Madison
Napabuntong hininga na lamang ako nang mapadpad ang aking tingin sa orasan na nakasabit sa dingding na plywood. Ang maliit na kamay nito ay nakatutok sa numerong uno at ang malaki naman ay sa numerong dose.
"Ala una."
Halos ala una na pala ng madaling araw pero ang ingay sa bahay na ito ay wala paring patid at kapuwa gising pa ang diwa ng bawat taong naririto.
"Nasaan na 'yung kape?!" sigaw ng isang lalaking hindi ata uso ang salitang magbawas ng kain. Kalbo ito kaya ang batok ay lantad na lantad at masasabi mong may kaitiman na at parang may layer na ng taba. Halos labas narin ang tiyan nitong marahil ay alak ang siyang laging lumalaman. Lawlaw iyon at hindi birong ehersisyo ang gagawin nito kung nanaisin niyang magbawas ng timbang.
"Nasaan na 'yung kape?!" sigaw ulit nito. Marahil ay nainip dahil walang nakuhang tugon.
"T-Teka lang po..." Natatarang wika ko. Hindi ko malaman kung ano ang uunahin ko. Kung ang nakasalang bang sopas ngayon sa kalan na pasyahan na ang kulo o ang kapeng ilang beses nang iniinom ng mga nakatambay rito.
"Hoy, chaka 'yung kape raw."
Nag landing ang tingin ko kay Hannah na walang tigil sa kakapindot sa di-touch screen na cellphone nito. Sumasabay din ang kanyang pagnguya sa buble gum na marahil ay ilang minuto na niyang nginunguya sa pagpindot niya rin ng cellphone. Ni hindi manlang ako tiningnan nito. Abalang-abala ito at panaka-nakang ngumingisi habang ang mata ay tutok sa cellphone niya. Kung hindi ako nagkakamali, tiyak na may nauto na naman itong patay na patay sa kanya.
Iba nga naman ang nagagawa ng panlabas na anyo.
"Tangna talo na naman! Nasaan na ba 'yung kape?!"
Nangibabaw na naman ang boses nung lalaki. Siya lamang ang tanging may lakas ng loob namag-ingay.
Umubo ako nang bahagya para makuha ang atensiyon ni Hannah at hindi pinansin ang reklamo ng lalaking iyon. Umubo ulit ako nang hindi manlang ito natinag sa ginagawa. Umabot pa ata ako sa panglimang pag-ubo bago niya ako tingalain at salubungin nang may inis sa mukha.
"Ano ba?! Puwede bang tigilan mo 'yang ginagawa mo? Para kang asong ulol na hindi madumi." Gigil na turan nito at inirapan ako. "Ano tutunganga kalang diyan?! Baka gusto mong isumbong kita kay Mommy na pinag-aantay mo ang mga customer?!"
Umiling ako at alanganin na nginitian ito. "K-Kase Hann... señorita, hindi ko maiabot itong kape gawang kumukulo narin itong niluluto ko."
Inirapan ako nito. "Pake ko. Ikaw ang utusan kaya problema mo na 'yan." Inirapan ulit ako nito.
Hindi ba napapagod ang dalawang mata niya kakaikot? Kapag nahanginan siya ng masamang hangin ay magsisisi ang babaeng ito. Habang buhay nang naikot ang mata niya.
"P-Pero..."
Pinutol nito ang sasabihin ko at inis na nagdabog. Hinampas ng kanang kamay nito ang mesang gawa sa kahoy. Umangat nga maging ang cellphone nitong pinatong dahil sa ginawa niya.
"Pwede ba?! Tigilan mo ako panget. Kung puwedeng hatiin mo ang katawan mo para masolusyunan mo 'yang nakakabobo mong problema gawin mo." Namaywang ito at tiningnan ako bago ako ngisian. "I am willing to volunteer para maghati sa katawan mo. Anong gusto mong klase nang paghahati ang gagawin ko sa katawan mo? Manipis ba o makapal? Half-half ba o ¼?"
Nangilabot ako sa sinabi nito. Alam ko na imposible niyang gawin iyon. Pero paano kung totohanin niya?
"H-Hindi na. Kaya kona pala."
"Boba." Pahabol pang wika nito bago nagmartsa papalabas ng kusina.
Napabuga nalang ako ng hangin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Kung dapat ba akong mainis o malungkot? Pero pamilya ko sila, hindi man nila ako kayang tingnan bilang pamilya nila ay dapat ko parin silang mahalin at unawain.
Mas pinili ko nalang munang dalahin ang kape sa mga costumer. Ingat na ingat akong tinatahak ang sala ng bahay na ito na siyang nagsisilbing lugar kung saan abalang-abala ang mga tao sa sugal.
Simula kasi nang dumating si kuya Ramon sa bahay na ito ay saka din nagsimula ang negosyo nila ni mama na pasugalan. Kahit labag iyon para sa akin ay wala akong nagawa. Bago pa nga lang ako tututol ng araw na ianunsyo nila ang tungkol dito ay nalapatan agad ni mama ng palad niya ang pisngi ko. Wala pa ngang namumutawi na salita sa bibig ko ay napagbuhatan agad ako ng kamay. Pakiramdam ko, isa lamang akong puppet o robot na walang karapatan o kakayahan na sabihin ang kanyang hinaing.
"Inakyat pa ba sa puno ng cacao ang kape niyo rito at sobrang tagal dumating," reklamo ulit nung lalaki. Siya lang ang tanging madada dito. Marahil ay nawaldas na ang lahat ng pera at talo pa.
"Pasensya na po," hinging paumanhin ko at sinilip ang barahang hawak nito.
Hindi tumakas sa paningin ko ang pagsasalubong ng kilay nitong may kakapalan. May iilan naring butil ng pawis sa noo nito at dahil lumapit ako sa kanya ay agad na nanuot sa pang-amoy ko ang amoy ng singaw ng alak sa katawan niya at pinaghalong amoy ng pawis at sigarilyo.
"Bokya baraha mo, manong," naiiling na wika ko.
Ipinaling ni manong ang tingin sa akin at matalim na tiningnan ako. Napatuwid tuloy ako nang tayo dahil dun. High blood agad siya. Nagsasabi lang naman ako ng totoo.
"Alam ko. Lumayo ka nga at baka magkapalit tayo ng mukha. Pakealamera 'tong pangit na'to." Ibinalik ulit nito ang atensiyon sa baraha.
Lihim akong napairap dahil sa itinuran nito.
Paitan ko kaya ang kape sa susunod na magpatimpla sila no? Kaso baka magkulay kape lang ang mukha ko kapag nabugbog ni mama kung gagawin ko 'yun.
"Ano 'di kapa lalayo?!"
"S-Sorry po..."
Bagsak ang balikat na lumayo ako sa mamang iyon. Tumungo ako sa isang gilid at inilibot ang aking tingin sa kabuoan ng sala. Naglalaro sa hangin ang iba't ibang uri ng amoy. Mas nangingibabaw ang amoy ng sigarilyo at amoy ng alak. Walang patid ang ingay na ginagawa ng mga taong natatalo sa sugal. Habang ang mga nagwawagi naman ay nakangising hinahamig ang perang mababa ata ang kulay dilaw.
"Hindi ba sila nanghihinayang sa pera?" Wala sa loob na tanong ko at pinagpatuloy ang pagmamasid.
Halos pamilyar ang mukha ng mga taong naririto ngayon sa akin. Maging ang katayuan nila sa buhay ay alam ko din. Nakakalungkot lang isipin na kung sino pang hikahos at halos dugo at pawis na ang pinupuhunan para kumita ng pera ay sila pa ang laman ng pasugalan na ito.
Napako ang tingin ko nang mapadpad iyon sa pinto ng bahay. May isang ale doon ang panaka-nakang sumisilip at inililibot ang tingin. Waring may hinahanap o baka naghahanap lang din ng puwesto upang maglaro.
Pinasadahan ko nang tingin ang anyo nito. Naka duster ito at naka puyod ng lahatan ang buhok. Halatang hindi manlang pinasayadan ng suklay at agadan lamang na ipinuyod. Maputla rin ang labi at kulay ng balat nito. Wala manlang kaayos-ayos o kung anong kolorete sa mukha. Parang pag hihilamos nga ay hindi narin magawa.
Tangkang lalapit na sana ako sa puwesto nito nang tuluyan na itong tumuloy sa loob at tuwid na tinungo ang puwesto ng isang lalaking nakatalikod sa gawi ko.
"Malas! Tangnang 'yan. Nagkakaduyaan na ata tayo." rinig kong reklamo ng lalaki. Reklamo ito nang reklamo na natatalo na pero pasyahan parin ng labas ng pera sa pitaka. Kita ko kasing dinukot nito ang pitaka sa likurang bulsa ng suot na pantalon.
"Hindi sa ganun pare. Talagang wala lang ang swerte sayo ngayon," malumanay na wika ng kalaro nito pero halata mo sa mata ang pananabik na mahagkan sa kamay ang napanaluhan.
Nang pabalang na tumayo ang lalaki ay agad na sumiklab ang kaba sa dibdib ko. Baka magkaroon nang away ang dalawang ito? Nakakatakot, lalo na at parehas lalaki.
"Ta-Anong ginagawa mo rito?!" Napalitan nang inis na pagtatanong ang boses nito nang marahil mapansin ang babaeng lumapit dito kanina.
"May gana kapang magtanong niyan ngayon? Ni hindi manlang ba pumapasok sa kokote mo na silipin ang anak mong halos lantang gulay na sa pagamutan?"
Mahinahon ang pagsasalita ng babae pero ramdam ko ang pagpipigil na ginagawa niya.
Umusod ako nang konti upang masilayan nang ayos ang dalawa. Unang bumaling ang mata ko sa lalaking ngayon ay bugnot na bugnot ang mukha.
"Umalis kana," maikling wika nito at tahimik na bumalik sa pagkakaupo at parang walang nangyaring binalikan ang baraha at binalasa.
"Ano ba?! Wala ka manlang ba ni katiting na pag-aalala para sa anak mo?!"
Parang bulkang sumabog ang babae. Inis na hinampas nito nang malakas ang braso ng lalaki na ikinatinag nito sa kinauupuan. Marahil dahil hindi inaasahan ang paghampas na iyon ay kamuntikan pa itong mawalan nang balanse sa kinauupuan.
"Umalis kana," maikling wika ulit ng lalaki ngunit may pagbabanta na roon.
Walang sinagot ang babae sa sinabi nito pero ikinalaki ng mata ko ang naging aksiyon nito. Malakas na sinampal nito ang lalaki na ikinapiling ng mukha nito. Dahil nga ata sa lakas ay agad namula ang lugar na pinagdampian ng palad nito kahit pa sabihin na hindi naman kapusyawan ang kulay ng balat ng lalaki.
"Huwag mong antaying wala ka nang abutan na humihingang anak mo."
"Wala akong anak na galing sa isang kalad-karing babae."
Dahil ata sa sama nang loob ay hindi na tumugon ang babae at nagsimulang maglakad palalabas. Ni hindi na ito sumulyap pa ulit.
Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin, basta nakita ko nalang ang sarili kong nakabuntot sa babaeng lumabas ng bahay namin. Tumigil ito sa lilim ng isang punong mangga. Doon ay walang pasabing lumuhod ito at humagulhol nang iyak. Nahabag naman ako sa nakita ko. Agad akong lumapit rito at walang pasabing hinagod ang likod nito.
"S-Sino ka?" gitlang tanong nito at tumayo agad para makalayo sa akin.
Napahiya naman ako sa ikinilos ko. Napakamot ako sa batok. "I-Isa rin po ako sa nakatira diyan sa bahay."
Nakuha niya naman ang nais kong ipabatid. Akala ko ay ngingitian niya ako pero nanlilisik ang mata nitong tumingin sa akin.
"Hindi mo ba alam na ilang pamilya na ang nasira mo dahil sa lintik niyong pasugalan na yan, ha?! Iyong kapatid ko, ayun, araw-araw nagwawaldas ng pera para sa sugal na iyan habang iyong anak niya ay halos mamatay-matay na!"
"P-Pe..."
"Pangit na nga ang mukha mo pangit din pati pamumuhay mo. Bakit kasi lahat nadadaan sa pera?!" putol nito sa dapat kong sasabihin.
Ipagtatanggol ko pa sana ang sarili ko pero hinayaan ko nalang siyang talikuran ako nang may inis sa akin. Nahusgahan niya agad ako. Wala na ring maiiba kung ipagtanggol kopa ang sarili ko. Tama naman siya, pangit nga ako tapos pangit rin pamumuhay ko. Kahit sabihin pa na hindi ko ginusto ang ganitong klase ng pamilya ko ay wala akong magagawa. Sa kanila ako umaasa nang ipanglalaman ko sa aking sikmura sa bawat araw. Kaya, gustuhin ko man o hindi, wala akong magagawa dahil sa kanila o sa negosyong ito nakadepende ang kakainin namin sa araw-araw.