Lumipas pa ang ilang araw at tuluyan nang nakabawi ng lakas si Loring. Hindi nila gaanong alintana ang mga masasamang nilalang na umaaligid sa labas ng baryo dahil sa hindi din naman ito makakagawa ng masama hangga't nananatili sila sa loob nito.
Kalong-kalong ni Loring ang kanyang anak habang nakatingin sa bukana ng baryo. Panaka-naka niyang nasisilayan ang mga taong tila ba hindi mapakali na pabalik balik at paikot ikot dito.
"Loring, halika na't mag almusal, naghanda si Manong Ben ng nilagang saging at Sara-sara." Paanyaya ni Lando.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang sara-sara ay isang inumin na mainhahalintulad sa kape. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag sunog ng bigas bago ito pakuluan at salain. Kalimitan itong ipinapares sa nilagang saging na saba at kamoteng kahoy.
"Sige Lando." Tugon nito sabay pasok sa kubo. Naabutan naman niyang humihigop ng sara-sara ang matanda habang nilalantakan nito ang nilagang saging na kaniyang inihanda. Hindi na nagdalawang isip pa si Loring at agad naman niya itong sinaluhan.
Hindi pa man din sila natatapos sa pagaalmusal ay narinig nila ang pagbukas ng entradang pinto.
"Mang Ben, narito na ho ako." Tawag ng isang binata na lubha namang ikinatuwa ng matanda.
"Si Sinag, nakabalik na si Sinag." Sabik na wika ng matanda at mabilis itong tumayo sa pagkakaupo. Agad namang bumungad sa kanila ang maamong mukha ng isang binata na kakapasok lamang.
"Kamusta ang pagsasanay mo?" Tanong ni Manong Ben sa binata. Ngumisi lamang ito habang buongsayang ipinapakita sa matanda ang simbolo sa kanyang braso na siyang patunay na nagtagumpay ito sa kanyang pagsasanay.
"Ang marka ni Mapulon. Ikaw ang taong tinutukoy ng diwata ng panahon." Bulalas ni Loring habang nakatitig sa binata. Ang buong akala niya ay isang batikang albularyo o antinggero ang tinutukoy ng diwata. Hindi niya lubos maisip na isang bagong sibol na antingero ang magiging gabay ng kanyang anak.
"Mang Ben, sino ho sila?" Buong pagtatakang tanong ni Sinag at napatda ang tingin nito sa sanggol na hawak ni Loring. Hindi niya maialis ang tingin dito dahil tila ba lumiliwanag ito sa kanyang paningin. May kung anong kakaibang presensya din siyang nararamdamanbsa sanggol. Tila ba hinahatak nito ang kanyang huwisyo at para bang may nagungusap sa kanyang isipan.
"Ito nga pala sila Loring at Lando at ito naman ang anak nilang si Mina. Dito sila pansamantala tumutuloy dahil hindi sila makalabas ng baryo. Nadaanan mo naman siguro ang mga nilalang na nakaabang sa labas ng baryo. " Wika ni Mang Ben.
"Iyon nga ho sana ang itatanong ko sa inyo Mang Ben. Nahirapan akong makabalik dito dahil sa mga demonyong iyon. Kagabi pa lang katakot-takot na mga ritwal na ang ginagawa ng mga ito para mabasag ang harang ng diwata ng panahon. Mabuti na lamang at naabutan ko iyon, isinabay ko na din ang paglilinis at paglipol sa kanila. Pero, mukhang hindi sila titigil hanggat hindi nila nakukuha ang gusto nila ." Tugon naman ng binata habang nakatitig sa sanggol.
Bigla namang kinabahan si Lando at mabilis na itinago ang kaniyang mag -ina sa kanyang likuran na marahan namang ikinatawa ni Sinag. Ramdam kasi niya ang pagmamalabis ni Lando na protektahan ang mag-ina nito.
"Huwag ho kayong mag-alala ginoong Lando, hindi ko naman ibibigay iyon sa kanila. Hanggang nandirito si Manong Ben at ako, walang makakagalaw sa anak ninyo." Nakangiting wika ni Sinag.
Nakahinga naman ng maluwag si Lando at matamis na napangiti si Loring sa tinuran ng binata. Sa pakiwari niya ay nasa labin-limang taong gulang pa lang si Sinag ngunit ang pananalita at kilos nito ay tila sa isang may edad na. Napakaamo din ng bata nitong mukha na tila ba isa itong anghel na nagkatawang tao.
Lumipas pa ang mga araw, buwan at taon ng pananatili nila sa baryo ay tuluyan naman lumaki si Mina sa poder ng kanyang mga magulang , manong Ben kasama si Sinag.
Maglilimang taon pa lamang noon si Mina ngunit bakas na dito ang kamalayan sa mundo na hindi alamn ng ibang tao. Madalas itong nakikita ni Loring na kalaro ang mga lamang lupa na ipinagkibit balikat lamang nito. Alam kasi ni Loring na walang masasamang elemento ang nakakapasok sa baryo. Kung meron man ay agad itong nararamdaman ni Sinag na siyang naging pangunahing tagabantay ni Mina.
Minsan na din nilang nakita si Mina kasama ang isang tikbalang na animoy tuwang tuwa sa bata. Nakakatakot man ang wangis nito ay hindi ito alintana ni Mina. Kinagigiliwan din ito ng mga kapre at mga lamang lupa dahil sa busilak nitong pananaw. Walang nilalang na pangit sa mata ni Mina, na kahit ang kapreng ubod ng pangit at itim ay hindi nito pinapakitaan ng takot.
Sa murang edad ni Mina ay naging katuwang ito ni Sinag at Manong Ben sa panggagamot. Ito kasi ang tagakausap sa mga engkanto at lamang lupa upang makahanap ng tulog o mga halamang gamot. Hindi naman ito tinutulan nina Lando at Loring dahil alam nilang parte ito ng tungkuling gagampanan ni Mina. Ang ikinakabahala lamang nila ay ang unti-unting paglakas din ng puwersanh nais kumitil sa buhay ng kanilang nag-iisang anak. Kaya hangga't maari, hangga't nakakaya pa nila ay itinuturo na ni Loring ang ilan sa mga alam niya. Maging si Manong Ben at Sinag ay salitan na din sa pagtuturo kay Mina.
Hindi naman ito naging mahirap sa magmaestro dahil sa bawat usal na itinuturo nila ay mabilis na nakakabisa ni Mina. Usal na pambakod at usal na pambulag ang una nitong natutunan dahil iyon ang pinakamadali para sa kanya. Paunti-unti na din niyang natututunan ang mga usal na pantaboy ng masasamang espiritu at pangkombate espiritual.
Mabilis na lumipas ang panahon hanggang sa tumuntong sa edad na sampo si Mina. Isang trahedya ang nagbago sa kanyang pananaw sa buhay.
Araw iyon ng gapasan at kasalukuyan silang nasa loob ng bahay ni Manong Ben nang marinig nila ang pagsisigawan ng mga tao sa labas. Sila Mang Ben naman ay wala dahil tumulong ito sa pag gapas ng palay sa bukid kasama si lando at Sinag.
"Inay, bakit ang ingay sa labas?" Tanong ni Mina habang papalapit sa kanyang ina na noo'y nakadungaw sa maliit na siwang ng bintana.
Lumingon Si Loring sa anak at bakas ang takot at pag-aalala nito sa kanyang mukha. Nagtaka naman si Mina at lumapit sa bintana upang sumilip dito. Ngunit bago pa man niya makita kung ano ang nangyayari sa labas ay agad naman siyang hinatak ng kanyang ina papalyo dito.
"Inay bakit ho?" Tanong ulit niya sa ina. Ramdam niya ang pagkabahala nito kaya buong pagmamalabis naman niyang gustong malaman ang nangyayari.
"Mina, anak tandaan mo kahit anong mangyari huwag kang panghihinaan ng loob. May mga tao sa labas at alam kong ikaw ang habol nila. Anak makinig ka, kailangan mong makalyo dito. Puntahan mo ang tatay mo at sila Sinag upang makahingi ng tulong." Mahinang wika niya sa anak na halos pabulong na ito , sa takot na baka marinig sila ng tao sa labas. Alam niyang walang magandang hangin ang nagdala sa mga taong yun dahil na din sa mga nakatalukbong ito ng itim na balabal at halos balot na balot ang mga ito na tila ba nagtatago sa sikat ng araw.
Kung hindi mangkukulam o mambabarang ang mga ito ay paniguradong mga aswang ito. Ang ipinagtataka naman niya ay kung paanong nakapasok ang mga ito sa harang ng diwata. ANg buong pag-aakala niya ay magiging tahimik na sila doon, ngunit nagkamali sila.
"Inay paano ho kayo?" Tanong ni Mina habang mahigpit na nakayakap sa kanyang ina.
"Dito lang ako anak, maghihintay ako sa pagbabalik nyo. Madali ka, doon ka dumaan sa likod. Kahit anong marinig mo huwag kang lilingon, tumakbo ka lang para mabilis kang makarating sa iyong tatay. Mina, anak tandaan mong mahal na mahal ka ng nanay ha. Lakasan mo ang loob mo at huwag kang mawawalan ng pananalig at tiwala sa amang may likha. Gabayan ka nawa ni bathala, sampo ng kanyang mga diwata." nakangiting wika ni Loring at hinalikan nito sa pisngi ang anak. Nangilid naman ang luha ni Mina dahil nararamdaman niyang tila ba namamaalam na ang kaniyang ina at iyon na nag huli nilang pagkikita. Yumakap naman siya ng mahigpit dito bago siya tuluyang lumisan.
Walang lingon-lingon siyang lumabas ng bahay at nag-usal ng sabulag. Kahit hindi man sabihin ng kanayang ina nang diretso, alam niya sa sarili niyang mapanganib ang mga nilalang na nanggugulo sa labas ng kanilang bahay. At kailangan niya matawag kaagad ang kanyang ama at sila Sinag.