Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 4 - Chapter 4: Bagong Simula

Chapter 4 - Chapter 4: Bagong Simula

Pagsapit ng umaga ay tuluyan na nga nilang nailibing si Loring sa likod ng kanilang kubo. Hindi na nila ito inilamay dahil na din sa banta na maaring magbalik ang iba pang kalahi ng aswang na pinatay nila.

"Mina, kain kana, kagabi ka pa hindi kumakain. Hindi matutuwa ang Nanay kapag ganyan ka." Wika ni Lando habang inaabutan ng saging si Mina. Nakatingin lamang ito sa puntod ng kanyang nanay habang nagdadasal.

Tinapos niya ang kanyang pagdadasal bago niya nilingon ang kanyang ama.

"Tay, diba dapat nakikita ko si nanay? Bakit po hindi ko siya matawag?" Nagtatakang tanong ni Mina. Ilang ulit niyang sinubukang tawagin ang kaluluwa ni Loring ngunit hindi ito tumutugon. Natahimik lamang si Lando dahil hindi niya alam ang itutugon sa kanyang anak.

"Tay, naalala nyo ang nangyari kahapon, hindi kaya, ang kaluluwa ni Inay ay nasa mga kalaban? Kaya hindi ko matawag si Inay ay dahil wala dito ang kanyang kaluluwa."

"Hindi ko alam anak, masyadong mabilis ang mga pangyayari kahapon. Marahil tama ka at maari ding hindi. Mina, kahit ano pa man ang dahilan, nais ko sanay huwag kang mawalan ng pananampalataya sa amang may likha. Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Sinusukat lamang nito ang sukdulan ng ating pananampalataya. "

" Hindi ko po nakakalimutan Itay. Nalulungkot lamang ako dahil wala si Inay." Turan ni Mina.

Lumipas pa ang mga araw at muli nang nanumbalik ang sigla sa buhay ni Mina. Kapag nasa bukid sina Mang Ben ay kasa-kasama nila si Mina at ang ama nito. Hindi na nila ito iniiwan sa bahay dahil na rin sa takot na baka maulit ang mga nangyari kay Loring.

Isang araw ay nasa bukid sila, habang nagtatanim ng mais si Mang Ben at Lando ay nakamasid naman si Mina sa kanila sa isang lilim ng puno ng mangga.

Kasalukuyan siyang tinuturuan ni Sinag ng pakikipag isa sa kalikasan at pagtatawag ng mga elementong makakatulong sa kanila sa oras ng panganib at kagipitan.

"Magaling Mina, sa wakas ay napagtagumpayan mo na ang huli mong pagsubok." Masayang wika ni Sinag. Napangiti lamang si Mina habang nakatitig sa magandang engkanto na nasa kanilang harapan.

Manghang-mangha siya ng masilayan ang engkantong iyon. Ang wangis nito ay sa tao ngunit kakaiba. Mahaba at patulis ang tenga nito. Kulay asul din ang mata nito na kakulay ng bughaw na kalangitan. Napakaitim naman ng nagsisihabaan nitong mga buhok na halos sumayad na sa lupa. Ayon pa kay Sinag ang engkantong natawag nila ay ang nangangalaga sa mga sapa at ilog. Kalimitan din silang nasisilayan sa mga lumang balon. Sila ang nagpapanatili ng kalinisan nito. Ayon pa sa binata, kapag ang isang ilog, balon o sapa ay pinamamahayan ng mga ganoong engkanto, panigurado ay napakalinis ng tubig na iyon at may kakayahan din itong magpagaling ng kahit na anong sakit.

"Kuya Sinag, paano naman ang isang iyan?"tanong ni Mina habang tinuturo ang isang mala apoy na nilalang na parang isang bola.

"Santelmo ang tawag diyan Mina. Ayon sa mga kasabihan ang mga santelmo ay mga kaluluwa ng mga namayapang hindi matahimik. Kalimitan mo silang makikita sa mga naglalakihang puno o sa mga abandonadong gusali na gawa ng mga tao. "

"May iilan din na paikot-ikot lamang sa lugar kung saan sila namatay. " Dagdag pa ni Sinag habang inililigpit ang kanilang mga gamit.

Tumango lamang si Mina habang pinagmamasdan ang bolang apoy na umikot-ikot sa kanila. Sa pakiwari niya ay batang santelmo iyon dahil manaka-naka niyang nakikita ang wangis ng isang bata na napapaloob dito.

Mabilis na lumipas ang panahon, tumuntong na nga sa edad na kinse si Mina. Tumanda na din si Mang Ben at Lando habang si Sinag naman ay nasa trenta na. Naging bihasa na si Mina sa paggamit ng kanyang kakayahan at tumutulong na din siya sa panggagamot ni Sinag. Si Mang Ben naman at Lando ang laging naiiwan sa bahay.

Hindi nadin muling nagparamdam ang mga nilalang na sumalakay sa kanila noon na tila ba ang ina lang talaga ni Mina ang habol ng mga ito.

"Tay, Lolo Ben, alis na po muna kmi ni Kuya Sinag." Paalam ni Mina, isang umaga bago nila tunguin ang isa nilang pasyente.

"Sige, umuwi kayo ng maaga, mahirap gabihin ngayon sa labas, Sinag bantayan mong mabuti si Mina." Tugon naman ni Manong Ben habang pinapaalalahan ito.

Ngumiti lamang si Sinag pagkuway' nilisan na din nila amg kubo. Habang sa daanan sila ay tinatalakay nila ang sitwasyon ng kanilang pasyente. Ayon sa humingi ng tulong sa kanila ay ginagambala daw ito ng manglukulam.

Nang marating nila ang bahay ng kanilang gagamutin ay tumambad sa sa kanila ang mga nagkukumpulang tao. May kalakihan ang bahay ng mga ito at mukhang may kaya din ito sa buhay. Sa dami ng nagkukumpulang tao ay hindi nila magawang makapasok kaya minabuti muna nilang magmasid.

"Kuya, ano kaya ang nangyari?" Tanong ni Mina habang nakamasid sa mga nakikiusyuso.

"Hindi ko din alam Mina. Maghintay muna tayo. " Tugon ni Sinag. Ilang minuto pa ang lumipas ay biglang lumabas ang lalaking humingi ng tulong  sa kanila. Agad naman silang napansin nito at nilapitan.

"Sinag, mabuti at nandito na kayo. Lumalala na ang lagay ng pamangkin ko. Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa kaniya." Nag-aalalang wika nito sabay hatak sa kanila papasok.

Agad namang napansin ni Mina ang napakakapal na presenyang pumapalibot sa buong bahay. Napakunot ang noo niya dahil na din sa masamang presenya na bumabagabag sa kanya.

"Hindi ito mangkukulam Kuya. Mga engkanto." Wika ni Mina.

"Magaling Mina, lumalakas na nga ang pakiramdam mo. Tama ka, mga engkanto nga ang may gawa nito. Ngunit hindi lang basta mga engkanto ito Mina, kaya maghanda ka. "

Tumango lamang si Mina habang tahimik na nakasunod kay Sinag. Pagdating nila sa kwarto ng pasyente ay agad na bumungad sa kanila ang isang dalagang halos kasing edad lamang ni Mina na nakaratay sa higaan. Nangigitim na ang mga mata nito at halos puro pasa naman ang buo nitong katawan . Namumutla na din ito at bakas sa mukha nito ang matinding paghihirap.

Pagtingin ni Mina sa bandang uluhan ng dalaga ay may kung anong maitim na presenya siyang naaninag dito.

"Mga itim na engkanto, Kuya Sinag hindi lang isa napakarami nila." Turan ni Mina habang bumubulong sa binata.

"Maghanda ka Mina mukhang mapapalaban tayo."wika ni Sinag habang inihahanda ang mga kailanganin nila sa panggagamot. Matapos maihanda ang mga halamang gamot at mga langis ay inumpisahan na nila ang pagdarasal. Pansamantalang pinaalis muna nila ang mga tao maliban sa malalapit nitong kamag-anak, upamg hindi ito makasagabal sa kanilang panggagamot.

Nasa kalagitnaan sila ng pagdadasal nang biglang lumitaw ang gabay na tikbalang ni Mina.

"Itinakda, mag-iingat kayo, nararamdaman kong hindi ordinaryong engkanto ang gumagambala sa babaeng ito." Turan ng tikbalang at agad din naman itong naglaho na tila ba lumitaw lang ito para balaan sila. Muling ibinaling ni Mina ang atensyon sa pagdadasal.

Sinimulan naman ni Sinag ang panggagamot sa dalaga. Pinatungan niya ito ng paunang lunas at dasal para sa bakod at proteksyon nito laban sa masasamang elemento. Pansamantalang umayos ang kalagayan ng dalaga at tuluyan na nga itong nagkamalay.

Tuwang-tuwa naman ang mga magulang nito at dagli nilang niyakap ang kanilang anak. Nanatili lamang tahimik sila Sinag upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na mayakap ang kanilang anak.

Matapos ang masayang tagpo nila ay agad na nilapitan ni Sinag ang dalaga at tinanong ito sa nangyari sa kanya.

"Ang huli kong naaalala ay naglalaro kmi ng mga kaibigan ko sa loob ng gubat. Pagkatapos parang may tumatawag sa akin na hindi ko matanggihan. Naglakad ako papalayo sa mga kasama ko hanggang makaabot ako sa... Sa isang malaking puno ng balete. Hanggang doon na lang ang naalala ko." Wika ng dalaga.

Napaisip naman si Mina kung bakit ganoon na lamang ang pagpapahirap ng mga engkanto sa dalaga kung wala naman itong nagawang masama.

"Likas na mapaglaro ang mga itim na engkanto. Hindi nila kailangan ng dahilan upang maglaro o manakit ng mga tao." Wika ng isang engkantadang nakasunod sa kanila. Lumitaw ito sa tabi ni Mina na kaagad naman napansin ng dalaga.

"Pansamantala lamang ang bisa ng mga gamot na inilapat ko sa anak ninyo Mang Kanor, hanggang hindi napupuksa ang mga engkantong gumagambala sa anak niyo ay hindi siya gagaling. "

"Paanong gagawing namin Sinag?" Bakas ang takot sa tanong ng ama ng dalaga.

"Huwag po kayong mag-alala, kami na po ang bahala. Paalala lang po, hindi maaring lumabas ang inyong anak sa inyong bahay hanggang hindi pa kami nakakabalik. Pupuntahan namin ang lugar na huling pinuntahan ng inyong anak. "

"Sige, sige, Sinag maraming salamat sa tulong niyo. Hindi ko alam kung ano na ang gagawin namin, mabuti na lamang at nandito kayo. Kahit gaano kalaki , magbabayad ako, mailigtas lamang ang aking anak."

"Hindi na ho kailangan Mang Kanor, ipagdasal nyo nalang po ang matagumpay naming pagbabalik ." Wika ni Sinag at magalang na nagpaalam sa buong pamilya nito.

Bago ito nilisan ng dalawa ay may kung anong bagay na iniwan si Mina sa dalaga.  

"Itago mo at pagkaingatan ang bagay na iyan. Hangga't hawak mo ang batong iyan ay magiging ligtas ka at hindi ka nila magagambala habang wala kami." Turan ni Mina bago sumunod sa binata.