"Anong magandang hangin ang nagdala sa babaeng kinalulugdan ni Bathala at ginagabayan ng mga diwata dito sa aking kaharian?"
Dagdag pa na wika ng nilalang. Matikas ang tindig nito na animo'y isang maharlikang engkanto. Patulis ang mga tenga nito kagaya ng sa mga tamawo, mapuputi din ang kulay ng balat nito ngunit ang kaibahan laman ay hindi ito kumikinang sa tuwing nalalapatan ng liwanag ng buwan. Napakaganda din ng pagmumukha nito na tila sa mga diwata ngunit bakas sa presenya nito ang kasamaan at pagiging walang awa.
"Isang dalaketnon?" Gulat na wika ni Sinag at agad na itinago sa likuran niya ang dalaga.
"Kasama pala ng itinakda ang kanyang tagapag-alaga. Bueno, ano ang pakay niyo sa lugar na ito?" Tanong nito na tila ba malugod sila nitong tinatanggap.
Napakunot muli ang noo ni Mina. Nakatingin siya sa maamong mukha ng engkantong itim na tila ba binabasa niya ang iniisip nito. Maigi niyang tinitigan ang engkanto at pagkuway nabaling ang atensyon niya sa mga tamawong tila takot na takot sa nilalang.
"Ikaw ba ang dahilan ng pagkakasakit ng isang dalaga sa baryo ng maasil?" Dretsong tanong ni Mina habang nakatitig dito.
Natawa lang ito at nagsabi "Ang babaeng kinalulugdan ng mga tamawo? Ang babaeng walang takot na nanghimasok sa aking kaharian?" Paasik na tanong nito, ang kaninang maamo nitong mukha ay napalitan ng mabalasik nitong anyo. Nanlilisik ang mga mata nito na halos maihahalintulad mo na sa mata ng isang demonyo.
"Walang alam ang babaeng iyon at ang parusa mo sa kanya ay hindi naayon sa batas ng mga diwata." Wika ni Mina na muling ikinatawa ng dalaketnon.
"Ang batas na iyong tinuturan tao ay hindi nito sakop ang lupon ng mga dalaketnon. " Tugon nito at unti-unting lumapit sa dalaga, agad naman itong hinarangan ni Sinag na lubos na ikinagalit ng engkanto. Ikinumpas nito ang kanyang kamay at biglang tumilapon si Sinag sa lupa.
"Hindi ko alam kung mamamangha ba ako sa iyong katapangan o matatawa sa iyong kahibangan. Ang pumunta sa kaharian ng mga dalaketnon sa kalaliman ng gabi ay isang pagpapakamatay." Halos pabulong na wika ng dalaketnon nang makalapit na ito sa dalaga. Napangiti lamang si Mina at nag wika ng...
"Hindi ako nag-iisa kung iyon ang iyong inaakala."
Pagkawikang-pagkawika niyon ni Mina ay biglang tumilapon ang dalaketnon pabalik sa puno ng Balete. Agad naman lumitaw sa harapan ni Mina ang tikbalang nitong gabay. Isa itong hari ng mga tikbalang na pinamumunuan ang kanyang mga uri. Napaangil naman ang dalaketnon ng makita ang tikbalang na iyon.
"Ismael, sadya yatang tumataas na ang tingin mo sa iyong sarili. Hindi ba't isa ka lamang alagad noon bago mo traydorin ang iyong pinuno?" Wika ng tikbalang
"Isa ka rin gabay? Isang hari na naging isang gabay lamang ng isang tao? Napakababa." Pangungutya nito habang tumatayo sa kanyang kinalalagpakan. Ngunit bago pa man siya makatayo ay isang malakas na suntok ang tumama sa kanyang mukha.
Si Sinag pala iyon, nanggigigil ito at muling pinaulanan ng suntok ang dalaketnon. Hindi naman ito makabawi dahil na din sa tigalpong pinapakawalan ni Sinag sa bawat suntok na ibinabato niya sa engkanto. Punong-puno ng mga dasal ang kanyang mga kamao at animoy isang laruan lang para sa binata ang engkantong iyon.
"Kuya Sinag, hayaan mong kausapin ko siya. " Turan ni Mina habang lumalapit sa mga ito. Hinawakan namn ni Sinag ang dalawang braso nito at pinaluhod ito sa harapan ng dalaga.
"Ikaw ba ang nagbigay ng sakit sa babaeng iyon?"
"Oo, ako nga. Ngunit kasalanan niya iyon dahil pinagtangkaan niyang palayain ang aking mga alipin." Halos pasigaw na tugon nito habang iniinda ang matinding sakit buhat sa mga suntok ni Sinag.
"Ang mga tamawo ba ang tinutukoy mo?"muling tanong ni Mina sa engkanto.
"Espesyal ang batang iyon, nakita naming may malakas siyang presenya kaya hiningian namin siya ng tulong, ngunit hindi namin inakalang mahuhili siya kaya itinakas namin siya sa lugar na iyon." Ang tamawo ang sumagot. Bakas sa boses nito ang panlulumo at pagsisisi.
"Nais na naming makabalik sa aming lugar. Nagkakasakit na at namamatay ang aming mga uri. Pakiusap tulungan mo kami itinakda. " Nagsusumamong wika nito kasabay nito ang pagluhod kasama ang mga uri nito.
"Ano ang rason ng mga dalaketnon bakit nila kayo ginawang alipin?"
"Maging kami ay hindi namin batid ang dahilan. Isang araw bigla nalang sumalakay ang mga dalaketnon sa aming lugar, winasak nila ang aming mga itlog at hinuli ang lahat ng aking mga kasamahan. Pagdating namin sa dalaket,pinagbantay nila kami sa bukana ng lagusan. Lahat ng napapadpad sa gawing ito ay kanilang pinapahuli sa amin. "
Doon lamang napagtanto ni Mina kung bakit ganoon na lamang ang takot ng mga ordinaryong tao sa mga tamawo. Ito ang kinasangkapan ng mga dalaketnon upang magbigay takot sa mga taong napapadpad sa kagubatang kanilang pinaghaharian.
Bigla-bigla namang tumawa ang bihag nilang dalaketnon. Tila ba nasiraan na ito nang bait dahil wala itong tigil sa pagtawa na tila ba nahihibang na ito.
"Kayo ng mga uri mo ay mabababang uri, nararapat lamang na pagsilbihan ninyo ang mas nakatataas sa inyo!" Wika nito sabay halakhak. Napatingin naman ito ng masama kay Mina at sa kasama nitong tikbalang.
"Hindi pa dito nagtatapos ang lahat, mapatay niyo man ako ngayon, hindi titigil ang ibang demonyo na sirain ang katahimikan ng mundo. Hanggat nariyan ang mga taong gumagawa ng kasalanan ay maghahari at maghahari pa din ang kasamaan. Ikaw na itinakda ni Bathala, ikaw ang siyang magiging susi ng muling pagbangon ng aming panginoon. Ikaw, sampo ng mga kaluluwa ng mga babaylan ang siyang magiging tulay upang muling mabuksan ang impyerno. " Wika nito bago ito kitilan ng buhay ni Sinag. Gamit-gamit ang kanyang talibong na punong-puno ng mga usal, ay itinarak niya ito sa puso ng engkanto. Dumaloy sa talim nito ang nangingitim nitong dugo na siya namang ipinagbunyi ng mga tamawong naroroon. Umiiyak na nagbunyi ang mga ito sa paglaya sa isang sakim na dalaketnon. Nang harapin naman nila ang ibang mga dalaketnon ay kusang-loob ang mga itong sumuko sa kanila. Ayon pa sa mga ito, si Ismael ang dahilan kung bakit nagulo ang mundo ng dalaket. Pinatotohanan naman ito ng gabay na tikbalang ni Mina.
"Kuya Sinag, ano kaya ang ibig sabihin ng mga salitang huling binitawan ng dalaketnon kanina?" Tanong ni Mina na bakas ang pagkabahala sa mukha nito.
"Huwag mong alalahanin ang bagay na iyon Mina, hangga't nabubuhay ako, hinding-hindi ka makukuha ng masasamang elemento. " Pangako ni Sinag habang nakapatong ang kamay nito sa ulo ng dalaga. Natahimik naman si Mina at hindi na umimik pa.
Umaga na ng makabalik sila sa baryo Maasil at agad nilang tinungo ang kubo ni Mang Ben upang makapagpahinga. Paglipas ng isang araw ng pamamahinga ay binalikan nila ang dalaga sa bahay nito. Tuwang-tuwa naman ang mga magulang ng dalaga nang tuluyan nang gumaling ang kanilang anak. Lubos ang kagalakan ng mag-anak nang tanggapin sila nito sa loob ng pamamahay nila bilang panauhin.
Masaya namang napaluha ang dalaga nang malaman nito ang kasalukuyang kalagayan ng mga tamawo sa gubat. Nakabalik na ang mga ito sa kanilang tahanan at nangako din ang mga ito na hindi na muli pang manggagambala sa mga tao.
Iniabot naman ni Mina ang isang batong ibinigay ng pinuno ng mga tamawo sa dalaga. Ayon sa tamawo, iyon daw ang magiging kabayaran sa pagiging tulay ng dalaga upang matulungan silang makalaya. Muling napaiyak ang dalaga habang hawak nito ang bato. Isa iyong uri ng mutya ng tubig na pinangangalagaan ng mga tamawo.
"Panatilihin mo ang iyong mabuying gawain sa mga nilalang na hindi ordinaryo. Huwag mo ding kalilimutang magdasal sa ama, magnilay ka at magpasalamat sa panibagong buhay na ibinigay niya sayo. Ang mutyang iyan ay ang magpapanatili ng iyong kaligtasan, hayaan mo at darating ang panahon at makakausap mo ang natutulog niyang gabay. Sundin mo lamang ang aking mga sinabi. " Wika ni Sinag.
Tumango lamang ang dalaga at itinago sa bulsa nito ang mutya. Nangako din ito na pangangalagaan niya ang batong iyon at gagamitin iyon sa kabutihan.
Matapos magpaalam sa mag anak ay muli na silang bumalik sa kubo ni Mang Ben. Pagdating sa kubo ay agad nilang napansin ang mga panauhing kausap ng kanilang maestro.