Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 12 - Chapter 10

Chapter 12 - Chapter 10

Madison

"Hoy bata."

Napalingon ako sa kaliwa't kanan ko nang marinig ko ang boses na iyon. Hinahanap ng aking mata ang nagmamay-ari ng boses na iyon.

Nang magawi ang aking tingin sa halaman na halos kasing taas ng isang tao ay nagsalubong agad ang aking kilay. Nakakatiyak ako na nandoon iyong taong tumatawag. Bukod pa dun litaw ang tsinelas niyang suot.

Hindi magaling sa tagu-taguan si kuya.

"Bata. Halika rito," pagtawag ulit nito at sumenyas pa na lumapit ang kung sino mang tinatawag nito.

Napalingon ako sa aking likuran. Baka may bata pala doon at hindi ko lamang napansin.

"Engot, lilingon pa e."

Agad nagpantig ang tainga ko sa sinabi niyang iyon. Imbes na mainis ay hinarap ko ito at tinuro ang aking sarili. "A-Ako po?"

"Oo, ikaw nga." Lumabas ito panandalian para senyasan na lumapit ako sa kinaroroonan niya at nagkubli rin agad.

Ibinaba ko muna ang lagaderang ginagamit ko sa pagdidilig bago lumakad papalapit sa kanya. Mukha namang mabait si manong at umaga naman ngayon kaya wala ako dapat katakutan.

Nasa labas si manong ng bakod tapos nakakubli pa siya kaya kung may taong mapapatingin sa gawi ko kapag galing sa loob ng bahay namin ang iisipin ay wala akong kinakausap.

"Bakit po kayo nagtatago? Tuloy po kayo sa loob kung gusto niyo," alok ko rito at tangka na sanang tutungo sa gate para pagbuksan ito.

Pinigilan ako nito at sa wakas ay lumabas din siya sa tinataguan niya. Nakasuot lang ng simpleng asul na sando si manong at sa baba ay shorts na parang pang basketball tapos naka tsinelas. Marahil ay kagagaling nga lang nito sa paglalaro dahil amoy ko rin ang pawis na nagmumula sa kanya.

"Hindi na bata. Gusto ko lang sanang itanong kung dito nga nakatira si Ramon?" tanong nito at parang hindi mapakali na lumilingon nang lumilingon.

"Opo. May sadya po kayo sa kanya? Tara po samahan ko po kayo. Tiyak na nag aagahan pa po iyon."

"Wala, bata. Akala ko kasi lumipat na siya ng bahay. Huwag mong sabihin na may nagtanong tungkol sa kanya, ha? Baka kasi hindi siya magulat kapag sinorpresa ko."

Tumango ako at balak pa sanang magtanong pero tumalikod agad ito at lumakad na papalayo.

Nagkibit-balikat nalang ako at pinagpatuloy ang pagdidilig ko. Hindi ko pa nga pala nakakausap si Angel.

Napatampal ako sa noo ko. "Naku, nalimutan kona. Nangako pa mandin ako dun na pupuntahan ko siya sa school niya nung isang araw."

Malilimutin na ata ako masyado. Dala siguro ito marahil ng dami nang iniisip ko.

***

Matapos gawin ang gawaing bahay agad kong napagpasyahan na puntahan si Angel sa school niya. Tanghali na naman tiyak na break na nila.

Inabot ata ako ng kinse minuto sa paglalakad para makapunta sa school nila. Yapos-yapos ang lunch box na dala ko para sa kanya. Masyado na kasing nangangayayat ang batang iyon. Baka pati pagkain ay pinalilipas narin niya.

"Manong saan po dito iyong kantina?" Tanong ko sa lalaking nagbabantay sa gate. Marahil ito ang guard nila.

"Doon po ma'am. Daretsuhin niyo po lang iyang hallway na iyan tapos kanan kayo tapos makikita niyo may kulay green na classroom doon. Iyon na po ang canteen." Paliwanag nito at tinuro ang hallway.

"Marami pong salamat."

Mangha kong tinatanaw ang nagtataasang building ng paaralang ito habang lumalakad. Ngayon lang ako nakapasok sa paaralan nila Angel at masasabi kong maganda talaga ito at nakakamangha.

Habang tinatahak ko ang kahabaan ng hallway na ito ay wala ring tigil ang bulungan ng ibang estudyante na nakakasalubong ko. Hindi naman ako manhid para hindi ko malaman na ako ang kanilang pinag-uusapan. Kitang-kita ko kung paano nila hagudin ang itsura ng kasuotan ko at ang aking mukha na siyang ikinasisindak ng kanilang mga itsura. Isa ito sa dahilan kung bakit mas ninanais ko pa na sa bahay na lamang. Kaso hindi naman maaari na doon lamang ako dahil darating din ang panahon na kailangan kong harapin ang kinatatakutan ko. Ang makita ng bawat tao ang tunay kong anyo.

Malalim ang paghinga na pinakawalan ko ng sa wakas ay narating ko ang canteen. Hindi ko namalayan na napigil ko na pala ang paghinga ko dahil kanina. Daig ko pa ang bibitayin sa kabang nadarama ko.

Sumambulat sa aking paningin ang kumpulan ng mga estudyante. May kanya-kanyang ginagawa at syempre madalas ay mga kumakain na.

Inilibot ko ang aking tingin. Masasabi ko na maging ang kantina nila ay sadyang napakalinis at napakabango ng amoy sa bahaging ito. Bigla tuloy akong nagutom sa iba-ibang putahe ng pagkain na naamoy ko.

Yinakap ko nang mahigpit ang lunch box at tuluyan nang pumasok sa canteen. Wala namang nakakapansin sa akin dahil abalang-abala silang lahat.

Nahirapan ako sa paghahanap kay Angel pero nang makita ko ito sa isang pabilog na mesa kasama ang isang grupo din ng mga estudyante ay agad ko itong tinungo. Malawak ang ngiti na pinuntahan ko ito.

"Angel, nandito ka lang pala. Napaka laki naman nitong school niyo. Mukhang maliligaw ako dito eh," masayang kwento ko pagkalapit ko rito.

Pero agad nawala ang ngiti sa labi ko nang mapagmsdan ko ang mukha nito.

"Anong ginagawa mo rito?" May diing tanong nito at hindi mapakaling inililibot ang paningin.

Agad namang nag-alisan ang kasama niya sa mesa. Para silang napaso ng ako ay lumapit.

"Hey bumalik kayo," pagtawag ni Angel sa kanila pero wala ni isa ang sumunod sa kanya.

"Hayaan mona sila. Baka busog na ang mga iyon."

Humigit ako ng bangko na kalapit niya at inilapag ang dala kong pagkain para sa kanya. Tahimik lang niyang pinagmamasdan ang ginagawa ko. "Alam ko kasing hindi kapa nakakakain kanina ng agahan kaya dinalahan kita." Nanuot sa ilong ko ang amoy ng piniritong itlog at tuyo nang tuluyan kong mabuksan ang lunch box.

"Ano ba? Takpan mo nga iyan. Hindi ako nakain niyan." Tarantang wika ni Angel at siya na mismo pa ang nagtakip sa pagkain.

"Pero diba naging paborito mo na ito." Pagtama ko sa sinabi niya at pilit na kinukuha ang lunch box sa kanya pero agad niya lang iyong iniiwas.

"Ano ba?! Bakit kaba nandito?!" Inis na sigaw nito kaya agad kaming nakakuha ng mga manonood.

"Angel, gusto ko lang naman na bisitahin ka. Saka kita mo oh, pinagdala pa nga kita ng paborito mong tuyo at itlog."

"Yuck... Itlog at tuyo. Poor you, Angel. Mapagkunwari."

Hindi ko alam kung saan galing ang pang-iinsultong iyon pero tanging kay Angel lamang ako nakatingin.

"No, hindi ko siya kilala no. Baliw ata itong babaeng ito eh. Look at her. Her face, her clothes." Tinuro ako ni Angel nang may pandidiri at ang lalo kong ikinabigla ng ibato nito sa sahig ang pagkaing dala-dala ko.

"Tara na mga sissy."

Dinaanan lang ako nito na parang isang hangin. Namuo ang luha ko sa sama ng loob at inis para sa sarili. Dapat kasi talaga inisip ko muna bago ako tumungo rito. Alam ko namang sikat si Angel sa school nila. Pero ako parin ang matigas ang ulo na nagpumilit.

"Hey, stop crying. May namatay ba at umiiyak ka nang ganyan?"

Naluluhang tiningnan ko ang nagmamay-ari ng boses na iyon. "P-Po?" lutang na tanong ko.

"I said ang cute mo. What is your name?"

Napakurap ako nang ilang beses ng marinig ang papuring iyon. Bangag ba ang lalaking ito o bulag? Pinagmasdan ko siya at halos maluha ako sa mala anghel na mukha nito. Napaka-amo.

"I'm Francis." Pakilala nito at naglahad ng kamay sa akin.

"P-Po?"

Natatawang kinuha nito ang kamay ko at ang ikinabigla ko nang dampian niya iyon ng panandaliang halik.

"Madison po. Ako si Madison," wala sa sariling sagot ko.

"Finally." Tuwang-tuwa na iwinika nito at niyapos pa ako nang pagkahigpit-higpit habang may ibinubulong na salitang hindi ko maintindihan.

Ewan ko pero magaan agad ang loob ko para sa lalaking ito.

Habang yakap niya ako ay parang tumigil ang paligid. Tanging nakikita ko lang ay siya at ako. Ang mahigpit ngunit napaka-init niyang yakap. Nakakapagtaka man dahil parang tuwang-tuwa naman siyang nakilala ako. Hinayaan ko nalang dahil iba sa akin ang eksenang ito at masasabi ko lang na lubos ang aking kasiyahan. Ngayon lang ako may nakayap na lalaki at bukod pa roon mala anghel ang mukha niya. Bukod pa roon, tumatambol din ang aking puso. Huwag mong sabihing crush ko na siya? Hala siya. Tinamaan ka ng lintik, Madison!