Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 15 - Chapter 13

Chapter 15 - Chapter 13

Tuluyan nang inagaw ng buwan ang liwanag ni haring araw. Laganap na sa kalangitan ang iilang bituin na minsan ay iindap-indap. Sobrang dilim ng langit at kahit gabi na ay malalaman mong nagbabadya ang ulan.

Ilang minuto nga lang ang lumipas, hayan na ang naglalakihang patak ng ulan. Maingay na lumalagpak ito sa bawat yerong bubong ng bahay. Mabilis na nabasa ang lupa at naging putik.

Mahimbing na ang tulog ng mga tao sa bawat tahanan. Kapuwa mga nakabalot ng kumot upang maiwasan ang lamig na ihip ng hangin.

Pero sa isang eskinita, kung saan hindi natatanawan ng liwanag ng poste ng ilaw ay may ilang bulto ng mga anino. Higit sampu, ang bilang ng mga iyon at kapuwa mga lalaki ayon sa aninong natatanawan.

Maingat ang kanilang galaw, hindi alintana ang basang mga kasuotan. Malakas ang loob na sinusunong ang sama ng panahon, matupad lamang ang misyon na naiatang.

Sumenyas ang taong nasa unahan ng mga lalaki. Siya ang may pinaka magandang tindig sa lahat. Halos pumutok na ang damit nito sa pagiging brusko ng katawan niya. Nakamit niya ito sa iba't ibang misyon na napagtagumpayan. Magkasalubong ang kanyang makakapal at itim na itim na kilay habang ang mata'y wala manlang mababakas na kahit anong emosyon.

Mahigpit na hinawakan ng kamay niyang may kagaspangan ang braso ng isa sa kasamahan niyang lumagpas sa puwestong iniatang niya.

Tahimik na bumalik ang lalaki at sa loob-loob ay napahiya siya nang sobra sa katangahang ginagawa. Kanina pa lutang ang kanyang isipan kaya labas-masok lamang sa kanyang tainga ang iniuutos ng pinuno nila. Natatakot siya sa maaaring mangyari. Dapat pala ay hindi siya pumayag na sumama rito.

"Mauna ka." Mahinahon ngunit may diing utos ng lalaki sa isang lalaking nakasibilyan.

Agad na sumunod ang lalaki. Hindi nagtagal at bumalik na ito dala ang balitang nais na mabatid ng leader nila.

"Positive, boss."

Agad na nagtungo ang mga lalaki sa iba't ibang puwesto habang mahihigpit na hawak ang de kalibreng mga baril. Parang sa armas na iyon nakasalalay ang kanilang buhay.

Tumungo ang kabilang grupo ng mga armadong lalaki sa likod ng bahay habang ang iba naman ay sa harapan ng bahay.

Walang naaksayang oras. Parang sa isang kisap-mata lamang ay agad na nakapasok ang grupo ng mga lalaki sa loob ng bahay habang nakatutok ang kanilang mga armas sa bawat taong naroroon.

"Walang gagalaw, pulis kami!"

Agad na nagkagulo ang mga tao sa loob. Ang iilan ay nataranta at hindi na magawa pang kunin ang mga perang nakalapag sa ibabaw ng mga lamesa.

"Boss wala po akong alam dito, napadaan lang po ako," naiiyak na paliwanang ng isang binatilyo at pilit na itinatago sa likuran ang mga barahang hawak mismo ng kamay niya.

Hindi iyon pinakinggan ng leader ng mga pulis. Sumenyas ito sa isa niyang kasamahan. Nabatid nito ang nais niyang iparating.

Hawak ang baril na tumungo ang pinuno sa pangalawang palapag ng bahay. Bawat pintuan ng kwartong kanyang nadaraan ay walang pasubali niyang sinisipa upang magbukas iyon.

Hindi nagtagal ay nakita niya rin ang sadya niya.

Tahimik siyang lumapit sa mahimbing na natutulog na lalaki. Nang umangat ang kasama nitong babae ay agad niya iyong tinutukan ng baril. Para namang nalulon nito ang sariling dila at takot na takot na binalot ang sarili ng kumot. Nakakatiyak siyang wala itong kasuotan.

'Matinik ang hayop na ito.' naiiling na wika niya sa sarili nang mapagmasdan ang itsura ng babae na tiyak ay kinakasama nito.

Nang makalapit sa lalake ay agad niyang itinutok ang baril sa noo nito. Tinapik niya ang pisngi nito na siyang ikinagising.

Pupungas-pungas pa ito pero nang mapagtanto ata na nguso ng baril ang nakadikit sa noo ay parang tutang hindi malaman kung anong gagawin.

"Kumusta ang tulog, Ramon? Naenjoy mo ba?" matalim na tanong niya.

Agad na nagtaas ng dalawang kamay si Ramon hudyat na sumusuko siya. "B-Boss baka maiputok mo..." Natatakot na tukoy nito sa baril at iniiwas sana sa noo pero lalo lamang niya iyong diniinan.

Sinenyasan niya ang babaeng kalapit nito na lumabas na ng silid. Walang pag-aalinlangan na sinunod nito ang utos niya.

Napangisi siya nang makitang wala manlang isang saplot si Ramon nang mawala ang kumot na tumatabon rito. Dala iyon ng babae kaya tama nga siyang wala rin iyong saplot.

"Nasaan ang mga drugs?" Mahinahon ngunit may diin niyang tanong.

Umiling-iling si Ramon. "W-Wala akong alam diyan boss, bagong lipat lang ako. Nagbagong buhay na po ako simula nang makalabas ako."

Hindi na niya inantay pa ang iba pang paliwanag nito. Nang mahagip ng mata niya ang short na panlalaki ay mabilisan niya agad iyong dinampot at inihagis iyon sa mukha ng lalaki.

"Magdamit ka kung ayaw mong makuhan ng mga camera at mapalabas sa tv na walang saplot."

***

Madison

Kunot noong napatingin ako sa mga taong nagkukumpulan sa harap ng bahay namin. Sinubukan kong makasingit pero sa dami nila ay nahirapan ako. Mabilis kong ipinanghawi ang bayong na dala ko.

"Aray, ano ba?!"

Hindi ko pinakinggan ang reklamo ng kung sino ng marahil ay matamaan ng isa sa mga pinamili ko. Gulay at isda lang naman ang nandoon. Buti na nga lang at kahit gabi na ay nakaabot pa ako ng bukas na tindahan sa palengke.

"Makikiraan po, makikiraan po..." Patuloy akong sumiksik sa mga bulto ng tao para makaraan. Hindi naman kasi ako katangkaran kaya hindi ko magawang sumilip upang makita ang nangyayari.

"Hay, salamat nakaraos din." Laking luwag sa paghinga ko nang matagumpay akong nakaraan sa maraming tao.

Agad nangunot at bumakas sa mukha ko ang pagtataka. Sumalubong sa aking paningin ang mga customer naming mga nakaluhod at nakataas ang mga kamay. Iyong itsura ng nahuli ng pulis.

Nang magawi ang tingin ko sa ibang direksiyon ay agad akong kinutuban nang hindi maganda, lalo na at isang lalaking naka-uniporme ng pulis ang aking nakita.

"Si mama..."

Tarantang iniwan ko ang pinamili ko at tinakbo ang direksiyon kung saan nakalagay ang pintuan ng bahay namin. Pero bago palang ako nakakalayo sa kinapupuwestuhan ko kanina ay may agad na humarang sa akin. Marahil sa bilis ng takbo ko ay hindi ko nakontrol ang aking mga paa kaya ayun nabunggo ako sa katawan ng isang lalaki na may pagkabato ata.

"Aray ko po..." Daing ko at sinapo ang aking balakang. Malakas ang pagkakalagapak ko at tiyak na nalamog ang aking pang-upo.

"Siya! Siya ang boss namin at may-ari ng bahay na ito!"

Ang sigaw na iyon ang nakapag paangat ng aking tingin. Nabungaran ko ang hindik na hindik na pagmumukha ni kuya Ramon habang ang hintuturo ay tuwid na tuwid na nakaturo sa akin.

Nabaling ang tingin ko sa lalaking nakakapit kay kuya Ramon. Ramdam na ramdam ko ang nakakatakot na awra nito. Tinitingnan palang niya ako pero nanlalambot agad ako. Parang isang maling sagot ko lang ay kikitilin agad nito ang buhay ko.

Hindi ko alam pero imbes na ipagtanggol ang sarili ko at sabihin na nagsisinungaling si kuya Ramon ay hindi ko manlang nagawa. Natagpuan ko na lamang ang sariling lumuluha habang nakatitig sa lalaki.