Madison
Halos isang buwan na ang lumipas. Pasugalan parin ang negosyo nila mama. Imbes na malugi ay lalong lumago ito. Hindi ko alam kung paano at kanino sila kumakapit dahil kahit marami na ang nagtangkang magreklamo tungkol sa negosyong ito ay patuloy naman itong lumalago.
"Isa pa ngang empi rito."
Tahimik na tinungo ko ang kinauupuan ng limang lalaking sinasabay ang pagsusugal at pag-inom ng alak.
"230 sir," tipid kong wika rito nang mailapag ko ang isang bote ng alak sa mismong mesa nila. Hindi ko alam kung bakit mas napipili pa nilang waldasin ang pera nila para sa isang alak na hindi naman nila ikabubusog.
"Ginto talaga ang paninda kay Fely. Ayos lang sana kung maganda ang waitress dito pare eh. Kaso hipon lang. HAHAHA."
Sabay-sabay pa akong tinawanan ng limang lalaking ito. Intindi ko naman kung ano ang nais nilang iparating na hipon ako. Tapon ulo dahil katawan lang ang mapapakinabangan.
"Miss, pasabi sa amo mo na sa susunod naman ay magpasok ng sexy at magandang taga serve dito. Iyong hindi na namin kailangan ng pulutan dahil tingnan mo palang ay tulo laway na."
Naalibadbaran ako sa sinabi ng lalaking iyon lalo na at nagawa pa nitong pasayaran ng sariling dila ang labi.
"O kaya, iyong anak na lang niya. Sa akin ay ayos na iyong bunso. Tutal parehas naman kaming mukhang bata. Ako nalang ang magpalalaki sa dapat palakihin."
Bata? Saan banda? Halos kilabutan nga ako nang malinaw na mapagmasdan ang itsura nito. Balbas sarado at mukhang tambay pa sa kanto. Okay nga lang kung tambay lang ay paano kung laman din ito nang masasamang gawain.
Kumuyom ang kamao ko nang lantaran nitong bastusin si Angel sa mismong harap ko. Kumulo agad ang dugo ko nang marinig ang sinabi niya.
"Magbabayad po ba kayo o hindi?" Hanggang maaari ay kinontrol ko ang sarili ko. Customer parin sila kaya dapat ko parin silang igalang kahit papaano. Kahit gustong-gusto ko na silang paalisin sa lugar na ito at i-ban.
"High blood ka naman masyado, miss. Huwag kang magselos, puwede naman kitang gawing pangalawa kong nobya kung sasagutin ako ni Angel myloves."
Hindi ko na maatim ang sinasabi ng lalaking ito. Dala narin siguro nang inis ko ay walang pasabing tinalikuran ko ito. Pero nakakailang hakbang palang ako ay bumalik ulit ako sa puwesto nila.
"Bayad. Wala nang libre sa panahon ngayon." Nakalahad ang kamay na wika ko.
Napakamot sa batok ang lalaking kanina pang siya ang usap nang usap. "Hindi umaklab ang charm ko sa'yo, miss, a. Akala ko makakalibre na kami ng inumin."
Pasimple akong napairap sa sinabi nito. Tinanggap ko naman ang bayad nitong sakto lang sa presyo ng kanilang binili.
"Pangit man ako pero may taste parin ako sa lalaki. Subukan mong maligo baka patulan pa kita," ismid na wika ko at agad silang tinalikuran. Kailangan ata ng lalaking ito ang mainit na kape nang magising naman. Sobrang lakas ng hangin sa katawan para lantarang bastusin ang kapatid ko sa harap ko. Hindi naman ako naniniwala sa sinasabi nito tungkol sa akin pero sinabi ko na lamang iyon para malaman nilang kahit pangit ay may standards din.
"Tingnan mo nga naman. Grasya na ang lumapit ayaw pa. Sabagay, ayos nang habang buhay kang mag-isa pangit. Kakalat lang ang lahi mo kapag may nagkagusto sayo at buntisin ka." Pahabol pa nito.
Hindi ko nalang pinansin ang sinabi nito at nagpatuloy nalang pumunta sa puwestong naka-atang sa akin. Ako ang nagsisilbing cook, waitress at dishwasher dito. Tanging umaga lamang ang aking pahinga. Dahil pagkagat ng dilim ay simula na agad ang aking duty hanggang sa ala-singko ng umaga. Madalas nga ay wala pa pala akong pahinga dahil sa umaga naman ay abala ako sa gawaing bahay.
Patuloy na gumagalaw ang oras. Habang lumalalim ang gabi ay mas lalo pang dumadami ang mga taong dumadating. Wala akong pahinga. Paroon at parito ang ginagawa ko.
"Kape nga."
"Sandali lang po." Pagod man at inaantok na pero nagagawa ko paring titigan nang ayos ang mga taong maya't maya ang utos at hingi ng kung ano.
"Empi at limang balot ng tsitsaron. Iyong tag-aanim na piso lang."
Halos magkanda hilo-hilo na ako. Pagka-serve ko nang inuutos nila ay balik naman ako dun sa lugar na nakalagay ang bentahan ng alak at pulutan. Pakiramdam ko ay babagsak na lamang ako bigla.
"M-Ma."
Nabuhayan ako nang loob nang makitang bumaba ng pangalawang palapag si mama. Parang donyang bumaba ito ng baitang ng hagdan. Suot-suot ang manipis at hakab na hakab sa katawan na damit pantulog na pinarisan ng cotton short na kulay pink.
Pinandilatan ako ng mata nito nang marinig ang pagtawag na ginawa ko rito. Napayuko nalang ako dahil dun.
"Kumusta ang kita?"
Saka ako nag-angat ng tingin nang maramdaman na tumapat ito sa puwesto ko. "A-Ayos naman po."
"Good. Wala bang hiling o suggestion ang ating mahal na mga customer?"
Iniwan ako sa puwesto nito at tinungo ang kinalalagyan ng sigarilyo. Sumunod ako rito at pinagmasdan ang ginagawa nito.
"Tungkol sa waitress po. Nais nila ng sexy at maganda." Tapat na sabi ko. Hindi ko na lamang binanggit pa iyong gusto ng lalaki na tungkol kay Angel. Kilala ko si mama, basta pera ang pinag-uusapan ay isusugal niya lahat.
Nagbukas ito ng isang kahang sigarilyo at kumuha ng isa dun. Inabot nito ang lighter at malayang sinindihan ang sigarilyo bago humithit doon at ibinuga ang usok na humahalo ang amoy sa hangin.
"Magtiis muna sila. Kung maganda ka sana eh, mas malaki sana ang pakinabang ko sa'yo. Kaso sablay ka," naiiling na wika nito at tinuon ang pansin sa paninigarilyo.
"M-Ma..." Pagtawag ko rito.
Inalis nito sa bibig ang sigarilyo at bagot na tumingin sa akin. "Ano?"
"P-Pwede po bang magdagdag pa tayo kahit isa pang tauhan?" Alanganing tanong ko.
"Bakit, at ano ang gagawin mo? Tutunganga kalang ganun? Pinakakain naman kita, diba? Kahit nga araw-araw akong naaalibadbaran sa pagmumukha mo ay tinitiis ko dahil alam kong wala nang tatanggap sayo kapag pinalayas kita. Kung hindi lang dahil kay Fernan ay pinalayas na kita." Tumigil ito at humithit ulit ng sigarilyo bago magpatuloy. "Pero kung gusto mong lumayas ay bukas ang pintuan. Hindi ka kakulangan. Tandaan mo, ako lang ang tatanggap sayo."
Sunod-sunod akong umiling. Wala na akong ibang mapupuntahan. Gustuhin ko man pero takot pa akong makipagsapalaran sa labas ng bayang ito. Hanggang kaya ko pa, titiisin ko. Tama si mama walang ibang tatanggap sa akin. Walang magtitiwala sa taong ang itsura ay malala pa sa itsura ng isang halimaw.
"Good. Bumalik ka na dun at huwag tatamad-tamad. Diyan nakasalalay ang kakainin mo, tandaan mo."
Wala pa sa kalahati ang sigarilyo nito ay pinatay na niya agad ito at iniwan ako upang pumanhik ulit sa itaas.
Naiwan akong tulala at lutang ang isip. Habang nakikipaglaban sa dalawa kong mata na huwag sumara.
Kailan kaya matatapos ang pamumuhay kong ganito? Kung matatapos nga ba.