Madison
Malungkot na hinaplos ko ang aking mukha habang nakaupo at nakaharap sa salamin. Puno nang lungkot ang aking dibdib habang ang aking kamay ay lumalandas sa magaspang na balat ko sa mukha. Bawat peklat ng pinaghiwaan ay nagbibigay bako sa aking daliri. Bawat landas sa aking mukha ay isang ala-alang hindi ko magawang kalimutan. Ala-alang hindi ko masasabing isang magandang panaginip dahil katumbas nito ay isang masamang bangungot sa aking sarili.
Ayaw ko man isipin pa ang aking nakaraan pero para itong isang sirang plaka na paulit-ulit na gumagana kahit pa luma na at kailangan palitan.
Ang kaninang magaan na paglandas ko ng daliri sa aking mukha ay naging madiin. Bawat hagod ng daliri ay may diin at kaakibat na inis.
"Bakit ba ang pangit ko? Bakit kailangang mangyari lahat sa'kin ito?!" gigil na sigaw ko. Ramdam na ramdam ko ang paghapdi ng aking balat sa mukha buhat ng pagkalmot ko rito na ipinagsawalang-bahala ko lamang. Kahit naman masugatan ako ng aking mga kuko ay wala namang magbabago. Pangit parin ako.
Tumigil ako sa aking ginagawa. Parang tangang tumingin sa repleksiyon ng taong nakatingin din sa akin. Bawat hinga ko nang malalim ay kuhang-kuha niya. Bawat pagkurap ng aking mata ay kuhang-kuha niya. Kuhang-kuha niya maging ang kasuklam-suklam kong mukha. Kawawang babae, mukha ko pa ang ninais parisan.
"Hanggang sa salamin ay pangit parin ako," matabang kong sabi at marahas na pinahid ang mukha. Maging ang salamin ay hindi nagsisinungaling na kahabag-habag ang aking anyo.
Ano bang inaasahan ko? Inaasahan ko ba na may magtatangkang gayahin ang aking mukha? Katangahan. Isang malaking kahibangan. Kahit nga akong may sariling katawan ay sinusuka ang sariling anyo. Ang iba pa kaya.
Napatigil lang ako sa aking ginagawa nang biglang nahawi ang kurtinang nagsisilbing harang sa daan patungo sa aking maliit na silid. Kung maiituring pabang silid ito. Kahit malinis ito at nawala ang sapot sa kisame ay isa parin itong tambakan--bodega ng mga taong mas masahol pa sa pangit kong mukha ang ugali.
Iniikot ko ang aking katawan at tiningnan ang tao roon.
"Yuck! Amoy patay na daga naman dito. I will tell mommy na huwag na akong utusan papunta rito. Bakit kasi isa lang ang mutsatsa sa bulok na bahay na ito?"
Hindi pa man tuluyang nakakaapak sa loob si Hannah ay pasyahan na agad ito sa kakareklamo.
Aminado naman ako na hindi talaga maganda ang samyo ng hangin sa aking silid pero sobra naman kung magsalita ang babaitang ito. Lagi ko naman na nililinis ito.
"Tinitingin-tingin mo?! Alam kong maganda ako kaya alisin mo 'yang tingin mo sa'kin. Mamaya niyan, mahawa pa ako sa kapangitan mo," asiwang wika nito. Iniangat pa nito ang kanang kamay at iwinasiwas na parang nagpapaalis ng isang peste o hayop.
Parang diring-diri rin ito na iapak ang paa sa sahig ng aking silid. Hirap na hirap ilapat ang makinis na paa sa gusgusing sahig.
Nang hindi ako umiwas nang tingin ay inangatan ako ng kilay nito. Tiningnan din ako nang may pagbabanta. Tingin na nagsasabing, malilintikan ako kapag hindi ko sinunod ang kanyang nais.
"Ano?! Hindi ka yuyuko o yuyuko ka kapag nasampalan na kita?!" nanggagalaiting sigaw nito. Flywood lang ang dingding ng aking silid pero aakalain mong nag-e-echo ang boses nito.
Binaba ko man ang aking tingin ngunit hanggang sa leeg lamang iyon ni Hannah. Nagsawa akong pagmasdan ang iilang ugat na lumitaw sa leeg nito dahil sa ginawang pagsigaw.
Hanggang ngayon ay palaisipan parin sa akin kung bakit ganito ako tratuhin ng mga taong nakatira dito. Samantalang konektado ang dugong dumadaloy sa aming katawan. Ang ama nila ay ama ko rin.
"Iyan! Ganyan dapat, hindi 'yung nagrereynahan ka dito."
Galit na galit na naman ang mga ugat nito. Hindi ba natatakot ang babaeng ito na maputukan ng ugat? Sabagay, siya rin. Siya naman ang matitigok.
"Anong sadya mo?" malumanay na tanong ko. Kahit naman halos kamuhian ko sila ay may pagtanaw parin ako ng loob para sa kanila. Pinatitira nila ako sa kanilang bahay at pinalalamon kahit papaano.
"Ano pong sadya mo, señorita?! Nalilimutan mo na naman pangit ang paggalang." Halos ipagdiinan pa nito ang salitang señorita.
Imbes na makipagmatigasan pa ay sinunod ko nalang ang nais niya. Mahirap na at baka ubusin na talaga nito ang buhok kong nakadikit sa anit ko. Noong isang araw nga lang ay halos kalbuhin na ako nito matapos na masugatan ko ang pinalilinis nitong mga kuko sa paa. Hindi ko naman sinasadya iyon, sadyang malikot lang siya ng mga oras na iyon.
"Ano pong sadya ninyo señorita?" magalang at malumanay na tanong ko habang ang tingin ay doon parin ang tutok sa kanyang leeg.
Hindi ko man makita ang itsura nito pero alam kung natutuwa ito dahil nakuha na naman ang kanyang gusto.
"Pinapupunta ka ni mommy sa kwarto niya," maikli ngunit hindi detelyadong wika nito.
Bakit naman kaya pinapupunta ako ni mama sa kwarto niya? May nagawa na naman ba akong mali?
"B-bakit daw?" kinakabahang tanong ko. Lagi lang naman ako pinapupunta ni mama sa silid niya kapag may nagawa akong kasalanan. Huwag naman sanang mangyaring saktan niya ulit ako.
"Aba ewan ko! Baka papalayasin kana ni mommy," ismid ni Hannah at walang pasabi na lumabas na ng silid ko.
Mabibigat at mabibilis na mga yabag ang narinig ko mula rito papaakyat ng hagdanan.
Agad kong iniangat ang aking tingin. Naabutan ko pa ang kurtinang bahagyang tumatayon gawa sa paghawi ni Hannah.
Nagtatakang tumitig ako sa tumatayon na kurtina ngunit wala doon ang aking tuon. "Bakit kaya pinatatawag ako? Pero dapat makatungo agad ako roon."
Mahirap nang magalit si mama lalo. Kung may nagawa man akong kasalanan ay hindi ko na dapat pang dagdagan.
Walang suklay-suklay na pinuyod ko ng lahatan ang aking buhok. Inayos ko lang din ng bahagya ang aking nagusot na damit na siyang pinangtulog ko. Wala ng oras para pa ako ay magpalit pa ng kasuotan.
Hindi na rin ako nag-abala pang silipin muli ang aking itsura sa salamin dahil wala rin namang mag-iiba.
Pangit at pangit parin ako, iyon ang totoo.