Madison
"Hindi ko alam kung bakit naman ang OA mo kung makapag-alala ka kay mama. Naa-ano ba siya, ha? Hindi kaba masaya sa kalagayan niya ngayon? Tingnan mo nga at lagi siyang nakangiti at tumatawa," balewalang sagot ni Hannah.
Ibinaling ko ang tingin ko kay mama at masasabi kong sobra nga ang kasiyahan niya. Sobra na sa tingin ko ay hindi magandang senyales.
Ibinalik ko ulit ang tingin kay Hannah at buong pagmamakaawa na tiningnan ito. "P-Puwede ba natin siya pa-doctor? Kahit isa o dalawang beses lang." Masyado na talaga akong nag-alala para rito. Matatahimik lang siguro ako kapag sa mismong doctor ko narinig ang salitang ayos lang siya at marahil ay ganun lang talaga siya kapag sobrang nasisiyahan.
Umirap muna si Hannah. Kinuha nito ang maliit na salamin at nagsimulang guhitan ang kaniyang kilay. "Doctor? Haler. Can't you see na palugi na tayo. Gastos lang 'yang doctor-doctor na 'yan. Eh di kung matitigok, eh di tigok."
Agad akong natigilan sa sinabi niya. Ibinalik ko ulit ang tingin kay mama. Inaasahan ko na masasaktan ito sa sinabi ng sariling anak pero gaya nga ng dati may sarili na naman itong mundo.
"P-Paano mo nasasabi iyan sa sarili mong ina? Wala ka manlang bang awa sa kanya o kahit pagmamahal manlang?!" Tinaasan ko na ang boses ko sa panghuli kong pagtatanong. Hindi ko na malunok ang ginagawa nila. Nagtataksil siya sa ina niya tapos ngayong kailangan nito ng tulong nila ay wala din silang pakialam. Nasaan ang utang na loob nila? Samantalang buong buhay ko na nakatira ako sa pamamahay nila ay wala akong ibang nakita kundi si mama na pinagsisilbihan sila at pinagmamalaki sa bawat taong kilala nito. Na ang ganda ni Hannah at ang sexy. Puwedeng mag-artista. Tapos ngayon, higit na mas kailangan sila nito pero binabaliwala lang nila.
Naikuyom ko ang kamao ko sa galit na nagsisimulang mamuo sa aking dibdib. Sumisikip ang aking lalamunan at parang gusto kong sumigaw sa sobrang inis. Parang sasabog ata ako nang wala sa oras.
Padabog na ibinaba ni Hannah ang eyeliner at ang salamin. Matalim ang mata na ako'y tinignan nito. Napalunok ako dahil doon. Mukhang nalimutan ko ang aking limitasyon. "Abat nagagawa mo nang sumagot ng ganyan sa akin ngayon, ha?! Bakit sinong pinagmamalaki mo, ha?!" Amok nito at alam kong handang-handa na itong saktan ako.
Napalunok ako at agad na nagbaba ng tingin. "W-Wala po. Pasensya na." Talunan. Isa akong malaking talunan at duwag. Ni hindi ko manlang kayang ipagtanggol ang sarili ko.
Pero mukhang hindi ata maaawat si Hannah. Galit na galit itong lumakad papalapit sa akin. Nakayuko man pero rinig na rinig at ramdam ko ang mabigat na awra nito.
"A-Aray, masakit Hannah," daing ko.
Puwersahang iniangat nito ang aking ulo. Mahigpit at bumabaon sa anit ko ang mga kuko nitong nakasayad doon. Parang hihiwalay ang aking buhok sa tindi nang pagsabunot niya.
"Masakit pala eh. Pero hindi mo muna inisip iyan bago ka sumagot-sagot sa akin. Bakit, ano kaba sa pamamahay na ito, Madison, ha?! Sino ka?!"
Pilit kong iniiiwas na magtama ang aming paningin pero pilit rin nitong pinapaling ang aking ulo paharap sa kanya.
"Ano hindi ka sasagot?!"
Umiling ako. Binitiwan nito ang buhok ko na agad kong hinaplos-haplos. Pero hindi pa man humuhupa ang sakit sa aking anit ay ang palad naman ni Hannah ang sumalubong sa kanan kong pisngi.
Daig ko pa ang nabingi sa lakas ng sampal niya. Napa luhod ako sa ginawa niya. Kay lambot ng kanyang dalawang palad pero bakit ganun na lamang ang sakit ng ako ay sampalin niya. Parang sa sampal niyang iyon ibinuhos ang lahat ng galit niya sa akin.
Nilamon kami nang katahimikan. Hindi kumawala sa pandinig ko ang pagpapakawala niya nang malalim na paghinga, maging ako ay ganoon din.
Wala sa sarili na dinama ko ang pisngi kong nanginginit at mahapdi. Hinanap din ng aking paningin si mama na wala manlang pakialam sa amin. Tumingin ako nang may pagmamakaawa rito. Umaasa ako na sisitahin nito si Hannah at ipagtatanggol ako. Pero umaasa lang ako sa wala dahil kahit kailan ay sarili ko lang ang kakampi ko.
"M-Mama," piping tawag ko rito. Iniangat ko ang aking kamay. Senyales na nais kong magpatulong sa kanya. Pagod na pagod na ako. Habang buhay na lang lagi akong nanghihingi nang atensiyon sa iba. Nais ko siyang hagkan. Nais kong maramdaman ang init ng tunay kong ina. Kahit kay mama na lamang. Kahit sa kanya na lamang. Kahit huwag na sa tunay na nagluwal sa akin.
"Tapos ano ngayon?! Iiyak-iyak ka. Katangahan mo iyan, Madison."
Parang leon na hindi maawat si Hannah. Hindi humuhupa ang galit niya. Hindi sapat ang sampal at sabunot na ginawa niya sa akin kaya ngayon wala naman siyang sawa at pagsisisi na tinatadyakan ako.
"T-Tama na, Hannah. Ayoko na. H-Hindi na ako uulit. Pangako..."
Napahiga ako sa sahig nang malakas na sinipa ako nito. Sa siko, balakang, mukha, braso at kung saan-saan pang bahagi ng katawan ko ako tinamaan nang sipa niya. Damang-dama ko ang tigas at tulis ng pangsapin sa paa na suot nito.
Sunod-sunod kong hinabol ang aking paghinga nang sa wakas ay tumigil na ito. Nahihirapang tumayo ako at maluha-luhang tiningnan si Hannah. Wala manlang akong mabakas na awa at pagsisisi sa kanya.
"Pasalamat ka 'yan lang ang inabot mo. Kung wala lang akong lakad ngayon baka napatay pa kita!" Pananakot nito. May galit na pinagpag nito ang suot na bestida na nagusot sa ginawang pananakit sa akin.
"Ayusin mo 'yang pagmumukha mo. Ayoko na makikita kita mamaya. Baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at mapatay na talaga kita." Dinuro-duro ako nito. Hindi pa nasapat at talagang sa noo ko pa idinikit ang kanyang hintuturo at tinulak-tulak iyon. Wala naman akong nagawa kundi ang lumuha at tanggapin ang lahat nang pananakit at panlalait niya.
Nakahinga lang ako nang ayos ng umalis na si Hannah. Nanlalambot na napaupo sa sahig. Sapo ng dalawang palad ko ang mukha ko at doon ay nagsimula akong lumuha.
Gusto ko nang sumuko. Gusto ko na silang iwan at magsarili. Pero paano? Paano ako mabubuhay gayong ni pagkain ko nga sa araw-araw ay hindi ko alam kung saan ko kukunin kung hindi ako nakatira sa pamamahay na ito. Ni walang magtatangkang tumaggap sa akin sa trabaho dahil bukod sa elementarya lang ang natapos ko ay mukha pa akong halimaw. Baka madamay lang sila sa kamalasan ko.
Paano Madison? Paano ka makakaalis sa sinumpang buhay na ito?