Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 35 - Gu Jingze, Sumasakit Ang Paa Ko!

Chapter 35 - Gu Jingze, Sumasakit Ang Paa Ko!

Dumating ang doktor para palitan ang gamot ni Lin Che. Nang matapos na ito, pinayuhan nito si Lin Che na magpahinga na. Pero nang pumasok siya sa kwarto ay wala doon si Gu Jingze.

Mabilis na tinawag niya ang isang katulong at nagtanong. "May ginagawa ba ang iyong Sir?"

Sumagot naman ito sa kanya. "Madam, kanina pa po nasa loob ng kanyang study room si Sir. Hindi pa po siya lumalabas simula kanina."

Nag-isip muna saglit si Lin Che bago nagpasyang itulak ang kanyang wheelchair papunta sa study room.

"Gu Jingze?" Kumatok siya sa pinto at tinawag ito. "Gu Jingze, ano bang nangyayari sa'yo? Galit ka ba?"

Ngunit, walang sagot mula sa loob.

Nagpatuloy pa rin si Lin Che. "Hindi ba't sinabi ko na sa'yo na hindi na ito mauulit pa? Isa pa, hindi ko rin naman ito ginusto. Hindi ko rin maintindihan kung paanong umabot sa ganito ang sitwasyon. Ano bang gusto mong gawin ko…"

Nang sandaling iyon ay biglang nagbukas ang pinto.

Matigas ang ekspresyon na tiningnan siya ni Gu Jingze. "Sino'ng nagsabi sa'yo na galit ako?"

"Uh, kasi…"

Ngunit muli na naman nitong sinarhan ang pinto.

Itinaboy na naman nito si Lin Che sa labas. "Oh tapos, ang sabi niya hindi daw siya galit…"

Mahilig talaga itong magsalita nang taliwas sa gusto nitong sabihin.

Wala siyang ibang nagawa kaya itinulak na lang niya paatras ang kanyang wheelchair. Nang may Nakita siyang isang tao na papasok sa loob ng bahay.

Ang lalaking iyon ay mukhang nasa trenta ang edad at nakasuot ng kulay-blue na suit mula ulo hanggang paa.

Hindi niya pa ito nakita noon kaya mahahalata ang pagtataka sa kanyang mukha.

Nang mapansin siya ng lalaki, kaagad itong ngumiti sa kanya at lumapit. "Madam Gu, sa wakas ay nagkita na rin tayo. Ikinagagalak ko po kayong makilala."

Napatigil si Lin Che. Itinuro niya ang kanyang sarili at nagtanong, "Kilala mo ako?"

Nangulubot ang mga mata nito nang ngumiti. Mukha itong mapagkakatiwalaan at madaling pakisamahan.

"Madam Gu, ako po ang doctor ni Mr. Gu. Ako po si Chen Yucheng. Pwede mo po akong tawaging Doctor Chen. Siguradong nabanggit na po ako sa'yo ni Mr. Gu."

"Wala pa naman siyang nababanggit…" sagot ni Lin Che.

". . ." Patuloy lang na ngumiti si Chen Yucheng. "Ganoon po ba. Hehe. Ganyan po talaga si Mr. Gu. Matigas lang po kapag nagsasalita pero malambot po ang puso non. Alam kong may puwang po ako sa kanyang puso."

Hindi pa rin ito mapaniwalaan ni Lin Che.

May bakas ng pagkaawa na tiningnan niya ang doctor at mahinahong nagsalita. "Oo, may kakaiba talagang ugali si Gu Jingze na hindi katulad ng isang normal. Pero okay lang 'yan kapag nasasanay ka na."

Nakangiti pa rin si Chen Yucheng. Halatang masayahin at mabuting tao ito.

"Sa una pa lang ay nalaman ko na po ang tungkol sa'yo. Totoong natutuwa po ako na makaharap ang isang Madam Gu ngayon. Ah, oo nga pala. Ano��ng nangyari kay Mr. Gu? Bakit ka po nasa labas?"

Hindi niya malaman kung ano ang isasagot kaya, "Hindi siya…mukhang galit siya."

"Oh? So iyan pala ang nangyayari. Ano ba ang eksaktong nangyari? Maaari mo bang sabihin muna sa'kin?"

Medyo nag-aalangan pa rin si Lin Che.

Ngunit mukhang naramdaman ni Chen Yucheng ang kanyang pag-aatubili kaya kinausap niya si Lin Che. "Relax, Madam Gu. Alam ko ang lahat ng bagay na may kinalaman kay Mr. Gu. Ayon nga sa nalalaman mo, matagal na po siyang may sakit. Patuloy pa rin akong umaalalay at pinag-aaralan ang kanyang mga sintomas. Kaya kung ano man ang nangyayari, kaagad niyang sinasabi sa akin ang lahat, gaano man kahalaga o kakomplikado ang mga ito."

At dahil alam niya ang tungkol sa sakit ni Gu Jingze, tiyak na isa siya sa mga taong malapit at pinagkakatiwalaan nito.

Kaya, ipinaliwanag ni Lin Che sa kanya ang nangyari.

Pagkatapos marinig ang paliwanag ni Lin Che, gusto ni Chen Yucheng na tumawa nang malakas. Maya-maya lang din ay itinaas nito ang mata na para bang may bigla itong naalala.

Kinabahan naman si Lin Che. "Ano sa palagay mo? Ano ng gagawin ko ngayon? Iniisip ko na baka galit na galit ito ngayon at nagsisisi na na pinakasalan niya ako. Kung si Miss Mo lang sana ako, siguradong wala sanang problema ngayon. Kung magkasama sila ni Miss Mo, tiyak na mas makabubuti iyon para sa kanya. Napakatahimik sana ng buhay niya at walang kahit anong problema na bigla na lang susulpot kung saan. Kung iisipin pa'y tiyak na mas nami-miss niya ngayon si Miss Mo. Kaya kapag nakikita niya ako, baka iniisip niya kung bakit pa siya nagpakasal sa isang magulo na tulad ko."

Hindi na nakapagpigil pa si Chen Yucheng at tumawa nang napakalakas. "Iyan ba ang sinabi mo sa kanya?"

Nilingon ni Lin Che ang doctor. "May iba pa ba akong dapat sabihin?"

Hindi makapagsalita si Chen Yucheng na napailing nalang ng ulo. "Sa tingin ko, normal lang sa kanya na magalit."

Nalungkot naman si Lin Che. "Kapag nagagalit siya, paano mo napapakalma ang iyong sarili?"

"Sa mga bagay na tulad nito, ang tanging nakakapagalit lang sa kanya ay ang kanyang mga empleyado. Sa pagkakaalam ko, humuhupa lang ang galit niya kapag tinanggal na niya ang mga ito sa trabaho."

". . ." Ibig sabihin, tatanggalin na siya?

Kung ganoon, ibig sabihin nito ay makikipag-divorce na ito sa kanya?

"Pero sa natatandaan ko, hindi pa kami pwedeng mag-file ng divorce sa ngayon." Nagpatuloy si Lin Che. "Ngunit, talaga namang sobra-sobra na ang abala na naibigay nito sa kanya. Kailangan niyang magpaliwanag sa kanyang pamilya at bukod pa diyan, ang isa pang sangkot sa isyung ito ay ang kanyang kapatid. Pero wala na talaga akong ibang maisip pa. Sinabi ko sa kanya na ako nalang ang bahalang magpaliwanag sa kanyang pamilya at tiniyak ko sa kanya na hindi siya maaapektuhan nito at isa pa, sinabi ko rin na hindi ko hahayaang matuklasan ng mga Gu na kontrata lang ang kasal naming ito. Ano pa ba ang ibang dapat kong gawin?"

Walang magawa na tiningnan lang siya ni Chen Yucheng. "Sinabi mo ito sa kanya kanina?"

"Oo, oo, ganito din ako ka-seryoso nang sinabi ko ang lahat ng ito sa kanya."

Ang tingin sa kanya ni Chen Yucheng ay yaong ekspresyon ng isang tao na may dinadalang napakabigat na pasanin sa kanyang balikat. "Para sa akin ay napakabait niya siya sa'yo sa lagay na iyan dahil hindi ka niya sinakal hanggang kamatayan."

". . ."

Ganoon ba talaga kalala ang bagay na ito?

Muling nagsalita si Chen Yucheng. "Madam Gu, dito ka lang muna. Mag-isip ka pa ng ibang paraan. Pupunta muna ako sa loob at titingnan kung ano'ng ginagawa ng iyong asawa."

"Oh…" Blangko ang mga matang pinanood lang ni Lin Che ang pagpasok nito sa loob.

Hindi na mabilang pa ni Lin Che kung ilang oras na ba ang nagdaan, nagising na lang siya mula sa sandaling pagkakaidlip, ngunit hindi pa rin bumabalik si Gu Jingze para matulog.

Bahagyang nag-aalala, tumayo si Lin Che at pahirap na isinakay ang sarili sa wheelchair at muling pumunta sa study room.

Kumatok siya sa pinto at tinawag ito. "Gu Jingze, nasa loob ka pa ba?"

Hindi sumagot si Gu Jingze.

Nakaramdam ng lungkot si Lin Che. Inangat niya ang kanyang paa at tiningnan ito. Biglang may pumasok sa kanyang isip. "Gu Jingze…ang...sumasakit ang paa ko. Nasaan ang doctor?"

Wala pang isang segundo ay kaagad bumukas ang pinto.

Halos magdikit ang mga mata ni Gu Jingze at bahagyang nakatago ang kanyang kilay. Parang yelo na napakalamig ng mga mata nito kaya nagmukha itong nakakatakot.

Tiningnan at ilang sandaling sinuri niya si Lin Che bago nagtanong. "Sumasakit ang paa mo?"

Nang makita ito ni Lin Che, kaagad niyang hinawakan ang kanyang hita. "Oo, bigla lang itong sumakit. Hindi ko rin alam kung ano'ng gagawin."

Mabilis na umupo si Gu Jingze. Tiningnan niya ito. Nakasuot lang ito ng shorts at makikita ang mga benda na nakatakip sa sugat nito sa may hita. Mukhang wala namang problema dito.

Iniabot niya ang kanyang kamay at marahang pinindot ang hita nito. "Masakit ba dito?"

"Oo, oo, sobrang sakit."

Itinaas ni Gu Jingze ang ulo. Pakiramdam niya ay may mali. Kumunot ang kanyang noo at muling nagtanong. "Masakit talaga?"

"Oo nga, hindi ka ba naniniwala sa akin?" Kaagad namang ginamit ni Lin Che ang kanyang galling sa pag-arte. Pinakunot niya ang kanyang noo at kinagat ang labi. "Oh no, ang sakit sakit talaga."

At siyempre, nahalata kaagad ni Gu Jingze na napasobra na siya at umaarte lang.

Ngunit nang tingnan niya ang lapad ng sugat nito, pakiramdam niya kung ano man ang mayroon, mas mainam kung pupunta sila ngayon din sa hospital para magpa-check up. Kung talagang sumasakit ito…

Sa puso niya ay ayaw niyang sumugal sa kalagayan nito.

Kaya, kaagad siyang tumayo at nagsalita. "Hintayin mo ako dito. May tatawagan lang ako. Pupunta tayo sa hospital."

"Huh?" Nang marinig ito ni Lin Che, naisip niya na sumobra yata ang kanyang pagpapanggap. Susubukan niya sana itong pigilan ngunit pumasok na si Gu Jingze at kinuha ang cellphone. Mabilis itong nag-dial ng number at nagbigay ng ilang instruction na hindi marinig ni Lin Che kung ano ang mga iyon. Pagkatapos, lumabas na ito at direktang sinabi sa kanya, "Tara na. Lumabas na tayo at doon maghintay."

Itinulak niya si Lin Che papunta sa exit at hindi lang nagtagal ay nakalabas na sila. May naramdaman si Lin Che n amalakas na hangin mula sa itaas at nang inangat niya ang kanyang ulo ay napansin niya ang isang helicopter na pababa na. Habang iwinawasiwas ang propeller, dahan-dahang tumigil ang helicopter sa malawak na bakuran ng villa.

Nang mapansin ni Gu Jingze na nilalamig siya, hinubad nito ang suot na jacket at inilagay sa kanyang katawan. Pagkatapos ay maingat at mabilis siya nitong kinarga mula sa kanyang wheelchair.