Madison
May kadilimang pasilyo ang sumalubong sa akin nang tunguhin ko ang kinalalagyan ng silid ni mama. Hindi naging tulong ang maliit na bumbilya upang magkalat ng liwanag sa bahaging ito. Nagdagdag lamlam lamang ang kulay madilaw na liwanag na hatid nito.
Bawat yapak ko ay naglilikha ng langitngit na tunog. Nagsasabing may kalumaan na nga ang bahay na ito. Mana pa ni papa ang maliit na bahay na ito sa kanyang magulang na pinamana lamang din sa kanila ng kanilang magulang din. Inayos lamang at pinalitan ang dapat palitan. Pero habang lumilipas ang mga taon ay humuhuna narin ito. Simula kasi nang mawala ang papa ko ay hindi na muling nalapatan ito kahit martilyo at pako.
Sumalubong sa aking pandinig ang mahihinang halinghing nang matapat ako sa silid ni mama. Halinghing na akala mo ay may kung sino ang kumikiliti rito.
Si mama lamang ang nasa silid na ito. Kaya nakakapagtaka kung bakit ganun ang aking naririnig sa kanyang silid.
Hindi kaya binabangungot siya? O kung na ano?
Sa takot na baka binabangungot nga si mama ay walang pagdadalawang-isip na sinipa ko ang pinto ng silid nito.
Sinipa ko ang pinto dahil akala ko ay nakakandado ito. Pero napagtanto ko na bukas iyon ng ang ginawa kong pagsipa ang naging siyang dahilan kung bakit nawalan ako ng balanse at saktong napasubsob sa sahig.
"Anong kagagahan ang ginagawa mo, bobita?!" sigaw ni mama. Mas ninais pa nitong sigawan ako imbes na tulungang makatayo.
Nakangiwing itinuon ko ang aking dalawang siko upang makatayo. Napasubsob kasi ako sa kagagahan ko. Hindi ko naman inaasahan na bukas pala ang pinto. Ginaya ko lang naman ang mga napapanood ko sa telebisyon na sinisipa ang pinto kapag nakasarado sa oras ng emergency.
"Ano habang buhay ka nalang bang hahalik diyan sa sahig na 'yan?!"
Napapikit ako sa naging sigaw ni mama. Kahit kailan talaga ay wala siyang naging lambing pag dating sa akin. Parang hindi manlang siya tinubuan nun sa katawan.
Napangiwi ako nang tuluyan akong nakatayo. Isa pang ngiwi ulit ang ginawa ko bago tuluyang direktang tinuon ang tingin sa pinanggagalingan ng boses ni mama.
Nagitla ako panandalian nang ang mabungaran ko ay si mama at isang lalaking hindi nalalayo ang edad kay Hannah. Marahil sa tantiya ko ay nasa 26 na taon na ito.
Halatang babad at batak sa mabibigat na trabaho ang lalaki dahil halos nagsusumigaw ang malalaking braso nito na akakalain mong gawa sa mga bato sa suot nitong kulay puting sando na hakab na hakab sa katawan nito. May kaitiman din ang lalaki ngunit di mo masasabing marungis ang kulay ng balat nito dahil pantay iyon at halatang gawa nang pagbibilad sa ilalim ng araw.
"Tutulala kalang ba diyan?!"
Hindi ko pinansin ang naging singhal na iyon ni mama bagkus ay inilihis ko ang tingin sa lalaki at sa kanya naman ako bumaling. Mas pinagtuonan ko ng pansin ang ayos ng bestidang suot nito na may bahagyang gusot at nalihis ang tirante sa balikat. Gulo din ang kanyang buhok na alagang i-rebond. Wala sa ayos iyon at para siyang pinagsasabunutan ng mga pusa.
Nakipag-away ba siya sa higaan?
Dala ba iyon marahil ng kanyang likot sa pagtulog o dala ng kung ano?
Bago pa kung saan tumungo ang aking imahinasyon mas minabuti ko na lamang na ilihis ang aking tingin. Hindi ko nagugustuhan ang namumuo sa aking isipan.
Sa edad na 17 ay unti-unti nang nabubuksan ang aking isipan sa makamundong bagay. Lalo na at mayroon akong kasamang katulad ni Hannah na walang preno ang bibig kapag nakikipag kwentuhan sa mga paiba-iba nitong nobyo. Ako na ang nahihiya at nag-aadjust kapag ganun ang usapan nila. Pero sadya atang malakas ang boses ng babaeng iyon dahil kahit anong gawin ko ay hindi iyon nagkakamaling pumasok sa pandinig ko.
"Dapat mo na atang ipasuob ang anak mo Fely."
Nawala ang mga tanong na tumatakbo sa isipan ko nang magsalita ang lalaking kasama ni mama.
Ibinalik ko ang tingin sa kanila at ganun parin ang kanilang posisyon. Kapuwa nakasampa sa higaan na dati ay ang ama niya ang kalapit ng mama niya.
"Tanginang yan! Wala akong anak na pangit, Ramon," hindi maipintang mukhang wika ni mama.
Hindi ko mawari kung inis, pagkaasiwa o may pabirong wika iyon ni mama.
"Masyado ka naman masakit magsalita sa kanya, baby..." Tumigil sa pagsasalita si Ramon at tiningnan ako simula ulo hanggang paa. Nangilabot ako sa ginawa nito. Lalo na nang magtagal ang tingin nito sa aking bandang dibdib na tiyak na medyo aninag ang suot kong panloob dahil sa luma na ang aking damit at may kanipisan.
Halos mangilabot ako nang walang pasabi na iniharap ni Ramon ang mukha ni mama Fely at walang pasabi na sinakop ang labi nito.
Hindi ako agad nakaiwas ng tingin. Parang naestatwa ako sa aking pagkakatayo. Ito ang unang beses na may naghahalikan sa harapan ko. Live na live pa. Hindi iyong napapanood ko lang sa telebisyon.
Habang walang tigil sa pagpapalitan ng laway ang dalawa ay wala ding patid ang tingin sa akin ni Ramon. Halata sa mata nito ang kasiyahan at panunusot sa akin.
Nang sa wakas ay natapos na ang dalawa at nagsawa na marahil sa kanilang mga laway ay may ngiti sa labi na humarap sa akin si mama Fely.
"Totoo naman kasi ang sinasabi ko, baby eh. Ibang-iba siya sa anak ko na si Hannah. Si Hannah ay sexy, may magandang pagmumukha at talagang maraming manliligaw ang pumipila. Antayin mo lang na lumaki pa ang dalaginding kong si Angel at baka buong baryo natin ay pilahan siya" pagyayabang ni mama kay Ramon.
Si Ramon man ang kausap nito pero alam kong pinamumukha niya lamang sa akin iyon.
"Tama ka naman, Fely. Napakaganda ng anak mo. Gayang-gaya sa iyo. Sexy at talagang hindi ako magsasawang lapitan ka sa pagtulog, baby ko."
Sabay na bumungisngis ang dalawa. Bago pa maglampungan ulit ang mga ito ay agad ko nang sinabi ang sadya ko.
"M-Ma, bakit mo po pala ako pinatawag?" tanong ko at pilit na ikinukubli ang pagkaasiwa kay Ramon na parang tagos hanggang buto kung tingnan ako.
"Wala lang, gusto ko lang naman na malaman mo na itong si Ramon na nobyo ko ay dito na titira ngayon. Lahat ng gusto niya ay susundin mo. Huwag na huwag kong malalaman na sinusuway mo siya. Dahil kapag nangyari iyon ay malilintikan ka," pagbabanta ni mama sa akin at pinanlisikan ako ng tingin.
Ngiwing ibinaling ko ang tingin kay Ramon na ngayon ay nakangiting aso. Ayos nga ang itsura niya pero mukhang mas pangit pa sa mukha ko ang pag-uugali ng lalaking ito.
Nadagdagan na naman ng isang martilyong pupukpok sa ulo ko.