Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 39 - Ibang Lalaki Ang Pinagluluksa Niya

Chapter 39 - Ibang Lalaki Ang Pinagluluksa Niya

Sa sumunod na dalawang araw, tuluyan ng namatay ang mga ingay tungkol sa isyung iyon. Subalit, nandoon pa rin ang epekto nito kay Lin Che. Patuloy na dumadami ang bumibisita sa kanyang Weibo page. Bagama't hindi niya ito ginusto, pataas naman ng pataas ang bilang ng kanyang fan count kaya't hindi din naman sayang ang mga paninirang-puri na kanyang natanggap. Sa unang pagkakataon din ay sumikat siya bilang isang ganap na artista.

Nang sandaling iyon ay tumawag ang kanyang Stepmother. "Ngayong linggo na ang engagement party ng iyong kapatid at ni Qin Qing. Iiwan mo muna ang ibang bagay para dumalo, tama ba ako?"

Sandaling tumigil sa pagtibok ang puso ni Lin Che.

Pormal na ba talaga silang ie-engaged?

Bahagyang nanginig ang kamay ni Lin Che na nakahawak sa cellphone. Ngunit, nagpanggap siyang mahinahon habang kinakausap ito sa kabilang linya. "Bakit ko pa kailangang pumunta? Stepmother, iniimbita mo ba ako ngayon?"

Siyempre, ayaw niyang pumunta doon. Ayaw niyang umuwi sa kanilang bahay para lang makita ang nakakahiyang mga mukha ng kanyang pamilya, at lalong ayaw niyang makita... si Qin Qing na magpapakasal na sa ibang babae.

Suminghal lang si Han Caiying. "Bakit? Ayaw mong pumunta? Baka naman may nararamdaman ka pa rin para kay Qin Qing? Kung ganiyan man, eh mas lalong kailangan mong dumalo. Pumunta ka nang makita mo sa iyong mga mata at para mas madali mong tanggapin ang lahat."

"Stepmother, wala akong magagawa kung ipipilit mo pa ring sabihin ang mga iyan."

"hay naku. Ako lang ba o baka tama lang talaga ang sinasabi ko? Napapansin kong nagsusumikap ka talaga nitong mga araw para makipagkompetensiya kay Lin Li. Ginamit mo pa si Gu Jingyu para lang makapunta sa headline 'yang pangalan mo. Kawawa ka naman at hindi matiis ni Gu JIngyu na masangkot kasama ka. Dalawang araw lang ang kinailangan nito para mapatigil ang mga balita. Tiyak na malalagay ngayon sa mga tabloids at headlines ang tungkol sa pagpapakasal ni Lin Li. Hindi ka ba pupunta para makasama man lang sa front page ng news? Mas magiging madali ang pagkakataon mong maipakita ang iyong mukha doon."

Habang pinapakinggan ni Lin Che ang madrasta, naiisip niya na napakalawak talaga ng imahinasyon nito.

Kahit hindi siya sigurado kung si Gu Jingyu ba talaga ang nagpabura ng mga balitang iyon, nakatitiyak pa rin siya na hindi ito kagaya ng sinasabi ni Han Caiying.

Sa huli ay nagsalita pa rin si Han Caiying. "Okay sige. Nasa sa iyo nalang iyan kung pupunta ka o hindi. Kung hindi mo talaga kayang makita si Qin Qing na magpakasal kay Lin Li, eh di huwag ka na lang dumalo."

Nakinig lang si Lin Che hanggang sa patayin na nito ang tawag. Napaupo siya at hindi namalayan na matagal pala siyang natulala doon.

Nakaupo lang siya doon hanggang dumating si Gu Jingze at nakita siya sa ganoong hitsura. Lumapit ito sa kanya. "Ano'ng nangyari? May masakit ba sa'yo?"

Tiningnan siya ni Lin Che. "Sa totoo lang, naaawa ako kay Miss Mo."

Nabigla naman si Gu Jingze sa kanyang sinabi. Hindi niya alam kung bakit bigla nalang nitong nabanggit si Mo Huiling.

"Ano'ng nangyari sa kanya?"

Nakaupo si Lin Che habang yakap-yakap ang isang unan. "Tiyak na nalulungkot siya nang sobra ngayon dahil nakikita niya tayong magkasama. Nakakadurog ng puso ang makita ang taong minamahal mo na may kasamang iba pero wala kang magawa kundi magpanggap na lang na okay lang ang lahat. Pero ang totoo, lagi siyang dinadalaw ng matinding kalungkutan tuwing gabi, kaya mag-isa siyang umiiyak gabi-gabi sa ilalim ng kanyang kumot. Pero ganoon pa man, ibang babae pa rin ang kasama mo."

Habang sinasabi ito ni Lin Che, yumuko siya upang itago ang kanyang mga mata. Parang mga pamaypay ang kanyang mahabang pilikmata na tumatakip sa kanyang mata. Mababakas sa lungkot ang maputi niyang mukha at dahil sa kalungkutang iyon, ang kanyang mga mata'y katulad ng umiiyak na ilog sa gitna ng hatinggabi.

Ngumiti siya at kahit nakakunot ang kanyang noo ay mapapalambot naman nito ang puso ng sinuman.

Kunwari ay si Mo Huiling ang kanyang tinutukoy pero siya mismo ay nagsisimula na ring hilahin ng matinding kapighatian.

Habang nakatingin si Gu Jingze sa mga mata nito, nakaramdam siya ng kaunting lungkot. Pakiramdam niya ay hindi si Mo Huiling ang tinutukoy nito kundi ang sarili mismo.

Hindi mapigilan ni Gu Jingze na sumimangot at kausapin siya. "Hindi mo kailangang mag-alala sa anumang bagay na may kinalaman sa aming dalawa ni Mo Huiling."

Humikbi si Lin Che at tiningnan si Gu Jingze. "Masasama talaga ang lahat ng lalaki, hmph."

". . ."

Dinilatan niya si Lin Che bago tumayo at umakyat na sa itaas.

Wala talagang puso ang babaeng ito.

Ngunit, nakakunot pa rin ang kanyang noo. Alam niyang may hindi magandang nangyari dito at gusto niyang malaman kung ano iyon.

Sa kanyang study room ay nilingon niya si Qin Hao. "Kumusta ang ipinapa-search ko sa iyo?"

Sumagot si Qin Hao. "Sir, bagama't hindi po ako sigurado kung ito ba ang hinahanap mo, pero mukhang magdiriwang ng engagement party ngayong linggo ang ikalawang anak ng mga Lin na si Lin Li at ang Young Master ng mga Qin na si Qin Qing."

Qin Qing?

Ito ba ang lalaking nagugustuhan ni Lin Che?

Lalong lumalim ang pagkakakunot ng kanyang noo. Hindi matarok ang ibig sabihin ng kanyang ekspresyon na iyon.

Napatunayan niya talaga ngang hindi si Mo Huiling ang tinutukoy nito kanina, pero ang lalaking iyon...

Nagagalit pa rin ba ito dahil sa lalaking iyon?

Hindi maintindihan ni Gu Jingze kung bakit lalo lang siyang nairita.

Araw-araw ay lagi itong nakahiga at nauunang matulog kaysa sa kanya. Pero, may lakas ng loob pa itong magsalita na hindi ito makatulog sa gabi habang umiiyak sa ilalim ng kumot?

Hindi niya malaman kung bakit tumitindi ang kanyang pagkainis. Sinenyasan niya si Qin Hao na umalis.

Nagsalita pa si Qin Hao, "Sir, kung ganoon..."

"Umalis ka na."

Nagulat naman ito kaya't mabilis na tumalima at lumabas.

Kahit ayaw ni Lin Che na dumalo doon, hindi pa rin humuhupa ang kanyang galit kapag naiisip niya iyon. Lalo lang siyang naiinis kapag naaalala niya na sinasadya siyang inisin ni Han Caiying kanina. Bagama't alam niyang ganoon talaga ang balak nito, hindi niya pa rin mapigilan ang sarili na mahulog sa patibong nito.

Kaya, nakapagpasya si Lin Che na dumalo sa ceremony para tumingin doon.

Sinubukan niyang humiram ng formal dress sa kanilang kompanya at nang malaman ni Yu Minmin na dadalo siya sa engagement party ni Lin Li, mabilis siya nitong tinulungan na makahanap ng magandang damit.

At dahil si Lin Li ay isang artista, ang pagpapakasal nito kay Qin Qing ay tiyak na mainit na usapan sa loob ng industriya. Siguradong maraming media outlets ang pupunta sa araw na iyon. Kailangan nilang gamitin ang pagkakataong iyon upang mapansin ng media. At dahil dito, naging masaya si Yu Minmin.

Sa araw ng engagement, napakaliwanag ng kalangitan.

Ngunit, kabaliktaran naman ang mood ni Lin Che. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa nang mga oras na iyon.

Lulan ng isang kotse, nakarating na si Lin Che sa venue. Pagbaba niya ay napansin niya kaagad ang malalaki at napakaliwanag na mga letrang nakapaskil sa entrance ng hotel. Nakasulat doon ang mga katagang: Nawa'y mamuhay ng mahaba at masayang buhay nang magkasama sina Qin Qing at Lin Li.

Mahaba at masayang buhay nang magkasama...

Nilunok niya ang kalungkutang nararamdaman at pinaalalahanan ang sarili na hindi na siya muling titingin sa lalaking iyon at hindi na niya ito muling iisipin. Pagkatapos ng araw na ito ay hindi na ito ang batang lalaki na pinangarap niyang makasama, kundi isa na itong fiance ng ibang babae.

Nang makababa na siya sa sasakyan, umupo na siya sa kanyang wheelchair. Kahit hindi na gaanong masakit kapag naglalakad siya, ayaw niya pa ring magpa-ingka-ingka doon lalo pa't pumunta siya para sa engagement. Kung tutuusin, mas mabuti na din kung uupo lang siya nang ganito sa kanyang wheelchair.

Pinagulong niya ang kanyang wheelchair papunta sa loob na nakasuot ng kulay blue na formal dress, ngunit bago pa man siya tuluyang makapasok, nakita na agad ng isang reporter ang kanyang anino.

"Tingnan ninyo! Si Lin Che iyan, hindi ba?"

Naghahanap si Lin Che ng matataguan ngunit nakita niya na lang ang sarili na napapalibutan ng maraming camera na nakatutok sa kanya. Nagsilapitan ang mga reporters sa kanya, ngunit kaagad naman itong hinarang ng mga hotel security. Subalit, hindi pa rin nagpapigil ang mga ito. "Pumunta ka ba dito para dumalo sa engagement party ng iyong ate? Magkapatid kayo ni Lin Li, di ba?"

Ngumiti lang si Lin Che sa mga ito.

Alerto namang kinunan ng mga reporters ang nakangiti niyang mukha bago nagpatuloy sa pagtatanong. "Sa ngayon, may mga scenes kayong dalawa ni Lin Li sa isang bagong palabas. Ano ang pakiramdam na magkasama kayong magkapatid sa pag-arte?"

"Inimbita din ba ni Lin Li ang ilan ninyong kasamahan sa production team?"

"Nakatanggap ba si Gu JIngyu ng imbitasyon? Pupunta rin ba siya dito?"

"Lin Che, nagkaka-chat ba kayo palagi ni Gu Jingyu?"

Ito ang unang pagkakataon ni Lin Che na mapalibutan ng mga reporters. Hindi niya naisip na dahil sa nangyaring isyu ay matatandaan kaagad ng mga reporters na ito ang kanyang mukha.

Nasa loob si Han Caiying ngunit sa isang sulyap lang ay nakita niya si Lin Che sa labas na kasalukuyang hinaharang ng mga reporters upang hindi ito makapasok.

Habang pinagmamasdan ang eksenang iyon, kaagad na nagdilim ang anyo ni Han Caiying.

Ano ba talaga itong si Lin Che? Paano nito nagawang lapitan ng mga reporters at magmukhang napaka-espesyal?

Pumunta ba ito para nakawin ang palabas?