Madison
"Nasaan na kaya ang dalawang iyon?"
Napasimangot ako nang makaramdam nang pangangalay. Inis na inis ko pang hinampas ang lamok na nagtangkang dumapo sa aking braso.
"Bagsak na ang dilim pero wala parin sila."
Lumakad pa ako ng ilang beses bago mapatapat sa tindahan na aking natatanaw lang kanina.
Yumuko ako upang makatapat ang taong nagbebenta roon. "Puwede po ba magtanong?"
Tumango lang ang babae sa akin.
"Napansin niyo po bang dumaan si Hannah rito, iyong pong anak ni Fely? O si kuya Ramon po?"
Kunot noong inilipat ng ale ang pahina ng notebook na ngayon ay hawak na nito. Hindi agad ito sumagot sa tanong ko. Kinuha nito ang ballpen na nakatali at abalang-abala na nagsusulat sa notebook na marahil ay nagsisilbi niyang listahan.
"Al--"
Naputol ang pagtawag ko rito nang umangat sa wakas ang mukha nito at tiningnan ako. Wala manlang mababakas na kung ano sa mukha nito. Marahil, hindi niya nais na maabala sa ginagawa.
"Kung 'yung dalawang yun ang hinahanap mo ay hindi ko alam. Pagkatapat rito ay agad silang umalis sakay ng tricycle."
"Sige po, salamat nalang po," pasasalamat ko rito. Napakamot ako sa batok nang mapagtanto na wala manlang akong nakuhang saktong lokasyon kung nasaan talaga ang dalawa.
"Mapapagalitan ako ni mama nito eh."
Umalis na ako sa tapat ng tindahan. Mas pinili ko nalang maglakad papauwi. Sa kakaantay at kakahanap ko sa dalawang iyon ay hindi ko manlang namalayan na gabi na pala. Ala una pa sila umalis sa bahay. Nagpaalam si Hannah kay mama na may kikitain lamang na kaibigan tapos si kuya Ramon sasabay na raw para hindi na mahirapan sa kakaantay ng ibang pasahero sa tricycle. Hanggang ngayon ay wala pa rin sila.
Nag-aalala ako para kay Hannah. Babae siya at may angking ganda. Hindi malayo na baka may magtangka sa kanya ng hindi maganda.
"Nasaan kana ba, ate Hannah?" Sinara ko ang isang kamao ko sa kaba. Habang lumalalim ang gabi ay nadadagdagan din ang kaba sa aking dibdib.
"Ay, walanjo naman."
Tumigil ako sa isang sulok kung saan hindi naaabot ng liwanag ng poste upang ayusin ang aking tsinelas na napigtal.
Nakangusong hinubad ko ang isang pares nito. Saktong pag-angat ko ay saktong daan din sa gawi ko ng isang tricycle. Ipinagsawalang bahala ko lamang iyon. Pero nang masilayan ko ang sakay niyon ay agad napako ang tingin ko doon.
Bumaba ang isang babaeng nakamaikling palda. Parang sa iksi niyon ay walang takas sa pag-angat kapag napaglaruan ito ng hangin. Habang ang pang itaas nito ay sumusungaw ang tiyan. Isama pa ang sandals nito na kaya atang makapatay sa tulis ng takong.
"Hindi ba siya sinisikmura sa suot-suotan niya?"
Parang hindi na ako nasanay kay Hannah. Umulan man o umaraw laging ang suot niya ay kinulang sa tela o sobrang nipis naman.
"Han--"
Naputol ang tangka kong paglapit at pagtawag dito nang may lumapit na lalaki dito na lulan din marahil ng tricycle kanina. Pinagmasdan ko ang naging kilos ng lalaki. Nagbayad muna ito sa driver bago sila nagsimulang lumakad patungo sa daan kung saan ako dadaan din papauwi.
Hindi pa man sila nakakalayo ay nakita kong mabilis na pumulupot ang kanang kamay ng lalaki kay Hannah para mapalapit ito. Inaantay ko na tatanggalin iyon ni Hannah pero balewalang kinuha lamang nito ang cellphone at nagpipindot doon. Panaka-naka pa nga itong bumubulong sa tainga ng lalaki at sabay silang hahagikhik na para silang kinikiliti.
Hindi ako nagpahalata sa dalawa. Sumunod ako sa dalawa ngunit may distansya upang hindi nila maramdaman ang pagsunod ko. Saksi ang dalawang mata ko sa bawat paglalambingan nila sa daan. Ang pasimpleng pagdaus-os ng kamay ng lalaki sa likuran ni Hannah at ang panaka-nakang pagpisil nito.
"Kailan pa?" Nagtatakang tanong ko sa sarili.
Huminga muna ako nang malalim. Para akong sinasakal sa nakikita ko. "Kaya ba, hindi sila dumaretso sa bahay? Kaya ba sa malayo sila bumaba?"
Iba't ibang katanungan ang naglalaro sa isip ko. Pero wala akong makuhang sagot. Hindi puwedeng gumawa agad ako ng aksiyon na wala naman kasiguraduhan. Marahil ay sadyang ganito lang sila kaclose sa isa't isa.
Napapakuyom ang aking kamao habang pinapanood sila. Hindi ko maatim na tingnan sila nang ganito habang alam ko na may isang masasaktan nang lubusan dahil sa ginagawa nila.
Akala ko tutuloy na sila papauwi pero nag-iba ng ruta ang dalawa. Nang mapadaan sila sa isang madilim na eskinita ay doon sila nagtungo.
Nais ko sana silang sundan pero ayaw ng mga paa ko. Para akong pinako sa kinatatayuan ko habang hinayaan na lamunin sila ng dilim ng eskinitang iyon. Ang paghagikhik pa ni Hannah ang huli kong narinig bago sila mawala sa paningin ko.
"Sana mali naman ang iniisip ko."
Tinapunan ko pa ng isang tingin ang eskinitang iyon bago ako nagpatuloy na umuwi sa bahay. Tiyak na magagalit si mama sa akin kapag umuwi akong hindi ko sila kasama. Kaso anong sasabihin ko? Sasabihin ko ba ang nakita ko?
Napailing ako. "Hindi puwede. Masasaktan lamang si mama. Saka, baka mali lamang ako nang iniisip."
Unang bumungad sa akin ang mukha ni mamang nakasimangot nang mabuksan ko ang pinto ng bahay.
Sinalubong ko ito nang ngiti. Pero nang mapagtanto kong tahimik ang sala ay agad akong nagtaka. "Nasaan ang mga customer mama?"
Nakasimangot na sumagot ito sa akin. "Pinauwi kona. Gusto ko nang katahimikan ngayon."
Pinagmasdan ko ang mukha niya. Halata nga na wala sa mood si mama. Baka natalo siya sa sugal. "Bakit po? May masakit po ba sa inyo?" Nag-aalalang tanong ko.
"Wala. Tama na ang tanong. Nasaan yung dalawa? Bakit hindi mo kasama?"
Napalunok ako sa sunod-sunod na tanong nito. "A...E, ano po mama. Kwan, hindi ko po sila nakita eh. Baka papauwi narin po ang mga iyon." Dahil siguro sa kaba ay nagsimulang mamawis ang aking dalawang kamay. Hindi pa mandin ako magaling sa pagsisinungaling.
"Ang tagal mo sa labas tas iyan lang sasabihin mo. Walang bisa. Bakit ba ako nagpapatira sa pamamahay ko ng palamunin lamang? Napakatanga."
Napayuko na lamang ako sa sunod-sunod na masasakit na salitang narinig ko mula rito. Kung puwede lang sana mama. Kung puwede ko lang sabihin.
"Masahihin mo na nga lang ako nang may pakinabang ka."
Iniangat ko ang aking ulo. Agad akong tinalikuran ni mama nang sabihin iyon. Dare-daretso itong pumanhik sa itaas. Bawat hakbang niya sa bawat baitang ng hagdan ay naglilikha ng tunog. Mukhang bad mood nga si mama. Mabibigat ang kaniyang yabag.
Hinagilap ko muna ang langis na pangmasahe bago sumunod sa kanya. Pero nasa kalagitnaan pa lamang ako sa hagdan nang mapukaw ang atensiyon ko sa pintuan.
Doon ay magkasunod na pumasok si kuya Ramon at Hannah. Para silang hindi magkakilala kung umasta. Kahit magkabungguan ang mga braso sa paglalakad ay hindi nagpapansinan.
Nakakapagtaka. Hindi ganito ang nasaksihan ko kanina.
"Nasaan si Fely myloves?" Tanong sakin ni kuya Ramon nang umakyat din ito at nakatapat ako.
"N-Nasa kuwarto niya," nakayuko kong sagot.
Nagulat ako nang bigla nitong iangat ang mukha ko. Agad akong naalibadbaran sa ginawa niya kaya agad akong bumaba ng dalawang baitang. Pero hindi nakaligtas sa aking paningin ang kulay pulang marahil ay lipstick sa gilid ng labi nito.
Nang mapansin ata nito ang pagtitig ko doon agad ako nitong tinalikuran. Nakita ko pa ang pag-angat ng braso nito at parang may pinahid.
Hinayaan ko muna siyang manguna bago ako sumunod. Nasa tapat na ako ng kwarto ni mama nang marinig ko ang halinghing nito. Imbes na tumuloy ay minabuti ko na lamang na tumungo sa kusina at magluto.