Madison
Gulong-gulo at litong-lito ako habang kinakausap ng isang babaeng sa tingin ko ay pulis din. Hindi ko magawang sagutin nang maayos ang mga tanong niya. Madalas ay puro iling lang ang sagot ko. Pansin ko na nga rin na nahihirapan siya sa sitwasyon. Napapakamot pa nga siya sa kilay niyang magkasalubong na kanina pa.
"Huli na ito neng ha. Doon kaba talaga nakatira? Kaano-ano mo iyong nasa bahay na iyon?"
Ramdam ko. Ramdan kong nagpipigil nalang siya. Mahigit isang oras na ata kaming nagpipigaan ng tanong at sagot dito.
"D-Doon po ako nakatira," tanging sagot ko at iniiwas ang tingin.
Naramdaman kong iniangat ng babae ang upuan niyang bakal na nakiskis pa sa marmol na sahig na nagdulot nang panandaliang matinis na tunog at iniisod iyon para makaharap akong muli.
"Ay kaano-ano mo nga sila, ineng? Aba, kapag ganyan ay menorde edad kapa, baka sa iba ka bumagsak niyan," problemadong wika nito at inilipat ang pahina ng kuwadernong kanyang sinusulatan kapag ako ay nasagot.
"A-asawa po ng namayapang ama ko tas iyong pong lalaki asawa po ng papa ko." Dapat ko nga bang sabihin na asawa ni mama Fely si kuya Ramon o dapat kong sabihin na asawa ata iyon ng anak nito na si Hannah.
"Ako'y nalilito ineng. Ano kaba talaga dun? Ibig sabihin ba, anak ka sa labas, ganun?"
'Ako man po ay nalilito rin'
Nais ko sanang isatinig iyon pero minabuti ko na lamang na tumango sa kanya.
"17 ka palang di'ba?" Tanong nito at may binasa sa kuwaderno.
"O-Opo."
Pakiramdam ko ngayon ay para akong bibitayin ng ano mang oras. Kinakabahan ako at hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin. Lahat ng tao sa bahay kanina ay ako ang tinuturong utak ng lahat ng ito. Maging ang mga kapatid ko, si mama, at si kuya Ramon ay ako ang idinidiin. Naluluha nalang ako sa nangyayari dahil hindi ko alam kung saan ako tatakbo. Kung kanino ako lalapit para humingi ng tulong.
"Maiwan muna kita," paalam sa akin ng babae nang may tumawag dito at mabilis na umalis sa silid na kinalalagyan namin.
Naiinis na ipinadyak ko ang aking dalawang paa sa marmol na sahig. Wala akong pakialam kahit pa masaktan ako. Inis na inis lang akong sumisipa. Walang nagawa ang suot kong sapin sa paa. Ramdam na ramdam ko ang lamig at tigas ng sahig.
"Napaka tanga mo, Madison! Tinatraydor kana nila pero hindi mo sila magawang masumplong!"
Tumigil ako sa pagsipa at ang aking buhok naman ang aking pinaghihigit.
Nasisiraan na ata ako ng bait. Litong-lito na ako at hindi ko alam pero ang pananakit lamang sa aking sarili ang nakikita kong solusyon para maalis ako sa problemang ito. Parang bumalik ako sa dati, iyong batang kahit saktan na nang paulit-ulit ay hindi parin magawang iwan ang mama niya. Iyong batang kahit patayin na ay hindi parin tumatakas dahil sa lintik na pag-asa niyang akala niya ay magbabago pa ang mama niya.
"M-Mama ko. Tulungan mo naman ako. Bakit naman po ganito? Bakit kahit nakaalis na ako sa puder mo ay ganun parin ang nararanasan ko? Saan ba ako lulugar... Hirap na hirap na po ako."
Itinakip ko ang aking dalawang palad sa mukha ko at doon ibinuhos ko ang aking iyak. Para akong sinasakal at pinipiga ang aking puso sa sobrang sakit.
Hindi ko akalaing kahit anong magandang gawin ko ay wala paring taong kayang suklian iyon. Patuloy akong nagmamahal sa pamilya ko, sa mga taong mahahalaga sa akin. Pero... Pero kahit isa, wala manlang nagbalik. Hindi ko kailangan ng materyal na bagay. Hindi ko kailangan ng salapi o kayaman. Kahit kailan hindi ako naghangad ng kung ano-ano. Pero, bakit? Bakit iyong pagmamahal na kay dali lang naman ibigay ay hindi ko maranasan? Isinumpa ba ako?
"Tama na, shh... Hindi ka nag-iisa, nandito na ako ngayon."
Isang mainit at mahigpit na yakap ang natanggap ko sa kung sino.
Agad na sumuot sa ilong ko ang nakakabighani nitong amoy na nagpakalma sa akin.
Umalis sa pagkakayakap ang taong iyon sa akin at tinanggal niya ang palad ko sa aking mukha dahilan upang masilayan ko siya. May kalabuan man dahil sa aking luha pero naaninag ko palang siya ay kilala ko na agad ang nagmamay-ari ng maamong mukhang nasa harap ko ngayon.
"F-Francis?"
"Ako nga. Ngayong nandito na ako, hindi ko hahayaang mapahamak kapa."
Agad akong tumayo sa kinauupuan ko at hinatak siya upang mayakap ko nang mahigpit. Hinagod niya ang aking likod at patuloy na bumubulong sa aking tainga na 'magiging maayos din ang lahat.'
"Tama na ang iyak, okay? Hindi matutuwa ang lolo at lola mo kapag inuwi kita sa kanila na mugto iyang magaganda mong mata."
Sa mga oras na iyon, doon ko nalaman na may pamilya pa pala ako. May tunay pa pala akong pamilya na matagal nang nangungulila sa akin. Akala ko, mag-isa lang ako. Akala ko, hindi na ako makakaahon sa kumunoy na kinalubugan ko. Pero lahat nga ng iyon ay akala lang.
"Totoo ba ito? Nasa harap ko na talaga ang mahal kong apo." Masayang salubong sa akin ng isang ginang na may katandaan na ngunit makikita mo sa itsura nito na siya ay may sinabi sa buhay.
Hinatid ako ni Francis sa isang mala palasyong bahay sa laki. Hindi ako makapaniwala nung una na apo ako nang nagmamay-ari nun. Pero nang salubungin ako ng dalawang mag-asawang lolo at lola ko daw nang buong pananabik ay doon ko naramdaman ang tinatawag na lukso ng dugo. Lalo na nang makita kong lumuha ang matandang babae sa harap ko at hindi mapatid ang paghalik sa pisngi ko.
Si Francis. Si Francis ang naging sandigan ko ng mga oras na iyon. Siya ang nagparamdam sa akin na lahat ng bagay ay may solusyon. Lahat ng problema ay hindi mo kailangang harapin ng mag-isa dahil may isang taong darating upang samahan kang harapin ang problema at siya ang magpapatibay ng loob mo. Ang problema ay problema. Hindi ito darating sa buhay ng isang tao kung hindi niya kayang lampasan ito.
Doon nagsimula ang bagong takbo ng buhay ko. Ang dating inaalilang si Madison ay wala na. Sa wakas, nakaalis din ako sa puder ng mga taong patuloy kong minamahal pero hindi naman ako masuklian.
Pinagpatuloy ko ang buhay ko kasama ang aking lola, lolo at si Francis. Silang tatlo ang tumulong sa akin na makaahon. Kahit kailan ay hindi nila pinaramdam sa akin na nandidiri sila sa anyo ko. Patuloy lang nila akong ginagabayan at minamahal.
Sa mga pangyayaring ito, may isa akong natutunan. Na dapat patuloy kalang magtiwala sa Panginoon at darating ang sagot na inaantay mo.