Dahil sa dami nang nalaman ni Elysia nang gabing na iyon ay hindi agad siya dinalaw ng antok. Ilang oras pa siyang natutulala habang nakatingin sa kisame at nag-iisip.
Tumatakbo sa isipan niya ang lahat ng nangyari sa kaniya simula nang una siyang manirahan sa palasyo kasama si Vladimir hanggang sa umabot na siya sa sitwasyong ito. Wala si Vladimir nang gabing iyon dahil abala ito sa mga kailangang ihanda. Si Loreen naman ay itinutuon ang atensiyon sa pag-aalaga kay Luvan.
Muli siyang napabuntong-hininga at wala nang nagawa kun'di ang bumangon.
"Paano ba ako magsisimula? Nasaan ka Mariella? Kailangang mahanap na kita bago pa man dumating dito ang tunay nating kalaban." Wika ni Elysia sa kaniyang sarili. Tahimik siyang napapatulala sa kawalan hanggang sa may napansin siyang balahibo na animo'y lumulutang pababa sa kaniyang kinaroroonan. Nagliliwanag iyon, kung kaya't mabilis nitong naagaw ang kaniyang atensiyon.
Inilahad niya ang kaniyang palad upang saluhin ang balahibo, paglapat nito roon ay naramdaman agad niya ang malamig at malambot nitong testura. Pinagmasdan niya ang balahibong iyon at napansin niyang may pagkakatulad ito sa pakpak ni Lira, ang kaibahan lamang ay higit na mas malaki ito. Sa kaniyang pagmamasid sa balahibo ay isang boses ang tila nangusap sa kaniyang isipan. Nang una ay mahina lamang ito at hindi niya masyadong maintindihan ngunit kaalaunan ay unti-unti itong lumalakas at naging pamilyar na rin sa kaniya ang tinig na naririnig.
"Sa labas ng bintana?" tanong niya nang marinig niyang inuutusan siya nitong dumungaw sa bintana. Mabilis siyang bumaba sa higaan at nakapaang tinungo ang bintana. Marahan niya itong binuksan at isang malakas na hangin ang sumalubong sa kaniya. Napapikit pa siya dahil sa biglaan pagtama ng hangin sa kaniyang mukha.
Sa kaniyang pagmulat ay bumungad sa kaniya ang maamong mukha ni Zuriel, nakalutang ito sa harapan niya, pamapagaspas sa ere ang kulay puting pakpak nito na maihahalintulad mo sa isang anghel. Malaki ang mga pakpak nito at bawat pagaspas ay nagdudulot ng malakas na hanging tumatama sa kaniya.
"Zuriel, nagbalik ka." Bulalas niya at bahagyang napaatras nang lumipad ito palapi sa kaniya. Bigla namang naglaho ang mga pakpak nito nang lumapat na ang mga paa nito sa sahig ng silid ni Elysia.
"Ramdam ko ang pagkabalisa mo Elysia, hindi man maaari ay hindi ko maatim na hayaan kang nahihirapan rito. Ano ba ang kinakabahala mo?" Tanong ni Zuriel. Tila nagkaroon naman ng mahihingahan si Elysia sa presensiya ni Zuriel.
"Ayos lang ako, pero naguguluhan ako sa mga nangyayari sa palasyo. Nawawala ang anak ng isang Duke at hindi namin alam kung nasaan siya, ang mas nakakabahala, hindi namin alam kung sino ba ang tunay na kalaban na nagtatago dito sa palasyo," saad ni Elysia, taimtim namang nakinig si Zuriel.
"Nais mo bang mapadali ang paghahanap?" tanong ni Zuriel at kumislap ang mga mata ni Elysia sa narinig.
"Oo naman, may alam ka bang paraan? Nalalapit na ang koronasyon, at nalalapit na rin ang mga kalaban. Kailangan kong mailigtas ni Mariella bago pa mangyari iyon. Ayokong maging kargo pa ni Vladimir ang pagkakapahamak ng anak ng Duke, bagaman alam kung wala ang sisi sa kaniya." saad ni Elysia. Ngumiti naman si Zuriel at bahagyang sumenyas sa dalaga na lumapit.
Walang pagdadalawang isip namang lumapit si Elysia kay Zuriel at iniabot ng binata ang isang kuwentas.
"Kapares iyan ng kuwentas na una mong nakuha, pagsamahin mo ang dalawa at mauunawaan mo ang halaga nila sa bawat isa. Sa ngayon, may ituturo akong mga kataga sa'yo. Isaulo mo ito at ibulong sa kuwentas, sa oras na mabuo mo na sila," mahinahong utos ni Zuriel.
"Kuwentas na una kong nakuha?" Tanong ni Elysia at bigla niyang naalala ang kuwentas na una niyang natagpuan sa isang bayan noon. "Paano ko sila pagsasamahin Zuriel?" Muli niyang tanong, subalit nang lingunin niya ang binata ay nawala na ito sa kaniyang tabi. Siya namang pagbukas ng pinto at pagpasok ni Vladimir na tila inaamoy pa ang hangin sa kanilang silid.
Naniningkit pa ang mga mata nitong napatingin sa nakabukas na binata at sa kurtinang banayad na nililipad ng panggabing hangin.
"May bisita ka?" tanong ni Vladimir at napatango si Elysia, iminuwestra ng dalaga ang kuwentas na ibinigay ni Zuriel at sinabi niya ang lahat ng sinabi sa kaniya ng binata.
"Gano'n ba, alam mo ba kung paano mabubuo 'yan?" tanong ni Vladimir at umiling naman si Elysia.
"Itatanong ko pa lang sana, kaso bigla naman siyang nawala. Marahil ay dahil paparating ka. Ewan ko ba roon, magkaaway ba kayo ni Zuriel, Vlad?" takang tanong ni Elysia.
Nagkibit ng balikat si Vladimir ngunit batid niya ang malaking pagkadisgusto ng dalawa sa isa't isa.
"Vlad, sa tingin mo paano ko ba mabubuo ito? Naguguluhan ako, may mga bagay na ramdam kong tinatago si Zuriel sa akin. Simula nang una ko siyang makausap hanggang sa kanina, ramdam ko ang paglilihim niya, pero ang hindi ko maintindihan, bakit niya kailangan gawin iyon?" tanong ni Elysia.
"Bakit hindi ka muna magpahinga? Bukas na natin pag-usapan ang bagay na iyan." Pag-aalo ni Vladimir at inakay na ang dalaga patungo sa kanilang higaan.
Wala namang nagawa si Elysia nang pahigain na siya ng binata sa kanilang higaan. Nagpatianod na siya rito at hinayaan magpahinga ang kaniyang utak at katawan.
Kinaumagahan, napabangon si Elysia mula sa kaniyang pagkakahimbing. Mabilis niyang hinanap ang ibinigay na kuwentas ni Zuriel sa kaniya kagabi. Natagpuan naman niya ito sa basket na hinihigaan ni Lira. Yakap-yakap ito ng nilalang na at tila himbing na hikbing pa ito sa pagkakatulog.
"Lira, gising." Marahan niyang tinusok ang maliit nitong katawan para gisingin. Mahinang napaung*l naman si Lira bago nagmulat ng mata.
"Prinsesa, bakit? May kailangan ka ba?" Tanong ni Lira habang kusot-kusot ang kakamulat pa lamang nitong mga mata.
"Lira, bakit nasa iyo ang kuwentas na bigay ni Zuriel?" Takang tanong ni Elysia at napalingon naman si Lira sa kuwentas na nasa tabi nito.
"Ah, ito ba prinsesa? Nakita ko kasi ito kagabi, pinagpahinga ko lang din ang kuwentas para magampanan niya ang misyon niya sa iyo ngayon." Sagot ni Lira at napakunot naman ang noo ni Elysia.
Kung ituring kasi ito ni Lira ay tila may buhay ito na kailangang magpahinga. Gayunpaman hindi na nagtanong pa si Elysia at marahan nang kinuha ang kuwentas rito. Nang mahawakan na niya ito ay kinuha naman niya mula sa kaniyang leeg ang naunang kuwentas na nakita niya noon sa isang tindahan.
"Ilagay mo sa loob ang pangalawang kuwentas prinsesa, para tuluyan na silang mabuo. Ganoon lang kasimple, matapos ay banggitin mo ang mga nararapat na kataga." Saad ni Lira at nagliwanag ang mga mata ni Elysia.
"Mga kataga?"
Agad na pumasok sa kaniyang isipan ang mga katagang iniwan sa kaniya ng binata. Ganoon lang kasimple ang gagawin niya? Napatitig siya sa dalawang kuwentas at marahan niyang binuksan ang isang pendant. Mula roon ay pinasok naman niya ang ikalawang pendant na binigay sa kaniya ni Zuriel.
"Hayaan mo munang manatili silang magkasama ng limang minuto bago mo banggitin ang mga kataga," paalala ni Lira. Tahimik na tumango si Elysia at matiyagang hinintay na matapos ang limang minuto.
Lumipas ang limang minuto at sinimulan nang banggitin ni Elysia ang mga katagang iniwan sa kaniya ni Zuriel. Sa kalagitnaan ay narinig naman niyang sinabayan na siya ni Lira. Hindi naman niya ito pinagtuunan ng pansin at itinuon na lamang ang atensiyon sa kaniyang ginawa.
Dahan-dahang nararamdaman ni Elysia ang tila pag-alpas ng kaniyang lakas sa kaniyang sistema. Tila ba hinihigop nito ang kaniyang kamalayan sa bawat pagsambit niya sa mga salita.
Kasabay ng huling kataga ay ang pagbagsak namanng katawan ni Elysia sa higaan dahil sa pagod. Ang buong akala niya ay ganoon lamang ito kadali subalit hindi niya inaasahan na ang kapalit pala ng orasyon na iyon ay ang kaniyang lakas.
"Magpahinga ka muna prinsesa, hayaan mo at babantayan kita hanggang sa makabawi ka ng lakas." wika ni Lira at pilit niyang itinango ang kaniyang ulo bago tuluyang hinayaan ang kaniyang mga mata na pumikit.
Dagli naman siyang nakatulog at pakiramdam nya ay lumulutang ang kaniyang katawan sa alapaap. Animo'y nahihimbing siya sa malambot na higaan na maihahalintulad mo sa bulak. May mga naririnig din siyang maluming pagkanta na para bang pinaghehele siya sa mas malalim pang pagtulog.