Chereads / Killing Me Softly (Filipino) / Chapter 11 - Chapter 9

Chapter 11 - Chapter 9

Madison

Lumilipas ang buwan. Ang dating pasugalan ni mama ay lalong naging kilala sa aming bayan. Ang dating pinakamataas na taya sa presyong limang daan ay barya na lamang. Limang libo ang madalas kong marinig mula sa bibig ng mga manlalaro.

Nagbago narin ang pamumuhay namin. Ang bahay na kung dati ay isang ihip lang ng malakas na hangin ay tutumba na pero ngayon narenovate na ito at masasabi kong napakalaki talaga nang pinagbago. Napalitan ang lumang mga dingding at naging sementado na. Ang bahay na mukhang lumang tingnan dati, ngayon ay nakikipagsabayan na sa naggagaraang bahay rito.

Naging maalwan nga ang pamumuhay namin pero hindi mo iyon mapapansin kay mama. Ang dating ayos nitong mala donya ay nagbago na. Sa loob ng ilang buwang lumipas ay malaki din ang pinagbago ni mama mula sa physical na anyo at pag-uugali nito. Ang dati niyang may laman na katawan ay hupyak na at ang mata ay halos lubog na sa sobra niyang payat. Mainitin din ang ulo niya na hindi na naman bago para sa akin pero kahit maliit na bagay lamang ay ikinaiinit agad ng ulo niya. Madalas din siyang gising at mukhang nilimot na ang salitang tulog. Pati pagkain nang ayos ay nilimot na niya. Hindi ko alam pero nababahala na ako sa lagay niya. Sinubukan kong kausapin si Hannah tungkol dito pero para lamang siyang bingi na tinatalikuran ako. Lantaran narin sila kung maglampungan ni kuya Ramon. Para bang sinasadya nila na ipakita iyon kay mama. Pero ang mas ikinatataka ko ay wala manlang akong makitang ibang reaksiyon kay mama kung hindi tulala lamang siya.

"Angel."

Agad kong hinabol si Angel nang mapadaan ito sa puwesto ko. Naka uniporme na ito at mukhang handa na sa pagpasok. Senior high na kasi si bunso at nakakainggit man pero mas malayo na ang narating niya sakin na elementary lamang.

"Bakit?" walang buhay na tanong nito at inayos ang nakasukbit na bag sa balikat.

"Puwede ba tayong mag-usap mamaya?"

Tinaasan lang ako ng kilay nito at inismiran. "May pasok ako. Kita mo naman diba?"

Nginitian ko lamang ito sa naging pabalang niyang sagot. "Mamaya nga po." Pagtatama ko sa sinabi niya.

"Bahala ka. Mag-antay ka sa wala."

"Susunduin kita sa school mo," pahabol kong wika rito nang simulan nang maglakad papalayo sa akin.

Hinatid ko na lamang ito nang tingin hanggang sa tuluyan itong makalabas ng bahay.

Tahimik ko na lamang na kinuha ang basahan at pinunasan ang mga picture frame na nagsisimula ng bahayan ng gabok. Matagal-tagal narin simula ng punasan ko ito. Hindi kasi nais ni mama na makita pa ang mga litratong ito dahil sa bawat picture na iyon ay nandoon si papa at masayang nakangiti. Ewan ko nga lang kay mama at bakit hindi siya nasisilay sa ngiti ni papa. Samantalang ako nais kong makita iyon araw-araw kahit manlang sa litrato.

"Ma. Ano pong gusto niyo?"

Bahagya akong nagulat nang si mama ang mabungaran kong bumaba galing sa pangalawang palapag ng bahay. Maingat na ibinalik ko ang picture frame sa dati nitong gawi at tinungo ang puwesto ni mama.

"Dahan-dahan lang po," paalala ko rito at inalalayan ito para tuluyang makababa sa hagdan.

"Anong tingin mo sa akin matandang uugod-ugod?!"

Imbes na magpasalamat ito sa pagtulong na ginawa ko sa kanya ay itinulak lamang ako nito. Buti na lamang at nabalanse ko ang aking katawan kung hindi baka gumulong ako pababa.

"Baka po kasi--"

"Manahimik ka! Puwede?! Hindi pa ako matanda. Kayang-kaya pa kitang sakalin kung gugustuhin ko."

Hinayaan ko na lamang siya. Tahimik na sinundan ko na lamang ito. Para itong lutang na naglalakad at hindi malaman kung saan tutungo. Panaka-naka itong tumitigil para lamang tumawa. Para itong may kausap na siya lamang ang nakakakita. Marahil katulad ko siya na kapag may naiisip na joke ay tumatawa rin mag-isa. Marahil mahilig sa joke si mama.

Bumibigat ang aking pakiramdam habang nakabuntot ako sa kanya. Dapat masaya ako dahil tumatawa na siya. Pero hindi eh. Sinong matutuwa sa taong tumatawa nang wala namang kausap? Hindi kaya?

Napailing ako sa aking naiisip. Hindi naman siguro. Malabo naman na masiraan nang bait si mama. Malusog naman siya talagang nangayayat lang siya ngayon. Baka nagbabawas lamang siya ng timbang.

"Ma, saan po ba ang punta niyo?" Sa wakas ay tanong ko rito. Natagalan pa bago ako lingunin nito at sagutin.

"Sa langit. Sama ka?" sagot nito at sinundan nang halakhak.

Nakitawa narin ako kahit pa sabihing pilit iyon at ang aking nadarama ay pagkabahala at kalungkutan.

"Sa kusina na lamang tayo mama. Ipagluluto ko kayo ng paborito mo." Alok ko rito at sinabayan na ito sa paglalakad. Kinuha ko ang isang kamay nito at inakay na ito. Nagpupumaskag pa ito pero hinigpitan ko ang kapit.

Nababahala na ako sa kanyang kalusugan. Maging ang pag-alpas sa paghawak ko sa kamay niya ay mukhang hirap na hirap na siya. Para na lamang siyang piraso ng papel kung aking ilalarawan. Nawala na ang hubog ng kanyang katawan na hinahangaan ng mga kaedad niya. Maging ang makinis niyang mukha ay nawala na. Napalitan na iyon ng mukhang natutuyot at magaspang na balat. Habang ang labi ay tuyot na rin at maitim na nang bahagya buhat siguro ng paninigarilyo niya.

Napasinghot ako at bahagyang napangiwi nang maamoy ang pinaghalong amoy ng pawis, alak at sigarilyo kay mama mismo. Iba na ang singaw ng katawan niya at siguro maging pagligo ay limot na niya. Imbes na pandidiri ang naramdaman ko para kay mama ay awa.

"Hi, mama."

Naputol ang aming tuluyang pagpasok sa kusina nang mabungaran namin mismo sa loob nun si Hannah at kuya Ramon. Halos langgamin na sa sobrang sweet ang dalawa. Magkasalo sa iisang pinggan at maging sa iisang upuan.

"Ma..."

Hihigitin ko na sana papalayo doon si mama pero inalis lang nito ang pagkakahawak ko sa kanya.

Nakatulalang sinundan ko nalang ito nang tingin. Parang sabik na sabik pa itong tumungo sa puwesto nila kuya Ramon at nakisali sa ginagawa ng dalawa.

"Honey, nasaan na iyong pangako mo?" Paglalambing nito kay kuya Ramon at inilahad ang kamay. Para siyang may hinihingi na kung ano.

Nakangisi namang dumukot sa bulsa niya si kuya Ramon. Hindi ko iyon makita nang ayos dahil maliit lang iyon na parang nasa isang plastic.

"Salamat, honey." Humalik ito sa pisngi ni kuya Ramon matapos na makuha ang hinihingi. Matapos nun tuwang-tuwa itong lumabas sa kusina. Parang hangin na dinaanan lamang ako nito. May sariling mundo na naman si mama. Basang-basa ko sa mukha nito na labis itong nasisiyahan sa ibinigay ni kuya Ramon lalo na at kitang-kita ko kung paano niya ito halik-halikan.

"Ano iyon?" Nagtatakang tanong ko sa sarili. Upang masagot ang aking katanungan agad kong nilapitan sila kuya Ramon at Hannah.

"Ano iyong ibinigay mo kay mama at parang labis-labis naman ang katuwaan niya?" Pag-usisa ko at sinulyapan ang bulsa kung saan nanggaling ang maliit na plastic na iyon. May nakaumbok pa doon at nakalabas pa ang maliit na bahagi ng plastic. Hindi lang pala nag-iisa iyon. Tiyak na marami pa iyon sa bulsa ni kuya Ramon.

"Maliit na regalo lamang para sa kanya na lubos niyang ikatutuwa," pagsagot nito at tinanggap ang isinusubo ni Hannah na pagkain.

"May kailangan kapa pangit?" Taas kilay na tanong ni Hannah.

Umiling ako at hindi na nagtagal pa sa lugar na iyon. Hindi ko kayang lunukin ang panlolokong ginagawa nila. Hindi ko alam kung anong ginawa nila para hayaan lang sila ni mama na lokohin ito harap-harapan.

Minabuti ko na lamang na sundan si mama. Natagpuan ko ito sa kanyang silid pero hindi pa man lumalapat ang aking paa sa loob ng kanyang silid ay pinagsaraduhan niya agad ako.

Sinubukan ko siyang katukin at tawagin pero tanging tawa lamang ang itinutugon niya.

Malala na ata talaga siya. Hanggang maaga pa ay kailangan ko ng gumawa ng hakbang bago pa ako magsisi sa huli.