pero hindi dahil puro siyang bampira, kun'di dahil sa ginawa naming orasyon para mapanatili ang kalakasan niya. Kailangan naming gawin iyon upang may laban siya sa kaniyang kapatid na si Vincent," paliwanag ni Loreen.

"Paano ka, tiyahin ka ni Vlad na nabubuhay ng mahigit sa isang daan, hindi ka rin tumatanda?" tanong ni Loreen.

"Ginamit din sa akin ang kaparehong orasyon. Si Luvan, asawa ko siya at tulad ko ganoon din siya— hindi tumatanda. At kaya ko ring gamitin sa iyo ang kaparehong orasyon sa oras na magtagumpay ang koronasyon. Ngunit hindi ito magiging madali, dahil may espiyang nakapasok sa loob at pilit na gumagawa ng paraan upang masira tayo," sagot ni Loreen at hinawakan ang kamay ni Elysia.

"Ang tagumpay ng koronasyon, doon nakasalalay ang magiging hatol sa Nordovia. Sa oras na hindi magtagumpay ang koronasyon, magtatagumpay si Vincent na wasakin tayo at mamamat*y si Vladimir," dugtong pa ni Loreen. Nanlalaki ang mga mata ni Elysia dahil sa gulat. Ganoon ka halaga ang koronasyon. Napatingin siya kay Vladimir at nakita niya ang lungkot sa mga mata nito. 

"Vladimir, ipaliwanag mo ang lahat sa kaniya, babalikan ko si Luvan sa pagamutan upang lapatan ng lunas. Sa ngayon, mag-iingat tayo dahil hindi pa natin alam kung sino ang kalaban sa loob." Iyong ang huling mga katagang iniwan ni Loreen bago niya nilisan ang bulwagan.

Nilapitan naman ni Elysia si Vladimir at marahang hinaplos ang pisngi ng binata.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin? Hindi mo naman kailangang ilihim, maiintindihan ko naman." sambit ni Elysia. Batid nyang nababahala ito dahil sa tunay nitong katauhan. Hindi siya purong Bampira at marahil natatakot itong malaman niya. Mahina ang mga tulad ni Vladimir kumpara sa mga purong bampira na tulad ni Vincent. Bagama't mahaba ang kanilang mga buhay na maaaring umabot hanggang pitong daan hindi sila immortal hangga't hindi sila nasasalinan ng dugo ng purong bampira.

"Hindi mo ba sinubukan ang magpasalin ng dugo ng purong bampira?" tanong ni Elysia.

"Hindi ko naman kailangang maging purong bampira. Tanggap ko na kung ano ako, at isa pa, immortal na din naman ako katulad nila. Pangalawa, kaakibat ng pagsasalin ang posibilidad ng kamat*yan. Hindi ganoon kadali para sa tulad kong half-blood ang pagsasalin, maaari kong ikamat*y ang proseso nito, kaya bilang natitirang kamag-anak ko, hindi pumayag si Auntie Loreen. Nagsagawa kami ng orasyon na magbibigay sa amin ng imortalidad." Kuwento ni Vladimir.

Ayon pa sa binata, nasa Labing apat na taon siya noon nang gawin nila ang orasyon, iyon din ang taon kung kailan pumanaw ang kaniyang ina at kasalukuyan nilang tinatakbuhan ang kaniyang ama at si Vincent. Nang bumalik sila sa ay nasa hustong edad na siya para mamuno. Itinatag nila ang kaharian ng Nordovia sa tulong na rin ni Duke Morvan. 

Ang pamilya ng mga Buren ang isa sa pinakamatandang lahi ng mga bampira na nabuhay sa kanilang mundo bukod pa sa pamilya ng mga Dracov. Hindi gahaman sa kapangyarihan ni Morvan at mas minabuti nitong hasain si Vladimir bilang pinuno. Dahil sa pinakitang tatag at dedikasyon ay walang pagdadalawang-isip na itinuon ni Morvan ang kanyang buong atensiyon sa pagsasanay kay Vladimir hanggang sa tuluyan na nga nilang maitaas ang bandira ng kanilang kaharian. 

Bukod pa rito, si Morvan na rin ang tumayong ama para kay Vladimir kaya hindi na nakapagtatakang naging malaki ang pagkagusto ni Mariella sa binata. 

"Ngayon nauunawaan mo na? Hindi ko pinagsisisihan ang desisyon kong piliin na maging isang dhampir. May mga kalakasan din naman kami, uri ko ang may kakayahang makipagtunggali sa mga purong bampira." dugtong pa ni Vladimir.

"Ang pagkain mo, kaya ba kaya mo ring kumain ng pagkain naming mga tao? Dati nagtataka pa ako, ngayon naiintindihan ko na kung bakit ibang-iba ka sa mga kuwentong naririnig ko tungkol sa mga bampira." Tumatango-tangong wika ni Elysia.

"Oo, kaya kong mabuhay na tulad ng mga tao, kaya kong maglakad sa ilalim ng sinag ng araw na hindi nasasaktan, hindi rin ako naaapektuhan ng sagradong tubig at kung ano-ano pang panlaban ng mga tao sa bampira. Walang epekto sa akin iyon. Ngunit nagkakasakit rin ako katulad ng tao at maaari pa rin akong mamat*y kapag may itinarak na punyal o kahoy sa aking puso. Di tulad ng mga bampira, tumitibok ang puso ko, higit itong mas mabilis kumpara sa mga mortal. Ang dugo namang iniinom ko sa tuwina ay ang siyang nagpapanatili ng lakas at kapangyarihan ko bilang bampira." Hinawakan ni Vladimir ang kamay ni Elysia at marahan pinatong iyon sa dibdib ng binata. Doon niya naramdaman nang mas malinaw ang mabilis na tibok ng puso nito.

"Hindi ba't mas maganda nga ito? Tao ang isang parte mo, hindi tayo nagkakaiba. Ang kaibahan lang mas mahabang panahon kang mabubuhay kumpara sa akin." Napangiti si Elysia ay pinisil ang kamay ni Vlad na may hawak sa kaniya.

"Natutuwa ka na hindi ako isang puro?" tanong ni Vladimir, nangungunot ang noo nito habang matamang nakatingin sa mga mata ni Elysia.

"Oo naman, wala namang masama sa pagiging dhampir mo, isa pa, may mga bagay tayong magagawa nang magkasama na hindi na ako mag-aalala na baka masaktan ka, tulad nang maglakad sa tabi ng dagat habang tirik ang araw sa kalangitan," nasasabik na sagot ni Elysia at natawa naman si Vladimir.

"Talagang naisisingit mo pa 'yan sa ganito kaseryosong usapan? Pero, salamat dahil tanggap mo kung ano ako." sambit ni Vladimir at tumango-tango naman si Elysia.

"Bakit naman hindi kita matatanggap. Kung noong ang alam ko bampira ka, tinanggap ko nga kahit natatakot ako sa'yo, ngayon pang nalaman ko na may parte sa'yo ang tao," kibit-balikat na tugon ni Elysia at lalong lumapad naman ang pagkakangiti ni Vladimir. Tila nabunutan ito ng malaking tinik sa dibdib. Ibang-iba ang reaksiyon ni Elysia sa reaksiyon ni Theresa, noong pinagtapat niya ang tunay niyang pagkatao.

Walang takot o pagdududa na makikita sa mga mata ni Elysia, purong kagalakan lamang ang nasisilayan niya rito. Muling napangiti si Vladimir at mahigpit na niyakap si Elysia.

Nang gabi ring iyon ay dinalaw ni Elysia at Vladimir si Luvan sa silid pagamutan sa loob ng palasyo. Nakaratay ito sa higaan at may benda ito sa ulo at sa kaniyang kanang balikat paikot sa dibdib nito. Aligaga naman si Loreen sa pag-aasikaso rito habang nilalapatan ito ng mga orasyong makakapaghilom sa sugat ng lalaki.

Nang mapansin nito ang presensya ni Vladimir ay saglit itong napahinto at nginitian sila.

"Maayos na ang kalagayan niya kumpara kanina. Vladimir, naipaliwanag mo na ba ang lahat kay Elysia?" Tanong nito habang inaayos ang ibang benda sa mga sugat ni Luvan sa braso nito.

"Maayos na kaming nag-usap. Wala kang dapat ipag-alala sa kaniya. Tanggap niya." Nakangiting wika ni Vladimir. Hindi maitago ang tuwa sa boses ng binata. Napangiti naman si Loreen at ginagap ang kamay ni Elysia.

"Natutuwa ako para sa inyo. Maraming salamat Ely, dahil nauunawaan mo kami. Pangako,sa pagkakataong ito, hindi na kami mabibigong iligtas ka."

"Hindi tayo mabibigo dahil magtutulungan tayo. Wala pa ring magbabago Auntie Loreen." Wika ni Elysia at niyakap nila ang isa't isa.