Madison
Tanging ngiwi at daing nalang ang kaya kong gawin habang nilalapatan ng kapirasong tela na ibinabad ko sa maligamgam na tubig ang aking mga sugat at pasa na natamo mula sa pananakit ni Hannah.
Sinara ko ang aking dalawang mata at hinayaan na damahin ang temperaturang hatid ng basang tela sa aking tinapalan.
Panandalian akong parang napunta sa ibang mundo. Wala akong marinig kundi ang sarili ko lamang na paghinga at ang normal na tibok ng aking puso. Para akong lumulutang at walang ibang iniisip. Walang pumapasok na kung ano sa aking isipan. Basta parang ang nais lamang nito ay ang pahinga, maging marahil ang aking katawan ay kailangan din nun.
Biglang nagbago ang tibok ng aking puso ng may mga larawan na nagsimulang magpakita sa aking pagpikit. Ang kaninang itim lamang ay nagkaroon ng mga ala-ala na hindi ko inaasahang maalala ko pa.
Kumabog ang aking dibdib at naging mabigat ang aking paghinga. Nagsisimula na ding sumakit ang aking lalamunan dahil sa aking pagpigil sa bagay na ayaw kong gawin tuwing naaalala ko ang mga bagay na ito.
Nasasaktan ako sa aking nakikita. Isang batang walang awang sinasaktan ng babaeng puno ng poot at galit ang puso. Hindi mahanap ng bata kung saan siya nagkamali. Ngunit ang babae ay tuloy lang sa pananakit sa kanya. Hindi alintana kung saan tatama ang panghataw na kasing tigas ng bakal. Bawat hampas at hataw ay katumbas ng isang sugat na kahit kailan ay hindi mabubura sa kanyang isipan. Maghilom man ito o hindi, hindi iyon mawawaglit sa isipan ng isang paslit na walang ibang ginawa kundi ang mahalin ang kaniyang ina.
"T-Tama na po mama..."
Parang niyuyurakan ang aking dibdib habang naririnig ang garalgal na boses ng bata habang pilit na sinasalag ng maliliit niyang braso ang hampas ng sariling ina.
"Tama na pakiusap..." piping naiwika ko.
Nagsimulang manginit ang aking mata. Nakapikit man iyon pero ramdam na ramdam ko ang pag-agos ng aking luhang namuo pababa sa aking pisngi hanggang sa ito'y maubos.
Parang bingi ang babae sa pakiusap ng bata. Galit na galit ito at hindi hinahayaang makawala ang bata sa latay niya.
"Malas ka sa buhay kong bata ka! Sana nung nasa tiyan palang kita ay iniagas na kita! Halimaw!"
Hindi pa nasapat ang pananakit nito. Nanlilisik na hinaklit nito ang braso ng bata at pabalyang itinayo ito.
"M-Ma..."
"Dahil sa'yo nagkandaletse-letse ang buhay ko. Dahil sa'yo kaya iniwan ako ni, Fernan!"
Pilit na umiigkas ang bata sa hawak ng babae. Hilam na ang kanyang mata dahil sa pag-iyak. Masakit na rin ang kanyang lalamunan sa ginagawang maingay na pagdaing sa tuwing sinasaktan siya ng ina.
Humigpit ang hawak ng babae sa braso ng bata. Bawat malatayan ng mga kuko nito ay hindi lamang pamumula ang iniiwan kundi pasa.
"Tanginang buhay ito! Bakit ikaw pa?! Bakit ikaw pa ang natira?! Puwede namang ikaw nalang ang kunin nila at hindi si Fernan."
Tumulo ang luha sa mata ng babae na gawa dahil sa lungkot at labis na galit.
Pabalya nitong binitiwan ang batang babae na ikinalugmok nito sa sahig.
Mapupula ang mga mata na lumapit ang babae sa lamesita at kinuha ang isang bote ng alak doon at daretsahang tinungga. Wala manlang mababakas na kahit ano sa mukha nito.
Nang maubos ang alak ay saka ito kumuha ng sigarilyo at sinindihan iyon bago hinithit at binuga ang usok ng sunod-sunod.
Hindi gumalaw sa puwesto ang bata at tahimik na tiningnan lang ito. Mababakas mo sa mukha niya ang lungkot at kasakitan. Kahit pa ilang ulit siyang saktan ng ina ay hindi niya magawang kamuhian ito. Naiintindihan niya ito. Labis itong nagdurusa sa pagkawala ng minamahal nito.
Nang makitang tinamaan na ng impluwensiya ng alak ang ina ay paika-ikang lumapit ang bata rito at inalalayan itong makatungo sa silid.
Pilit siyang ipinagtatabuyan ng babae pero tinatagan niya ang sarili at kahit ang katawan na nanlalambot ay pinilit niya paring mapatibay kahit pa pakiramdam niya ano mang oras ay bibigay na ito.
"Ano ba?! Lumayo ka nga sa akin. Hindi ikaw ang kailangan ko."
Tinulak siya ng babae na ikinawala niya ng balanse. Agad din naman siyang tumayo at bumalik sa ginagawa. Wala siyang pakialam kahit pa halos humiwalay na ang buhok niya sa anit gawang sinasabunutan siya ng ina.
"Alam kong hindi ako ang kailangan mo, mama. P-Pero lagi lang akong nandito para sa'yo," bulong niya sa hangin.
Nahirapan man pero matagumpay niyang naipasok sa silid ang ina. Hindi na ito umalma pa at tahimik na humiga sa papag at nagpahinga.
Nang maramdaman ng bata na malalim na ang pagkakatulog ng ina ay saka siya dahang-dahang lumapit dito at nakihiga sa tabi nito. Iniangat niya ang isang braso at niyakap nang mahigpit ang ina. Nagpakawala din siya nang mumunting hikbi at hinayaan na damahin ang init na nanggagaling sa katawan ng babae. Nakakalungkot isipin pero kapag tulog niya lang ito kayang lapitan at hagkan ng ganito. Namimiss na niya ang yakap nito at ang masiglang ngiti nito. Kung puwede niya lang sana ibalik ang dati. Kung puwede niya lang sanang hilingin na sana ay bumalik na ang minamahal nito. Pero hindi puwede dahil sa una palang ay sabit lang sila at nakikihati lamang.
"Hayaan mo mama, darating ang araw na hahanapin ko si papa at kung kailangang lumuhod at pagsilbihan ko ang tunay niyang pamilya para bumalik sa'yo ay gagawin ko. M-Mahal na mahal kita mama kahit pa halos madurog na ako tuwing sinasaktan mo ako."
Humagulhol siya at ipinikit nang madiin ang mga mata.
"A-Ayos lang lahat sa'kin iyon mama basta mapasaya lang kita. Kung ang saktan ako ang ikakasaya mo ay malugod ko iyong tatanggapin. Maraming rason para sukuan kita, pero hindi ko gagawin iyon dahil ikaw na lang ang mayroon ako at ina kita."
Napasinghap nang malakas si Madison ng sa wakas ay nawala din sa kanyang isipan ang eksenang iyon. Napapagod na iminulat niya ang mga mata. Pinahid niya ng palad ang kumawalang luha doon at pekeng ngumiti.
"Sino bang niloloko ko? Mahal ko si mama pero nagawa ko parin siyang iwan. Tama lang na saktan niya ako nang ganoon dahil kagaya ng lalaking minahal niya ay binigo ko rin siya."
Nilamon ako nang kalungkutan. Walang araw na hindi ko naiisip si mama. Bawat araw na lumilipas ay yumuyurak sa aking dibdib tuwing naaalala ko ang paghihirap at pag-iyak niya ng dahil sa isang lalaki. Lalaking hindi ko alam kung minahal ba talaga si mama o ginawa lang nitong libangan.
Tumingala ako, tanging kisame lang ng aking silid ang aking natanawan ngunit habang lumalaon ay nagsisimulang mabuo ang imahe ni mama sa kisameng iyon gamit ang isipan ko.
"P-Patawad mama, binigo kita. H-Huli na ng nakilala ko si papa. Marahil kung hindi ka lumisan ay nakasama mo pa siya. Marahil ay nakita kong muli ang ngiti mo sa labi at baka nayakap mo ulit ako nang may pagmamahal."