Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Anak ng Kalikasan

YueAzhmarhia
73
Completed
--
NOT RATINGS
85.5k
Views
Synopsis
Kuwento ito ni Mina at ang kanyang matalinhagang pakikipagsapalaran sa mundo ng mga engkanto, diwata, laman lupa, aswang at iba pang elementong kakaiba sa mata ng normal na tao. Disclaimer: Ang kwentong ito ay hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang mga tauhan at pangyayari ay pawang kathang isip lamang. Ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ay nagkataon lamang at hindi sinasadya. Ang iilan naman sa mga impormasyon at karakter na mababasa ay ibinase ng may akda sa mitolohiya ng ating bansa. Reference: https://www.academia.edu/36248979/THE_MYTHS_OF_THE_PHILIPPINES_2014_?email_work_card=view-paper (MYTHS OF THE PHILIPPINES by: JEAN KARL GAVERZA) (Disclaimer: The image used for my cover is not mine. Photo grab from Pinterest and edited, CTTO)
VIEW MORE

Chapter 1 - Chapter 1: Wakas at Simula

Malakas ang ulan, ngunit nakapagtatakang ang bilog na buwan ay nagliliwanag sa kabila ng makakapal na ulap na tumatakip sa kalangitan. Nangangalit ang langit na tila ba may isang delubyo ang nagbabantang maganap.

"Loring, mukhang malabo na tayong makaalis dahil sa masamang panahon." Wika ni Lando habang nakasilip sa maliit na siwang ng kanilang kubo. Kasalukuyan silang nakasilong sa isang abandonadong kubo sa gitna ng kagubatan.

Kani-kanina lamang ay napakaaliwalas ng panahon ng magsimula silang maglakbay ngunit nang marating nila ang gitna ng kagubatan ay bigla bigla naman ang pagsama ng panahon.

Tahimik lamang si Loring habang ang isang kamay nito ay nakahawak sa kaniyang tiyan. Magpipitong buwan na siyang buntis at napapanahon nang bumalik sila sa kanilang tribo.

"Hindi tayo pwedeng magtagal sa kagubatang ito Lando. Alam kong alam mo ang panganib ng gubat na ito. Oo, ligtas tayo sa ngayon sapagkat nandiyan ang diwata ng buwan na nakabantay sa atin. Ngunit paano kung mawala ito?" Mahinahong wika ni Loring.

"Gabayan nawa tayo ng mga diwata hanggang makabalik tayo sa tribo." Nasambit lang ni Lando na bakas sa mukha nito ang matinding pag aalala.

Tumahimik na lamang si Loring at hindi na nagsalita pa. Alam din naman niyang wala silang magagawa kundi ang maghintay na tumila ang ulan at palipasin ang gabi.

'May panganib na patungo sa inyong kinaroroonan, tao maghanda kayo.' wika ng isang boses na agad naman nilang nakilala kung sino.

Yun ang boses ng diwata ng buwan na nakabantay sa kanila. Hindi man ito magpakita ay malimit itong nangungusap at nagpaparamdam sa kanila. Simula nang ipagbuntis ni Loring ang kanyang anak ay lagi na itong nakasunod saan man siya mag punta.

Kaya nila napag desisyunang bumalik sa kaniyang tribo ay para magabayan at maprotektahan ang anak niya habang ito ay wala pang kamalayan sa mundo. Ordinaryong tao lamang si Lando ngunit mulat ito sa mga kababalaghang nagtatago sa mundo habang si Loring naman ay galing sa angkan ng batikang babaylan na naninirahan sa kabundukan.

"Lando, madali ka, kailangan na nating lisanin ang kubong ito."suhestiyon ni Loring habang mabilis na inaayos ang kanilang mga gamit. Dinala na lamang niya ang mga mahahalagang gamit na maari nilang gamitin sa oras ng kagipitan. Mga lireta, medalyon, kakaunting damit at gamit nga bata. Ang iba ay iniwan na lamang niya dahil makakasagabal lamang ito sa kanila.

Si lando naman ay ipanasuot na sa kanyang asawa ang isang medalyong ibinilin sa kanila ng isang manggagamot bago nila lisanin ang kanilang lugar. Inilabas na rin niya sa taguban ang kanyang itak bago sila lumabas ng kubo.

Kahit sobrang lakas nag ulan ay hindi nila ito pinansin dahil mas mahalagang makalayo sila sa lugar na iyon. Patakbo nilang nilisan ang kubo ng walang lingon-lingon.

Sa kalagitnaan ng kanilang pananakbo ay nakarinig sila ng pag atungal ng kung anong hayop. Sinabayan pa ito ng malakas na kulog na lubhang nagpakilabot sa kanilang dalawa. Gayunpaman ay patuloy nilang tinahak ang masukal na kagubatan sa pag-asang matatakasan nila ang mga nilalang nahumahabol sa kanila...

Patuloy lamang sila sa pananakbo sa kabila ng mga nakakakilabot na mga tunog na kanilang narinig sa kanilang paligid. Panaka- nakang pinakikiramdaman ni Lando ang mga tunog sa paligid habang tumakbo sa likod ng kanyang asawa. Si Loring naman ay patuloy na nag-uusal ng mga dasal na pang proteksyon upang kahit papaano ay panglaban sila sa kung ano man ang makakasagupa nila.

Sa kalagitnaan ng kanilang pananakbo ay biglang napahinto si Loring nang tumambad sa kanilang harapan ang isang malaking nilalang na kinukubli ng kadiliman. Napakalaki neto na halos kasing laki na ito ng isang matandang puno. Nanlilisik ang namumula nitong mga mata at nagsisihabaan ang matutulis nitong mga kuko.

"Hindi niyo matatakasan ang kamatayan ngayong gabi. Ikaw at ang anak mo ay nakatakdang maglaho sa mundong ibabaw."turan ng nilalang sa mababa at nakakagimbal nitong boses na para bang hinugot pa sa kailaliman ng lupa.

"Kailanman ay hindi mananaig ang kasaman dito sa mundo. Mamatay man ako ngayon ngunit ang batang nasa sinapupunan ko ay mabubuhay at siyang magiging wakas ng inyong pag-iral." Matapang na sigaw ni Loring habang patuloy na tinatawag sa kanyang isipan ang diwatang nangangalaga sa buwan na si Bulan.

Isang malakas na tawa lamang ang isinagot ng nilalang sa kanya.

"Mahihina, mabababang uri. Kahit kailan kayong mga tao ay sadyang mga hibang. Isang batang hindi pa naluluwal ang magiging wakas namin?" Wika ng nilalang habang tumatawa.

Isang saglit lamang ay halos mapalibutan na sila ng mga nilalang ng kadiliman. Nariyan ang mga. Aswang, maligno, kapre, mga mambabarang at  mangkukulam na nagsisitawanan at kinukutya ang pagiging likas nilang tao.

"Ang batang iyan ang aming magiging alay upang mabuhay nang muli ang aming pinagsisilbihang panginoon. Kaya kung ako sa inyo, huwag na kayong manlaban. Ibigay nyo na ang aming nais. " Aniya ng mangkukulam na nangingitim ang ngipin habang nakangisi.

"Oo nga naman, huwag na kayong magmatigas. Isang karangalan ang maging isang alay para sa aming panginoon." Wika naman ng malaking nilalang habang unti-unting lumalapit sa kinaroroonan nina Loring at Lando.

"Hindi niyo makukuha ang aking asawa at anak. Magkamatayan kung magkamatayan."galit na wika ni Lando habang itinututok sa nilalang ang dala dala nitong itak.

Buhat pa lamang nag ipagbuntis ni Loring ang kanilang anak ay madalas na silang gambalain nang kung anu anong nilalang. Ito din ang dahilan kung bakit naisipan na nilang bumalik dahil sa paglala ng panggagambala ng mga ito.

Makailang beses na ring muntik mapahamak si Loring sa kamay ng mga mambabarang, mabuti na lamang at naagapan ito ng isang manggagamot at nabigyan sila ng kaukulang proteksyon laban sa masasamang nilalang.

"Loring, mauna ka nang umalis. Hindi tayo tatantanan ng mga demonyong ito hangga't hindi nila nakukuha ang gusto nila."

"Pero Lando, hindi mo sila kakayanin. Mamamatay ka lang." Nag-aalalang wika ni Loring sa asawa. Mahigpit siya napahawak sa kanyang medalyon at taimtim na nagdasal.

'O mahabaging bathala, nawa'y iligtas nyo po kami ngayong gabi. Huwag nyo pong pahintulutang magapi kami ng kadiliman at ng mga demonyong nagnanais ng aming pagkawasak. Protektahan mo nawa ang aking anak upang magampanan niya ang kanyang nakatakdang tungkulin sa hinaharap.' mangiyak-ngiyak na dasal ni Loring habang patuloy na tinatawag sa puso niya ang mga diwatang minsang nangako ng kaligtasan nila.

Ilang sandali pa ay nagulantang sila nang isa isang nagsibagsakan ang mga aswang na nakapalibot sa kanila. Tila may ipo-ipong biglang lumitaw at hinagupit ang mga ito. Mabilis na nilapitan ni Lando si Loring at agad itong niyakap upang maprotektahan ito laban sa malakas na ipo-ipong patuloy na nananalasa sa lugar.

Maging ang malaking nilalang ay biglang nabahala at bahagyang lumayo sa lugar. Nag-aangil ito habang pinagmamasdan ang paisa-isang pagkamatay ng kanyang mga kasamahan.

Paglipas ng ilang minuto ay bahagyang humina ang malakas na hangin sa paligid kasabay ng pagkawala ng ipo-ipo sa kanilang paningin. Kasabay pa nito ang paglitaw ng isang matipunong lalaki na may hawak hawak na kampilan. Malaginto ang kulay ng balat nito, habang ang buhok nito ay tila kulay abo na nagkikinangan habang nasisinagan ng liwanag ng buwan.

"Ako si Mapulon at ako ang diwatang nangangalaga ng panahon. Narinig ko ang iyong pagsusumamo tao. Marapat lamang na ika'y aming iligtas sapagkat ang batang nasa iyong sinapupunan ang siyang aming magiging tulay patungo sa mundo ng mga mortal." Banayad ang boses na wika ni Mapulon.

"Isang diwata? Ha! Tunay ngang makapangyarihan ang batang iyan, na kahit ang mga diwatang tulad nyo ay lubos na nangingialam." Wika ng malaking nilalang na noon ay nanlilisik ang mga mata.

"Tahimik!" Wika ni Mapulon sabay hagis ng kanyang kampilan sa nilalang. Mabilis itong tumarak sa dibdib ng nilalang dahilan upang tuluyang maagnas ang katawana nito at mabura sa mundong ibabaw.

"Humayo kayo tao, at palakihin nyo ng maayos ang batang iyan. Nahihinuha kong marami pang panganib ang inyong kahaharapin, ngunit huwag kayong mangamba. Sapagkat sa susunod na baryo ay makikita nyo ang isang taong magiging bantay ng inyong anak. Ikaw na anak ng mga babaylan ang siyang makakakilala sa kanya. Dahil siya ay bukod tanging nagtataglay ng aking marka." Wika pa ng diwata hanggang sa tuluyan na itong maglaho sa kanilang paningin. Hindi na sila nag aksaya ng panahon at ipinagpatuloy na nila ang kanilang paglalakbay patungo sa sinasabi ng diwata.

Sa unti-unting pagsikat ng araw ay narating din ng mag-asawa ang baryong nasambit ng diwata. Lubos ang kanilang pasasalamat dahil nagwakas na ang kanilang paghihirap at pananakbo. Bahagyang inalalayan ni Lando si Loring patungo sa pinakamalapit na kubo. Panatag naman noon ang loob ni Loring dahil wala siyang nararamdamang kakaiba sa lugar.

"Loring, kaya mo pa ba? Malayo-layo pa tayo sa tribo, baka hindi mo kayanin ang pagod sa paglalakbay." Nag-aalalang wika ni Lando sa asawa habang sinisipat nito kung meron ba itong natamong sugat kagabi.

"Ayos lng ako pero mukhang hindi na tayo aabutin.Dumito muna tayo, kailangan pa nating hanapin ang taong magiging gabay ng ating anak." sagot naman ni Loring habang maiging pinakikiramdaman ang mga taong dumadaan sa kanilang harapan.

Ilang sandali pa ay napagkasunduan nilang maghanap ng albularyo at matitirhang bahay pansamantala sa lugar na iyon. Nalalapit na din kasi ang  buwang ng kapanganakan ni Loring, kaya nagdesisyon na silang huminto muna sa baryong iyon.

Matagumpay naman silang nakahanap ng albularyo at ito na din ang nagpatuloy sa kanila. Nag-iisa na din naman ang matandang iyon sa buhay na ang tanging kasama nito ay ang disipulo niyang nasa kalagitnaan ng kaniyang pagsasanay sa mga oras na iyon. Ayon sa matanda matatagalan pa ang pagbabalik nito kaya buong puso naman niyang inialok sa mag-asawa ang bakanteng kwarto sa tabi ng silid ng disipulo nito.

Taos puso naman ang pasasalamat ng mag-asawa sa matanda. Lumipas pa ang mga araw at naging mapayapa naman ang pananatili ng dalawa sa baryong iyon hanggang sa dumating na ang araw ng pagsisilang ni Loring. 

Nilukob ng kakaibang presensya ang buong Kubo ng matandang albularyo habang nanganganak si Loring. Kasalukuyang inaasikaso ito ng isang taga-paanak na ipinatawag ng albularyo. Maigting naman nakabantay si Lando sa labas ng kubo bitbit ang kanyang itak habang ang alrbularyo naman ay tahimik na nananabako sa tabi nito.

"Huminahon ka iho, walang masasamang nilalang ang makakapasok sa baryong ito." wika ng matanda  nang mapansin nito ang pagiging balisa ni Lando. "Magiging maayos ang panganganak ni Loring dahil nandito kayo sa puder ko". dagdag pa nitong wika  sabay turo sa bukana ng baryo.

"Masdan mo ang parteng iyon, lahat sila ay nakabantay ngunit hindi sila makapasok". sambit pa nito

"Manong Ben, bakit hindi sila makapasok?" tanong naman ni Lando

"Protektado ang lugar na ito, hanggat hindi pa nililisan ng diwata ng panahon ang lugar namin ay mananatili itong ligtas sa mga nilalang na may bahid ng kasamaan. Kung hindi mo naitatanong, isa ang baryong ito sa mga baryo at bayan na nasa ilalim ng kapangyarihan ng diwata ng panahon na lubos naman namin ipinagpapasalamat. Masuwerte kayo dahil dito kayo napadpad, dahil kung hindi, malamang pinagpi-pyestahan na kayo ng mga demonyong iyon." 

Natahimik lamang si Lando at hindi na niya nagawang tumugon sa sinabi ng matanda. Hindi na din niya binanggit na ang mismong diwata ng panahon ang siyang nagturo sa kanila na tunguin ang baryong ito. Kahit pa sinabi na nitong ligtas sila ay  hindi niya magawang bitawan ang itak sa kanyang mga kamay. Sa isip-isip niya, hindi nila gamay ang mga kakayahan ng kanilang kalaban. 

Ilang sandali pa ay biglang tumahimik sa loob ng bahay, kasabay niyon ang pag-iyak ng isang sanggol na lubhang ikinatuwa ni Lando at ng matanda. Mabilis silang pumasok sa bahay at naabutan nilang nililinisan ng kumadrona ang sanggol sa isang maliit na batyang may tubig.

Matapos ay maingat niya itong ibinalot sa malinis na tela at ibinigay na sa ina nito.

"Babae ang bata, isang napakagandang bata." masayang wika ng babae. Lubos naman ang pagpapasalamat ni Lando dito bago ito lumisan sa kubo. Maging ang matanda ay tuwang-tuwa sa sanggol na tila ba isa itong kadugo. Hindi naman ipinagdamot ng mag-asawa ang bata sa matanda.

Sinipat-sipat ito ng matanda at bahagyang nilalaro, hanggang sa maalala nito ang isang bagay. Mabilis niyang ibinalik kay Loring ang bata at nilisan ang silid. Pagbalik nito ay may dala-dala na itong pulang tela. Pagkabukas ng matanda sa pulang tela ay bumungad sa kanila ang maliit na medalyong may kung anong maliit na bato sa gitna. Sa paligid ng medalyong ay samut'saring dasal ang nakaukit dito. Ipinasuot niya ito sa sanggol at taimtim na inusalan ang medlayon upang gisingin ang gabay nitong natutulog. Walang anu-anoy nilukob ng mainit na presensya ang katawan ng bata na lubhang ikinamangha ng matanda at ni Loring. Nagkatingin ang dalawa at napangiti lamang dito ang matanda.

"Hindi nga ako nagkamali, ang batang ito ay lubhang kinalulugdan ng mga diwata. Maging ang mutyang matagal ng natutulog ay nagising sa kanyang presensya." masayang wika ni Manong Ben habanga hinahaplos ang ulo ng natutulog na bata. Hindi na umimik pa si Loring dahil alam niya sa puso niya na ang pagtatangan ng mutya ng kanyang anak ay makakabuti at makakatulong sa kanyang paglaki ng ligtas at maayos.